Buhay na Walang-Hanggan—Saan Nila Kakamtin Ito?
Buhay ang Salita ng Diyos
Buhay na Walang-Hanggan—Saan Nila Kakamtin Ito?
Dito ay sinasabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. . . . Ako’y pupunta upang maghanda ng isang dako para sa inyo. At, kung naroroon na ako at maipaghanda ko kayo ng isang dako, ako’y babalik at tatanggapin ko kayo roon sa aking sarili.”—Juan 14:2, 3.
Ang langit ang tahanan ni Jesus. Doon siya nanggaling nang suguin siya rito ng Diyos sa lupa. Ngayon ay ipinapangako ni Jesus sa kaniyang mga apostol na sila’y pupunta sa langit upang doon tumira na kasama niya. Nguni’t ano ang gagawin sa langit ni Jesus at ng kaniyang mga alagad?
Batid natin na pinili ng Diyos si Jesus upang maging Hari ng Kaniyang Kaharian. Nguni’t mayroon pang mga iba na makakasama si Jesus sa makalangit na pamahalaan ng Diyos. “Ako’y nakikipagtipan sa inyo,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol, “gaya ng aking Ama na nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian.” (Lucas 22:29) Si Pablo at si Timoteo ay makakasali sa mga maghaharing kasama ni Kristo. Kaya sumulat si Pablo kay Timoteo: “Kung tayo’y patuloy na magtitiis, tayo’y maghahari ring sama-sama.”—2 Timoteo 2:12.
Nguni’t sino ang magiging mga makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos? Ang nagbabautismo kay Jesus ay si Juan Bautista, na pinsan niya. Tungkol sa kaniya’y sinabi ni Jesus: “Sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang bumangon na lalong dakila kaysa kay Juan Bautista.” Sa tapat na paghahanda ng daan para kay Kristo, na tinipon pa man din niya yaong mga sa dakong huli’y magiging mga unang alagad ni Jesus, pinatunayan ni Juan na siya’y dakila. Gayunma’y sinabi ni Jesus tungkol sa kaniya: “Ang isang lalong maliit sa kaharian ng langit ay lalong dakila kaysa kaniya.” (Mateo 11:11) Samakatuwid si Juan ay hindi makakasali sa mga pupunta sa langit upang magharing kasama ni Kristo. Siya’y magiging isa sa mga sakop sa lupa ng Kaharian.
Sang-ayon sa Bibliya isang takdang bilang, isang “munting kawan,” ang pupunta sa langit upang magharing kasama ni Jesu-Kristo. Ayon sa Bibliya ang bilang nila ay 144,000. Ang iba sa tapat na mga tao ay maninirahan sa lupa bilang sakop ng mga maghaharing ito.—Lucas 12:32; Apocalipsis 14:1, 3.
Sa ilalim ng matuwid na pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang lupa ay magiging isang Paraiso, gaya ng sinaunang layunin ng Diyos nang sina Adan at Eva ay ilagay niya sa Paraiso ng Eden. At matutupad na ang pangako ng Bibliya: “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”—Awit 37 :29.