Buhay sa Lupa—Tuntungang-Bato Ba Patungong Langit?
Buhay sa Lupa—Tuntungang-Bato Ba Patungong Langit?
ANG ating planeta ay isa ba lamang dako na ating sisilangan, pamumuhayan nang mga ilang panahon ng kahirapan at pagkatapos, kung tayo’y mabuti, lilisan na tayo tungo sa isang buhay ng walang hanggang kaligayahan sa langit—o, kung tayo’y masama, sa buhay naman sa isang maapoy na dakong parusahan? At sasapit ba ang panahon na ang lupa’y masusunog hanggang sa maging uling?
Marami sa mga relihiyosong pinuno ng Sangkakristiyanuhan ang sasagot ng oo. Sang-ayon ka ba? Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa lupa at sa layunin ng Diyos sa paglikha sa mga tao rito? Tuwiran sa punto na nagsasabi ang Awit 115:16: “Kung tungkol sa mga langit, kay Jehova ang mga langit, nguni’t ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.”
Itabi natin ang lahat ng turong relihiyoso at tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya na sa mismong pasimula ng buhay ng tao sa lupa ay ginawa ng Diyos ang unang mag-asawa ayon sa Kaniyang larawan at wangis. (Genesis 1:26-28) Wala kahit bahagyang pahiwatig na layunin ng Diyos na sila at ang kanilang mga anak ay mamamatay balang araw at magtutungo sa langit o sa mga iba pang lugar. Samantalang tinutupad nila ang bigay-Diyos na utos na “magpalaanakin at magpakarami at punuin ang lupa,” ang globo ay unti-unting mapupuno ng kanilang mga supling.
Isang pantanging lugar, ang hardin ng Eden, ang isinaayos ng Diyos kaya’t ang unang mga tao ay mayroong sakdal na tahanang-dako. Ang rekord ay nagsasabi: “Kinuha ng Diyos na Jehova ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang kaniyang alagaan at ingatan.” (Genesis 2:8, 15) Ito’y palalawakin ayon sa pangangailangan hanggang sa wakas ang buong lupa ay isa nang Paraiso na saganang-sagana sa masasarap at nagpapalusog na pagkain at iba pang mga kailangan.
Ang lupa ay hindi ginawang isang pansamantalang tahanang-dako o isang tuntungang-bato patungo sa iba pang uri ng Genesis 2:16, 17.
buhay at ito’y maliwanag sa susunod na sinabi ng Diyos kay Adan: “At iniutos din ng Diyos na Jehova sa lalaki ang ganito: ‘Sa bawa’t punungkahoy sa halamanan ay makakakain kang may kasiyahan. Nguni’t sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagka’t sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka!’”—Nang tuksuhin ng Diyablo, si Eva at pagkatapos si Adan ay sumuway sa utos na ito at tumanggap ng matuwid na parusa ng Diyos, ang kamatayan. Subali’t tanungin ang iyong sarili, ‘Ano kaya kung sila’y hindi sumuway? Ang malinaw na ipinahihiwatig ay na sila’y patuloy na mabubuhay—hindi na mamamatay. Oo, si Adan at si Eva ay buhay pa marahil ngayon, na may sakdal na kalusugan at kaligayahan.
Komusta Naman ang Hinaharap ng Lupa?
Sa kaniyang Notes on the New Testament ay nagbigay si Albert Barnes ng sumaryo ng pangkalahatang paniwala ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa hinaharap ng lupa. Hinggil sa 2 Pedro 3:10, ganito ang isinulat ng komentaristang ito:
“Ang lupa rin, at ang mga gawang naririto, ay masusunog. Samakatuwid nga, kung ang mga iyan ay mga gawa ng Diyos o ng tao—ang buong sangnilalang na mga halaman at mga hayop, at lahat ng mga tore, ng mga bayan, ng mga palasyo, ng mga gawa ng mga henyo, ng mga painting, ng mga bantayog, ng mga aklat, na ginawa ng tao.”
Gaya ng sinasabi rito, ang malaon nang pangkalahatang paniwala sa Sangkakristiyanuhan ay na darating ang panahon na ang lupa’y hindi na magiging tahanang-dako ng tao o ng ano mang bagay na nabubuhay. Ang planeta natin, sa paniwala ng maraming mga nagsisimba, ay nagsilbi na sa panahong iyon sa layunin nito, sapagka’t naniniwala sila na ang lupa ay isa lamang subukang-dako para sa pagpunta sa langit o kaya’y sa impiyerno.
Subali’t, sa puntong ito ay mabuting pag-isipan, Ang layunin ba ng Diyos para sa lupa at sa tao ay nagbago nang magkasala sina Adan at Eva? Walang sinumang makatuturo sa kahit isang teksto sa Bibliya na nagsasabi ng gayon. Bagkus, makalipas ang maraming taon pagkatapos na magkasala ang unang mag-asawa, kinasihan ang propetang si Isaias na sumulat:
“Ganito ang sabi ni Jehova, na Maylikha ng langit, Siyang tunay na Diyos, ang Nag-anyo ng lupa at ang Gumawa nito, Siyang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, at kaniyang ginawa ito upang tahanan.” Sinipi ni Isaias si Jehova bilang nagsasabi: “Tatayo ang aking sariling payo, at lahat ng aking ikinalulugod ay gagawin ko.” (Isaias 45:18; 46:10) Ang salmista ay sumulat din tungkol sa Kaniya: “Ang iyong katapatan ay sa sali’t-saling-lahi. Iyong itinatag nang matibay ang lupa, upang patuloy na lumagi.”—Awit 119:90.
Makikita mo na maliwanag ang sinasabi ng Bibliya na sa paglalang sa lupa ay ginawa ito ng Diyos na isang permanenteng bahagi ng sansinukob at ang kaniyang tiyak na layunin ay upang maging tahanang-dako ito ng mga tao. Ang layuning iyan ay hindi nagbago. Pangyayarihin ng Diyos na lubusang matupad ang kaniyang layunin.
Subali’t hindi ba ipinakikita ng Bibliya na mayroong mga tao na pupunta sa langit? Oo, ipinakikita ng Bibliya na isang takdang bilang ang pupunta sa langit sa isang tanging dahilan. Ang Diyos ay hindi nangangailangan ng mga tao sa langit; hindi niya kailangang dalhin sila sa langit upang bigyan sila roon ng walang hanggang kaligayahan. Kung hindi gayon, bakit hindi niya nilalang sila sa langit unang-una, upang huwag na silang dumanas ng lahat ng kahirapan at kabagabagan na dinanas nila rito sa lupa?
Nang si Adan at si Eva ay sumuway sa Diyos, sa pamamagitan ng paggamit sa kanilang sariling malayang kalooban na kaniyang ibinigay sa kanila bilang matatalinong nilalang, agad kumilos ang Diyos upang masiguro na matutupad ang kaniyang layunin para sa lupa at sa mga tao rito. Lahat ng mga detalye ay hindi naman isiniwalat sa mga tao kundi pagkalipas ng daan-daang taon. Gayunman maliwanag buhat sa pagsisiwalat ng “banal na lihim,” ayon sa tawag diyan ng Bibliya, na noon pa’y sumaisip na ng Diyos ang kaniyang dakilang layunin na pagtubos sa tao. Ito’y “bago ng pagtatatag ng sanlibutan,” samakatuwid nga, bago sina Adan at Eva ay magkaanak ng mga anak na maaaring tubusin, tulad baga ng kanilang tapat na anak, si Abel.—Bahagyang nasulyapan ang layuning ito nang ipahayag ang pangako na isang “binhi” ang ipanganganak ng isang “babae” at na ang “binhi” na ito ang dudurog sa ulo ng “ahas,” upang malunasan ang mga problema na bumangon dahilan sa paghihimagsik. (Genesis 3:14, 15) Tulad ng pagbuka ng mga talulot ng isang magandang bulaklak, ang karagdagang impormasyon tungkol sa “binhi” ay baytang-baytang na isiniwalat kung kaya, pagkatapos na pumarito si Jesus, nahayag ang kahulugan ng “banal na lihim.” Oo, ipinabatid ng Diyos na ang “binhi” na ito ay bubuuin ng kaniyang bugtong na Anak at ng 144,000 mga kasamahan na “binili sa gitna ng mga tao.” Makakasama sila ni Kristo na bubuo ng Kaharian, o bagong pamahalaan, na magiging tagapamahala sa lupa.—Apocalipsis 14:3, 4; Galacia 3:16, 26-29.
Hindi itinalaga ng Diyos ang kani-kaniyang pangalan ng mga indibiduwal na kukunin sa lupa at dadalhin sa langit upang bumuo ng pamahalaang ito, nguni’t itinalaga niya na umiral ang gayong grupo ayon sa kaniyang banal na kalooban. Kung sino ang pipiliin upang bumuo nito, sa bandang huli na pagpapasiyahan iyan ng Diyos, pagkatapos na pumarito sa lupa ang kaniyang Anak at buksan ang daan na patungo sa buhay sa langit.
Pagkatapos na ang “banal na lihim” na ito ay lubusang maihayag, si apostol Pablo, na isa sa mga pinili upang magtungo sa langit, ay sumulat tungkol dito sa iba na mayroong katulad na pag-asa. Tungkol sa di-sana nararapat na kagandahang-loob na ipinakita ng Diyos, sinabi ni Pablo:
“Ito’y pinasasagana niya sa atin sa buong karunungan at katalinuhan, na kaniyang ipinakilala sa atin ang banal na lihim ng kaniyang kalooban. Ayon sa kaniyang minagaling ay nilayon niya ang isang administrasyon sa katapusan ng takdang mga panahon, samakatuwid nga, na tipuning muli ang lahat ng bagay sa Kristo, ang mga bagay sa langit at ang mga bagay sa lupa. Efeso 1:8-11; Apocalipsis 14:1-4.
Oo, sa kaniya, na samantalang kaisa niya ay itinakda tayo na mga tagapagmana, dahil sa noong una pa ay itinalaga na tayo [hindi bilang mga indibiduwal kundi bilang isang grupo na may takdang bilang] ayon sa layunin niya na nagpapakilos ng lahat ng bagay ayon sa ipinapayo ng kaniyang kalooban.”—Nasusunog ba ang Lupa?
Subali’t komusta naman ang mga salita ni Pedro na “ang mga langit at ang lupa ngayon ay iningatan para sa apoy”? (2 Pedro 3:7) Maliwanag na ang tinutukoy dito ni Pedro ay hindi ang literal na mga langit at lupa na sinasabi ng Bibliya ay mananatili magpakailanman. (Eclesiastes 1:4) Ang Diyos ay walang dahilan na wakasan ang mga langit na kinaroroonan niya, o maging ang lahat na pisikal na mga bagay sa langit. At Wala rin siyang dahilan na wakasan kahit ang makalupang globo, sa kabila ng ginawa ng tao na pagpapahamak at pagdurumi rito. Si Jehova na rin ang nagsasabi sa atin na nang lalangin ang lupa bilang isang bukud-tangi at napakagandang paglalang ang kaniyang mga anak sa langit ay “sama-samang nagsiawit sa kagalakan, . . . na nagsihiyaw ng pagpupuri.”—Job 38 : 4-7.
Ang buong layunin ng Diyos sa pagtitipon ng isang takdang bilang ng mga nilalang sa langit ay upang maganap dito sa lupa ang kaniyang kalooban, oo, upang maganap ang malaon nang dalangin na, “Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Isa pa, sa pagpapahiwatig ni Jesus sa sinasabi ng Awit 37:10, 11 ay isinali niya sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok ang ganitong mga salita: “Maligaya ang maaamo, sapagka’t mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Maliwanag na makikita mo sa mga salitang iyan na hindi inisip ni Jesus na ang lupa ay isa lamang batong-tuntungan. Bagaman isang limitadong “munting kawan” ang magmamana ng paghahari sa lupa sa loob ng isang takdang panahon, saklaw din ng pangako ni Jesus ang lahat ng bilyun-bilyong mga tao na magkakaroon ng makalupang mana. (Lucas 12:32; Apocalipsis 7:9, 10) Iyan ay hindi lamang sa loob ng maikling panahon ng buhay na lipos ng kalungkutan, gaya ng dinaranas natin ngayon, kundi magpakailanman sa kaligayahan!
Ang “mga langit” na binanggit ni Pedro na masusunog ay simbolikong “mga langit.” Ito yaong mga pamahalaan sa mga taong bumubuo ng “lupa” Gaya ng sinasabi ng McClintock and Strong’s Cyclopaedia:
“Kailanma’t ibinibigay ang tanawin ng isang inihulang pangitain, ang langit ay tumutukoy sa . . . buong kalipunan ng nagpupunong mga kapangyarihan, na, kung tungkol sa mga sakop sa lupa, ay isang makapolitikang langit, sapagka’t ito’y nakatataas at nagpupuno sa mga sakop, gaya ng likas na langit na nakatataas at nagpupuno sa lupa.”—Tomo IV, p. 122.
Ang mga makapangyarihan sa pamahalaan na binubuo ng di-sakdal at kalimita’y mapaniil na mga tao ay lubusang nabigo, at sila’y mapupugnaw sa “araw ni Jehova,” gaya ng binanggit ni Pedro. Sila’y hahalinhan ng “mga bagong langit” na binubuo ni Jesu-Kristo at ng takdang bilang na pupunta sa langit upang bumuo ng pamahalaang pang-Kaharian. Kaya sumulat si Pedro: “Mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:12, 13.
Tungkol sa mga bumubuo ng “mga bagong langit,” ang bagong makalangit na pamahalaang ito para sa lupa, ang Bibliya Apocalipsis 20:6.
ay nagsasabi: “Maligaya at banal ang sinuman na may bahagi sa unang pagkabuhay-muli; at sa kanila’y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila’y magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at maghaharing kasama niya nang sanlibong taon.”—Sino ang paghaharian? Maliwanag na mga sakop sa lupa—sapagka’t kung hindi gayon ay magiging walang kabuluhan ang talatang ito. Ang dating “lupa” ay magwawakas, na para bang tinupok ng apoy, pagka ang mga taong balakyot at ang kanilang mga itinatag na institusyon ay nilipol, at ang matitira lamang ay isang “bagong” lipunan sa lupa. Pagka ang krimen, delingkuwensiya at paghihimagsik ay nalipol na, at ang humalili’y sakdal na kalusugan at walang hanggang kaligayahan para sa bawa’t taong nabubuhay, tunay na ito’y magiging isang “bagong” lipunan ng mga tao, isang “bagong lupa”!
Paano natin lubusang matitiyak na ang mga pangakong ito ng Diyos ay matutupad? Yamang ang mga ito’y sinalita noon pang napakatagal nang panahong lumipas, ano na ba ang ginagawa hangga ngayon ng Diyos upang garantiyahan na balang araw ang mga pangakong ito’y matutupad? Para sa mga kasagutan sa mga tanong na ito, ikaw ay inaanyayahan namin na basahin ang dalawang artikulong nagsisimula sa pahina 10.
[Blurb sa pahina 6]
Si Kristo ay magpupuno bilang Hari sa angaw-angaw na mga taong sakop niya sa isang isinauling makalupang Paraiso
[Larawan sa pahina 5]
Saan inilagay ng Diyos si Adan at si Eva at nilayon niyang manirahan sila?