Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Paanong ang sinabi ni Jesus sa Juan kabanata 10 tungkol sa kulungan ng mga tupa ay may kaugnayan sa tipang Abrahamiko?
Ang tipan na ginawa ng Diyos na Jehova kay Abraham ay tungkol sa kahanga-hangang layunin ng Diyos na pagpalain ang mga tao buhat sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng binhi ni Abraham. Ang mga kulungan ng tupa na tinukoy ni Jesus sa ika-10 kabanata ng Juan ay may kinalaman sa katuparan ng layunin ng Diyos na isinisiwalat sa tipang Abrahamiko.
Sa pagpapalawak sa kahulugan ng tipan na unang sinabi sa Genesis 12:1-3, sinabi ng Diyos kay Abraham: “Tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi gaya ng mga bituin sa langit at gaya ng mga buhangin sa tabing-dagat; at aariin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahilan sa bagay na nakinig ka sa aking tinig.”—Genesis 22:17, 18.
Subali’t paanong ang angkan ng binhing iyon ay iingatan at pananatilihing dalisay, at paano makikilala ang ipinangakong binhi pagdating niya? Ang Diyos na Jehova ay nakialam na at ibinigay niya ang tipang Kautusan na ang tagapamagitan ay si Moises; hindi pinawalang-saysay nito ang tipang Abrahamiko kundi ito’y isang karagdagan doon. (Galacia 3:16-18) Ang pagsunod sa Kautusan ay naging proteksiyon sa Israel buhat sa nakapalibot na mga bansa sa kanilang karumihang espirituwal, moral at pisikal. Ang mga Israelita ay naging parang mga tupa na protektado ng matitibay na pader ng isang kulungan ng mga tupa. At, gaya ng sabi ng Galacia 3:24, ang Kautusan ay isang tagapagturo patungo sa Mesiyanikong “binhi,” upang kung siya’y dumating makikilala ng mga Israelita ang kanilang pagkamakasalanan at ang kanilang pangangailangan sa Kaniya.
Si Jesu-Kristo ang naging pangunahing binhi ng tipang Abrahamiko, at nilayon ng Diyos na pumili ng mga iba pang tao upang maging pangalawahing binhi. Kaya’t sumulat si apostol Pablo na yaong mga ‘nasa kay Kristo ay talagang mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana tungkol sa isang pangako.’ (Galacia 3:29) Paano ba natupad ang bahaging ito ng tipang Abrahamiko?
Si Kristo ay naparoon sa “nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel” at pumili siya ng tapat na mga alagad buhat sa mga tupa na nasa kulungan ng mga tupa, ang Kautusang Mosaico. (Mateo 10:6) Ang mga Judio na nakakilala sa kaniya bilang ang Mesiyas, at ang pastol na lubhang kailangan nila, ang mga ito ay kaniyang inakay tungo sa isang bagong kulungan, yaong sa espirituwal na Israel ayon sa inihulang “bagong tipan” na ang tagapamagitan ay si Jesus mismo. (Hebreo 8:7-13; Galacia 6:16) Nang malaunan, tinuling mga Samaritano at di-tuling mga Gentil ang dinala sa kulungang ito, at sila’y naging bahagi rin ng pangalawahing binhi ni Abraham. Sa Juan 10:11 ay sinabi ni Jesus, “Ako ang mabuting pastol.“ At gayon nga siya sa mga Judio at mga Gentil na naging pinahirang mga Kristiyano na tinipon sa kulungan ng mga tupa, ang bagong tipan.
Lahat na ito’y nagpapakita kung paanong ang kapuwa kulungan ng mga tupa, ang Kautusang Mosaico para sa likas na Israel at ang bagong tipan para sa espirituwal na Israel ay kapuwa nagsilbi sa layunin ng tipang Abrahamiko.
Eh, komusta naman ang “mga ibang tupa” na hindi sa “kulungang ito,” ang kulungan ng espirituwal na Israel na siyang mga pangalawahing binhi ni Abraham? (Juan 10:16) Ang mga ibang tupa ay saklaw din ng tipang Abrahamiko, sapagka’t ang Diyos ay nangako kay Abraham na “sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:18) Ang mga ibang tupang ito ay masasabing nasa isang bukod na kulungan (ang ikalawang kulungan) sa ilalim ng Mabuting Pastol. Tiyak na hindi sila kaisang-kulungan niyaong mga taong naging mga tagapagmana ng tungkol sa ipinangako kay Abraham. Subali’t sila’y nakikipagtulungan sa pangalawahing binhi ni Abraham, at kaisang-kawan nila sa ilalim ng kaisa-isang pastol na pangunahing binhi ni Abraham. Ang mga ibang tupang ito ay may pag-asang mabuhay magpakailanman sa isasauling makalupang Paraiso. Hindi maikakaila ninuman na sa ganoo’y pinagpapala nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng binhi ni Abraham. Kung gayon, ang iba’t-ibang kulungan ng mga tupa sa Juan kabanata 10—ang Kautusang Mosaico para sa likas na mga Israelita, ang bagong tipan para sa espirituwal na Israel, at yaong kaayusan para sa mga ibang tupa na galing sa “lahat ng bansa sa lupa”—ay pawang may kinalaman sa katuparan ng dakilang layunin ng Diyos na nasa tipang Abrahamiko.