Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kahulugan ng mga Balita

Ang Kahulugan ng mga Balita

Ang Kahulugan ng mga Balita

Interes sa Sobrenatural

“Ang okulto, ang sobrenatural at ang paranormal ay malaking negosyo,” ang sabi ng isang artikulo sa U.S. News & World Report, “at mga tao buhat sa lahat ng baytang ng buhay ay nagbabayad ng malaking halaga sa pagkunsulta sa mga manghuhula, tagakita at iba pang nag-aangking mga visionaries.” Kabilang sa mga binanggit ang mga astrologo, psychics, mga espirituwalista at iba pa sa humigit-kumulang 600,000 mga praktikante ng okulto sa Estados Unidos na nagpapabayad ng hanggang $300 sa kanilang serbisyo. Angaw-angaw na dolar ang ginagasta sa mga magasin, aklat, tapes at mga pelikula tungkol sa mga paksang ang lawak ay laganap sa “astrolohiya hanggang sa pangkukulam.” Tinatayang 30 angaw na mambabasa ang regular na kumukunsulta sa mga horoskopyo sa mga pahayagan, at marami ang interesado sa mga kombensiyon, lektyur at mga perya tungkol sa mga bagay na mahiwaga. Marami na rin daw mga paaralan para sa pangkukulam, at mayroon na ring ipinagbibiling computer na sa loob ng mga ilang segundo ay nakagagawa ng mga astrological charts.

Bakit marami ang interesado sa sobrenatural? Kabilang sa mga ibinigay na dahilan ay: “Takot sa kamatayan, personal na karanasan sa mga salagimsim at malaganap na pagtalakay sa paksang iyan sa mga aklat at pelikula.” Maraming tao ang naaakit din dahilan sa “naidudulot na libangan” ng okulto o sila’y “taimtim na mga tao na para sa kanila ang paranormal ay nagsisilbing isang relihiyon o isang kalipunan ng kaalaman na naaayon o mapatutunayang naaayon sa siyensiya.”

Datapuwa’t ang Bibliya ay tiyakang nagbabawal ng ano mang pagkasangkot sa mga gawaing okultismo. Ang mga taong nahuhulog dito ay hinahatulan bilang mga balakyot at inaalis sa sinaunang bansa ng Israel, “sapagka’t lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay kasuklam-suklam kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Gayundin, ang mga Kristiyano ay pinaaalalahanan na lumayo sa espiritismo.”—Galacia 549521; Apocalipsis 21:8.

“Nagpapatayan sa Ngalan ng Diyos”

“Relihiyosong mga Digmaan—sa buong daigdig, sila’y nagpapatayan sa ngalan ng Diyos.” Ganito ang pamagat ng sinulat ng manunulat ng Associated Press na si Charles J. Hanley: “Moslem vs. Kristiyano, Katoliko laban sa Protestante, Hindu vs. Buddhist—ang krus at cresciente ay minsan pang kahilera ng mga emblema ng digmaan. Ang sekta-sektang mga alitan ang nagpapadanak ng dugo sa mga eskinita ng Belfast, sa mga kalye ng Beirut, sa mga landas na daan ng Sri Lanka.” Kaniyang sinipi ang sinabi ni Moorhead Kennedy, executive director ng New York’s Council for International Understanding, na “ang relihiyon ay isang dahilan—at ipinagwawalang-bahala—na sanhi ng karamihan ng karahasan sa daigdig.” Sinabi pa rin ni Kennedy: “Hindi pa rin natin nalilimot ang mga Krusada.” Ang isang dahilan ng patayan na likha ng relihiyosong kilusang ito, ayon kay Kennedy, ay ang paniwala ng iba sa reincarnation. Ang iba’y naniniwala na ang pagmamartir ay “garantiya ng pagpasok sa langit,” at ang iba naman ay nagbubunyi sa espiritu ng militarismo.

Sa kasalukuyan, ‘ipinagwawalang-bahala’ ng marami ang malaking bahagi ng gayong mga relihiyon sa nabububong dugo sa lupa. Subali’t ipinakikita ng Bibliya na kaylapit-lapit nang sasawaan ang mga bansa at kanilang lilipulin ang pangglobong imperyo ng huwad na relihiyon. Ang mga mananamba kay Jehova na sumunod sa utos na “hanapin ang kapayapaan at itaguyod iyon” ang makaliligtas sa malaking kapighatian na darating sa sangkatauhan.—1 Pedro 3:11; Apocalipsis 17:1, 2, 16; 18:24.