Pagkakaisa ng Kaharian Natutupad Na Ngayon
Pagkakaisa ng Kaharian Natutupad Na Ngayon
“Pagka nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.—Lucas 21:31.
1. Ano ba ang inihula ni Jesus sa Lucas kabanata 21?
Ang mga salitang iyan sa itaas ay binigkas ng pinakadakila sa lahat ng propeta, si Jesu-Kristo. At ano bang mga bagay ang tinutukoy dito ni Jesus? Aba, di ang mismong mga bagay na nakapalibot sa atin ngayon sa baha-bahaging sanlibutan! Ang sanlibutan ay nagkakawatak-watak. Ito ang inihula ni Jesus bilang bahagi ng “katapusan” ng sistema ng sanlibutan, nang banggitin niya ang “mga digmaan at mga kaguluhan, . . . at sa lupa’y manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon.” (Mateo 24:3, 7, 8; Lucas 21:9, 25) Pagkakabaha-bahagi sa lahat ng dako! Subali’t dapat bang mabahala ang mga Saksi ni Jehova dahilan sa pagkakabaha-bahagi ng sanlibutan?
2. Paano ba tayo dapat maapektuhan ng mga kalagayan sa sanlibutan, at bakit?
2 Ang ating Panginoon ang sumasagot para sa atin. Sinabi ni Jesus: “Pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagka’t nalalapit na ang inyong kaligtasan.” (Lucas 21:28) Kaligtasan buhat sa ano? Buhat sa isang baha-bahaging sanlibutan na may taning na ng kamatayan dahil sa dinaranas na sakit.—1 Juan 5:19.
Makapolitikang Panggigipuspos
3. Paano ipinaghihinagpis ng mga taong may kaalaman ang makapolitikang mga pangyayari?
3 Maging ang Nagkakaisang mga Bansa man (o United Nations) ay isang kabaligtaran ng kaniyang sariling pangalan. Malayung-malayo ito sa pagkakaisa. Ipinaghihinagpis ng pangkalahatang-kalihim nito ang kawalang-kaya ng Lupong Kapanatagan (Security Council) na magpairal ng kapayapaan at katiwasayan, at ang sabi niya: “Tayo’y nasa panganib at malapit na sa isang bagong pandaigdig na anarkiya.” Nakakalagim ang gayong pagkakabaha-bahagi. Ganito ang sabi ng isang manunulat sa Washington Post: “Ang mga pangyayari ay hindi masupil.” “Sapol noong 1960’s ang mga pamahalaan sa lahat ng dako, Kanluran at Silangan ay nagsimula nang hindi gumana,” ang isinulat ng isang dating White House aide o katulong at kasangguning politikal. At isang dating embahador ng E.U. sa Nagkakaisang mga Bansa ang bumanggit na ang Pangkalahatang Asamblea (General Assembly) “ay nagiging ang Teatro ng mga Katawa-tawa.”
4. Sa paano ba natutupad ngayon ang Lucas 21:26?
4 Datapuwa’t, kahit na ang lalong masama ay maaaring dumating, sapagka’t patuloy na tumitindi ang cold war o malamig na digmaan, at ngayon ang mga bansang nuclear ay mayroon nang nakaimbak na sapat na dami ng warheads o ulo ng eksplosibo upang puksain ang 1,600,000 Hiroshima. Nakikini-kinita ng isang ambahador ng E.U. sa Moscow ang dalawang superpowers na “nasa landas ng pagbabanggaan,” at sinabi niya na “balang araw ay magbabanggaan sila saanman diyan.” Ito ang bunga ng pagkakabaha-bahagi sa ating sanlibutan ngayon. Tunay ang nagbabantang panganib na iyan. Itung-ito ang sinabi ni Jesus na mangyayari sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay”: “Nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa; sapagka’t yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit.” (Lucas 21:26) Oo, pati ang langit, samantalang ang mga bansa ay naghahanda na magpaimbulog ng mga satellite na may nuclear warheads!
Susuray-suray ang Malalaking Negosyo
5. Anong takot at kalungkutan ang laganap sa daigdig ng komersiyo?
5 Laganap din ang pagkakabaha-bahagi at takot sa daigdig ng komersiyo. Ganito ang sabi ng presidente ng World Bank: “Aywan ko kung mayroong anumang ligtas sa susunod na sampung taon.” Sa isang miting ng 24 na mga pangunahing bansang industriyal noong 1982, ang malungkot na inihula ay na magkakaroon ng 30 milyong walang hanapbuhay pagsapit ng 1983. At ang hulang ito ay naging totoo!
6. Ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa paghihikahos ng relihiyon at sa magiging resulta nito?
6 Isang nanalo ng premyong Nobel sa economics ang nagsabi bilang sumaryo ng situwasyon ng daigdig, “Lahat ng bagay ay kakila-kilabot.” Dito, ang pansanlibutang relihiyon ay lubhang nasasangkot. Ang “maraming tubig” ng Apocalipsis 17:1, 15—“mga bayan at karamihan at mga bansa” ng walang-Diyos na sanlibutang ito—ay nag-aalis na ng kanilang pagsuporta sa relihiyon, kaya’t ang pagsuporta ng salapi sa relihiyon ay inaalis na rin. (Ibambing ang Apocalipsis 16:12.) Subali’t ang kasalukuyang paghihikahos ng mga simbahan ay walang-wala kung ihahambing sa panggigipuspos na mararanasan nila pagka sila’y pinarusahan na ng Soberanong Panginoong Jehova bilang katuparan ng kaniyang salita: “Isang kapahamakan, isang pambihirang kapahamakan, narito! dumarating. Ang kanilang mga pilak ay ihahagis nila sa mga lansangan, at ang kanilang mismong ginto ay magiging isang kasuklamsuklam na bagay. Ang kanilang pilak ni ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ni Jehova.” (Ezekiel 7:5, 19) At ang masasakim na mga kapitalista ng malalaking negosyo ay mapaparamay sa panggigipuspos na ito ng relihiyon ng sanlibutan!—Apocalipsis 18:2, 3, 16.
Talamak na Pagkakabaha-bahagi ng Relihiyon
7. Paano nabigo ang Katolisismo ng pagdadala ng pagkakaisa?
7 Malapitang pagmasdan natin ang daigdig ng relihiyon. Dito ang pagkakabaha-bahagi ay isang nakaririmarim na katunayan. Sa Katolisismo ay kompleto ang barkadahan mula sa mga paring gerilya hanggang sa mga obispo na kumakampanya ukol sa isang nuclear freeze. Isang Táong Banal ang tawag ng papa sa 1983. Ito ba’y nakatulong? Lalong tumindi ang cold war. Alalahanin na ang taong 1933 ay isa ring Táong Banal ayon sa proklamasyon ng papa, at ano ba ang nagawa niyaon? Si Hitler ay napasa-kapangyarihan, at nagsimula ang sunud-sunod na mga pangyayari na humantong sa Digmaang Pandaigdig II.
8. Anong pagkagulu-gulong mga kalagayan ang masasaksihan sa Protestantismo?
8 Ang World Council of Churches o Pandaigdig na Kapulungan ng mga Simbahan, na suportado ng 301 mga denominasyong Protestante at Orthodoxo na tinatayang may 400 milyong miyembro, ay nag-abuloy ng daan-daang libong dolar sa makapolitikang mga rebolusyonaryo. Sa Estados Unidos lamang ay mayroong mahigit na 1,200 relihiyon. Anong pagkagulu-gulong tunog ng nananawagang tambuli ang maririnig sa mga ito! Ang kanilang pagkakabaha-bahagi ay may malaking bahagi sa “mga gulo” at “katampalasanan” na sinabi ni Jesus na mangyayaring malaganap na malaganap sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Lucas 21:9; Mateo 24:3, 12.
9. Paano makikilala ang tunay na kongregasyong Kristiyano?
9 Ang talamak na pagkakabaha-bahagi na masasaksihan sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay tuwirang kabaligtaran ng inilarawan ni apostol Pablo na tunay na kongregasyong Kristiyano na “puspusang nagsusumikap na ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa tagapagkaisang buklod ng kapayapaan.” Sinabi ni Pablo: “May isang katawan, at isang espiritu, isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo; isang Diyos at Ama ng lahat, na sumasa-ibabaw ng lahat at sumasa-lahat at nasa-lahat.”—Efeso 4:3-6.
Kung Saan Sagana ang Kapayapaan
10. Saan ngayon matatagpuan ang “tagapagkaisang buklod ng kapayapaan,” at bakit dito lamang?
10 Saan natin matatagpuan ang “tagapagkaisang buklod ng kapayapaan” na ito? Hindi sa sanlibutan, sapagka’t tayo ay iniligtas buhat sa sanlibutan ni Satanas at sa nagkakabaha-bahaging politika, kabuhayan at relihiyon nito. Bilang salig-Bibliyang mga Kristiyano, tayo’y hindi bahagi ng baha-bahaging sanlibutang ito. Kaya naman sinabi ni Jesus, nang nanalangin siya alang-alang sa kaniyang pinahirang mga tagasunod: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” At isinusog pa niya: “Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi pati rin sila na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kaniyang salita; upang silang lahat ay maging isa, gaya mo, Ama, na kaisa ko at ako’y’kaisa mo, upang ang sanlibutan ay maniwala na ako’y sinugo mo.”—Juan 17:16-21.
11. Paanong ang mga tunay na Kristiyano ay naging “isang kawan”?
11 Ang ganiyang kahanga-hangang pagkakaisa ay makikita natin ngayon sa pandaigdig na lipunan ng mga Saksi ni Jehova. Nakaliligayang malaman na angaw-angaw buhat sa sanlibutan ang nakapansin sa pagkakaisang ito, at marami sa kanila na nagsisipag-aral ng Salita ng Diyos ay nakikipagtipon ngayon bilang ang “mga ibang tupa” ng Panginoon. Samantalang ang mga ito ay nakikiisa sa “munting kawan” ng pinahirang mga Kristiyano, lahat ay nagiging “isang kawan” sa ilalim ng Mabuting Pastol. (Juan 10:16; Lucas 12:32) Lahat ay nalulugod na sila’y tawaging mga Saksi ni Jehova, na tinipon sa isang tunay na tunay na pagkakaisa sa Kaharian!
Kung Bakit Pagkakaisa ng “Kaharian”
12. (a) Bakit dapat na ang Kaharian ang maging tagapagkaisang tema sa ating buhay? (b) Bakit tayo dapat magalak sa kabila ng lumulubhang pagkakabaha-bahagi ng sanlibutan?
12 Bakit ating sinasabi na, pagkakaisa ng Kaharian? Bueno, hindi ba ang Kaharian ng Diyos ang tema ng buong Bibliya? Kung gayon, hindi baga dapat na ang Kaharian ang maging tagapagkaisang tema sa ating buhay? Di-matingkalang kagalakan ang sumasa-atin sa pagkakita sa katuparan ng tandang binanggit ni Jesus na nagpapatunay na ang Kaharian ay itinatag na sa langit sa pambihirang taon na iyan ng 1914. At sinabihan tayo ni Jesus na mangagalak pagka nakita natin na ang madidilim na ulap ng bagyo ng Armagedon ay nagtitipon na sapol noon. Kaniyang sinabi sa atin na ang “saling-lahi” ng 1914—ang taon ng pagsisimula ng katuparan ng tanda—“ay hindi lilipas sa ano mang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mateo 24:34) Ang mga ilang kabilang sa “saling-lahi” na iyan ay maaaring mabuhay pa hanggang sa dulo ng siglong ito. Subali’t maraming patotoo na “ang wakas” ay lalong malapit kaysa riyan!
13. Bakit tayo hindi nakikitakot na gaya ng baha-bahaging sanlibutan?
13 Tinutukoy ng propeta ni Jehova ang napipintong kapahamakan, na ang sabi: “Patuloy na hintayin mo . . . Hindi magtatagal.” (Habacuc 2:3) Samantala tayo ay hindi nakikitakot na gaya ng baha-bahaging sanlibutan, sapagka’t tayo’y nagkakaisa sa buong lupa sa ilalim ng Kaharian. Ang Kaharian ng Diyos, na ating idinadalanging dumating na sana, ay isa nang katunayan. (Mateo 6:9, 10) At ang ating maluwalhating pagkakaisa ay isang katunayan. Lahat na ito’y natupad ayon sa inihula ng sinaunang mga propeta ni Jehova.—Isaias 9:6, 7; Daniel 2:44; 7:13, 14, 27.
Nabuhay ang “mga Tuyong Buto”
14. Anong kamangha-manghang pangitain ang inilalarawan sa Ezekiel 37:14?
14 Tungkol dito, suriin natin ang Ezekiel . Ano ba ang sinasabi ng propeta? kabanata 37
“Ang kamay ni Jehova ay sumasa-akin, at kaniyang dinala ako na taglay ang espiritu ni Jehova at inilagay niya ako sa gitna ng kapatagan ng libis, at iyon ay puno ng mga buto. At pinaraan niya ako sa tabi ng mga yaon sa palibot, at, narito! may totoong marami sa ibabaw ng kapatagan ng libis at, narito! ang mga ito ay tuyong-tuyo. At kaniyang sinabi sa akin: ‘Anak ng tao, maaari bagang mabuhay ang mga butong ito?’ At ako’y sumagot: ‘Soberanong Panginoong Jehova, ikaw ang nakakaalam.’ At sinabi naman niya sa akin: ‘Manghula ka sa mga butong ito, at sabihin mo sa kanila, “Oh kayong mga tuyong buto, pakinggan ninyo ang salita ni Jehova.”’”—Ezekie1 37:1-4.
15. Anong kalagayan sa modernong panahon ang inilalarawan dito?
15 Maguguniguni kaya ninyo ito? Isang buong kapatagan ng libis na nakatambak ang pagkarami-raming tuyong buto! Gayunman, ito’y hindi isang tanawin pagkatapos ng Armagedon. Inilalarawan nito ang mga pangyayari sa maagang bahagi ng siglong ito. Sapagka’t ang mga butong iyon ay lumalarawan sa walang buhay na kalagayan, sa pagkahinto ng gawain, ng pinahirang mga lingkod ng Diyos sa lupa noong panahong iyon.
16, 17. Ano ang ipinangako ni Jehova na gagawin niya, at paano ito magiging kahima-himala?
16 Gayunman, kumilos si Jehova tungkol doon. Dinggin ang kaniyang sariling pananalita:
“Ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova sa mga butong ito: ‘Narito, aking papapasukin sa inyo ang hininga, at kayo’y mabubuhay. At lalagyan ko kayo ng mga litid at babalutin ko kayong laman, at tatakpan ko kayo ng balat at lalagyan ko kayo ng hininga, at kayo’y mabubuhay; at inyong malaman na ako ay si Jehova!’”
Kaya’t sila’y nabuhay, at naging “isang totoong, pagkalaki-laking hukbong panlaban.”—Ezekiel 37:5-10.
17 Dito si Jehova ay nakapagsagawa ng isang bagay na hindi mapaparisan ng sino mang siyentipiko. Hindi problema para sa mga siyentipiko na pag-ayus-ayusin ang mga sangkap ng kalansay ng tao upang maging katulad ng mga nakikita natin sa mga museo sa ngayon. Subali’t sino bang siyentipiko ang nakapaglagay na sa isang kalansay ng mga litid, laman at ng hininga ng buhay?
18. (a) Bakit noong 1918 at nang may pasimula ng 1919 ay parang wala ng pag-asa ang bayan ng Diyos? (b) Bilang katuparan ng hula, paano nagunita ni Jehova ang mga tapat na ito?
18 Datapuwa’t ang mismong himalang ito ay isinagawa ng Diyos na Jehova sa modernong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova. Tulad ng tuyong mga butong iyon, ang bayan ng Diyos ay nagsipangalat noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I, ang kanilang punong-tanggapan sa Brooklyn ay napasara, ang mga opisyales ng kanilang tagalathalang samahan ay napabilanggo sa hatol na 20 taon at napahinto ang kanilang gawain sa larangan. Noong 1918 at nang may pagsisimula ng 1919, ang kanilang katayuan ay parang wala ng pag-asa. Subali’t nagunita ni Jehova ang tapat na mga embahador na iyon ng Kaharian. Noong 1919 ay kaniyang binuhay sila, gaya ng kaniyang inihula sa Ezekiel 37:14:
“‘At ang aking espiritu ay ilalagay ko sa inyo, at kayo’y mabubuhay, at kayo’y ilalagay ko sa inyong sariling lupain; at inyong malalaman na ako nga, si Jehova, ang nagsalita at ginawa ko iyon,’ sabi ni Jehova.”
19. (a) Paano at sa anong layunin isinauli ni Jehova ang kaniyang bayan? (b) Bakit kinailangan na palawakin ang mga pasilidad ng Samahan sa buong daigdig?
19 Sa gayon, ang kaniyang pinag-usig na bayan ay isinauli ni Jehova sa isang lupain ng espirituwal na kasaganaan at inilagay sila sa gawain na pagpapatotoo sa Kaharian na lumaganap na sa buong lupa. Ngayon, sa araw-araw ay mahigit na isang milyong oras ang ginugugol sa pangangaral ng mabuting balita. Ang pagkalawak-lawak na pagpapatotoong ito ang dahilan kung kaya kinailangang palakihan nang husto ang mga pasilidad ng Watch Tower Society sa Brooklyn at sa Wallkill, New York. Ang mga ito’y gumagawang kasama ng maraming mga pabrika at mga opisina ng mga sangay sa buong daigdig sa paglimbag ng mga Bibliya, mga aklat at mga magasin, at ito rin ang lakas na nasa likod ng pagtupad ng utos na “ang mabuting balitang ito ay . . . ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
20. Ano ngayon ang pinapangyayaring matupad, at sino ang kailangang bigyan ng kapurihan para dito?
20 Sino ba ang kailangang bigyan ng lahat ng kapurihan para sa pagsasauli sa mga saksing ito bilang isang organisadong bayan, sa gayo’y pinapangyayari ang kahanga-hangang pagkakaisang ito ng pagkilos? “‘Ginawa ko iyon,’ sabi ni Jehova.” Kaya’t ang pagkakaisang ito’y isa nang katuparan sa Kaharian!
Isang Lumalawak na Pagpapatotoo
21. (a) Paanong ang mga Saksi ni Jehova ay nagpatunay na nakakatulad ng mga Kristiyano noong unang siglo? (b) Ano ang kanilang ibinibigay na paanyaya, at ano ang resulta?
21 Ang dakilang pagpapatotoo ay patuloy na lumalawak sa buong lupa, at angaw-angaw na tapat na mga misyonero, payunir at manggagawa ng kongregasyon ang nakikibahagi rito. Tulad ng mga Kristiyano noong unang siglo, ang modernong-panahong mga saksi ni Jehova ay nangangaral ng pag-asa ng mabuting balita “sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.” (Colosas 1:23) Sa pagpapahalaga sa bagay na ‘si Jehova ay isang dakilang Diyos at isang dakilang Hari sa ibabaw ng lahat ng iba pang mga diyos,’ aming inaanyayahan ang lahat ng tapat-pusong mga tao: “Oh magsiparito kayo, tayo’y magsisamba at magsiyukod; tayo’y magsiluhod sa harap ni Jehova na Maylalang sa atin.” Anong laking kagalakan na malamang sa linggo-linggo, sa katamtaman, mahigit na 3,000 mga bago ang binabautismuhan at dinadala sa pakikipagkaisa sa kawan ng Mabuting Pastol! Ang mga ito ngayon ay “sumasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.”—Awit 95:3-6; Juan 4:23, 24.
22, 23. (a) Bakit mahalaga na ang tulad-tupang mga tao ay magkaisa-isa? (b) Paano inilalarawan ng Kasulatan ang ating pagkakaisa at ang dahilan nito?
22 Sa araw na ito ng paghuhukom ni Jehova sa baha-bahaging sanlibutan ni Satanas, pinakamahalaga na lahat ng gayong tulad-tupang mga tao buhat sa lahat ng bansa ay magkaisa-isa sa pagsunod sa mensahe ng anghel na may “walang-hanggang mabuting balita na inihahayag,” na sinasabi sa malakas na tinig: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya, sapagka’t dumating na ang panahon ng kaniyang paghatol, at sumamba nga kayo sa Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.” Isa ka ba na napasanib na sa pagkakaisang iyan ng Kaharian?—Apocalipsis 14:6, 7.
23 Isang grupong nagkakaisa nga ang 2,500,000 mga tagapagbalita ng Kaharian na nagsisipaglingkod ngayon sa 205 lupain! Ang banal na espiritu ng Diyos ang nagpapakilos sa kanila, at sila’y namumunga ng bunga niyaon. (1 Corinto 2:12; Galacia 5:22, 23) Bagaman sila’y buhat sa iba’t-ibang bansa, ang sinasalita nila’y ang kaisa-isang dalisay na wika ng katotohanan. (Zefanias 3:9) Sila’y balikatang naglilingkod—nang may pagkakaisa sa Kaharian!
24. Paano natupad ang mga talatang 17 at 22 ng Isaias kabanata 60?
24 Ano mang di-pagkakaisa ang marahil ay umiral noong nakaraan, ito’y nalunasan na, at lalo na magbuhat nang ang kaniyang bayan ay isailalim ni Jehova sa isang teokratikong kaayusan mula noong taong 1938. Ito’y katuparan ng kaniyang makahulang pangako sa Isaias 60:17: “Ilalagay ko ang kapayapaan na maging iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran na maging iyong mga tagapag-atas.” Sa kabila ng mga kapinsalaang dulot ng Digmaang Pandaigdig II, lakip ang kasamang malulupit na pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova, ang gawaing pang-Kaharian ng nagkakaisang bayan ng Diyos ay patuloy na lumago at lumawak, kaya’t sa bansa at bansa sa buong daigdig ay natupad ang gaya ng sinasabi sa Isaias 60:22: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang panahon.”
25. Ano ang kamangha-manghang patotoo ng pagkakaisa ng Kaharian?
25 Sino ba ang makakaisip noong mga araw ng kahirapan nang bandang pasimula ng ikalawang digmaang pandaigdig, noong hindi hihigit sa 100,000 ang mga Saksi sa buong daigdig, na sa may pasimula ng 1980’s ay magkakaroon ng mahigit na 70,000 mga Saksi na may pagkakaisang naglilingkod sa Canada at may ganiyan ding karami sa Pransiya, may 80,000 sa Hapon, 90,000 sa Britanya, mahigit na 100,000 sa Italya, sa Federal Republic of Germany at sa Nigeria, mahigit na 130,000 sa Mexico at mahigit na 140,000 sa Brazil, at may 250,000 tapat na mga Saksi sa mga lupain na kung saan may lubusang pagbabawal o kaya’y ilang pagbabawal sa ating gawain? At ang Estados Unidos ay nag-ulat kamakailan ng 643,170 aktibong mga Saksi. Walang alinlangan, si Jehova ay naging tapat sa kaniyang pangako na ang bayang may taglay ng kaniyang Pangalan ay gagawin niyang “isang makapangyarihang bansa.” Oo, isang kamangha-manghang patotoo na natutupad na ang pagkakaisa ng Kaharian!
Ano ang sagot mo?
□ Anong pagkakabaha-bahagi ang makikita sa tatlong mga pangunahing bahagi ng pansanlibutang organisasyon ni Satanas?
□ Saan sagana ang tunay na pagkakaisa, at bakit?
□ Paano natupad ang Ezekiel 37:1-14?
□ Ang pagkakaisa ng Kaharian ay humantong sa anong pagpapatotoo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 19]
Ang talamak na pagkakabaha-bahagi sa ika-20 siglo ng politika, malaking negosyo at relihiyon ay umiiral bago sila lipulin ng Diyos
[Larawan sa pahina 21]
Ang pangitain ni Ezekiel ng binuhay na “mga tuyong buto” ay lumalarawan sa pagsasauli sa espirituwal na kasaganaan ng bayan ng Diyos