Pagtangging ‘Gumamit ng Tabak’—Isang Proteksiyon
Pagtangging ‘Gumamit ng Tabak’—Isang Proteksiyon
“ISAULI mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan”! Ang matatag na pag-uutos na ito ni Jesus ay ibinigay sa panahon na ang paggamit ng armas ang waring makatuwirang gawin. Nasa harap ni Jesus noon ang “isang malaking pulutong na may mga tabak at mga panghampas,” na darakip sa kaniya at hahatol sa kaniya nang lihis sa katarungan. Isa sa mga alagad ni Jesus ang humugot ng tabak, at ang layon ay iligtas siya sa pamamagitan ng tabak. Siya ba’y sisisihin mo?
Datapuwa’t, si Jesus ay hindi nakibahagi sa gayong karahasan. Kaniyang iniutos kay Pedro na ibaba ang kaniyang armas, at ang sabi niya: “Lahat ng nagtatangan ng tabak ay sa tabak mamamatay. O inaakala mo baga na hindi ako makapamamanhik sa aking Ama upang padalhan ako sa mga sandaling ito ng mahigit na labindalawang pulutong na mga anghel?”—Mateo 26:47, 52, 53.
Ang mga Kristiyano ngayon ay hindi rin tumitiwala sa mga armas na tulad ng mga baril at mga balisong—kahit na sa panahong ito na “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Kanilang dinidibdib ang utos ng Bibliya na ‘pukpukin ang mga tabak upang maging mga sudsod,’ at hindi nila hinahangad na saktan ang kanilang kapuwa-tao. (Isaias 2:4) Dahil sa hindi sila nagdadala ng mga armas para sa pagdedepensa sa sarili, sa halip na gumamit ng karahasan ay sinusubok nila na makipagkatuwiranan sa mga tao na ibig puminsala sa kanila. “Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao,” ang payo na kanilang sinusunod. (Roma 12:18) Gayunman, hindi laging madali na tumangging gumamit ng tabak. Maaaring may bumangong mga kalagayan na mahigpit na sumusubok sa hangarin ng isang Kristiyano na makipagpayapaan sa lahat ng tao.
Ganito ang nangyari sa isang bansa sa Aprika mga ilang taon na ngayon ang nakalipas. Sa loob ng bansang ito’y bumangon ang labanan ng mga ibig maghawak ng kapangyarihan. Sumiklab ang giyera sibil, at malimit na sumasalakay ang mga gerilya. Kaya’t sa mga mamamayan ay sapilitang nangalap ng mga sundalo. Sa kabilang dako, ang mga iba’y ginipit na totoo ng kanilang mga kababayan upang
umanib sa mga gerilya. Kung minsan nga, ang mga mamamayan ay nasa kagipitan sa pagitan ng mga mangangalap na gerilya at mga sundalo ng gobyerno na nagmamalupit sa kaninuman na tumutulong sa mga gerilya.At lumaganap ang karahasan sa buong bansa. Nagugunita pa ng isang mag-asawang payunir na isang tunay na panganib ang tamaan ka ng bala sa labanan kaya, pagka nagmamaneho sila patungo sa paglilingkod sa larangan, ang kanilang mga bag ng aklat ay inilalagay nila kapantay ng kanilang dibdib sa pagitan nila at ng pinto ng kotse upang magsilbing panangga sa bala. Nguni’t bagaman sila’y hindi naano, isang may-edad nang mag-asawa na kanilang dinalaw ay sinamangpalad. Ang asawang lalaki ay binaril at namatay. Isa pang pamilya na dinalaw nila ang sinunog ang tahanan pati laman niyaon at ang gumawa niyaon isang gabi ay mga gerilya. (Ang pamilyang ito nang malaunan ay sumulat at humiling na padalhan sila ng aklat ng Watch Tower Society, na angkop na pinamagatan ng, Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan—Saan Magmumula?)
Sa ganiyang delikadong kalagayan, hindi kataka-taka na marami ang ibig kumuha ng mararahas na hakbang upang iligtas ang kanilang sarili. ‘Dapat bang ang isang tao’y tumunganga na lamang at hayaang patayin siya o ang kaniyang pamilya?’ ang kanilang pangangatuwiran. Marami ang nagdala na ng mga armas. At ang mga saksi ni Jehova sa pinaggigiyerahang bansang iyon ang nag-iisip kung ano kaya ang dapat nilang gawin.
Pagharap sa Banta ng Pagkabilanggo
Sa pangkalahatan, ganito ang pinagtibay ng mga Saksi ni Jehova: sila’y mananatiling lubusang walang pinapanigan sa giyera sibil at hindi sila magdadala ng mapanganib na mga armas. Subali’t ang pasiya kayang ito ay di-praktikal—mapanganib? Ang kanilang mga karanasan ang nagpapatunay na tama ang kanilang pasiya.
Isang kabataang lalaki na nagngangalang Tony ang dating sundalo. Subali’t, nang siya’y maging Kristiyano hindi na maamin ng kaniyang budhi na ‘gumamit ng tabak’ bilang proteksiyon at pinsalain ang kaniyang kapuwa tao. Kaya’t nang tawagan siya upang magsundalo sa loob ng isa pang termino ay tumanggi siya, at siya’y pinatawan ng multa. Hindi nagtagal at siya’y tinawagan uli, at ngayon ay sinentensiyahan siya nang anim na buwang pagkabilanggo. Nguni’t sa makaitlong beses ay tinawagan uli siya at sinentensiyahan nang sampung buwan na pagkabilanggo. Datapuwa’t umapela siya sa isang nakatataas na hukuman. Nang sumunod na dalawang taon ay labas-masok siya sa hukuman, at sa tuwina’y naghahanda silang mag-asawa ng sampung buwan na pagkakahiwalay. “Kaming mag-asawa’y maka-13 beses na ‘nagpaalaman’ sa loob ng dalawang taon, nguni’t sa tuwing gagawin namin iyon ay mayroong nangyayari upang antalahin ang pagsisilbi ng sentensiya,” ang sabi niya.
Samantala, silang mag-asawa ay naging mga espesyal payunir, at siya’y kinilala na isang ministro. Subali’t kahilingan pa rin ng batas na siya’y mabilanggo nang sampung buwan. Sa wakas ay tumanggap siya ng isang liham na inaalok siya na babawiin ang sentensiyang iyon kung aaminin niya na siya’y nagkasala. “Sinabi ko sa kanila na hindi ko magagawa iyon, sapagka’t ako’y walang kasalanan,” ang sabi ni Tony. At siya’y naghanda nang pabilanggo. Nagtaka siya nang makatanggap siya ng isang liham na nagsasabing sinuri raw ng mga
mahistrado ng Mataas na Hukuman ang kaniyang kaso at pinawalang-saysay iyon batay sa isang teknikalidad! Nadama ni Tony ang pagpapala sa kaniya dahil sa pagtanggi niyang ‘gumamit ng tabak.’Gayunman, maraming Kristiyano ang dumanas ng waring walang katapusang sunud-sunod na mga pagkakabilanggo. Kalalaya pa lamang nila ay muli na namang tatawagin sila sa pagsusundalo, at magsisimula na naman ang walang katapusang sunud-sunod na mga kaso at mga sentensiya. Gunigunihin ang hirap na idudulot nito sa isang lalaking may pamilya! Datapuwa’t, ang mga nanatiling neutral ay maligtas sa karahasan ng isang malupit na giyera sibil at nakapanatiling may “mabuting budhi” sa harap ni Jehova.—1 Pedro 3:16.
Proteksiyon sa Pamilya—Nang Walang Armas!
Ang pagtangging sumali sa karahasan ay naging isang pagpapala sa isang padre de-pamilya na ang pangala’y Will. Siya, ang maybahay niya at limang anak ay may bukid mga 40 milya (64 km) ang layo sa bayan. Ang paglalakbay papunta sa mga pulong at sa iba pang gawain ay naghantad sa pamilya sa malaking panganib. Parang noo’y nakahihikayat na umasang mga armas ang magsisilbing proteksiyon. Gayunman, nakaranas na si Will ng mga pagpapala dahil sa pagtitiwala kay Jehova. Mga ilang taon na noon ang nakaraan nang siya ay isang matagumpay na magtatanim ng tabako. Nang mapag-alaman niya buhat sa pagbabasa ng The Watchtower na hindi angkop sa Kristiyano ang gayong hanapbuhay, lakas-loob na binago niya ang kaniyang itinatanim. Ang sambahayan ay nabigla sa ganitong ginawa niya na waring isang kamangmangan. Gayunman, ang magandang lagay ng panahon—kahit na kung panahong mabagyo—ang tumulong sa kaniya na magtagumpay sa kaniyang bagong panukalang iyon. Ganiyan na lamang ang pagtataka ng sambayanan! At naranasan ni Will at ng kaniyang pamilya ang tuwirang pangako ng Diyos na hindi niya ‘iiwan o pababayaan’ ang kaniyang mga lingkod.—Hebreo 13:5.
Sa pagsisimula ng digmaan, si Will ay napaharap sa isa pang pagsubok ng katapatan bilang Kristiyano. Subali’t pinalakas siya ng kaniyang nakaraang karanasan, kaya minabuti niyang huwag magdadala ng baril. Sa halip, siya ay umupa ng bahay sa bayan para sa kaniyang maybahay at mga anak para maging maginhawa ang pagpasok sa paaralan at pagdalo sa mga pulong Kristiyano, at hindi na sila maglalakbay nang 110 milya (177 km) araw-araw sa peligrosong lugar.
Isang gabi samantalang sila’y wala ay isang grupo ng mga gerilya ang pumasok sa kanilang bahay sa bukid at ninakaw ang mga ilang ari-arian nila. Subali’t, nakapagtataka at hindi nila sinunog ang bahay o pininsala man ang pag-aaring iyon. Bakit nga? Sinabi ng mga gerilya sa mga manggagawa roon ni Will na kanilang nakilala na si “Boss Will” ay isa sa mga Saksi ni Jehova at na siya’y isang mabuting tao na mabait tumrato sa kaniyang mga manggagawa! Naging lalong mabisa ang pagkakilala sa kaniya bilang Kristiyano kaysa pagtitiwala sa mapanganib na mga armas!
Ang Talagang Pinagmumulan ng Proteksiyon
Ang mga karanasan na katulad nito ay nagpapatingkad lamang ng katotohanan na pinagpapala ni Jehova yaong mga Kristiyanong nananatiling walang pinapanigan at tumatangging ‘gumamit ng tabak.’ Totoo, kung minsan ay pinapayagan ni Jehova Mateo 10:28) Sa marahas na panahong ito tayo’y hindi dapat ‘gumamit ng tabak’ o magtiwala sa ano mang paraan sa mapanganib na mga armas para sa kaligtasan. Ang Bibliya ay nagbibigay-katiyakan sa atin: “Ang pagkatakot sa mga tao ay nagdadala ng silo, nguni’t ang naglalagak ng tiwala kay Jehova ay maliligtas.”—Kawikaan 29:25.
na ang isa sa kaniyang mga lingkod ay mamatay, gaya niyaong isang tagapangasiwa sa sirkito sa bansang iyon na pinaslang. Gayunman, mas mabuti ang mamatay na nagpapakita ng lubos na pagtitiwala kay Jehova kaysa tulutang ang takot sa tao ang mangibabaw sa atin. ([Blurb sa pahina 11]
Dinidibdib ng mga Kristiyano ang utos ng Bibliya na pukpukin ang mga tabak upang maging mga sudsod’
[Blurb sa pahina 12]
“Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao”