Sa Espanya ang “Imposible” ay Ginagawa ng mga Kusang-Loob
Sa Espanya ang “Imposible” ay Ginagawa ng mga Kusang-Loob
ANG mga Saksi ni Jehova ay nangangaral na sa Espanya sapol noong 1919. Noong 1936 ay sumiklab ang giyera sibil at halos napahinto ang kanilang gawain. Ang maliit na tanggapang sangay sa Madrid ng Watch Tower Society ay sinamsam ng mga maykapangyarihan at pati ang mga makina at gamit sa pag-iimprenta. Ang mga banyagang payunir, o buong-panahong mga mangangaral, ay nagsilikas tungo sa ibang bansa upang maiwasan ang pagkabilanggo. Nang sumapit ang tagsibol ng 1939 si Heneral Franco ay nanalo sa digmaan at isang diktadurang Fascista Katoliko ang itinayo. Ang tanging relihiyosong organisasyon na pinayagang umandar ayon sa batas at sa gitna ng madla ay ang Iglesya Katolika Romana. Sa ganiyang kapaligiran, ang mga Saksi ni Jehova kaya ay makabangon pa at makatindig sa kanilang paa?
Sa bukud-bukod na mga grupo ng mga Saksing Kastila noon, waring imposible na sila’y makabangon pa. Subali’t noong 1970, makalipas ang 34 na taon ng patagong pagkilos, ng paggawa sa mga “catacomba,” ang mga Saksi ni Jehova ay binigyan din sa wakas ng legal na katayuan sa Espanya. Pagkaraan ng sandaling paghahanap, sila’y nakakita ng isang munting gusali sa Barcelona na magsisilbing punong tanggapan at isang Bethel home para sa kanilang mga manggagawa roon. Ang unang-unang pamilyang ito ng Bethel ay nagsimula na mayroon lamang 12 miyembro. Noong 1972, nang ang niremodelong gusali ay ialay ni N. H. Knorr (na pangulo noon ng Watch Tower Society), may katamtamang 15,668 na mga Saksing nangangaral buwan-buwan sa Espanya. Makalipas ang apat na taon, ang bilang na iyan ay nadoble at naging mahigit na 36,000! Noon ay naging kapos na kapos ang mga pasilidad ng Bethel sa Barcelona para sa kasalukuyang pangangailangan noon. Subali’t saan kaya makakatagpo ng isang nababagay na malaki-laking ari-arian?
Ang isang problema ay ang mga batas sa pagsosona. Pangkaraniwan, ang lupa ay inuuri na kabilang sa sonang industriyal o kaya’y sa sonang residensiyal. Ang kailangan noon ay lupa na magagamit
sa dalawang layuning ito, sapagka’t ang mga miyembro ng pamilyang Bethel na nagtatrabaho sa pabrika, sa mga talyer at mga opisina ay doon din naninirahan sa mga tirahan sa solar na iyon. Kaya’t sa buong bansa ay pinasimulan ang pagkilos para sa paghahanap ng isang angkop na lote na mapagtatayuan o ng isang nakatayo nang gusali na sapat para sa hinaharap na pagpapalawak. Ang mga buwan at mga taon ay lumipas nguni’t walang resulta.Noong 1980 ay nagbunga rin ang paghahanap na iyon. Nakatagpo ng isang malaking limahang-bahaging gusaling pabrika mga 15 milya (24 na km) ang layo sa Madrid, karatig na bayan ng Ajalvir. Ang gusali ay halos bagong-bago at kalahati lamang ang natatapos, at ang lokal na mga maykapangyarihan ay nagpapahintulot doon ng haluang pagsosona. Subali’t may isang malaking problema—ang gagastahing pera.
Paano Kaya Tutugon ang mga Kapatid?
Sa mahigit na 30 taon ang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, E.U.A., ay malugod na tumutustos ng salapi sa gawaing pangangaral sa Espanya at hindi napababayad ng itinutustos na salapi. Subali’t dahilan sa malaking gastos, sapagka’t pinalawak ang hedkuwarters sa Brooklyn noong panahong iyon, naging imposible para sa Society na tustusan ng salapi ang mga bagong pasilidad ng Bethel sa Espanya. Kung ibig ng Espanya na magkaroon ng isang bagong branch complex, ang mga Saksing Kastila ang kailangang tumustos. Ito’y isang bagong hamon na makapupong malaki kaysa
ano mang hamon na napaharap sa mga nasa larangang Kastila. Oo, parang imposible na ang mga kapatid na Kastila, na maliliit lamang ang kinikita kung ihahambing sa iba, ay makapag-aabuloy ng sapat na pera upang matustusan ang proyektong ito.Nguni’t marahil ay magugunita pa ninyo ang ginawa nang ang mga Israelita noong panahon ni Moises ay magkaroon ng pribilehiyo na magtayo ng tabernakulo para sa pagsamba kay Jehova. Sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Magsikuha kayo sa inyo ng abuloy para kay Jehova. Hayaang bawa’t kusang-loob ay magdala ng kaniya bilang abuloy kay Jehova.” Sila’y kusang nagbigay ng ginto, pilak, mahahalagang bato at iba pa. (Exodo 35:5-9) Kaya naman, ang ganiyang suliranin ay napaharap din sa 751 mga kongregasyon sa Espanya. Ang ganiyang pangangailangan ay malinaw na ipinaliwanag sa 1980 mga pandistritong kombensiyon sa buong bansa. Ano ang naging tugon? Sa katapusan ng mga kombensiyon, ang mga tao ay nangakahilera upang mag-abuloy ng kanilang mga alahas, ng mga ginto at pilak na mga singsing at pulseras, upang ang mga ito ay maipagbili at magasta ang pera sa bagong proyekto. Sa kombensiyon sa San Sebastian sa lupaing Basque, isang may-edad nang sister ang nagbigay ng kaniyang abuloy na isang mabigat na gintong pulseras. Nang tanungin siya kung talagang ibig niyang ibigay ang gayong kahalagang alahas, siya’y sumagot: “Kapatid, makapupong kabutihan ang magagawa niyan kung gagastahin sa isang bagong Bethel kaysa kung narito sa aking kamay!”
Isang mag-asawang bagong kasal ang nag-abuloy ng perang ang plano nila’y gamitin sa paglalakbay sa kanilang pulutgata. Isang may-edad nang sister ang nag-abuloy ng isang bunton ng inaamag nang mga billete de banco na kung mga ilang taon nang kaniyang itinatago sa ilalim ng sahig ng kaniyang tahanan.
Habang lumalakad ang mga linggo, mga lalaki at mga babae, bata at matanda, mayaman at mahirap, ay nag-abuloy nang kusang-loob upang ang Espanya ay magkaroon ng kinakailangang mga bagong pasilidad ng Bethel. Maging ang mga espesyal payunir man, na limitado ang tinatanggap na alawans buwan-buwan, ay nangag-abuloy. Halimbawa, isang mag-asawa ang nagparaya na na huwag nang ituloy ang kanilang pagpunta sa Estados Unidos at kanilang iniabuloy ang perang ibibili sana nila ng tiket. Ang mga bata ay nagpadala rin ng kanilang abuloy sa tanggapang sangay. Isang sampung-táong gulang ang nagsabi: “Ako po ang panganay sa limang magkakapatid, at narinig namin ang mungkahi tungkol sa pagpapadala ng pera para sa bagong Bethel. Iniaabuloy po namin ang natipon namin sa aming alkansiya. Bagaman maliit na halaga po lamang, mayroon din pong mabibili ito.”
Ang mga kabataan ay nag-urganisa rin sa iba’t-ibang paraan upang kumita ng pera
na maiaabuloy nila sa Samahan. Ang iba’y gumawa ng maliliit na munyika at ipinagbili ang mga iyon. Ang isa’y nagtipon ng mga kusot na galing sa mga talyer ng karpintero at saka ipinagbili. Isang kabataan na nag-iipon ng pera para ibili ng gitara ang nag-abuloy ng perang iyon para sa proyekto sa Bethel.Mga Bagong Hamon na Dapat Matugunan
Ganiyan na lamang kahusay ang pagtugon ng mga kapatid na Kastila kung kaya ang waring imposible ay naging posible. Ang gusali ng pabrika ay binili noong Oktubre 1980. Subali’t mayroong mga bagong hamon na dapat matugunan. Ang di pa tapos na gusali ay kailangan ngayon na baguhin ang ayos at tapusin. Kailangang magtayo ng bukud-bukod na mga tirahan. Isang boluntaryong grupo ng mga tagapagtayo ang kailangan. Mga espesyalista ang kailangan para sa paggawa ng plano, para sa inhenyerya, sa mismong pagtatayo, at kailangan ang mga elektrisista at mga tubero. Sa biglang tingin, lahat na ito ay waring imposible. Subali’t isang hamon ito na gaya ng napaharap kay Moises noong itinatayo ang tabernakulo. Kaya’t ganito ang panawagan sa mga boluntaryo: “Pumarito ang lahat ng matalino sa inyo at gawin ang lahat ng iniutos ni Jehova.” (Exodo 35:10) Ngayon ay nangangailangan ng mga eksperto para sa konstruksiyon sa Bethel, at nagpalabas ng nahahawig na pananawagan sa kusang-loob na mga manggagawa.
Isang espesyal payunir, na isang inhenyero, ang tinawag kasama pati kaniyang maybahay at anak, na maglingkod ng kung ilang taon. Isang kapatid na taga-Madrid na isang rehistradong teknikal na arkitekto ang naghandog din ng kaniyang serbisyo sa quality control ng konstruksiyon. Isang arkitekto sa Barcelona na hindi Saksi ang nakabalita tungkol sa malawak na proyektong ito at napukaw na ihandog ang kaniyang serbisyo ng mga ilang dulo ng sanlinggo. Gayunman, sa mga Saksi ni Jehova sa Espanya ay kakaunti ang gayong mga espesyalista. Subali’t may mga ekspertong nanggaling din sa labas ng Espanya. Maraming mga kapatid ang nanggaling sa mga ibang bansa—Gresya, Alemanya, Sweden, Gran Britanya at Estados Unidos, na mga ilan lamang.
Gayunman, ang kailangan ay hindi lamang kusang-loob na mga eksperto kundi daan-daang permanente at temporaryong mga boluntaryo upang gumanap ng malaking bahagi ng mga trabahong barasuhan, pati mga trabahong pambahay—pagluluto, paglalaba at paglilinis. Paano ba tumugon ang mga Saksi? Katulad na katulad ng mga Israelita na tumugon nang may pagkukusang-loob.—Exodo 35 : 20-35.
Sa loob ng tatlong taon na kinailangan upang matapos ang proyekto sa Ajalvid, libu-libong Saksi sa buong Espanya ang nagkusang-loob na tumulong at gumamit ng kanilang buong panahon o mga dulo ng sanlinggo at mga bakasyon. At ang kanilang magandang naitulong at ipinakitang halimbawa ay nagsilbing patotoo. Sa paano? May sampung buwan na ang mga dating may-ari ng pabrika ay nagpatuloy sa kanilang industriya sa dalawang panig ng gusali samantalang gumagawa naman ang mga Saksi sa natitirang bahagi ng solar na iyon. Ang mga dating may-aring ito ay lubhang humanga sa sipag at sa ipinakitang ugali ng mga kapatid at pinagtibay nila ang patakaran ng kompanya na sa hinaharap ay mga Saksi lamang ang kukunin nilang empleado—at hindi sila lumilihis sa patakarang ito!
Nakamit ang “Imposible”
Nang taglagas ng 1982 isang ultimong petsa ang itinakda para sa pagkatapos ng mga bagong pasilidad ng Bethel—Oktubre 9, 1983. Samantalang mabilis na lumalakad ang mga buwan, waring ito’y isang gawaing mahirap. Isang bagay ang maitayo ang prinsipal na gusali at ang mga tirahan at magkaanyo iyon na isang Bethel complex, subali’t ang makuskusbalungos
ay ang pagtapos sa libu-libong mga detalye. Magpahanggang sa kalaliman ng gabi ng Sabado, Oktubre 8, ang mga boluntaryo ay patuloy pa ring gumagawa ng pangkatapusang mga kuntil-butil sa mga sahig sa marmol at kristal na mga kisame sa bulwagan. Gayunman, nang umaga ng Oktubre 9—ang araw ng pag-aalay—doon, sa taluktok ng bundok na nakapanunghay sa isang karaniwang tanawin sa Espanya sa gitna ng makulay na taglagas, nakatindig ang kumikislap na kulay-puti-at-abuhing Bethel complex na palilibutan ng luntiang damuhan at mga maririkit na bulaklak.Ganiyan na lamang ang panggigilalas ng daan-daang mga panauhin na taga-Espanya at tagaibang lupain. Sino ba ang maniniwala na ang isang organisasyon na halos nasugpo na at napilitang magkubli hangga noong 1970 ay magkakaroon ng gayong kagandang punong-tanggapan makalipas lamang ang 13 taon! Tiyak na tinupad ni Jehova ang kaniyang inihula sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.”—Isaias 60:22.
Ang programa ay nagpasimula sa magagandang karanasan at mga pagpapahayag ng mga old-timers na dumanas ng mga pagsubok noong 1930’s at ng mga misyonero na dating naglilingkod sa Espanya. Susunod, si F. W. Franz, ang presidente ng Watch Tower Society, ay nagpahayag tungkol sa pag-aalay at sa pagtatalaga. Ang pahayag na ito ay matamang pinakinggan hindi lamang ng 956 na naroroon sa bagong Bethel kundi gayundin ng mahigit na 62,000 sa 12 iba’t-ibang stadium na konektado ng telepono sa buong bansa. Sa pamamagitan ng kanilang donasyon at pagboboluntaryo, ang karamihan ng nagsidalo ay may bahaging naiabuloy sa magandang bagong Bethel complex na ito. Sa mga taon ng kanilang puspusang paggawa, naging palaisip sila sa mga sinabi ng pantas na si Haring Salomon: “Malibang si Jehova mismo ang nagtatayo ng bahay, walang kabuluhan ang masikap na pagpapagal doon ng mga nagsisipagtayo.” (Awit 127:1) Sa pamamagitan ng pagpapala ni Jehova sila’y kabilang sa mga nagkusang-loob upang lahat na ito ay maging isang katuparan.
[Larawan sa pahina 14]
Bista buhat sa itaas ng Bethel sa Espanya
[Larawan sa pahina 15]
Ang unang ‘Gumising’ sa Kastila na nilimbag sa M.A.N. rotary press