Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Kahulugan ng mga Balita
Moralidad sa Tabako
Nang ang Council of Churches ng North Carolina ay magtangkang isaalang-alang ang tanong tungkol sa moralidad ng pagtatanim ng tabako, nakaranas ito ng mahigpit na pagsalungat buhat sa mga nasa industriyang iyon, sang-ayon sa pag-uulat ng The New York Times. “Kami’y hindi sumasang-ayon na mayroong pagkakasalungatan ang moral at ang tabako,“ ang sabi ng managing director ng Tobacco Growers Information Committee. Siya’y naniniwala na “ang paggamit ng tabako ay sariling pasiya ng isang tao ayon sa kaniyang istilo ng pamumuhay.”
Isang konsultant sa mga negosyong may kaugnayan sa tabako ang nagsusog pa ng kaniyang “ekspertong” opinyon: “Hindi ako naniniwala na pagkakaitan ng mahal na Panginoon ang mahigit na 50 milyong manghihitit ng sigarilyo sa bansang ito at ang karagdagan pang angaw-angaw na mga maninigarilyo sa mga ibang bansa ng daigdig ng pagpasok sa langit dahil lamang sa sila’y gumagamit ng mga produkto ng tabako.” Kaniyang sinabi na ang mga simbahan ay walang “kapamahalaan o kapangyarihan sa suliraning may kinalaman sa tabako.”
Datapuwa’t, para sa mga klerigo ang suliraning iyon ay hindi gaanong malinaw. Ang tagapangulo ng konsilyo ng simbahan, ang Tobacco Study Committee, ay naniniwala na ang lupon niya ay nalalagay sa “masalimuot na kabalighuan.” Bakit? Ang North Carolina ang pinakamalaking produser ng tabako sa Estados Unidos at ang industriyang ito ay sumusuporta ng 150,000 trabaho sa nag-iisang estadong iyon. Hindi pa iyon ang lahat, kundi gaya ng agad binanggit na nasabing konsultant, “ang mga magtatanim ng tabako, mga tagapagtinda at mga pabrikante ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa . . . pagbuo at pagsuporta sa simbahan.”
Samantalang ang mga klerigo ay totoong hirap na hirap ng pakikitungo sa suliraning iyon, hindi baga nagbibigay ang Bibliya ng malinaw na patnubay tungkol sa kaugaliang paghitit ng tabako, at sinasabi: “Maglinis tayo buhat sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu”?—2 Corinto 7:1.
Ang Kausuhan sa Pagsesermon
Sa pag-aaral ng mga sermon sa simbahan, isang historyador ng relihiyon sa Arizona State University, si Richard Wentz, ang bumanggit na ang estilo raw ng pangangaral ng mga klerigo ay naimpluwensiyahan ng kausuhan ng panahon. Noong panahong kolonyal, sabi ng propesor, ang idiniriin ay ang pagkasoberano ng Diyos, na “tayo ay nasa mga kamay ng Diyos.” Noong ika-19 na siglo, nang ang bansa ay “bago” at “optimistiko,” ang idiniin ay “ang mga posibilidad ng kasakdalan ng tao“ at ang kaisipan na “naghihintay ang Diyos upang tayo’y tumugon.”
Komusta naman sa ngayon? “Ang mga sermon ngayon ay waring nagbibigay sa mga tao ng ibig nila sa halip na bigyan sila ng nararapat nilang sabihin,” ani Wentz. Ang mga sermon ngayon ay maiikli, mga 10 hanggang 20 minuto, at karaniwan nang pag-iistorya na may “cutesy characters” at ang layon ay maging isang libangan. Ang ibig ng karamihan ng tao ay yaong “kikiliti sa kanilang damdamin at emosyon,“ sabi pa niya.
Nagugunita tuloy natin ang hula ni apostol Pablo: “Darating ang panahon na hindi sila sasang-ayon sa magaling na turo. Ibig nila’y ang kikiliti sa kanila, at mga gurong magsasalita ng ibig nilang marinig.” Malaki ang sagutin ng mga predikador na sumusunod sa mga kapritso ng mga tao. “Alalahanin na tayong mga tagapagturo ay hahatulan ayon sa isang higit na nakatataas na pamantayan,” ang babala ng alagad na si Santiago.—2 Timoteo 4:3; Santiago 3:1, Phillips.