Gaanong Kahalaga sa Iyo ang Panalangin?
Buhay ang Salita ng Diyos
Gaanong Kahalaga sa Iyo ang Panalangin?
Si Dario, na hari ng mga Medo mga 2,500 taon na ngayon ang nakalipas, ang nag-atas kay Daniel na maging isa sa pinakamataas na opisyal sa kaniyang kaharian. Lubhang pinahalagahan ni Dario ang ginawa ni Daniel kaya ang sabi ng Bibliya’y siya “ay nagbabalak na itaas siya upang mapasa-ibabaw ng lahat ng kaharian.” Ang mga ibang opisyales ay nanaghili at nagpakana na ipahamak si Daniel. Ang pakana ay may kinalaman sa panalangin, at nagbabangon ito ng tanong na, Gaanong kahalaga sa iyo ang panalangin ngayon?
ANG mga kaaway ni Daniel ay naparoon kay Haring Dario at hiniling sa kaniya na lagdaan ang isang utos na, “sinumang mananalangin sa ano mang diyos o tao nang tatlumpong araw maliban sa iyo Oh hari, ay dapat na ihagis sa yungib ng mga leon.” Sa hindi pagkaalam ni Dario ng layunin niyaon, kaniyang nilagdaan ang utos. Kung isa kang lingkod ng Diyos na Jehova noon, ikaw kaya’y huminto ng pananalangin sa Kaniya? Nang mapag-alaman ni Daniel ang tungkol sa utos na iyon, agad-agad na umuwi siya at nanalangin sa Diyos. Gaya ng dati, siya’y nanalangin nang tatlong beses isang araw.
Kaya ang kaniyang mga kaaway ay naparoon kay Dario at sinabi nilang sumuway si Daniel sa utos. Ikinalungkot ni Dario na nalagdaan niya ang utos at pinag-isipan niya kung paano maililigtas niya si Daniel. Nang gabing iyon ang mga kaaway ni Daniel ay naparoon kay Dario at sinabi sa kaniya: “Talastasin mo, Oh hari, na walang kautusan
ng mga taga-Media at ng mga taga-Persia, na walang pasiya o palatuntunan man na pinagtitibay ng hari na mababago.” Kaya’t napilitan si Dario na iutos na ihagis si Daniel sa yungib ng mga leon.Alalang-alala si Dario kaya hindi siya nakatulog nang gabing iyon. Kinaumagahan ay maaga siyang nagbangon at dagling tumungo sa yungib ng mga leon. At nang malapit na siya, humiyaw siya sa malungkot na tinig: “Oh Daniel, lingkod ng Diyos na buhay, ang Diyos na iyong pinaglilingkurang palagi, hindi ka ba nailigtas niya sa mga leon?” Agad-agad, si Daniel ay sumagot: “Oh hari. . . . Ang aking sariling Diyos ay nagsugo ng kaniyang anghel at itinikom ang bibig ng mga leon, at hindi nila ako sinaktan.”
Anong tuwa ni Dario! ‘Si Daniel ay iyahon ninyo sa yungib,’ ang utos niya. Pagkatapos, ano ba ang ginawa ng hari sa may pakanang ipakain si Daniel sa mga leon? Ang mga balakyot na taong iyon ang kaniyang ipinatapon sa yungib ng mga leon! Sa itaas pa lamang ay sinunggaban na sila ng mga leon. Ngayon, sumulat si Dario sa lahat ng mga sakop niya, at sinabing igalang nila ang Diyos ni Daniel sapagka’t gumagawa Siya ng mga dakilang himala. Oo, si Daniel ay iniligtas ni Jehova sa mga leon.—Daniel 6:1-28.
Kagaya ba ng kay Daniel ang pananampalataya mo sa Diyos na Jehova? Ikaw ba’y naniniwala na pagka niwakasan na ng Diyos ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay ay ililigtas ka niya kung tapat ka sa kaniya? Kung gayon, ano mang kautusan o banta ng mga tao ay hindi magpapahinto sa iyo ng paglilingkod sa kaniya.