Musika—Masayang Regalo sa Atin ni Jehova
Musika—Masayang Regalo sa Atin ni Jehova
NANG ang ating unang ama, si Adan, ay magkamalay bilang isang kaluluwang buhay, isang animo’y konsiyerto ang kaniyang napakinggan. Doon, sa magandang halamanang iyon ng Eden, ay may orkestra ng sarisaring ibon na may malalambing na huni at masasayang awitin. Anong gandang musika ang binuo ng Diyos na Jehova para sa kaluguran ng pakinig ng tao!
Kung sa bagay, ang mga ibong iyon ay nag-aawitan dahil sa kanilang kinagawian iyon at hindi dahil sa sila’y may kaalaman sa himig, sa armonya at sa ritmo. Ang mga nota na kanilang inaawit ay binuo at isinangkap sa kaniyang DNA ng Diyos nang “araw” na kaniyang lalangin ang “bawa’t lumilipad na ibon ayon sa kani-kaniyang uri.” (Genesis 1:21, 23) Anong laking tagumpay sa musika!
Ang mga awit na binuo ng Diyos para sa bawa’t uri ng ibon ay nagsilbing mainam sa kaniyang layunin. Sa pamamagitan ng malalambing na huning ito ay naipaalam ang tungkol sa kung kani-kaninong teritoryo at ang mga pare-pareha ay naakit sa isa’t-isa. At lalo pang kamangha-mangha ang Diyos na Jehova sa kaniyang walang hanggang karunungan at matalinong pagkamatipid sapagka’t kaniyang dinisenyo ang praktikal na paraang ito ng pang-aliw na magdadala ng kagalakan sa mga tao.
Subali’t bakit ba umaawit ang tao? Bakit ang musika ay pangganyak at pampaligaya sa mga tao?
Ang Hiwaga na Nasa Likod ng Musika
Hindi maipaliwanag ng siyensiya kung bakit ang mga tao ay nakakakatha ng musika, nakakaimbento at nakakatugtog ng mga instrumento sa musika, o kahit na lamang bakit natutuwa tayo sa musika at sa awit. Lahat na ito ay isang kataka-takang hiwaga!
Si Dr. Lewis Thomas, na kaugnay ng Scientists’ Institute for Public Information, ay may puna: “Kung humahanap ka ng malalalim na hiwaga, na mahahalagang bahagi ng ating buhay at hindi maipaliwanag ng siyensiya o ng kultura, magsimula ka sa musika. Ang propesyonal na mga musikologo, na totoong iginagalang ko, ay walang bahagya mang idea kung ano ang musika, o kung bakit tayo gumagawa nito at kung wala ito’y hindi tayo maaaring magpakatao, o kahit na—at ito ang mahalaga—kung paano sa ganang sarili’y gumagawa ng musika ang isip ng tao, bago pa man isulat at tugtugin ito. Ang mga biologo ay walang naitutulong, ni ang mga sikologo, ni ang mga pisisista, ni ang mga pilosopo, saanman sila naroroon ngayon. Walang makapagpaliwanag. Ito’y isang misteryo. . . . Ang Brandenburgs [mga konsiyerto ni J. S. Bach] at ang Late Quartets [ni Beethoven] . . . ay may taglay na balitang mayroon daw mga sentro sa ating isip na tungkol dito’y wala tayong alam na anuman maliban sa naroroon ang mga mga iyan.—Discover, Hulyo 1981, pahina 47.
Ang musika ay isang mataas na uring sining na nagmumula sa isang nakatataas na talino. Ang tao’y nilalang ni Jehova na taglay ang emosyon at isip na tumutugon sa pambihirang mga awitin ng mga ibon. Ang gayong bigay-Diyos na musika ay kaluguran sa puso at isip ng tao at isang pamparepresko sa kaniya, at nakabubuti sa kaniyang katawan at espirituwalidad. Kung gayon, tiyak na galing din sa maibiging Maylikha ang musika.
Oo, ang musika ay galing sa Isang ‘lumikha ng pandinig’ at “gumawa ng bibig para sa tao.” (Awit 94:9; Exodo 4:11) Kay Jehova natin tinanggap ang kaloob na musika, ang abilidad na kumatha nito at makinig dito. Anong kahanga-hangang regalo buhat sa ating Ama!—Santiago 1:17.
Ang Makalangit na Pinagmulan ng Musika
Ang musika ay likha ng Diyos. Kaniyang sining ito. Malaon na bago niya nilalang ang lupa, lahat ng kaniyang mang-aawit na mga anghel at ang mga tao, pati ang Diyos mismo ay naliligayahan sa pakikinig sa musika! Angaw-angaw na mga anghel ang nilalang niya na taglay ang katangian na umawit nang buong kaningningan. Napakinggan niya ang ubud-gandang mga himig na nagpapahayag sa kaniya ng kanilang pagsamba, pagpuri at pasasalamat.
Ang “mga anak ng Diyos” na ito ay umawit nang may kagalakan nang masaksihan nila ang paglalang sa lupang ito ng kaniyang Ama. (Job 38:4-7, New World Translation; An American Translation) Isang tanawing kagila-gilalas! Narito ang isang kayliit-liit na globo kung ihahambing sa iba, animo’y isang maningning na hiyas na nababalot ng makakapal na ulap, umiikot sa araw sa kalawakan ng sansinukob. Tanging ang bigay-todong masiglang awitan ang makapagpapahayag ng nadama noon ng mga nilalang sa langit!
Magpahanggang sa ika-20 siglong ito ay umaalingawngaw din ang tunog ng musika sa makalangit na dako. (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1-3) Ang pagluluklok kay Jesu-Kristo noong 1914 ay tiyak na may kasabay na masasayang awitan na noon lamang narinig sa kalangitan. Posible na may kasabay ding mga awitan ng pagpupuri nang si Jesus ay ilapit kay Jehova, “ang Matanda sa mga Araw.” Ngayong “sampung libong makasampung libo” ang nagkakatipon, siya’y dinala sa harap ng maningning na trono ni Jehova at “binigyan siya ng kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian.” Anong ningning na pangitain! Anong luwalhating musika!—Daniel 7:9-14; ihambing ang 2 Samuel 6:15; Awit 27:6.
Natural, lahat ng pag-awitang ito ay ginagawa sa ‘wika ng mga anghel.’ (1 Corinto 13:1) Yamang ang mga kinapal na ito ay lubhang makapangyarihan at sila’y mga espiritu, anong pagkadaki-dakila marahil ng armonya at melodya ng kanilang musika na anupa’t hindi kayang marinig at maunawaan ng ating limitadong mga sangkap. Gayunman, kung pag-iisipan natin ang makalangit na pinagmulan ng musika at ang kadakilaan ng regalong ito ng ating Maylikha, ano ba ang epekto nito sa atin? Ano ang kaugnayan nito sa pagpili natin ng musika?
Ang Ating Obligasyon sa Tagapagbigay ng Musika!
Kasama ng regalo ni Jehovang musika ang kaparehong obligasyon na taglay ng ano mang regalong tinatanggap natin. Ito’y na gamitin nating ang musika ayon sa talagang layunin nito. Mayroon bang matinong tao na ang regalo sa kanya na bagong damit ay gagamitin sa pagpupunas sa tumapon na pagkain o mamantikang sabaw na lumigwak? Hindi ito pagpapahalaga sa regalo at sa layunin nito, at lubusang kawalang-galang ito sa nagregalo. Siya’y magdaramdam nang husto.
Ganoon din sa musika. Ito’y ibinigay sa atin ni Jehova para sa ikaaaliw at ikaliligaya natin. Higit sa lahat, isang paraan ito ng pagpuri sa ating Ama sa langit at ng higit na paglapit sa kaniya. Ang layon nito ay magpalusog sa atin sa espirituwal.—Awit 149:1-3; 150:1-6.
Anong laking paninirang-puri sa Diyos ang alamat na umano’y ang lumikha ng musika ay ang diyos na si Pan nang ginaganap niya ang kaniyang imoral na pakikipagtalik sa sekso! Sa ngayon, sa maraming awitin ay itinatampok ang imoralidad. Mabilis na dumarami ang malalaswang musika sa “panahon ng kawakasan” ng sanlibutang ito. (Daniel 12:4) Ang sukdulang taon ng 1914 ang pasimula ng isang yugto ng panahon ng pagguho ng moral, ng walang katulad na karahasan at kabalakyutan sa kasaysayan ng tao. Kaya naman sa karamihan ng musika ngayon ay ibinabadya ang kaluwagan ng disiplina sa sekso, ang kaguluhan at kabaliwan ng “mga huling araw” ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay.—2 Timoteo 3:1-5.
Anong inam nga na ang “mga mangingibig kay Jehova” ay tumanggi sa masagwang musika at kumapit nang mahigpit sa mga bagay na mabuti sa paningin ng Diyos! (Awit 97:10) Kaya pana-panahon ang magasing ito at ang kasama pa, ang Gumising!, ay may mga artikulo na nagpapaalaala na lumayo tayo sa musika na ‘labag sa kabanalan.’ (Ihambing ang 2 Timoteo 2:16.) Sa mga artikulong ito ay ibinunyag ang tusong impluwensiya ng musika na pumukaw ng silakbo ng damdamin at ng hilig sa paghihimagsik. a
Sa hangaring mapalugdan si Jehovang Diyos at pagkatapos ng taimtim na pagsusuri sa karamihan ng modernong musika baka itanong ng isang tao: Ano pa ang musikang natitira? Mayroon pa bang natitira na maaaring pakinggan at hindi makapipinsala sa atin sa espirituwal?
Sagana ang Maiinam na Musika
Sa maraming musika na katha sapol noong kalagitnaan ng 1600’s, kakaunti lamang ang hindi maka-Kasulatan. Ang alanganing mga klasikal na musikang ito ay karamihan mga opera at mga ballet, na karamihan ay may tema ng imoralidad at trahedya o ng paganong mitolohiya. Kahit na iwasan natin ang lahat ng musikang ito, ang matitira ay napakarami pa rin at hindi natin kayang pakinggang lahat sa lawig ng katamtamang haba ng buhay ng tao.
Kahit ang pakinggan man lamang hanggang sa maging kabisado natin ang maiinam na tugtugin ni Bach, Vivaldi, Telemann, Handel, Haydn at Mozart ay gugugol ng mga taon. At hindi pa kasali rito ang mga kathang musika ng kanilang mga kapanahon. At, hindi pa natin binabanggit diyan ang maiinam na musikang de-instrumento at sariling-atin buhat sa maraming bansa. Sulyapan lamang natin ang mga katalogo sa musikang Europeo at Amerikano at makikita natin na sagana ang maiinam na musika!
Oo, pagkarami-raming musika na isinaplaka at nasa mga cassette tape. Kaydami-daming klasikal na musika na anupa’t kahit na pihikang-pihikan ang isang tao ay sobra-sobra ang kaniyang mapagpipilian.
Paano Mo Gagamitin ang Regalong Ito?
Ang “mga mangingibig kay Jehova” ay may nais na makalugod sa kaniya sa lahat ng bagay. Ito ang kanilang hangarin sa pagpili ng musika. Ang pasiya’y personal na mga pananagutan. (Galacia 6:5) Subali’t ano ang tutulong sa pagpili ng isa?
Karaniwan, ang di-relihiyosong musika na katha noong 1700’s at pasimula ng 1800’s ay hindi problema sa taimtim na Kristiyano. At, dito’y madali kang masisiyahan. Makinig ka ng mga ilang beses at magiging kabisado mo na ang nakabibighaning himig at masiglang ritmo nito.
Sa pagpili ng musika, hindi sapat ang pag-isipan ang titulo lamang. Ang kompositor ay sumulat ng nakaaakit na melodya at pinaunlad niya sa nakalulugod na armonya. Ang program music ay may kakatnig na titulo na naglalarawan ng isang istorya o pangyayari o nagpapahiwatig ng isang damdamin. Nguni’t hindi lahat ng nasasaksihan mo ay katotohanan. Ang mga ilang piyesang de-titulo ay hindi gayon ang ibig na ipahiwatig ng kanilang mga kompositor.
Bilang halimbawa: Hindi si Beethoven ang sumulat ng “Moonlight” sa kaniyang Piano Sonata No. 27 sa C# minor. At hindi rin siya ang nagbigay ng titulo sa kaniyang ikalimang piano concerto na “Emperor.” Ang mga pangalang taglay ng ilan sa mga piyesa ni Chopan ay hindi sa kaniya nanggaling. Ang mga ito’y salig sa mga inaakala ng mga iba na narinig nila sa mga piyesang ito o kaya’y idinagdag ng isang tagalathala upang lumaki ang kaniyang pakinabang.
Ang mabuti’y basahin muna ang mga pahiwatig sa jacket ng ano mang plaka bago mo isiping bilhin, gaya ng pagbasa mo sa etiketa ng mga pagkaing nakapakete. Kung ang musika’y tinutukoy na masakit sa tainga, disintonado, 12-toned, dodecaphonic, de-serye o percussive, tiyak na iyon ay nakabubulahaw, na hindi mo mawari ang tono, at ang kumpas ay pagkabilis-bilis. Ito’y nakatutuliro at nakapapagod ng isip. Malinaw, ang musika sa isang programang mitolohiko na nagtataguyod ng kasinungalingan o ng imoralidad
ay hindi dapat bilhin ng isang tunay na Kristiyano.Mapapansin na ang mga Saksi ni Jehova ay may musikang ang mga salita’y nagpaparangal at pumupuri sa Diyos kasuwato ng kaniyang isiniwalat na mga katotohanan. Hindi inaangkin na ang mga awiting ito ay mga dakilang obra maestra. Ito’y mga simpleng melodya na kinatha ng dedikadong mga musikero na ang mga puso at isip ang nag-udyok sa kaniya na ipahayag ang kanilang pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang mga layunin, at sa lahat ng kanilang mga kapananampalataya. Makapagpapahingalay ka sa pakikinig sa mga plaka o cassettes ng mga himig na ito. Ang pag-awit ng maka-Kasulatang mga awiting ito sa mga pagtitipon ng kongregasyon o sa ating mga tahanan ay magpapagunita sa atin na kailangang purihin natin sa tuwina Si Jehova.
Hindi obligado ang Diyos na Jehova na ibigay sa atin ang regalong musika. Disin sana’y doon na lamang sa langit iningatan niya ito ukol sa kaniyang sariling kasiyahan at sa mga anghel. Subali’t, dahilan sa kaniyang kagandahang-loob at sa musika na lubhang nakalulugod sa kaniya, nais niyang tayo man ay makinabang doon. Hindi baga lalo tayong inuudyukan nito na ibigin siya nang lalong higit?
Kung gayon, dahil sa pag-ibig natin sa Diyos, gamitin sana natin sa ikapupuri ni Jehova ang lahat ng kaniyang mga regalo. “Kumakain man tayo, o umiinom o gumagawa ng anupaman”—kasali na ang pag-awit at pakikinig o pagtugtog ng musika—ating “gawin ang lahat ng bagay
sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Corinto 10:31) Bilang kaniyang tapat na mga saksi, atin sanang tunay na mapahalagahan ang musika, isa sa masayang regalo sa atin ni Jehova.
[Talababa]
a Pakitingnan Ang Bantayan ng Hulyo 15, 1983, pahina 3-12, at Gumising! ng Mayo 22, 1980, pahina 20-4.
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga Saksi ni Jehova’y palagiang pumupuri sa Diyos sa pag-awit