Nagkakaisang Sangkatauhan—Ang Ibubunga Nito
Nagkakaisang Sangkatauhan—Ang Ibubunga Nito
“KAHIMAN Hindu o Katoliko, Judio o Lutherano, Quaker o Moslem, Buddhist, Amish o Mormon, kung singlaking debosyon at sigasig ang ilalagay natin sa pagsisikap na gumawa ng langit dito mismo sa Lupa gaya ng pagsisikap natin na maging karapat-dapat tayo sa kabilang-buhay, isip-isipin kung anong linis, dalisay at gandang daigdig ang ating pamumuhayan.”
Sa mga salitang iyan ay ipinahayag ng peryodistang Amerikanong Si Mel Ellis ang hangarin ng maraming tao sa ngayon. Ang ibig nila’y isang magandang daigdigan na pamumuhayan. Gayunman, sila’y nagpapatuloy sa kanilang pagkakabaha-bahagi sa relihiyon, politika, kabuhayan at lipunan—ang mismong mga bagay na humantong sa malubhang pagkakapootan, alitan at pagdanak ng dugo sa buong kasaysayan.
Bagaman ganiyan, ang lupa ay maaaring baguhin kung nagkakaisa lamang ng layunin ang mga tao. Sa gayo’y mawawala na ang digmaan. Magiging lipas na ang mga pananalitang “armaments races” at “nuclear weapons stockpiles.” Wala nang mga taong magiging mga baldado o napinsala ang isip dahil sa giyera. Hindi na mananaghoy ang mga sambahayan dahil sa pagkasawi ng kanilang mga mahal sa buhay na namatay sa giyera.
Ngayon ang nagagastos sa armas at paghahanda sa giyera ay humigit-kumulang 800 bilyong dolar (ng E.U.) isang taon. Kung lahat tayo’y mga gawang pangkapayapaan ang ginagawa, anong laking pagbabago ang magaganap kahit na sa gitna ng kasalukuyang di-sakdal na mga kalagayan! Isip-isipin ang mga tahanan, ospital, paaralan, mga kaayusan ng kalinisan, malinis na tubig at iba pa na mailalaan. At ang resulta ng lahat na iyan ay ang hanapbuhay para sa mga magtatayo ng mga iyan sa ikabubuti ng sangkatauhan. Kung ang buong sangkatauhan ay gagawang sama-sama sa ikabubuti ng lahat, magkakaroon ng saganang pagkain para sa lahat. Sinabi ng editor ng pahayagang Pranses na si André Fontaine: “May sapat na kayamanan para sa lahat kung gagamitin lamang natin ito sa ikabubuti ng sangkatauhan.”
Isip-isipin ang ibubunga ng pagkakaisa ng sangkatauhan. Maibiging pagtutulungan sa halip na walang patumanggang kompetisyon; pakikiramay sa kapuwa sa halip na pagkakapootan; kahanga-hangang kapayapaan sa halip na marahas na katampalasanan,
paggalang sa isa’t-isa sa halip na tagapagbahaging nasyonalismo.Subali’t paano mapangyayari ang gayong mga pagbabago? Oo, ito’y kailangang magsimula sa isip ng mga tao. At upang mabago ang isip kailangang may kompletong pagbabago ng asal at ng espirituwal na edukasyon upang malinis ang mga tao buhat sa lahat ng epekto ng mga bagay na tagapagbaha-bahagi. Subali’t saan mo ba makukuha ang ganiyang uri ng edukasyon na umaakay tungo sa pagkakaisa? Dito ba sa pampolitika, pangkabuhayan, panrelihiyon o edukasyonal na mga sistema ng sanlibutang ito?
Ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng malinaw na sagot ayon sa sinalita ni propeta Jeremias: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang mga hakbang.”—Jeremias 10:23.
Ang ganiyan ay suportado ng mga salita ni Mark Thee, direktor ng International Peace Research Institute sa Norway. Sinabi niya: “Ang kalagayan ngayon sa daigdig ay makikita sa isang matinding krisis na umiiral sa halos lahat ng pitak ng aktibidad ng tao: pangkabuhayan at panlipunan, pampulitika at panghukbo, sa espirituwal at sa moral. Patuloy na dumarami ang alitan, pati ang karahasan at laganap ang paggamit ng lakas bilang kasangkapan sa pamamahala at sa diplomasya. . . . Nasa alanganin ang kalagayan ng kapayapaan at digmaan na patuloy na lumulubha.”
Hindi baga maliwanag, kung gayon, na wala sa mga tao, sa ganang sarili nila, ang mga kasagutan sapagka’t kulang sila ng karunungan na ituwid ang kaniyang
hakbang tungo sa pagkakaisa ng buong lupa? Totoo, baka iniisip ng iba na ito’y isang kalabisan na at na ang mga tao sa ganang sarili nila ay magtatagumpay sa pagtatayo ng pagkakaisa. Subali’t, ano ba ang ipinakikita ng kasaysayan? Nagbibigay ba ito ng ano mang batayan ng pag-asa na ang isa o higit pa sa mga bahaging bumubuo ng sanlibutang ito ay makapagdadala ng pagkakaisa sa daigdig? Kung hindi, ano kaya ang magdadala ng pagkakaisa?[Larawan sa pahina 4]
Isip-isipin kung ano ang magagawa kahit na ngayon kung lahat ng salaping ginugugol sa armas ay sa pagtatayo ng isang mapayapang daigdig gagamitin!