Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Kahulugan ng mga Balita
‘Mararahas’ na Laruan
Kung panahon ng Kapaskuhan ay malimit kang makakarinig sa mga nagdiriwang ng Pasko ng bulalas na “Kapayapaan sa lupa!” Subali’t noong nakaraang Kapaskuhan, sa Zululand, Timog Aprika, ang sagot ng isang tres-anyos na bata ay nagsiwalat ng isang naiibang damdamin. Nang ang bata’y tanungin kung ano bagang aginaldo ang ibig niya para sa Pasko, siya’y tumugon: “Mga baril, upang makapatay ako ng mga tao.” Bakit may ganiyang marahas na kahilingan ang isang napakaliit pang bata? Sa pagtukoy sa isang posibleng dahilan, ang Zululand Observer ay nagsabi: “Kung pupunta ka sa isang maraming tindahan ng laruan sa Empangeni [Zululand] sa linggong ito ay makakakita ka ng di-kukulangin sa 73 iba’t-ibang klase ng mga laruang baril sa mga estante.” Kabilang sa mga iba pang laruang itinitinda ang mga plastic hand grenades at mga video games na nagtatanghal ng pagpapabagsak ng eroplano. Isang pabrikante ng laruan, na may kakabit na etiketang “nababagay sa mga batang edad tres anyos pataas,” ang nagsabi sa mga bata na kanilang “malilipol ang mga kaaway [nila] sa balat ng lupa.”
Bilang tuwirang kabaligtaran ng espiritu ng pakikidigma na makita sa maraming laruan sa ngayon, ang propeta sa Bibliya na si Mikas ay humula na ang mga sumasamba sa Diyos na Jehova, bata man o matanda, ay ’hindi na mag-aaral ng pakikidigma.’ (Mikas 4:1-4) Kung isa kang magulang at nababahala ka tungkol sa maraming laruang ipinagbibili sa ngayon na karamiha’y may kaugnayan sa giyera, makabubuting alalahanin ang kawikaang ito: “Turuan mo ang bata ng kung paano siya mamumuhay, at kaniyang tatandaan iyon sa buong buhay niya.” (Kawikaan 22:6, Today’s English Version) Bukod sa pag-akay sa mga bata na mangatuwa, ang mga laruan ay dapat magturo sa mga bata ng tungkol sa daigdig na nakapalibot sa kanila at handa sila sa pagkakaedad. Ang pagkapihikan sa pagbili ng kanilang laruan ay isang paraan upang matulungan ninyo ang inyong mga anak upang magsilaki na responsableng mga Kristiyano. Dapat din ninyong tulungan ang inyong mga anak upang tumulad sa Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na nagsabi: “Ibinigay ko sa inyo ang aking kapayapaan.”—Juan 14:27.
Petsa ng Kamatayan
Ang petsa ng kamatayan ni Jesu-Kristo ay pinagtatalunan na sa loob ng mga ilang siglo. May mga nagtataguyod para sa halos bawa’t taon sa pagitan ng 26 at 36 C.E. Ang mga Saksi ni Jehova ay malaon nang tumutukoy sa Abril 3, 33 C.E., Julian calendar o Abril 1 ayon sa ating kasalukuyang Gregorian calendar) bilang ang petsa ng pagkabayubay sa tulos at kamatayan ni Jesus. Ang kanilang kalkulasyon ay nakasalig sa rekord ng Bibliya at sa mga sekular na petsang kasuwato ng kronolohiya ng Bibliya sapagkat ang mga Saksi ay naniniwala na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.”—2 Timoteo 3:16.
Kapuna-puna, sa isang artikulong lathala sa Nature, dalawang siyentipiko ng Britanya ang tumutukoy sa tiyak na petsang Abril 3, 33 C.E., Julian calendar, bilang petsa ng pagkabayubay ni Jesus. Sina C. J. Humphreys at W. G. Waddington ng Oxford University ay nagsabi na sila’y gumamit ng mga astronomikal na kalkulasyon “upang muling buuin ang kalendaryong Judio noong unang siglo AD, at pinahusay ang kawastuan ng mga naunang bersiyon.” Sa gayon, ang dami ng posibleng petsa ay iniuwi nila sa dalawa—Abril 7, 30 C.E., at Abril 3, 33 C.E. Kanilang kinaltas na ang petsang Abril 7, 30 C.E., sapagka’t hindi nagbibigay ng sapat na panahon upang sa ministeryo ni Jesus ay makasali ang apat na Paskua na binabanggit ng mga Ebanghelyo. (Juan 2:13; 5:1; 6:4; 13:1) Sang-ayon sa kanilang pagsasaliksik, ang isang ingklipse ng buwan ay nakikita sa Jerusalem noong Abril 3, 33 C.E., at walang nakita nito noong taóng 30 C.E. Marami sa mga detalye na iniulat ng mga siyentipikong ito ang tinalakay na sa The Watchtower mga ilang taon na ngayon ang nakaraan. Tingnan ang labas ng Agosto 15, 1959, pahina 489-92.