Mga Kasalang Kristiyano na Nagdadala ng Kagalakan
Mga Kasalang Kristiyano na Nagdadala ng Kagalakan
1, 2. Paano ba apektado ang karamihan ng tao ng salitang “kasalan,” at bakit? (Mateo 19:4-6)
ANG apostol na si Juan, na isang saksing nakakita, ay nag-uulat: “May kasalan sa Cana sa Galilea. Ang ina ni Jesus ay naroon, at si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay inanyayahan din.” (Amin ang italiko.)—Juan .2:1, 2, The Jerusalem Bible.
2 Ano ang epekto sa iyo ng mga salitang iyan sa Juan 2:1, 2? Hindi katakataka kung tutugon ka nang may kagalakan, sapagka’t ang salitang “kasalan” ay nagpapahiwatig ng kagalakan. Ang mga tao ay nasasayahan sa mga kasalan. Gaya ng mababasa natin sa Genesis 2:18-24, ang unang kasalan ay naganap sa Paraiso, nang ang mga tao ay wala pang kasalanan. Ang kasal ng isang sakdal na lalaki at isang sakdal na babae ay isinaayos at aprobado ng ating Maylikha. Ito’y may mataas na uri at naging isang maligayang uliran para sa mga kasalan sa hinaharap.
3. Sa anong espiritu iniuugnay ng Kasulatan ang mga kasalan, subali’t anong suliranin ang bumangon? (Jeremias 7:34)
3 Ang kagalakan mo sa mga kasalan ay kasuwato ng ating mababasa sa Salita ng Diyos. Tungkol sa mga may bahagi sa isang maharlikang kasalan, ang Awit 45:15 ay nagsasabi: “Sila’y ihahatid na may kasayahan at kagalakan; sila’y magsisipasok sa palasyo ng hari.” Ang kagalakan ay mababanaag din sa mga paghahalimbawang nasa Bibliya tungkol sa pag-aasawa. (Mateo 22:2-4; 25:1-10; Apocalipsis 19:6-9) Oo, bagaman isa itong maselang na hakbangin—itong pagpasok ng dalawang tao sa banal na kaayusan ng pag-aasawa—ang mga kasalan ay dapat gunitain na mga pangyayaring nakagagalak at mararangal. Datapuwa’t, batay sa mga pag-uulat buhat sa buong daigdig maraming kasalan ang hindi nakaaabot sa ganiyang pamantayan, at ang resulta’y mga suliranin at kalungkutan para sa kinasal at paghihinanakit naman ng mga nagsidalo. At ito’y nangyari kahit na sa mga kasalan ng mga lingkod ni Jehova. Bakit?
4. (a) Bakit karamihan ng kasalan ay pampubliko? (b) Ano ang sinasabi ni Jesus tungkol sa pag-aasawa sa panahon natin?
4 Sa karamihan ng bansa ang dalawa’y maaaring makasal sa isang pribadong seremonya na tumutugon sa legal na mga kahilingan. Kung gusto ng dalawang ikakasal ang ganiyang seremonya, sila’y hindi dapat pintasan o isipin man nila na mayroon silang dapat ikahiya. Basta ganiyan ang gusto nila at baka pa nga mayroon iyan na mga tunay na bentaha, halimbawa, nakakatipid sila kung kaya maaari silang magkaroon ng lalong malaking bahagi sa paglilingkuran kay Jehova. (Lucas 12:29-31) Gayunman, karamihan ng kasalan ay pampubliko, at dinadaluhan ng maraming kaibigan at mga kamag-anak. Kaya naman ang gayong bagong mag-asawa ay malaganap na nakikilala sa komunidad. Pagka mayroong kalakip ito na relihiyosong seremonya o pahayag buhat sa Bibliya, kasali rito pati pang-espirituwal. At ang mga iba ay maaaring makibahagi sa kagalakan ng mga kinasal. Ito’y kanais-nais na mga bagay. Gayunman, sa malalaking kasalan ay maaaring may bumangong mga panganib, lalo na ngayon na ang sanlibutan ay haling na haling sa ‘pag-aasawa at pagbibigay sa pag-aasawa’ na anupa’t ‘hindi nila pansin’ na ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay ay malapit nang matapos.—Mateo 24:37-39.
5. Sino ang dapat maging interesado sa payo ng Diyos tungkol sa mga kasalan?
5 Kung nakikinita mo ang isang masayang kasalang Kristiyano para sa iyong sarili sa hinaharap, may mga bagay-bagay na dapat mong isaalang-alang. Subali’t lahat tayo na baka maging mga panauhin o mga may bahagi sa mga kasalang Kristiyano ay maaari ring makinabang sa pagsasaalang-alang ng payo ng Bibliya tungkol sa paksang ito.
Ang Problema ng Pagmamalabis
6. Ang malalaking kasalan ay maaaring magharap ng anong uri ng mga problema?
6 Para sa maraming mga taong makasanlibutan, baka ang isang malaking kasalan ay isang status symbol o sagisag ng pagkabigatin, ang nakikitang tanda na sila’y maraming salapi o kabilang sa mga nasa alta sociedad. Nakalulungkot sabihin, na kahit na ang mga Kristiyano ay baka maakit din na tumulad sa kanila sa pamamagitan ng pagsisikap na pahangain ang iba sa kanilang labis-labis na magagarang damit o mga kaayusan. (Galacia 5:26) Kamakailan, may mga elders na Kristiyano sa Kanlurang Aprika na pumuna sa “matinding hilig na ‘gayahin’ ang sanlibutan sa mga kustumbre, mapasikat na pagpaparangalan at walang pagtitimping pagsasaya” sa mga kasalan. Ito’y pagbabawas ng dangal at kagalakan na nararapat makita sa buhay niyaong mga taong hindi na ‘namumuhay nang ayon sa laman, at ginawa ang mga bagay na nais ng laman.’ (Efeso 2:3) Imbis na kagalakan at matatamis na alaala, ang malimit na nagiging bunga ng gayong mga kasalan ay ‘kalibugan, alitan, panibugho, inggitan, kalayawan—na mga gawa ng laman.—Galacia 5:19-21.
7. Ano ang maaaring mag-udyok sa mga ibang tao na maghangad ng labis-labis na magagarang kasalan?
7 Sang-ayon sa kasaysayan nang ibigay ni Ptolemy VI Philometor ang kaniyang anak na babae upang maging asawa ni Alexander Balas ng Siria, kanilang “sinilebra ang kaniyang kasal sa Ptolemais nang buong karangyaan, gaya ng kasalan ng mga hari.” (1 Maccabeo 10:58, The Oxford Annotated Bible) Sa ngayon, marami na may limitadong pondo ang naniniwala na sila (o ang kanilang mga anak) ay kailangan ding pakasal “nang buong karangyaan, gaya ng kasalan ng mga hari.” Baka ang adbertaysing ang nakahila sa kanila sa ganitong kaisipan. Ang namumuhunang mga negosyante na interesado sa ‘magagarang kasalan ay nanghihimok upang ang mapasa-isip ng madla ay isang kakasaling nobya na “queen for a day” (reyna sa maghapon), na para bang sa pamamagitan ng nakalimbag na mga imbitasyon, mga larawan, mga bulaklak o mga singsing ay siguradong lalabas na mabuti ang kasal mo. Ang ibig nila na isipin mo, “Minsanan lang ito kaya ang nararapat sa akin ay ang pinakamagaling—kaya ko man o hindi. Ang ganitong “mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan” ay ugali ng sanlibutan na lilipas. (1 Juan 2:15-17) May mga Kristiyanong elders na nagsabi: “Napansin na may espiritu ng kompetensiya. [Halimbawa,] dahil sa impluwensiya ng makasanlibutang mga kustumbre, ang kinasal na nobya at ang kaniyang mga abay ay baka makaapat o makalimang beses maghalili ng mamahaling mga kasuotan.”
8. (a) Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa mga teksto sa Bibliya tungkol sa mga kasuotan sa kasal? (b) Bakit ang pinili ng mga ibang Kristiyano’y yaong mga damit-pangkasal na taglay nila?
8 Hindi naman ipinapayo ng Bibliya na ang mga kasalan ay gawing simpleng-simple, na walang kalatuy-latoy. Halimbawa, mababasa natin ang tungkol sa “kasintahang lalaki na, tulad ng isang saserdote, nagsusuot ng putong sa ulo, at . . . ang kasintahang-babae na naggagayak ng kaniyang mga hiyas.” (Isaias 61:10; Awit 45:13, 14; Isaias 49:18; Jeremias 2:32; Ezekiel 16:9-13; Apocalipsis 21:2) Ang makasagisag na kasintahan ni Kristo ay tinutukoy na “nakasuot ng maningning, malinis, na pinong lino.” Samakatuwid, angkop para sa ikakasal na nobya at nobyo (pati lahat ng kasali sa grupo nila) na magsuot ng malinis, at kaakit-akit na kasuotan, subali’t hindi nila kailangan ang kasuotan na nagbabaon sa kanila sa utang. May mga kakasalin na ang kusang pinili ay yaong mga kasuotan na hindi gaanong magastos bagaman kaya nila ang higit pa roon. Bakit? Upang iwasan ang kasuotan na baka nga labis-labis na hahangaan, nguni’t magbubulung-bulungan naman ang mga bisita o iyan ay maaaring makabawas sa simpleng dignidad, kagalakan at espirituwalidad ng kasalan.—Apocalipsis 19:8; Kawikaan 11:2; 1 Timoteo 2:9.
9. Ano ang dapat nating madama tungkol sa mga kustumbre o mga tradisyon sa kasalan?
9 Ang isa pang sanhi ng pagmamalabis sa mga kasalan ay ang sobrang pagpapahalaga sa protokol—ang maraming rituwal na kailangang sundin sang-ayon sa mga “eksperto” sa etiketa o kagandahang-asal. Hindi ibig sabihin nito na kusang tinatanggihan ng mga lingkod ng Diyos ang lahat ng bagay na kabilang sa lokal na kustumbre tungkol sa mga kasalan. a Ang Bibliya ay nagsasabi may kaugnayan sa pag-aasawa, na ‘Si Samson ay nagdaos ng piging; sapagkat ganoon ang kinaugalian ng mga kabataan.’ (Hukom 14:10) Subali’t, ang parang busabos na pagsunod sa mga pormalidad ng lipunan ay maglalagay ng maraming kuntil-butil sa isang kasalan, at sa gayo’y napapakubli ang tunay na kahulugan ng selebrasyon at ninanakawan ang lahat ng mga naroroon ng kagalakan na dapat sanang tamasahin nila.
Legal na Pag-aasawa—Noong mga Sinaunang Panahon sa Bibliya at Ngayon
10. Ano ba ang ayos ng mga kasalan noong mga sinaunang panahon sa Bibliya?
10 Makikinabang tayo sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga kasalan, kahit na ang mga kaugalian ay naiiba sa mga kaugalian sa panahon natin at sa pook natin. Noong sinaunang panahon sa Bibliya hindi kailangan ang natatanging legal o relihiyosong seremonya. Ang kasintahang-lalaki ay pupunta sa tahanan ng kaniyang katipan at hayagang dadalhin ito sa kaniyang tahanan. Ito’y ginagawa na kasabay ng pagsasaya ng dalawang ikakasal na iyan, pati ng kanilang malalapit na mga kamag-anak at mga kakilala na totoong nagagalak sa masayang pangyayaring iyan. Karaniwan nang ang ikakasal ay may magagandang kasuotan, at sa tahanan ng nobyo ay may piging sa kasalan at mga imbitadong panauhin.—Genesis 24:65-67; Mateo 1:24; 25:1-10; ihambing ang 1 Maccabeo 9:37, 39.
11. Ano ba ang kalagayan kung tungkol sa mga dokumento sa kasal na kinakailangan noong mga sinaunang panahon?
11 Ang mga bansa na nakapalibot sa mga Hebreo ay may mga batas na nagtatakda ng nasusulat na mga kontrata sa pag-aasawa. Bagaman hindi binabanggit ng Bibliya ang gayong mga dokumento, ang pag-aasawa ay tinutukoy na isang “tipan.” Malakias 2:14) Ang detalyadong mga talaangkanan ng Bibliya ay nagpapahiwatig na itinatala ang mga pag-aasawa, at mapapansin na sina Jose at Maria ay gumanap ng isang uri ng legal na pagpapatala. (Lucas 2:1-5; 3:23-38) May mga papiro noong ikalimang siglo B.C.E., na nakuha sa isang kolonyang Judio sa Elephantine (Ehipto), ang mayroong pag-aasawa, at sa isa’y ganito ang mababasa: ‘. . . Naparito ako sa inyong bahay upang ibigay mo sa akin ang iyong anak na babaing si Miphtahiah bilang asawa. Siya ang aking asawang babae at ako naman ang kaniyang asawang lalaki mula sa araw na ito at magpakailanman. Ibinibigay ko sa iyo bilang bigay-kaya para sa iyong anak na si Miphtahiah ang (halagang) 5 siklo. . . .’
12. (a) Ano ba ang nadarama ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa mga kasalang sibil? (b) Ano ang mabuting gawin kung mayroong isang sibil isang relihiyosong seremonya?
12 Nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova na ang isang kasal ay dapat na naaayon sa lokal na batas, sa gayo’y ‘ibinibigay kay Cesar ang kay Cesar.’ (Marcos 12:17; Roma 13:1, 7) Baka kahilingan ng batas na ang mga kakasalin ay magparikonisi ng dugo, kumuha ng lisensiya at magpahayag ng sumpa sa kasal sa harap ng isang autorisadong magkasal. Sa mga ibang bansa, tanging ang mga opisyal ng pamahalaan, na gaya baga ng alkalde o ng hukom, ang maaaring magkasal. Subali’t, ang mga miembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay kadalasang naniniwalang sila’y hindi talagang kasal hangga’t hindi sila nakakasal sa simbahan. Kinikilala ng mga tunay na Kristiyano na legal ang kasal sibil, nguni’t ang gusto ng iba (o ang lokal na kausuhan) ay sundan ang sibil ng isang pahayag buhat sa Kasulatan. Kung ganito ang gagawin, pinakamagaling na ang bahaging ito’y ganapin huwag nang palampasin ang matagal kundi pagkatapos lamang ng kasal sibil. b
13. Kung isang elder na Kristiyano ang magkakasal, ano ang malamang na magaganap bago idaos ang kasal?
13 May mga bansa na nagbibigay ng autorisasyon sa mga ministro ng mga Saksi ni Jehova na magkasal. Karaniwan nang ito’y ginaganap ng mga elders o hinirang na matatanda sa mga kongregasyon, mga lalaking may karanasan, unawa, maygulang at kaalaman sa Salita ng Diyos. Ang isang elder na magkakasal ay dapat na makipag-usap muna sa dalawang ikakasal. Natural, ibig nilang bigyang-kasiguruhan sila na walang moral o legal na hadlang sa kanilang pag-aasawa. Siya’y maaaring magbigay sa kanila ng mainam na payo buhat sa Kasulatan at ng makaamang paalaala. Malamang na kaniyang ipakikipag-usap din sa kanila ang mga kaayusan sa seremonya at ano mang tungkol sa pagtitipon na kasunod, sapagka’t ibig niyang magkaroon siya ng malinis na budhi tungkol sa pagkakasal na ito na kasali siya sa mga gumaganap ng pangunahing bahagi.—Kawikaan 1:1-4; 2:1; 3:1; 5:15-21; Hebreo 13:17, 18.
14. Anong uri ng mga pahayag sa kasal ang angkop?
14 Maging kung nauuna man doon o hindi ang isang seremonyang sibil, ang pahayag sa kasal na ginagampanan ng isang ministro ng mga Saksi ni Jehova ay makatutulong upang idiin na sa pasimula pa lamang ay dapat na magkaroon ng espirituwal na bahagi ang pag-aasawa. Ang gayong mga pahayag ay hindi naman dapat na napakahaba, na parang naroroon na ang lahat ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa, at hindi rin naman dapat lakípan ng maraming katatawanan o labis-labis na pagpuri sa kakasalin. Ang timbang, maligaya at maka-Kasulatang impormasyon na taglay ng mga pahayag na ito ay pakikinabangan ng mga magsisipag-asawa at lahat ng naroroon. c—2 Timoteo 3:16.
15. Papaanong ang mga sumpa sa kasal na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay napapaiba sa mga ibang sumpa sa kasal na ginagamit sa ngayon?
15 Ang mga sumpa sa kasal ay bahagi ng karamihan ng kasalan. Yaong ginagamit sa mga ibang “modernong” makasanlibutang kasalan ay binuo galing sa kakatuwang tula, o nagpapahayag ng kakatuwang mga pagkamalas sa buhay. Isang sanaysay sa Time magasin na pinamagatang “The Hazards of Homemade Vows” ang bumanggit tungkol sa isang klerigo na nagtanong: “Gina, sang-ayon ka ba na ibigin si Pedro nang higit kaysa pag-ibig mo sa tsokolate?” Ang tanong naman kay Pedro: “Sang-ayon ka ba na ibigin si Gina nang higit kaysa peryodikong pang-umaga?” Subali’t, idiniin ng artikulo na ang “isang kasal ay isang bagay na pangmadla” at dapat magbigay-dangal sa mahalagang sosyal na hakbanging ginagawa. Sa mga kasal ng mga Saksi ni Jehova ang mga sumpa sa kasal ay sumusunod sa mga kahilingan ng lokal na batas. Kung saan pinahihintulutan, ang mga sumpang ito na nagbibigay-dangal sa Diyos, na Maylikha ng pag-aasawa, ang ginamit:
“Ako si —— ang kumukuha sa iyo —— upang maging aking pinakasalang asawang babae, upang ibigin at mahalin ayon sa banal na kautusan na nasa Banal na Kasulatan para sa Kristiyanong mga asawang lalaki, habang tayo kapuwa ay nabubuhay sa lupa sang-ayon sa kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa.”
“Ako si —— ang kumukuha sa iyo —— upang maging aking pinakasalang asawang lalaki, upang ibigin at mahalin at lubhang igalang ayon sa banal na kautusan na nasa Banal na Kasulatan para sa Kristiyanong mga asawang babae, habang tayo kapuwa ay nabubuhay sa lupa sang-ayon sa kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa.”
Ang mga sumpang ito sa kasal ay hindi dapat baguhin o halinhan upang ibagay sa ano mang kapritso ng kakasalin. d
Mga Kasal sa Kingdom Hall
16, 17. (a) Papaano nasasangkot sa mga kasalan sa Kingdom Hall ang lupon ng matatanda? (Santiago 3:17) (b) Bakit mabuti ang gayong pagkasangkot nila?
16 Ang mga Kristiyano ay pinapayuhan na mag-asawa ng “nasa Panginoon lamang.” (1 Corinto 7:39) Pagka dalawang Kristiyano na may mabuting katayuan sa kongregasyon ang naghahangad na sa Kingdom Hall ganapin ang kanilang kasal (o, pahayag sa kasal), sila’y kailangang humingi ng pahintulot sa lupon ng matatanda. e Ang mga lalaking ito ay hindi maggigiit ng kanilang personal na mga kagustuhan kung tungkol sa mga kaayusan sa kasal, kundi sila’y magtatanong tungkol sa mga plano ng dalawang kakasalin upang hindi makagawa sa Kingdom Hall ng anuman na baka makapagdulot ng suliranin sa kongregasyon.—Ihambing ang 1 Corinto 14:26-33.
17 Halimbawa, may ibinalitang nakagagambalang mga bagay tungkol sa mga kasalan na hindi sa Kingdom Hall ginanap. Bago ginanap ang isa, ang tinugtog ay malakas na musika, at ang nobya, nobyo at kani-kanilang grupo ay nagsidating na nagsasayawan sa inupahang bulwagan. Ang mga bisita ay nakisali sa sayawan hanggang sa pahintuin iyon ng isang Chairman upang, pagkatapos ng panalangin, makapagsimula na ang pahayag tungkol sa kasal. Maliwanag, hindi iyon ang wastong kalagayang dapat umiral para sa isang kasalang Kristiyano. Subali’t ipinakikita lamang nito kung bakit ang hinirang na matatanda ay nag-iingat kung tungkol sa mga kasalan sa ginaganap sa Kingdom Hall. Sa Hall, tanging ang nakapagpapatibay na musika, tulad ng naroroon sa aklat-awitan ng mga Saksi ni Jehova, ang ginagamit. Kailangang piliin ng may kahinhinan at katuwiran ang ano mang bulaklak o katulad na mga dekorasyon, pati na rin ang paraan ng pagpasok sa Hall ng mga kakasalin at ng kani-kanilang grupo at kahit pagkukuhanan ng larawan ay kailangang gawin nang may kahinhinan at katuwiran.—Filipos 4:5.
18. Sino ang maaaring kasama ng nobya at nobyo sa oras ng kasal? (1 Corinto 5:13; Santiago 2:1-4)
18 Noong sinaunang mga panahon sa Bibliya, karaniwan nang mayroong “kaibigan ng kasintahang lalaki” at mga kasamahang babae ang kasintahang babae. (Juan 3:29; Awit 45:14) Kadalasan ay totoo rin ito sa mga kasalan sa Kingdom Hall. Gayunman, kailangang maging makatuwiran tungkol sa kung ilan ang ganiyang mga magsisiganap, pati na tungkol sa kanilang bihis at kilos. Hindi bagay na sa nasabing grupo ay may mga tiwalag o yaong mga taong ang istilo ng pamumuhay ay salungat na salungat sa mga simulain ng Bibliya. (2 Corinto 6:14-16) Imbis na ang piliin ay mga taong tanyag o yaong makapagbibigay sa atin ng mamahaling mga regalo, maraming mga kakasaling Kristiyano (at mga tagapagpahayag) ang gustong ang makasali sa gayong grupo nila ay yaong mga matatalik ang kaugnayan sa kanila bilang mga kasama sa paglilingkod kay Jehova.
19. Ang pagbibigay-pansin sa ano pang mga ibang bagay ang makakatulong upang ang kasal sa isang Kingdom Hall ay magdulot ng kagalakan?
19 Kung ang Kingdom Hall ang gagamitin, maaaring magbigay ng maikling patalastas tungkol sa oras ng kasal. Sa ganiyang paraan ay malalaman ng kongregasyon na ang Hall ang gagamitin at sila’y maaaring makadalo kung ibig nila. Yamang ang Kingdom Hall ay higit sa lahat para sa mga pagpupulong Kristiyano, ang kasal ay dapat ganapin sa oras na hindi kasabay ng mga pulong. Ano mang oras iskedyul iyon, isang pagpapakita ng pag-ibig at konsiderasyon kung lahat ay naroroon sa takdang oras. Sa isang talinghagang ibinigay ni Jesus tungkol sa isang kasalan, “ang kasintahang lalaki ay nagtatagal,” at yao’y nagdulot ng malubhang problema para sa iba.—Mateo 25:1-12.
20. Anong karagdagang pitak ng mga kasalan ang dapat nating bigyan-pansin?
20 May binanggit ang propetang si Isaias na “nagagalak ang kasintahang lalaki sa kasintahang babae.” (Isaias 62:5) Ang kasintahang babae ay nagagalak din sa araw ng kaniyang kasal. Ang marami ring mga magsisibati sa mga bagong kasal ay ‘lubhang nagagalak’ sa mga kasalang Kristiyano. (Juan 3:29) Malimit na ang kagalakang iyan ay ipinapahayag at pinag-iibayo pa ng isang sosyal na pagtitipon pagkatapos ng kasal, ito’y isang resepsiyon, o handaan sa kasalan. Anong payo ang ibinibigay ni Jehova sa kaniyang Salita na magdudulot ng kaligayahan imbis ng mga suliranin sa gayong mga pagtitipon? Tingnan natin.
[Mga talababa]
a Tinalakay ang mga kustumbre sa kasalan sa The Watchtower ng Enero 15, 1969, pahina 58 at 59.
b Kung palalampasin ang mahabang panahon, ang mga tao sa komunidad ay baka matisod sa gayong gawi ng kinasal, magsama man sila agad o hindi.—2 Corinto 6:3.
c Ang maka-Kasulatang mga paliwanag na mapagbabatayan ng ganiyang mga pahayag ay masusumpungan sa The Watchtower ng Marso 15, 1969, pahina 174-9; Mayo 1, 1974, pahina 274-7; Marso 15, 1977, pahina 172-85.
d Kung ang kasal ay ginanap na nang mas maaga ng isang opisyal sibil at sinusundan ng isang pahayag sa isang kasal Kristiyano, maaaring banggitin ng ministro na naisagawa na ang legal na hakbang. May mga kinasal na gustong ulitin ang mga sumpaang ito sa kasal sa harap ng Diyos at ng kongregasyon.
e Nang minsan dalawang naglilingkod sa Diyos at naghihintay ng asamblea upang pabautismo roon ang ikinasal sa isang Kingdom Hall.
Natatandaan Mo ba ang Puntong Ito?
□ Ang mga Kristiyano ay kailangang maging alisto sa anong mga panganib tungkol sa labis-labis na magagastos na kasalan?
□ Ano ba ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa sibil na kasalan o relihiyosong mga seremonya sa kasal?
□ Paanong ang pagpapasiya ng tungkol sa seremonya sa kasal ng dalawang ikakasal ay nakapagpapasulong pa ng kagalakang Kristiyano ng okasyong iyan?
□ Anong uri ng mga kasalan ang maaaring ganapin sa Kingdom Hall?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 12]
May kagalakan at karangalan na iniuuwi ng lalaking Hebreo ang kaniyang pinakasalang kasintahan