Pagka Natapos Na ang Kasalan
Pagka Natapos Na ang Kasalan
1, 2. Anong mapapakinabangang pagkakaiba ang makikita sa mga kasalan sa Hapon?
SA TIME magasin (Disyembre 6,1982) ay binanggit na sa Hapon ang mga kasalan ay isang “$17,000,000,000 negosyo,” na umaabot ang gastos sa “nakagugulat na $22,000 bawa’t pares na kinasal.” Gayunman “ang katumbasan ng diborsiyo sa Hapon [ay] nasa sukdulang taas; tatlo sa bawa’t sampung pares ang maghihiwalay.”
2 Kabaligtaran naman, ang pahayagang Hokuu Shimbun ay nagsabi ng ganito tungkol sa kasal ng dalawa sa mga Saksi ni Jehova sa Noshiro: “Kapuwa sila mga Kristiyanong masisigasig, at sa turong iyan nakasalig ang kanilang pag-iisip. ‘Ang kasalan ay puedeng maging simple nguni’t taglay naman ang pagpapala ng bawa’t isa.’” Kung ihahambing sa magagastos at magagarang mga kasalan na uso roon, kaya naman karapat-dapat itampok sa balita ang kasalang ito. “Gayunman,” binanggit ng pahayagan, “ang kasalan ay lipos ng kaligayahan na dulot ng pagbati sa kinasal na sila’y magtagumpay nawa sa hinaharap.”
3. Paano maaaring makaapekto sa iyong kaligayahan ang araw ng iyong kasal?
3 Ang saloobin ng kinasal sa isang kasalan at ang mga, kahilingang dapat gampanan ay maaaring magkaroon ng tuwirang kaugnayan sa kanilang hinaharap na kaligayahan. Bakit? Sang-ayon sa sikologong si Dr. Sally Witte, “ipinakikita ng mga pag-aaral na hindi lamang ang masasamang bagay ang nagdudulot sa iyo ng kaigtingan, kundi pati rin ang mabubuting bagay.” Ipinakikita ng mga eksperto sa aktibidad ng isip na ang pag-aasawa mo ay nagdadala sa iyo ng higit na kaigtingan kaysa pagkaalis mo sa iyong trabaho. Maliwanag, pagka ang kasalan ay totoong malaki imbis na katamtaman lamang, maluho imbis na simple lamang, lalong matindi ang kaigtingan na madarama mo.
4. Ano ang malimit na nangyayari pagkatapos ng magagarang kasalan?
4 Isa pa, marami na nagsisipag-asawa ngayon ang nagtutuon ng napakalaking pansin—at ng di-makatotohanang mga inaasahan—sa mismong kasalan lamang na anupa’t pagkatapos ay bigo sila sa kanilang inaasahan. Isang bagong kasal na babae ang nagbibida ng ganito: “Sa loob ng kung mga ilang buwan, lahat ng aking nakikilala ay waring maligayang-maligaya, hindi lamang ako ang naliligayahan. Subali’t walang anu-ano’y tapos na ang kasal sa loob lamang ng mga isang segundo, at nang kami’y makauwi na galing sa resepsiyon, ako’y nadaig ng kalungkutan.” Isang lalaki na sinipi sa aklat na Getting Married ang nagsabi:
‘Ang panahong ikaw ay nakipagtipan na ikakasal ay dapat ngang maging napakaligaya at lipos ng inaasam na kagalakan. Pagkatapos ay inaasam-asam mo ang isang malaking kasalan na puno ng magagandang guni-guni. Pambihira iyan. Pagkatapos ay patungo na kayo sa inyong pulutgata, at iyan ay nasa kabila pa ng pambihira. Naglulubid ka ng buhangin at ginuguniguni mo na mangyayaring parang magic ang mga bagay na halos di-kapani-paniwala pagkatapos na pagkatapos na makasal na. At walang anu-ano’y nariyan ang biglang pagtahimik. Biglang nag-iisa ka na lamang kasama ng babaing ito at siya’y nag-iisa na lamang na kasama mo.’
5. Anong pangmalas ang dapat na taglay ng mga Kristiyano tungkol sa kanilang kasal?
5 Lahat tayo ay sasang-ayon na dapat asamin ang kanilang kasal ng dalawang kakasalin bilang isang maligaya at natatanging mahalagang okasyon, sapagka’t sila’y gumagawa ng isang malaking hakbang sa kanilang buhay. Gayunman sila rin ang gagawa ng kanilang sariling ikaliligaya kung iiwasan nila na labis na pahalagahan ang kasalan na anupa’t natatakpan nito ang talagang lalong mahalaga, ang kasunod nito na pamumuhay nila bilang mga mag-asawang Kristiyano.
Paghahanda Para sa Maligayang Pag-aasawa
6. Bago sumapit ang araw ng kasal, ano ang ipinapayo na dapat gawin?
6 Si Jesus ay nagsalita ng isang katotohanan na maaaring ikapit ng mga taong walang asawa: “Sino ba sa inyo ang kung ibig magtayo ng isang moog ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol, upang alamin kung mayroon siyang sapat na magugugol hanggang sa matapos?” (Lucas 14:28) Oo, isang katalinuhan na pag-isipan muna ang isang proyekto bago mo pasimulan iyon. Kapit din iyan sa pag-aasawa. Maraming tagapayo sa pag-aasawa ang nagpapayo sa kanilang kliyente na ang mga nagbabalak mag-asawa ay kumuha ng mga kurso, o pumasok sa mga work shop, tungkol sa pagbabagay ng sarili sa buhay may-asawa at pagharap sa mga problemang inaasahang mapapaharap. Isang tagapayo ang nagsabi: “Kung ang mga batang natatapos sa haiskul ay makasandaang beses ang dami ng kaalaman tungkol sa gawang pag-aasawa kaysa alam nila tungkol sa mga computer, ang pag-aasawa ay magiging makapupong higit na kasiya-siyang karanasan.”
7. Saan ka makakakuha ng tutulong na impormasyon tungkol sa buhay may-asawa?
7 Ang mga Saksi ni Jehova ay naglaan ng mabuting giya sa bagay na ito, na nasasalig, hindi sa pabagu-bagong opinyon ng tao tungkol sa kung ano ang nagdadala ng tagumpay sa pag-aasawa, kundi sa sakdal na payo ng Tagapagtatag ng pag-aasawa. (Awit 119:98-105) Ang Bantayan at ang Gumising! ay kapuwa naglalathala ng sarisaring artikulo tungkol sa buhay may-asawa. Lalo mong makikita ang kasaganaan ng gayong materyal kung tutunghayan mo ang maraming subtitulo at mga reperensiya sa ilalim ng paksang “Marriage” (Pag-aasawa) sa mga indise ng mga publikasyon ng Watch Tower Society, tulad halimbawa ng indise para sa 1976-1980. Maraming artikulo tungkol sa pag-aasawa ang pinag-aaralan sa kongregasyon, kaya’t ang mga nagbabalak mag-asawa ay nakaririnig ng praktikal na kaalaman buhat sa mga lalaki at mga babaing Kristiyano na may personal na mga karanasan at mahuhusay na mga estudyante ng Salita ng Diyos.
8. Kung may plano kang mag-asawa, anong kapaki-pakinabang na hakbang ang maaari mong kunin?
8 Kung may plano kang mag-asawa, dapat mo ring isaalang-alang ang kaugnay na mga materyales na lathala sa iba pang mga pantulong sa pag-aaral sa Bibliya. Halimbawa, ang Kaligayahan—Papaano Masusumpungan a ay may mga kabanata tungkol sa mga problema sa pera, sa sekso at pagtatagumpay sa buhay-pamilya. Ang Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya b ay nagbibigay ng karagdagang praktikal na payo buhat sa sakdal na Salita ng Diyos. Ang ilang kabanata ay “Paglalagay ng Isang Mainam na Pundasyon Para sa Iyong Pag-aasawa,” “Pagkatapos ng Araw ng Kasal,” “Isang Asawang Lalaki na Nagkakamit ng Taimtim na Paggalang,“ “Isang Asawang Babae na Pinakamamahal” at “Pag-ibig, ‘Isang Sakdal na Buklod ng Pagkakaisa.’” c Isaplano mo na pag-aralan ninyong magkasama ng iyong magiging asawa ang materyales na iyan bago kayo ikasal. Malaki rin ang maitutulong kung tatalakayin ninyo ang materyales na iyan kasama ng isang may-gulang na kapatid na Kristiyano na inyong iginagalang at makapagbibigay ng mga mungkahi na makakatulong. (Kawikaan 4:1-9) Ito’y tutulong sa inyong dalawa na sa inyong pagpaplano ng kasal ay makita ninyo ang lalong mahalaga, ang inyong buhay bilang mag-asawa.
Maging Handa Kang Magtrabaho
9, 10 (a) Bakit ang isang makatotohanang pangmalas ay mahalaga? (b) Paano natutulungan ang mga Kristiyano na magkaroon nito?
9 Mapapansin natin na tungkol sa araw ng kanilang kasal marami ang nag-iisip na “mangyayaring parang magic ang mga bagay na halos di-kapani-paniwala pagkatapos na pagkatapos makasal ka.” Ang mga taong may ganitong di-makatotohanang pangmalas ay magigising sa kanilang maling palagay, at daranas ng kabiguan at kalungkutan. Ang totoo ay na ang maligayang pag-aasawa’y nangangailangan ng trabaho, makapupong higit na trabaho kaysa lahat ng ginugol sa isang kasalan, gaano mang kalaki iyon. Sa isang sesyon tungkol sa paksang pag-aasawa na isinaayos ni Propesor E. M. Pattison, isang may kabataang babae na nagngangalang Betty ang nagsabi: “Ako’y nagkaroon ng parang magic na mga guniguni tungkol sa pag-aasawa, na lalo lamang pinatibay ng pagsasama ng mag-asawa. Subali’t walang magic sa pag-aasawa—basta ang maraming pagpapagal.”
10 Ang pag-aaral ng Salita ng Diyos ay dapat tumulong upang ihanda ang mga Kristiyano para sa mga katotohanan ng buhay may asawa. Bakit? Una, sapagka’t batid natin na lahat ng tao ay may minanang di-kasakdalan kay Adan. Sa Roma 3:23 ay sinasabi: “Sapagka’t lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” Tiyak iyan, ang di-sakdal na taong magiging asawa mo ay hindi makakaabot sa mga ilang inaasahan mo sa kaniya. Minsang magsimula na ang rutina ng araw-araw na pamumuhay, ang iyong asawang lalaki ay baka maging mainipin, maging medyo mainitin ang ulo, medyo tamad o nagpapabaya sa kaniyang maka-Kasulatang mga tungkulin bilang ulo ng inyong pamilya. O, sa piling ng iyong asawang babae, sa matalik na pagsasama ninyo bilang mag-asawa ay baka mahayag na siya’y medyo mayabang, mapag-amu-amuhan, kung minsan ay palapintas o kataka-taka ang pagkahilig sa mga ari-arian.
11, 12. Paanong ang inyong pagiging isang Kristiyano ay nakatutulong tungkol sa pagpapaunlad ng uri ng inyong buhay may-asawa?
11 Ang bagay na kayo’y kapuwa Kristiyano na may pananampalataya sa sakdal na payo ng Diyos ay nagbibigay ng dahilan para sa pagsulong. Marahil ay mapag-uusapan ninyo nang mataktika nguni’t may kataimtiman yaong mga pitak na kung saan bawa’t isa’y magpapahalaga sa lalong higit na pagsunod sa payo ng Diyos. Gumamit kayo ng karunungan at kaunawaan sa pagpili ng oras ng pag-uusap sa ganiyang mga bagay, nguni’t huwag gawin ito pagka ang isa sa inyo ay nayayamot o nagagalit. Pinakamabuti ang magiging resulta kung, sa oras ng gayong pag-uusap, pagsumikapan mong huwag makipagtalo sa iyong asawa sa kaniyang punto-de-vista. Sa halip, aktuwal na makinig ka at kilalanin mo ang pagtutol o kahilingan ng iyong asawa.—Kawikaan 15:28; 18:13.
12 Manakanaka na ang ganiyang mga bagay ay natural na bumabangon samantalang ang mag-asawa’y nakikibahagi sa kanilang pampamilyang pag-aaral ng Kasulatan. Ang gayong kapaligiran ay isang tulong, sapagka’t idiniriin niyaon na kapuwa sila may taimtim na hangaring palugdan ang isa’t-isa. Ang maka-Kasulatang interes na ito na palugdan ang asawa ay kasuwato ng isinulat ni apostol Pablo: “Bawa’t isa sa inyo [na mga asawang lalaki] ay umibig sana sa kaniyang asawa tulad ng sa sarili; at gayundin, dapat taimtim na igalang ng babae ang kaniyang asawa.”—Efeso 5:33; ihambing ang 1 Corinto 13:4-7.
Paunlarin ang Pagtitiwala sa Inyong Pagsasamang Mag-asawa
13. Ano ang kalagayan kung tungkol sa pagtitiwalang namamagitan sa mag-asawa?
13 Malaking tulong sa inyo sa paglutas ng ano mang mga problema o di-pagkakaunawaan kung pauunlarin ninyo ang isang katangian na wala ang maraming makasanlibutang pag-aasawa—ang pagtitiwala. Ang nakalulungkot na kalagayang karaniwan sa mga pag-aasawang iyon ay nakakatulad ng kalagayang umiral minsan sa Israel: “Huwag kayong magtiwala sa isang kasama. Huwag kayong magtiwala sa isang konpidensiyal na kaibigan. Sa kaniya na humihiga sa iyong sinapupunan ay ingatan mo ang mga pinto ng iyong bibig.” (Mikas 7:5; Jeremias 9:4, 5) Walang pagtitiwala na namamagitan sa mag-asawa, isa’t-isa’y nangangamba na kahit ang pribadong mga bagay ay ibubunyag o gagamitin sa maling paraan. Pagka mayroong ganiyang kawalang-tiwala, paano maaasahan na ang mga mag-asawa ay gagawang magkasama upang malunasan ang kanilang di-pagkakaunawaan at mapaunlad ang kanilang ugnayang pangmag-asawa pagka natapos na ang araw ng kanilang kasal?
14. Bakit ang pagtitiwala ay napakahalaga sa pag-aasawa, at paano natin nakikita ito sa Kasulatan?
14 Tungkol sa kahalagahan ng pagtitiwala, si Propesor Ned L. Gaylin d ay sumulat: “Mayroong dalawang batong-pansulok sa isang gumagana, kasiya-siya, at nananatiling pagsasamahan ng mag-asawa: pag-ibig at pagtitiwala. . . . Kung walang pagtitiwala, ang pag-aasawa ay isa lamang marupok na kontrata na nasa alanganin kung magpapatuloy baga o hindi.” Pansinin kung paano inilalarawan ng Kawikaan 31:11 ang isang mabuting asawa: “Ang puso ng kaniyang asawa ay tumitiwala sa kaniya, at siya’y hindi kukulangin ng pakinabang.” Sabihin pa, ang kaniyang asawang lalaki, na isang nakatatandang lalaki sa bayan, ay tiyak na nakahawak ng mga ilang suliranin sa kongregasyon na wasto namang huwag niyang sabihin sa kaniyang asawa. Ito’y isang kabaitan sapagka’t ang asawang babae ay hindi na mapabibigatan pa ng mga bagay na hindi niya dapat malaman. (Kawikaan 31:23; 20:19) Maliban diyan, sa pagitan nila’y umiiral ang hayagang pagtitiwala. Bawa’t isa sa kanila’y nagtitiwala sa pag-ibig niyaong isa at nananalig na siya’y makapagpapahayag ng panloob ng mga damdamin nang hindi siya minamaliit at ang mga bagay na lihim ay hindi ibinibilad sa madla.
15. Buhat sa mga pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa pagtitiwala na dapat mamagitan sa mag-asawa?
15 Ang pagtitiwala ay umiiral din sa pagitan ni Jesus at ng kaniyang makasagisag na kasintahan na binubuo ng pinahirang mga Kristiyano. (Efeso 5:22-32; 2 Corinto 11:2) Mayroong mga ilang bagay na hindi niya sinabi sa mga apostol samantalang hindi nila kayang batahin ang mga iyon. At hindi rin isiniwalat ni Jesus ang araw at oras ng dakilang araw ng Diyos; oo, maging sa kaniya mang Anak ay hindi isiniwalat iyan ni Jehova. (Juan 16:12; Mateo 24:36) Subali’t maliban sa ganiyang mga ilang bagay, bukás sa kanila ang kalooban ni Jesus. Hindi nasasabing nagpakalabis siya sa pagtitiwalang inilagak sa kaniya o naging mapaglihim siya at walang tiwala sa mga bubuo ng kaniyang espirituwal na kasintahan. Siya’y laging handang makipag-usap sa kanila, at ipinabatid pa niya sa kanila ang mga bagay na saka lamang nila nauunawaan sa bandang huli.—Juan 13:7; Marcos 8:17.
16. Paanong ang pagtitiwala ay may bahagi sa isang lalong mainam na pagsasama ng mag-asawa?
16 Pagka pinaunlad ninyong mag-asawa ang pagtitiwala sa isa’t-isa, titibay ang buklod ng inyong pagsasamang mag-asawa. Kayo’y magtitiwala na inyong maipapahayag ang mga tunay na damdamin ninyo. At sakaling pag-usapan ninyo ang mga ilang pagkakaiba ng punto-de-vista o ang isang pitak na kung saan maaaring sumulong pa ang isa sa inyo, malamang na ito’y hindi tahasang tatanggihan o magbubunga ng tampuhan. Sa halip, magtitiwala ka at maniniwala na iniibig ka ng iyong asawa at taimtim na naghaharap siya ng isang punto-de-vista o mungkahi na karapat-dapat mong pag-isipan.—Kawikaan 27:6.
17. Ano ba ang kanais-nais tungkol sa ating kasal, maging kung nakaraan na iyon o kaya’y darating pa lamang sa hinaharap?
17 Ang pagtitiwalang ito ay maaaring mapasulong din sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa inyong nakalipas na magiliw at romantikong pagliligawan at araw ng kasal. Ang muling pananariwa sa inyong gunita ng gayong matatamis na alaala ay tutulong sa inyo upang masupil ang pagkadama ng ano mang hinanakit o kayamutan. Kaya’t kung ikaw ngayon ay nanliligaw o nagpaplanong pakasal, gawin mo ito sa paraan na mag-iiwan sa iyo ng mga alaalang nakalulugod, mapayapa, at positibo, at magigising sa iyo ang magiliw na damdamin at iba pang mabubuting katangian kahit na matagal nang nakalipas ang araw ng iyong kasal.—Awit ni Salomon 3:11.
[Talababa]
a Lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York.
b Lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York.
c Lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York.
d Director of Marriage and Family Therapy Education and Training, University of Maryland.
Ano ang Natutuhan Mo?
□ Anong praktikal na mga hakbang ang maaaring makatulong sa pagkakaroon ng lalong maayos na mga resepsiyon sa kasal?
□ Ano ba ang epekto pagkatapos ng maraming labis-labis na magagarang kasalan?
□ Paano maaaring maapektuhan nito ang inyong pag-asang magkaroon ng maligayang pag-aasawa?
□ Paanong ang iyong pagiging Kristiyano ay tutulong sa iyo sa pagkakaroon ng kaligayahan sa pag-aasawa?
[Mga Tanong sa Aralin]