Timbang na Pagtatamasa ng Kagalakan sa mga Handaan sa Kasalan
Timbang na Pagtatamasa ng Kagalakan sa mga Handaan sa Kasalan
1, 2. (a) Bakit kailangang bigyang-pansin natin ang mga handaan sa kasalan sa ngayon? (b) Gaano ba ang pangangailangan na idaos ang mga handaan?
MARAHIL ay nasaksihan mo na ang sapat na patotoo ng katuparan ng hula na sa “mga huling araw “ang mga tao ay “maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-4) Pinatutunayan ito ng paraan ng pagkakilala ng maraming tao sa mga handaan o resepsiyon sa kasalan at ng iginagawi nila rito. a’ Ano ba ang dapat na pagkakilala natin dito? Dapat bang iwasan ng mga Kristiyano ang pagdaraos ng mga handaan sa kasalan o pagdalo sa mga ito? O ang punto ay na upang tayo’y maging mga “maibigin sa Diyos” ang kailangan ay iwasan natin ang mga ilang silo?
2 Bagaman isang karaniwang kaugalian sa isang lugar na magdaos ng isang handaan pagkatapos na pagkatapos ng kasal, ang mga Kristiyano ay inuubligahan ng Kasulatan na gumawa ng ganiyan. May mga bagong kasal na mas gusto pa ang sa kanilang mismong pamilya lamang o sa ilang pinakamatalik na mga kaibigan makipagtipon, at magkaroon ng kaunting salu-salo. Nguni’t hindi lahat ng nagdaraos ng handaan sa kasalan o dumadalo sa mga ito ay masasabing mga “maibigin sa kalayawan,” sapagka’t si Jesus man at ang kaniyang mga alagad ay dumalo sa gayong selebrasyon sa Cana.
3. Gaano bang kapangkaraniwan ang mga handaan sa kasalan noong sinaunang panahon sa Bibliya?
3 Ang isang kasalan ay panahon ng kagalakan para sa mga bagong kasal, at sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. Karaniwan na noong una ang masasayang handaan sa kasalan. (Genesis 29:21, 22; Hukom 14:3, 10, 17) Yamang ang mga Judio ay sanay na sa mga handaan sa kasalan, ginamit sila ni Jesus sa tatlong ilustrasyon o paghahalimbawa. (Mateo 22:2-14; 25:1-13; Lucas 14:7-11) Kahit ang katapusang aklat ng Bibliya ay nagsasabi: “Maliligaya ang mga inanyayahan sa hapunan ng kasalan ng Kordero.”—Apocalipsis 19:9.
4. Maraming mga handaan sa kasalan ang naging katulad ng ano?
4 Ang mga lingkod ng Diyos noong nakaraan—kasali na si Jesus at ang kaniyang mga alagad—ay naging timbang sa pagtatamasa ng kagalakan sa mga handaan sa kasalan. Libu-libong Kristiyano sa panahon natin ang nakakaranas din ng ganiyan. Isang di-sumasampalatayang kamag-anak na dumalo sa isang kasalan sa Timog Aprika ang nagsabi: “Magaganda pala ang kasalan ng mga Saksi. Suya na kami sa lahat ng mga inumang ito at sa pagkalalakas na musika na uso sa mga kasalan sa ngayon.” Sa maraming, maraming handaang Kristiyano ay kapit ang ganiyan ding komendasyon.
5. Anong uri ng mga problema ang bumangon?
5 Gayunman, mahigpit na nanggigipit ang sanlibutan para akayin tayo na maging “maibigin sa kalayawan.” Kaya’t ganito ang ulat ng mga ilang hinirang na matatanda na Kristiyano:
“Mayroong mga nagsasamantala sa [isang handaan sa kasalan] upang magpasasa. Ang katuwiran nila’y wala raw ganoong karaming mga pagkakataon, kaya’t ibig nilang samantalahin upang sila’y magpakabundat, magpakasawa sa kanilang mga pita na dati’y napipigil. Hindi nga kataka-taka na ang resulta’y kaguluhan.”—Europa.
“Lumilitaw na ang isang kasalan ay may bahagi na isang pahayag, kainan at saka sayawan hanggang sa kinaumagahan. Ang iba’y naniniwala na sa mga handaan ay makaiinom sila nang higit kaysa karaniwan, at malimit na sumosobra ang kanilang pag-inom.”—Latin Amerika.
“Sa handaan sa kasalan ay maaaring may ‘sayawan hanggang sa madaling araw.’ Ang ilan sa mga handaang ito ay tunay na makasanlibutan—pagkakaingay, at masiglang inuman at makasanlibutang sayawan. Marami ang mapasikat na nagpaparangalan ng maluluhong mga damit at maraming kahon ng beer.”—Aprika.
Katamtaman ang Kailangan
6. Buhat sa isang pangungusap na sinalita sa Cana, ano ang mapapag-alaman natin tungkol sa mga handaan ng mga Judio?
6 Batid ng karamihan ng mga tao na sa handaan ng kasalan sa Cana, ang tubig ay ginawang alak ni Jesus. Ngayon, gunitain ang bahaging ito: “Nang matikman nga ng direktor ng kapistahan ang tubig na naging alak . . . , [kaniyang] tinawag ang kasintahang-lalaki at sinabi sa kaniya: ‘Ang unang inilalagay ng bawa’t ibang tao ay ang magaling na alak, at pagka lasing na ang mga tao, saka ilalabas ang mababang uri.’” (Juan 2:9, 10) Hindi niya sinabi na sa partikular na kapistahang ito ang mga panauhin ay ‘nalasing.’ b Sa katunayan, malayong isipin natin na si Jesus ay magiging konsintidor sa paglalasing at palulubhain pa niya ito sa pamamagitan ng paggawa ng karagdagan pang alak. Gayunman, batid ng taong ito na ang labis na pag-inom ay karaniwan sa mga handaan sa kasalan ng mga Judio.
7. Ano ang dapat isaalang-alang ng Kristiyano tungkol sa pagsisilbi ng alak?
7 Sa mga ibang resepsiyon ang may-handa ay hindi nagsisilbi ng ano mang alak sapagka’t ang pagmamalabis ay karaniwan sa gayong lugar, at upang maiwasan na matukso ang sino mang panauhin na nagkaroon na ng problema sa pag-inom. May mga kapatid sa Aprika na nagsabi pa man din na dahil sa hindi pagsisilbi ng alak ay nagiging isang “purong Kristiyanong kasalan” iyon. At totoo na baka mabuting huwag magsilbi ng alak pagka maraming mamamayan sa isang komunidad ang hindi sang-ayon sa pag-inom ng mga Kristiyano ng alak. (Roma 14:20, 21) Gayunman, kailangan ang maging timbang. Tanungin ang iyong sarili, ang handaan ba na dinaluhan ni Jesus ay ‘hindi puro’ sapagka’t nagsilbi roon ng alak? Ang minamasama ng Bibliya ay paglalasing, hindi ang katamtamang pag-inom ng mga inuming may alkohol.—Kawikaan 23:20, 21; 1 Pedro 4:3.
8, 9. (a) Kung magsisilbi ng alak, paano mapananatili ang moderation o pagkakatamtaman? (b) Ano ang sabi ng isang elder tungkol sa problemang iyan?
8 Kung gusto ng mga ikakasal na magsilbi ng alak sa kanilang resepsiyon, isang kapantasan at makonsiderasyon na magbigay sila ng kaukulang pansin sa moderation o pagkakatamtaman. (1 Timoteo 3:2; Mateo 23:25) Halimbawa, sa handaan sa Cana, papaano pinagsilbihan ang mga panauhin? Ang gumawa nito’y “yaong mga tagapagsilbi.” (Juan 2:5, 9) Kaya’t ang mga ikakasal ay maaaring pumili ng mga taong magsisilbi (at marahil magtatakda ng limitasyon) ng mga inumin. Mangyari pa, sa ano mang resepsiyong Kristiyano, kailangang mayroong mga inuming iba pa bukod sa alak para sa mga dapat na uminom nito o may gusto nito.
9 Isang elder sa Central America ang nagkomento: “Ang isang problema ay na pagkalalaki ng mga resepsiyon, kaya’t walang paraan upang makontrol ang lahat ng dumalo. Kung minsan ay nakapupuslit sa mga handaan ang mga taong makasanlibutan na may dalang mga bote ng alak at nag-iiskandalo.” Kaya’t sino ang magiging tagapagkontrol o tagapatnugot? Ilan ang dadalo? Ano ang magaganap sa gayong mga handaan?
Pamamatnugot Buhat Kanino?
10. Ang pagsunod sa anong halimbawa sa Bibliya ang makatutulong upang magkaroon ng mabuting kaayusan sa mga resepsiyon?
10 Sa handaan sa Cana, mayroong isang “direktor ng kapistahan.” (Juan 2:9) Gayundin naman, sa mga resepsiyon sa ngayon isang may kakayahan at responsableng kapatid na lalaki ang maaaring bigyan ng karapatan na mangasiwa sa mga detalye. Yamang alam niya ang mga kagustuhan ng mga kakasalin, maaari niyang patnugutan ang mga musikero, mga silbidor at mga iba pa, o maaari siyang kumunsulta sa mga kakasalin at saka ipatupad ang gusto nila. Dito’y maaaring kasali ang pangangasiwa sa mga attendants. Sila’y sama-samang makakaasiste sa mga bisita at masusugpo nila ang ano mang “party crashers” o mga pumupuslit. Tungkol dito sa pagkokontrol, pansinin sa ilustrasyon ni Jesus ang ginawa sa isang panauhin na nagpakita ng lapastangang kawalang-galang sa isang piging ng kasalan.—Mateo 22:11-13.
11. Ano ang dapat isaalang-alang sa pagpili ng sinuman na tutulong sa mga kakasalin sa pamamatnugot sa mga bagay-bagay?
11 Sa maraming makasanlibutang mga resepsiyon ang manedyer ng bulwagan o ang lider ng banda ang nagsisilbing tagapagpakilala pagka ginaganap ang palatuntunan. Marahil ay batid niya ang karaniwang rutina at malamang na siya’y may inihandang talumpati o ilang katawa-tawang biro. Subali’t kung ibig mo ng isang resepsiyon na kasuwato ng mga simulaing Kristiyano, kukuha ka ba ng isang taong makasanlibutan—na hindi mo espirituwal na kapatid ni miyembro man ng iyong pamilya—upang magpahayag sa iyong mga bisita o maging tampulan ng pansin? Babagay kaya iyan sa payo na “magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, nguni’t lalo na sa mga kapananampalataya [natin]”?—Galacia 6:10.
12. Ano ang ipinakikita ng Bibliya tungkol sa kung sino ang pangunahing may pananagutan sa mga bagay na nagaganap sa isang resepsiyon?
12 Kung minsan ang mga magulang ng nobya o ng nobyo ay tumutulong sa kinasal para sa pagtatakip sa gastos sa resepsiyon. Kaya’t baka akalain ng mga magulang na sila’y kailangang magkaroon ng malaking bahagi sa pagpapasiya sa kung sino ang aanyayahan, kung ano ang klaseng pagkain o inumin na isisilbi o ng palatuntunan na gaganapin. Hindi sinasabi ng Bibliya kung sino ang gumastos sa handaan sa Cana, subali’t sinasabi nito sa atin na nang bumangon ang isang suliranin ang ginawa ng “direktor ng kapistahan ay kaniyang tinawag ang kasintahang-lalaki.” (Juan 2:9) Sa isang handaan sa kasalan ang kasintahang-lalaki ang maka-Kasulatang ulo ng bagong tatag na pamilya. (Efeso 5:22, 23) Kung gayon, bagaman mapagmahal na dapat niyang isaalang-alang ng mga kagustuhan ng kaniyang nobya sa natatanging araw na ito, pati ang mga kagustuhan ng kani-kanilang pamilya, kailangang una sa lahat ay tanggapin niya ang responsabilidad para sa mga bagay na magaganap doon at maging sa mga bagay na hindi magaganap doon.
Sino ang Magsisidalo?
13. Gaanong kalaki ang mga handaan sa kasalan noong sinaunang panahon sa Bibliya?
13 Hindi natin alam kung gaanong kalalaki ang mga handaan ng kasalan noong sinaunang panahon sa Bibliya. Sa handaan para kay Samson ay nagsidalo ang kaniyang mga magulang, 30 kakilala ng kaniyang kasintahang-babae at malamang na may iba pang mga kaibigan o kamag-anak. (Hukom 14:5, 10, 11, 18) Ang mga nagsisidalo noon sa mga kasalang Judio ay mga kababayan nila na mga kapananampalataya at pati mga bisita. Si Jesus at ang kaniyang mga alagad, na galing sa kung saan sa Galilea, ay naparoon sa handaan sa Cana. Batay sa dami ng alak na inihanda ay mahihinuha natin na marami-rami rin ang dumalo.—Juan 2:1, 2, 6.
14, 15. Papaanong ang mga iba’y nagsaayos ng mga resepsiyong “open house,” subali’t anong mga problema ang maaaring bumangon?
14 Sa ngayon, may iba-ibang kustumbre at kagustuhan tungkol sa klase at laki ng mga resepsiyon. Sa mga ilang lugar ay naging kustumbre na ang magkaroon ng “open house” o bukás-sa-lahat na mga handaan; lahat ng mga kapuwa Kristiyano na mga kaibigan ng mga kakasalin ay imbitado. Sila’y maaaring silbihan ng mga inuming pampalamig, hindi upang mabusog ang lahat ng panauhin kundi upang batiin ang mga bagong kasal at lahat ay masiyahan sa masayang pagtitipon. Sa mga ibang lugar naman na kung saan ang pagtitipon ay bukás sa lahat ng kaibigan, marami ang nagdadala ng pagkain—nilutong ulam, isang inihandang inumin o ano mang panghimagas. Lahat ng gumagawa nito ay may kagalakan sa pagbibigay, at lahat ay maaaring masiyahan sa sarisaring pagkain nang hindi napabibigatan ang bagong kasal o sinupaman.—Gawa 20:35.
15 Buhat sa ating nabasa sa ilustrasyon ni Jesus, waring sa mga kasalang Judio kadalasan ay maraming handa. (Mateo 22:2; Lucas 14:8) Sabihin pa, kahit na isang karaniwang handaan para sa lahat ng panauhin sa isang resepsiyon ngayon ay nangangailangan ng malawak na pagpaplano. Isang ina sa Norte Amerika ang nagbibida ng malungkot na karanasang ito:
‘Nang mabalita na magkakaroon ng kasalan, mga kabataan na galing kung saan-saan ang nagsidating upang makibahagi sa libreng pagkain at sayawan. Samantalang ang mga inimbitahan ay nasa Kingdom Hall, ang mga iba’y naparoon sa bulwagang kainan at inakupahan nila ang lahat ng mesang puedeng okupahan. Nang dumating ako doon ay halos mapaiyak ako, sapagka’t wala nang bakante. Totoong dinamdam ko ang gayong kawalan ng pag-ibig na ipinakita sa pamamagitan ng pagpuslit sa isang kasalan at pag-ubos sa pagkain na inihain ng mayhanda para sa matalik na mga kaibigan at mga kamag-anak.’
16. Ano ang maaari nating matutuhan sa Bibliya tungkol sa mga panauhin sa kasalan?
16 Si Maria, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay hindi pumuslit sa handaan sa Cana; sila ‘ay inanyayahan.’ (Juan 2:1, 2) Sinabi ni Jesus, “Pagka inanyayahan ka ng sino mang tao sa isang piging ng kasalan . . .” (Lucas 14:8, 9, 16, 17) Sa ilustrasyon ng kasal ng anak ng hari, binanggit din ni Jesus “yaong mga inanyayahan.” (Mateo 22:3, 9, 10) Isa pa, pagka nagpakita ng kawalang-galang ang isang taong inanyayahan, sa mga attendants ay iniuutos na siya’y palabasin. Sa isa pang talinhaga, limang dalaga na ibig makibahagi sa isang piging sa kasalan ang aktuwal na hinadlangan upang huwag makapasok sa pinto. (Mateo 22:11-13; 25:10-12) Kaya hindi waring kakatuwa kung ang isang resepsiyon ay para lamang sa imbitadong mga panauhin at sila’y kailangang nakabihis ng karapat-dapat na damit. At mauunawaan din kung bakit labas sa pananagutan ng mayhanda ang maging bukaspalad sa mga taong ang pangunahing layunin ay pagkain at kalayawan.—Filipos 3:18, 19; Eclesiastes 5:11.
17. Anong suliranin ang bumangon tungkol sa laki ng mga handaan sa kasalan?
17 Kung ang dalawang kakasalin o ang kanilang mga kamag-anak ay gustong maghanda ng isang buong agahan o pananghalian o hapunan para sa maraming panauhin, malaki ang magagastos diyan. (Ihambing ang Marcos 6:35-37.) Buhat sa Pasipiko ay nanggaling ang ganitong ulat:
“Ang uso ay magmalabis sa mga resepsiyon. Ang iba’y nagkakautang pa upang may magastos sa malaking handaan, kaya’t sa utang nagsisimula ang kanilang buhay may-asawa. Malimit na waring ang hangad ay huwag silang mapahiya, kaya’t naghahanda sila na doo’y gumagasta sila nang lampas sa kanilang kaya.”
Anong lungkot pagka ang mga bagong kasal ay nagsimula ng kanilang pagsasama na taglay ang maraming utang na makapagdudulot ng maraming kagusutan sa kanilang pagsasama. O ano kaya ang madarama nila sa pagkaalam na ang kanilang mga magulang ay nakaharap sa problema ng pagbabayad sa mga pangunahing gastos ng isang malaking handaan? Kung sa bagay, ang mga taong maka-sanlibutan ay baka napabaon sa gayong utang dahilan sa may kayabangang pagnanasa na hangaan sila ng iba o sa hangarin nila na sa kanilang komunidad ay huwag silang mapahiya. (Kawikaan 15:25; Galacia 6:3) Subali’t dapat bang magkagayon kung tungkol sa mga Kristiyano, sa liwanag ng ating nababasa sa Lucas 12:29-31?
18, 19. (a) Bakit ang gusto ng iba ay malalaking resepsiyon? (b) Paano tayo dapat maapektuhan kung tayo’y hindi inanyayahan sa handaan ng isang kaibigan? (Lucas 14:12)
18 Ang layunin ng pagdaraos ng mga ilang pagkalalaking handaan ay upang mapantayan o malampasan pa ang iba. Ganito ang komento ng mga elders sa Kanlurang Aprika:
“Ang iba’y napakalaki ang nagagasta sa mga inuming pampalamig. Ang isang nagdaraos ng pinakamagastos na handaan sa kasalan ang tinutularan. Ito’y lumikha ng mga problema para sa mga taong walang sapat na lakas ng loob na ipakitang sila’y naiiba. Ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan ay maaaring makatisod sa iba at ang pagsisikap na ‘umagapay sa gayong mga mapagparangalan’ ay hindi kinakailangan.”—Tingnan ang 1 Juan 2:15-17.
19 Ang iba naman ay napipilitang bumalikat ng isang malaking handaan dahil sa pangambang baka magdamdam sa kanila ang iba. Kanilang iniisip na kung hindi nila iimbitahan ang mga ilang kakilala nila, baka magdamdam ang mga ito. Kaya, higit ang iniimbitahan nila kaysa nararapat. Sa tuwirang pagsasalita, sino sa atin ang may gustong lubhang matakot ang mga kaibigan natin na maliitin tayo na anupa’t sila’y napapabaon sa utang at kaypala hindi na nakalalahok sa buong-panahong ministeryo? Kung sakali mang tayo’y hindi inanyayahan, mas magaling na isipin natin na kanilang maygulang na pinagtimbang-timbang ang lahat ng bagay, kasali na ang gastos. Baka ang hindi nila pag-anyaya sa atin ay nagpapakita na nga ng kanilang pagtitiwala na tayo’y maygulang at hindi agad-agad magdaramdam. (Eclesiastes 7:9; 1 Corinto 13:4-7) Maaari pa rin tayong makibahagi sa kanilang kasayahan sa pamamagitan ng pagdalo sa pahayag sa kasal na salig sa Bibliya, na siyang lalong mahalagang bahagi. Kung mas minamahalaga natin diyan ang resepsiyon, hindi baga tayo nagiging mga “maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos”?—2 Timoteo 3:4.
20. Kung maliit lamang ang handaan anong mga kinaugalian ang maiiwasan?
20 Ang pagkamakatuwiran kung tungkol sa laki at gastos ng mga handaan ay tumutulong din upang maiwasan ang masasamang kinaugalian. Halimbawa, dahil sa paghahangad ng salapi ay bumibili ang iba ng espesyal na tela para sa trahe de-boda, pagkatapos ay hihilingin nila sa mga kakasalin ng bilhin iyon sa kanila sa halagang mas mataas. Ang mga panauhin sa mga ilang resepsiyon ay kailangang “bumili” ng mga piraso ng keik o “bumili” ng isang sayaw na ang kapareha’y ang bagong kakakasal na nobya, at ang pera’y iniispile sa kaniyang damit. Ang ganiyang pagdiriin sa pera ang maaaring nag-uudyok sa mga panauhin upang ipagparangalan ang kanilang kuwarta sa pamamagitan ng “pagwiwisik” (paghahagis) ng salapi sa mga musikero o pagririgalo nang mamahaling mga regalo upang paupuin sila sa espesyal na mga upuan malapit sa mga bagong kasal.—Lucas 14:8-11.
Tulungan ang Lahat na Magtamasa ng Kagalakan
21. Ano ang bahagi ng musika sa mga piging ng kasalan?
21 Noong panahon ng mga digmaang Maccabeo isang prusisyon ng kasalang Judio ang sinalubong ng isang grupo “na may mga tamburin at mga musikero.” (1 Maccabeo 9:39, The Oxford Annotated Bible; ihambing ang Awit 45:8.) Ngayon naman, malimit na may musika sa mga resepsiyon ng kasalan. Maaaring makadagdag ito sa kagalakan ng mga Kristiyano sa okasyong iyan—o maaaring makabawas din ito ng kagalakan. Bakit nga sinabi itong huli? Sa mga ilang kaso ang musika ay pagkalakas-lakas at walang patumangga. May mga musikero na ang ibig ay musikang uring-disco, o baka ang gusto nila’y walang patumanggang ipagparangalan ang kanilang mga abilidad sa pagtugtug. Subali’t ang resepsiyong Kristiyano ay hindi siyang lugar para sa alinman dito. Ang mga panauhin ba, bata man o matanda, ay masisiyahan sa kanilang pagtitipon bilang mga Kristiyano kung ang musika ay pagkalakas-lakas na anupa’t hindi kayo magkarinigan kung nag-uusap kahit na kayo magkaharap sa isang mesa?
22. Paano maaaring mabawasan ang mga problema tungkol sa musika?
22 Maliwanag, kailangan ang maingat na pagpaplano at pangangasiwa sa musikang tutugtugin sa mga piging ng kasalan lalo na kung mismong mga musikero ang tutugtug nito. Mas mabuti na huwag ang magsitugtog nito’y makasanlibutang mga musikero. Kung may arkiladong mga musikero, ang nobyo o ang kapatid na lalaking pinili ang dapat magpaliwanag sa mga musikero kung anong musika ang dapat tugtugin at kung ano naman ang hindi dapat tugtugin. (Exodo 32:6, 17, 18) Liwanagin sa kanila na hindi maaaring tugtugin ang mga espesyal na kahilingan ng mga panauhin kung hindi aprobado ng nobyo o ng “direktor” ng resepsiyon. Dahilan sa mga problemang bumabangon tungkol sa musikang tinutugtog ng mga musikero, maraming mga kinakasal ang gumagamit ng mga plaka ng ponograpo o mga tapes at pinatutugtog nila ang mismong mga awit na ibig nila. Ang taga-pagpatugtog nila nito ay isang taong may-gulang na hindi agad-agad nadadala ng ano mang popular na awitin na kinahihiligan ng mga musmos na mga kabataan.—1 Corinto 13:11; Hebreo 5:14.
23-25. Ano pa ang mga ibang praktikal na hakbang na maaaring gawin ng mga bagong-kasal upang magkaroon ng isang kawili-wiling pagtitipong Kristiyano?
23 Nais ng mga bagong-kasal na Kristiyano na ang kanilang mga panauhin ay maligayahan pagka ginugunita nila balang araw ang gayong resepsiyon. Kaya’t kung may musika at/o sayawan, kailangang kasuwato ito ng mga simulaing Kristiyano. Kung may mga taong hihilingan ng mga ilang pananalita, ang mga napili at ang kanilang sasabihin ay dapat na angkop sa isang marangal na pagtitipong Kristiyano. .
24 Sa talinghaga ng sampung dalaga ang piging ay nagsimula sa “hatinggabi” sapagka’t naantala ang pagdating ng kasintahang-lalaki. (Mateo 25:5, 6) Sa isa pang kaso, ang sinabi ni Jesus tungkol sa paghahanda ng isang hari ng piging at pag-aanyaya ng kaniyang mga utusan sa mga taong naglalakad sa kalye ay nagpapatunay na ang piging na yao’y sa araw idinaos. (Mateo 22:4, 9) Sa modernong panahon ang mga ibang resepsiyon ay ginaganap hanggang sa kalaliman ng gabi, at samantalang nag-aalisan ng maygulang na mga Kristiyano upang huwag silang labis na mapuyat, ang mga naiiwanan ay patuloy na nawawalan ng pagtitimpi. Para maiwasan ito, maraming mga kakasalin ang nag-iiskedyul ng panahon para sa pagsisimula ng kanilang resepsiyon at ng panahon ng pagtatapos niyaon. Sa ganito’y lahat ay makapagpaplano, kasali na yaong plano para sa angkop na aktibidad Kristiyano kinabukasan pagkatapos ng isang masayang resepsiyon.
25 Ang resepsiyon sa kasalan ay maaaring maging isang magandang okasyon para sa isang tumpak at timbang na pagtatamasa ng kagalakan ng mga Kristiyano. Subali’t ano ba ang bahagi nito may kaugnayan sa kasunod nito—ang buhay may-asawa bilang mga tunay na Kristiyano?
[Mga talababa]
a Sa mga ibang bansa, pagkatapos ng seremonya sa kasal, lahat ng panauhin ay maaaring dumalo sa isang resepsiyon na kung saan naghahanda ng mga inuming pampalamig o kape at mga kakanin. Sa bandang huli ang mga bagong kasal, ang kani-kanilang pamilya at mga ilang kaibigan ay nagsasalu-salo sa isang tahanan o restauran. Sa ibang dako ang resepsiyon ay isang pagtitipon pagkatapos ng kasal—isang miriyenda man iyon o handaan.
b Galing sa Griegong methusko, na ang ibig sabihin ay “malasing, maging lango.” May mga komentarista na nangangatuwiran na ang salitang iyan ay nagpapahiwatig ng pag-inom ng sapat lamang upang magbawa ang panlasa o lumikha ng katuwaan. Ang mga ibang teksto ay hindi sumusuporta sa ganitong pangmalas.—Mateo 24:49; Lucas 12:45; Gawa 2:15; Efeso 5:18; 1 Tesalonica 5:7.
Buhat sa Tinalakay Na, Natatandaan Mo Ba?
□ Bakit dapat pag-isipan ng mga Kristiyano ang tungkol sa mga resepsiyon?
□ Ano ang payo tungkol sa alak sa mga handaan sa kasalan?
□ Sino ang may pananagutan sa mga bagay na ginaganap sa resepsiyon?
[Mga Tanong sa Aralin]