Ang Maaaring Maging Kahulugan sa Iyo ng 1914
Ang Maaaring Maging Kahulugan sa Iyo ng 1914
ANG unang digmaang pandaigdig ang sa lahat ay pinakamalaki at pinakamapangwasak na digmaan magpahangga noon. Ang ikalawa—na isang karugtong lamang ng una—ay higit pa. Sa dalawang giyerang ito, nasawi ang 25 milyong kawal, bukod sa mga sibilyan.
Sakaling magkaroon ng ikatlo, na digmaang nuclear ng mga superpowers, yao’y pagpapatiwakal ng buong daigdig. Magiging wakas daw ito ng sibilisasyon, ayon sa mga autoridad at posible raw na malipol ang sangkatauhan. Ang ilan na bahagi ng lahing nakasaksi sa pagpaslang noong 1914 sa archduke ng Austria at buháy pa hangga ngayon ay makasasaksi ng posibleng mangyaring ito.
Gayunman, hindi lamang dahil diyan kung kaya mahalaga ang panahon natin. Sinasabi sa atin ng hula sa Bibliya ang mga pangyayari noong nakalipas na 70 taon na di-nakikita. Ito’y nagbibigay sa IYO ng malaking pagkakataon. Pag-usapan natin ang mga pinakamahalaga sa mga iyan.
Si Jesus at ang 1914
Minsan nang kasama ni Jesus ang apat na alagad niya, sila’y nagtanong: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Hindi nagbigay si Jesus ng petsa. Kundi, inilahad niya ang sunud-sunod na mga pangyayari sa daigdig na tanda na nagsimula na ang kaniyang espirituwal na “pagkanaririto.” Sabi ng kaniyang hula: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng kakapusan ng pagkain at lilindol sa iba’t-ibang dako.” Sinabi pa niya: “Lahat na mga bagay na ito ay pasimula ng mga hapdi ng pagdurusa.”—Mateo 24:3, 7, 8.
Batid mo na ba ngayon kung bakit napakahalaga ang mga dakilang digmaan sa siglong ito? Katuparan iyan ng hula ni Jesus. Wala nang makakaparis ang dalawang ’digmaang’ pandaigdig. Marahil ang makakahigit lamang ay ang pangatlo, nguni’t hindi iyan ang inihula ni Jesus, yamang ang mga digmaang binanggit niya ay bahagi ng “pasimula ng mga hapdi ng pagdurusa.” Ang mga kabagabagan ay magpapatuloy at patuloy na lulubha. Ang kaniyang hula ay tiyak na nagkaroon ng katuparan sa mga digmaang pandaigdig na nagsimula noong 1914.
Ito ang mapatutunayan pagka pinag-aralan natin ang lahat ng iba pang bahagi ng tanda ng kaniyang pagkanaririto na ibinigay ni Jesus sa Mateo 24 at sa iba pang bahagi ng Bibliya. Basahin mo ito. Tinalakay ito sa mga iba pang labas ng magasing Bantayan, at ang katuparan ng bahaging ito kung pagsasama-samahin ay nagpapatunay na nasasaksihan natin ang “pagkanaririto” ni Jesus. Ano ba talaga ang kahulugan niyan?
Ang “pagkanaririto” ni Jesus ay nangangahulugan ng pagpapasimula ng kaniyang paghahari sa Kaharian ng Diyos. Hindi [natin makikita iyan ng ating literal na mga mata sapagka’t ang Kaharian ng Diyos ay makalangit, hindi makalupa. (Juan 18:36) Kaya’t kailangan ang “tanda” para malaman natin na natupad na iyan. Mahalaga rin na nang may pasimula ng siglong ito, nang gumuho na ang mga imperyo at nabubuo ang mga bagong malalakas na bansa, ang pinakadakilang kapangyarihan sa daigdig—ang Kaharian ng Diyos—ay isinilang.
Si Satanas at ang 1914
Kung ang “pagkanaririto” ni Jesus ay di-nakikita, bakit nga napakahalaga niyan? Dahilan sa epekto sa sangkatauhan. Ang mga ibang hula ang nagpapaliwanag nito sa atin. Halimbawa, sa aklat ng Apocalipsis, nag-uulat si apostol Juan ng isang pangitain na mangyayari pagka nagsimulang magpuno ang Mesiyanikong Hari: “Sumiklab ang digmaan sa langit: si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka nguni’t hindi nanganalo, ni nakasumpong pa man ng dako para sa kanila sa langit. Kaya’t inihagis sa ibaba ang dakilang dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”—Apocalipsis 12 :7-9.
Sa gayon, ang unang digmaang pandaigdig ay hindi ang tanging digmaan na sumiklab noong 1914. Mayroong mas lalong dakilang digmaan, bagaman hindi nakikita ng mga mata ng tao. Nguni’t nadama rito sa lupa ang mga resulta: “Narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi: ‘Ngayon ay dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo . . . Kaya’t mangagalak kayo, kayong mga langit at kayong nagsisitahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagka’t ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”—Apocalipsis 12:10, 12.
Narito ang isang bagong kalagayan sa mga problema ng sangkatauhan sa ika-20 siglo. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay naririto na lamang sa kapaligiran ng lupa. Kataka-taka ba kung ang ilan sa pinakabalakyot na mga tao sa kasaysayan ay nabuhay at umunlad ang buhay sa panahon nating ito? Ang mga aktibidades ni Satanas ay magpapatuloy nang “kaunting panahon na lamang.” Samantala, patuloy ang pagsama. Kaya sinabi ni Jesus na ang unang digmaang pandaigdig at ang kaugnay na mga pangyayari ang ‘pasimula lamang ng mga hapdi ng pagdurusa’!
Gayunman, hindi magpakailanman ang pagdurusang iyan. Ipinakita ni Jesus na tatagal iyan nang kaunting panahon lamang.“ Sa mga nabubuhay noong 1914 na makakakita ng katuparan ng ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto’ ay sinabi niya: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa ano mang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.“ (Mateo 24:34) Mangyayari sa loob ng salinlahing ito ang katuparan ng hula buhat sa isang mas matandang bahagi ng Bibliya.
1914 at ang Pamahalaang Pandaigdig
Daan-daang taon bago ng panahon ni Jesus, ipinakita sa propetang si Daniel ang isang pangitain ng sunud-sunod na mga bansang makapangyarihan mula noong panahon niya hanggang sa atin. Sa dulo ng hula, tungkol sa bansang magpupuno sa panahon natin, sinabi niya: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Samakatuwid, ang kapanganakan ng Kaharian ng Diyos noong 1914 ay totoong mahalaga sa kasaysayan ng daigdig. Isa
itong pamahalaang pandaigdig. Malapit nang ito ang mamahala sa lupang ito sa araw-araw.Literal na babaguhin nito ang lakad ng kasaysayan. Ang taóng 1914 ang pasimula ng isang yugto ng panahon ng kaguluhan at karahasan. Pagkatapos ng Armagedon, ipapasok ng Kaharian ng Diyos ang panahon ng kapayapaan at katahimikan. Maganda ang pagkalarawan ng hula tungkol sa nalalapit nang pagkakaisa ng daigdig sa ilalim ng pagpupuno ni Jesus: “Sa kaniyang mga kaarawan ay mamumukadkad ang mga matuwid, at saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan. At siya’y magkakaroon ng mga sakop mula sa dagat at dagat at mula sa Ilog hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”—Awit 72:7, 8.
Samakatuwid, ang kaguluhan na dinaranas ng lupa sapol noong 1914 ay mariing patotoo ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Katunayan ito ng galit ni Satanas sapagka’t batid niya na halos tapos na ang panahon niya. Patotoo ito na malapit na ang isang bago at lalong mainam na sistemang mga bagay.
Ang 1914 at ang mga Kristiyano
Bakit hindi pa pinapangyayari ni Jesus ang kapayapaan at pagkakaisa ng sangkatauhan? Sapagka’t may isang mahalagang gawain na dapat matapos muna. Inihula ito ni Jesus nang banggitin niya ang tanda ng kaniyang pagkanaririto. Aniya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang wakas ay saka lamang darating pagka nasabi na sa sangkatauhan ang nangyayari. Sila ba’y pinagsasabihan?
Oo. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang mga Saksi ni Jehova ay masigasig at walang takot na nangaral na ng tungkol sa bagong kasisilang na Kaharian ng Diyos. Sa mahigit na 200 bansa ngayon, dinadalaw nila ang mga tao sa tahanan at ipinaliliwanag nila ang dahilan ng mga problema ngayon. Ibinabalita nila ang bagong sistema na malapit nang paiiralin sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, at kanilang ibinabahagi sa mga ito ang kanilang pag-asa para sa hinaharap. Hindi darating ang wakas hangga’t hindi natatapos ang pangangaral na iyan.
Bukod sa pagbabalita ng Kaharian sa mga tao, may isa’pang nagawa ang pangangaral: Nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao na maging mga sakop ng Kaharian ng Diyos. Inaanyayahan ng Diyos na Jehova ang mga bansa pati kanilang mga tagapamahala: “Maglingkod kayo kay Jehova nang may takot at mangagalak na may panginginig. Hagkan ninyo ang Anak, baka magalit Siya at kayo’y mangapahamak sa daan.” (Awit 2:11, 12) Ang mga bansa sa ganang sarili nila ay hindi tumugon sa anyayang ito, nguni’t maraming tao na nasa mga bansa ang nagsitugon. Sila’y hindi naman naghihimagsik at nagiging kaaway ng kasalukuyang mga pinuno sa lupa. (Roma 13:1-7) Subali’t ang ibig nila’y matutuhan ang mga batas ng Kaharian ng Diyos at sundin ang mga ito.
Kamangha-mangha ang naging resulta, at natupad ang isa pang hula: “Maraming bayan ang tiyak na paparoon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas! . . . At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging Isaias 2:2-4.
mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikidigma.”—May mga taong tumutupad na ngayon ng hulang iyan. Buhat sa lahat ng bansa at wika, angaw-angaw ang namumuhay na ayon sa mga batas ng Kaharian ng Diyos, at sila’y nagkakasundu-sundo. Ang malaon nang alitan ng mga tao dahil sa kanilang iba’t-ibang tribo at relihiyon ay nalunasan na. Sa gayon, isang grupo ng mga tao ang ibinubukod buhat sa sanlibutan upang maging pinaka-sentro ng bagong sistemang pansanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.—Apocalipsis 7:9-17.
Ang 1914 at Ikaw
Nakita mo na ba ngayon ang kahalagahan ng 1914 at ang maaaring maging epekto nito sa iyo? Noon, nagsimula ang mga pangyayari na hahantong sa lubos na pagbabago sa daigdig. Ang lihim nito ay ang Kaharian ng Diyos. Nang magsimulang naghari si Jesus sa Kahariang iyan, hindi na sasauli sa dati ang mga bagay. Si Satanas ay pinalayas sa langit. Isang pansanlibutang kaayusan ang gumuho, at ang mga tao’y walang anumang matatag na maihahalili rito. Nguni’t ang Kaharian ng Diyos ang dudurog sa mga pamahalaan ng tao at hahalinhan ito magpakailanman.
Ang 1914 ay pasimula nga ng isang apurahang panahon nguni’t may dulot na malaking pagkakataon. May panahon pa upang ‘hagkan ang anak’ bilang pagpapakilala ng pagpapasakop mo sa kaniya. Ang gagawa nito ay makaliligtas sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay at magiging bahagi ng sangkatauhan na nagkakaisa-isa sa kapayapaan sa ilalim ng iisang Hari, si Jesu-Kristo.
Ang hinaharap na ito ang maaaring maging tunay na kahulugan sa iyo ng 1914.
[Blurb sa pahina 6]
Nang maagang mga araw ng siglong ito, ang pinakadakilang kapangyarihang pandaigdig—ang Kaharian ng Diyos—ay isinilang
[Blurb sa pahina 7]
Lahat ng hula ni Jesus ay matutupad sa panahong ikinabubuhay ng ilan na nasa salinglahi ng 1914