Ginagamit ang Sanlibutan Nguni’t Hindi Nagpapakalabis
Ginagamit ang Sanlibutan Nguni’t Hindi Nagpapakalabis
Ibinida ni Harold L. Zimmerman
BALANG araw kailangan ang pagpapasiya—batid ko iyan. Subali’t ang takot sa tao, kung ano ang aakalain ng tao, at ang hangarin na maging popular ang nag-udyok sa akin na patuloy na ipagpaliban iyon.
Pasimulan natin ang umpisa ng istorya: Nang ako’y tatlong taóng gulang lamang, tinuruan ako ni lolo na tumindig na ang ulo’y nakatuntong sa sahig. Gustung-gusto ko naman! Nang ang sirko’y dumating sa aming bayan, ako’y totoong naakit sa mga pagbali-baligtad at pagsisirku-sirko ng mga sirkero. At naging mithiin ko na ang gayahin sila. Nang ako’y isang bata, ang paglalakad na ang mga kamay ko ang nagsisilbing paa at ang pagsasanay ng pagsisid ang totoong kaakit-akit sa akin at tuwing tag-araw ay haling na haling ako rito.
Sa edad na 12 anyos, ipinakilala ako sa balang araw ay naging unang pag-ibig ko—ang pagsisirku-sirko at gymnastics. Hindi nagtagal at ang aming lokal na koponan ay nananalo ng mga kampeonato sa haiskul, pangrehiyon at pang-estado sa Pennsylvania. Ang pangalan ko pati mga pangalan ng aking mga kasama sa koponan ay malimit na mababasa sa pahayagan. Tuwang-tuwa ako! Subali’t kailanman na hihinto ako sandali upang matamang mag-isip, ang sumisilid sa aking isip: May nilalayuan akong isang bagay—ipinagpapaliban ko sa aking buhay ang pagpapasiya.
Alam ninyo, ang mga nuno ko sa panig ng kapuwa mga magulang ko mula noong maagang 1900’s ay mga Bible Students (iyan ang tawag sa mga Saksi ni Jehova noon) at sila’y’ masigasig sa pagbabalita sa iba ng Kaharian ng Diyos. Sa akin at sa aking kuya ay laging ibinibida ni inay ang Kahariang iyon at kung paano wawakasan niyaon ang kabalakyutan at pangyayarihin na maganap sa lupang ito ang kalooban ng Diyos.
Mga ilang taon din na lagi akong nananalangin kay Jehova at sinasabi ko sa kaniya na “balang araw” ako’y maglilingkod sa kaniya “nguni’t hindi pa ngayon.”
Malimit na ang dasal ko, “Pagka ako’y naging 19 anyos, saka ako maglilingkod sa iyo”—pero hindi natuluy-tuloy. Ang pagbabali-baligtad at pagsisirku-sirko ang buong buhay ko noon.Ang Malaking Desisyon
Noong 1942 ay 20 anyos ako at nasa ikalawang taon ng kolehiyo sa Pennsylvania State. Nang tagsibol na iyon ay nagwagi ako sa kampeonato sa silanganing intercollegiate at national collegiate gymnastics at patas para sa primerong lugar sa pambansang paligsahan sa A.A.U. (Amateur Athletic Union). Ang inaasahan ko’y makalalahok ako sa Olympic Games balang araw. Gaya ng makikita ninyo, ako’y nahaling na lubusan sa sanlibutan, at ganap na napasangkot ako rito.
Nang panahong iyon ang Estados Unidos ay kalahok sa digmaan at tumitindi noon ang diwang pagkamakabayan. Sa mga palabas na pelikula’y totoong binibigyang-diin ang paglilingkod sa hukbong sandatahan, at nakakaakit na mga himig at liriko ang tagapukaw ng damdamin na lalong pinag-aalab ng romansa, obligasyong tungkulin at kaluwalhatian. At sino baga ang aayaw na maging bahagi ng dakilang pagsisikap na ito na palayain ang daigdig buhat sa kalupitan ng mga Nazi at saka ipasok ang walang hanggang kalayaan at kapayapaan para sa lahat ng bayan?
Natanto ko noon kung bakit marami ang naniniwala na walang ibang dapat gawin kundi ang sumali at tumulong sa ikatutupad ng dakilang layuning iyon. Subali’t ano’t may gayong mga awit at kaluwalhatian? Ang digmaan ay isang gawaing di-mailalarawan ang kalupitan! Bakit hindi aminin ito? Lahat na ito ay lubhang nakaligalig sa akin.
Noong Setyembre ng 1942 ay bumalik ako sa Cleveland, Ohio, upang dumalo sa New World Theocratic Assembly of Jehovah’s Witnesses. Ang pangunahing pahayag na “Peace—Can It Last?” ay nakapukaw na mabuti sa akin. Tinalakay ng tagapagpahayag ang Apocalipsis kabanata 17, at ipinaliwanag na ang mabangis na hayop na naging siya, nguni’t wala na, gayunman magiging presente, ay ang Liga ng mga Bansa, na bubuhayin pagkatapos ng digmaan. Ang kaayusang ito, ayon sa tagapagpahayag, ay mabibigo at tutungo sa pagkawasak. Saka ngayon hahalili ang Kaharian ng Diyos upang magpuno sa lupa at magdulot ng walang hanggang kapayapaan. Ang mahalagang impormasyong ito ay malaki ang naitulong sa akin sa aking pagpapasiya.
Bagaman bumalik ako sa kolehiyo nang taglagas na iyon, “sinimulan ko ang dibdibang pag-aaral ng Bibliya, nguni’t lihim, sa fraternity house na kinatitirhan ko. Anong pagkalinaw-linaw na naliwanagan ko iyon ngayon! Ang Kaharian ng Diyos lamang pala ang makapagpapahinto sa mga digmaan at makapagdadala ng walang hanggang kapayapaan sa lupa. Anong laking kamangmangan na ipako ang ating pag-asa sa isang sanlibutan itinakda na sa pagkawasak! Kumbinsidung-kumbinsido ako noon, bagaman ang tanong ay: Sapat kaya ang tibay ng aking pananampalataya upang pakilusin ako—na magpasiya?
Hindi nagtagal pagkatapos nito, isang gabi’y hindi ako makatulog. Ang relos sa looban ng paaralan ay tumugtog na ng ala-una, pagkatapos ay alas-dos. Lahat ng mga kasama ko sa dormitoryo ay himbing na himbing na. Ako’y bumaba hanggang sa ikalawang grado ng higaan, pagkatapos ay lumakad ako hanggang sa makarating ako sa bintanang bukás sa ikatlong palapag ng fraternity house. Noo’y isang preskong gabi ng taglagas. Ako’y nanalangin sa Diyos na Jehova at ipinagtapat ko sa kaniya ang malaking takot na nadarama ko. Gayunman, doon mismo nang mga sandaling iyon ay nabuo ko ang malaon ko nang ipinagpapaliban na desisyon. Mga ilang linggo ang nakalipas at huminto ako sa pag-aaral sa kolehiyo,
disidido na maglingkod kay Jehova hanggang sa pinakasukdulan na magagawa ko.Datapuwa’t, ang tanong ngayon ay: Makukumbinsi ko kaya ang draft board na ilibre ako sa pagseserbisyo sa hukbo, yamang hindi maatim ng budhi ko na lumahok ako sa giyera? Ang batas sa Selective Service ay may paglalaan para sa pag-uuri-uri at pagkalibre sa pagseserbisyo sa hukbo para sa mga ministro ng relihiyon at ng mga nag-aaral ukol sa ministeryo.
Ang mga dati kong kaibigan, kakilala at pati tanyag na mga tao sa bayan ay nagsikap na buwagin ako sa aking desisyon.
“Pero ano kung lahat ay gagawa ng gaya ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova?” ang tanong ng iba.
“Kung lahat ay gagawa ng gaya ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, hindi magkakagiyera,” ang tugon ko. Walang sinumang makapagpabago ng aking isip. Buo na ang aking pasiya, na salig sa Juan 15:19.
Mga tatlong buwan ang nakalipas at dumating ang panahon ng paglilitis sa akin sa isang Federal na bulwagang-hukuman. Pagkatapos ng maikling pagdinig na doo’y ipinaliwanag ko kung bakit inaakala kong dapat akong ituring na isang ministro ng relihiyon, ang hukom ay nagbigay ng instruksiyon sa 12-kataong hurado: “Ang tanong ay hindi kung ang lalaking ito’y taimtim o hindi taimtim sa kaniyang mga paniwala, o kung siya’y hindi isang ministro o isang ministro ng relihiyon. Ang tanong ay, Siya ba’y sumunod o hindi sumunod sa utos ng gobyerno na magprisinta ng sarili para sa pagkalakip niya sa hukbong sandatahan? Ang bagay na siya’y naririto sa hukuman ngayon ay patotoo na siya ay may kasalanan!” Kanyang pinagsabihan ang mga miyembro ng hurado na huwag silang mangangahas na bumalik na taglay ang hatol na “walang kasalanan”!
Ang hatol? “May kasalanan, ngunit ang rekomenda namin ay bigyan siya ng kaluwagan.” Gayunman ang iginawad ng hukom ay ang pinakasukdulang sentensiya. Limang taon na pagkapiit sa isang piitang pederal na itatakda ng attorney general. Ako’y doon ipiniit sa Chillicothe, Ohio.
Mainam na Pagkagugol ng Panahon
Ang regular na tampok para sa bilanggong mga Saksi ay ang pagdalaw ni Brother A. H. Macmillan, isa sa mga manggagawa sa punong-tanggapan ng Watchtower Society. Kaniyang sinabi-sabi sa amin: “Kayo’y gaya ng isang taong nakasakay sa tren at nakaupo nang patalikod. Hindi niya makita ang mga bagay-bagay sa labas ng bintana hangga’t hindi nila nalalampasan iyon.” Binanggit niya sa amin na sa mga taóng darating ay mauunawaan namin nang lalong malinaw ang kahalagahan ng panahong ginugugol namin noon doon. At anong pagkatotoo nga naman ang kinalabasan ng mga salitang iyon!
Nagsaayos kami ng isang panggabing kurso ng pag-aaral na inihawig namin sa Paaralang Gilead para sa pagsasanay sa mga misyonero. Aming pinag-aralan ang Bibliya nang maraming beses at binasa ang lahat ng mga aklat-aralan sa Bibliya na inihanda ng Watchtower Society. Ang kaalamang nakamit ko sa loob ng tatlong taon, walong buwan at limang araw na pagkapiit ay nagsilbing matatag na saligan para sa pagpapatuloy sa karerang pinili ko nang gabing iyon ng taglagas sa kolehio—ngayo’y mga 40 taon na ang nakalipas.
Pagkalayang-pagkalaya ko, ako’y nagpatala bilang isang regular na payunir (isang buong-panahong tagapagbalita ng Kaharian), at sumama ako kay inay sa isang payunir asainment sa Washington, D.C. Doon ay nakilala ko ang isang payunir sister na balang araw ay naging asawa ko. Magkasama kami ni Anne na nagpatuloy sa iba’t-ibang payunir asainment
na humantong sa wakas sa pagkatawag sa amin sa ika-18 klase ng Paaralang Gilead noong 1951. Ang pinagdistinuhan sa amin bilang mga misyonero: Ethiopia, Silangang Aprika.Misyonero at Isang Pagador na “Part-Time”
Upang makapagpadala roon ng mga misyonero, sumang-ayon ang Samahan na magbukas ng mga paaralan sa Ethiopia. Kaya’t kaming mag-asawa ay pumasok roon bilang mga guro sa paaralan. Ang aktibidad sa paglilingkod sa larangan ay limitado, nguni’t, gayunman, nagkaroon ng mabuting progreso sa lupain ni Haile Selassie noong panahong iyon.
Nang ikalawang taon namin doon ay isinilang ang aming panganay, si Ronald. Ano ngayon ang dapat naming gawin? Bumalik sa States? Hindi, wala kaming balak na lisanin ang aming teritoryo. Ako’y nakakita ng trabaho bilang Disbursement Officer sa Ethiopian Department of Highways. Isang bahagi ng trabaho ko ang bayaran ang mga obrero ng cash sa iba’t-ibang mga kampo sa daan sa buong bansa.
Hindi nagtagal at nakita kong magagampanan ko ang gayong pagbabayad sa loob lamang ng 15 araw sa isang buwan. Kaya’t iminungkahi ko sa Administrative Officer na pahintulutan akong magtrabaho nang “part time” o bahaging panahon na lamang, at sa ganoo’y libre ako sa natitirang bahagi ng isang buwan para gugulin ko naman sa pangangaral. Siya’y pumayag. Kaya naman nakabalik ako sa pagreregular payunir.
Nang kami’y umuwi sa amin para magbakasyon noong 1955, ang ikalawang anak namin, si Donna, ay isinilang. Talagang hangad namin na bumalik sa Ethiopia, subali’t dahilan sa mga suliranin sa visa at sa pagkapaalis sa mga ibang misyonero, hindi na namin nagawa iyon. Ako’y nagtrabaho nang buong panahon sa States nang mga ilan ding taon, at sa mga gabi at mga dulo ng sanlinggo ako naglilingkod sa Kaharian. Sa tuwina, kami’y nakadarama ng pagka di-matatag.
“Magtakda ng Petsa at Saka Humayo!”
Noong 1957 ay dumalo kami sa isang asamblea sa Los Angeles, nang si Sheri, ang pangatlo namin, ay 12 araw lamang ang edad. Binasa namin ang programa at natuklasan namin ang aming hinihintay. Iyon ay ang pahayag na pinamagatang “Paglilingkod Kung Saan Malaki ang Pangangailangan.” Naisip namin, “Diyan tayo nababagay. Sa wakas ay iyan ang dako natin!”
Ang aming pinili ay ang Colombia, Timog Amerika, bilang ang bansang ibig naming puntahan para doon kami maglingkod, nguni’t ipinasiya namin na maghintay hanggang sa pagkatapos ng malaking internasyonal na asamblea sa New York sa susunod na taon, 1958. Inakala namin na ang Abril ng 1959 ang pinakamagaling na panahon para magbiyahe ako upang tingnan doon ang mga kalagayan. Ang pagtatawid-bansang pagbibiyahe patungo sa New York assembly at saka ang gastos sa ospital sa pagsisilang doon kay David, ang pang-apat namin, ay umubos ng lahat ng aming natatabing pera. Ano ngayon?
Dalawang linggo lamang bago ang isinaplanong pag-alis ko, sa isang asambleang pansirkito na dalawang beses sa santaon, mga ilang kapatid ang lumapit sa amin at sinabing nabalitaan daw nila na kami’y nagbabalak pumaroon sa Timog Amerika upang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan. Hindi ko alam ang sasabihin ko, sapagka’t magpahangga noon ay mayroon lamang $100 (U.S.) ang naitatabi namin para sa biyahe. Datapuwa’t, may naganap na isang kapana-panabik na pangyayari.
Isa sa mga tagapagpahayag sa programa, na ang mga salita’y nakadirekta sa mga umaasang sila’y makapagpapayunir, ang nagpahayag na sila’y hindi dapat maghintay hanggang sa magkaroon pa sila ng
kotse, ng treyler at kuwarta sa bangko bago magsimula ng pagpapayunir. “Magtakda ng petsa at saka humayo!” ang idiniin niya. Aming ikinapit ang payong iyon at ipinasiya namin na ipagpatuloy ang aming plano.Isang linggo bago ang aking isinaplanong pagbibiyahe, sinabihan ko si Anne na tumelepono sa airline at ipagpareserba ako para sa pagbibiyahe sa susunod na Biyernes para sa Barranquilla, Colombia. Wala man lamang kaming sapat na kuwarta para sa tiket na papunta lamang kahit para sa aking mag-isa, di lalo na kung kasama pa ang iba pang miyembro ng pamilya. At patuloy na umiikli ang panahon!
Bueno, nakapagpareserba si Anne at kalalapag lamang ng telepono nang tumunog ang doorbell. Ang tumimbre’y ang kartero na may dalang sobre na galing sa Internal Revenue Service—isang tsekeng nagkakahalaga ng $265—isinasauli ang labis na income tax na inawas sa aking suweldo noong 1958! At hindi pa iyan ang lahat. Kinabukasan, Sabado, ang tatlong kongregasyon na aming kinauugnayan nang kami’y nasa Los Angeles ay naghanda ng barbecue para sa amin. Anong laking sorpresa nang ang mga kapatid na nagtipun-tipon doon ay mag-abuloy ng $350 upang tulungan kami sa aming mga plano!
Isang Halimbawa sa Bibliya ang Tumulong sa Akin na Magpasiya
Nang sumunod na Biyernes ng gabi, pagkatapos na si Anne at ang mga bata’y iwanan ko sa Los Angeles, ako’y nagbiyaheng patimog-silangan patungong Colombia, Timog Amerika, upang ang susunod na dalawang linggo ay gugulin ko sa paghahanap ng trabaho.
Pagdating ko roon, agad may nabalitaan ako na totoong ikinabahala ko. Nabasa ko sa pang-araw-araw na peryodiko ang tungkol sa mga lansakang pagpapatayan sa interior ng bansa. May di-deklaradong giyera sibil na nagaganap noon sa pagitan ng dalawang magkaribal na partido politikal at mga mamamayan ng mga buong komunidad ang walang patumanggang pinagpápapatáy. May sampung taon nang nagaganap ito! Bakit kaya hindi ko nabalitaan ito antimano? Ibig ko bang talagang dalhin dito ang pamilya ko upang mamuhay sa mga kalagayan na katulad nito?
Sa mga pagpapasiya, kinaugalian naming mag-asawa na humanap muna sa Bibliya ng gagabay sa amin na mga simulain at halimbawa. Ang pinakamagaling na talatang naiisip ko sa kasong ito ay Mga Bilang kabanata 13, na kung saan si Moises ay nagsugo ng 12 tiktik upang maniktik sa Lupang Pangako.“ Lahat sila maliban sa dalawa ay nagsibalik na taglay ang negatibong balita. Pagkatapos ay nagriklamo ang mga tao na sila raw ay inilabas ni Moises sa ilang upang mangapahamak lamang, pati kani-kanilang asawang babae at maliliit na anak. Ang sagot ni Jehova ay: Ang kanilang sariling mga katawan ay hindi na makakaaguwanta sa loob ng 40 taon na sila’y pagala-gala sa ilang. Subali’t ang kanilang mga anak, na kanilang ikinababahala kung ano kaya ang maaaring kasapitan, ay makararating at makapapasok sa lupain ng Canaan.
Nariyan ang sagot! Kaya’t tinawagan ko sa telepono si Anne sa Los Angeles at hiniling kong ipagbili niya ang lahat ng aming gamit na dapat ipagbili at mag-alsa-balutan para magkasama kami. Dahil sa limitado ang aming badyet ay hindi na ako maaaring magbiyahe para makabalik sa California. Sa tulong ng ating mga kapatid sa Los Angeles, naipagbili ni Anne ang kotse at ang mga gamit sa bahay at binasta ang natitira pang mga gamit namin para biyahe. At pagkatapos siya at ang aming maliliit na anak, mula sa edad na limang taon hanggang limang buwan, ay sakay ng eroplanong nagbibiyahe
na patungo sa Colombia at sa isang maligayang reunion ng pamilya.Makalipas ang anim na linggo, ang pondo namin ay walang natira kundi tatlong dolar, kaya’t sa wakas ay nagsimula akong nagtrabaho para sa isang internasyonal na kompanya, sa internal auditing department.
Hindi nagtagal at nabago ang politikal na kalagayan, nagkaroon ng isang lalong matatag na pamahalaan. Sa lumipas na 24 na taon hangga ngayon ay may kalayaan ng pagsamba, kaya naman ang pangangaral ng Kaharian ay laganap na sa buong lupain.
Ginagamit ang Sanlibutan Ngunit Hindi Nagpapakalabis
Sa nilakad-lakad ng mga taon, sa tuwina’y isinasaisip namin ang payo ni apostol Pablo na “ang mga nagsisigamit sa sanlibutan ay maging tulad sa mga hindi nagpapakalabis ng paggamit.” (1 Corinto 7:31) Sa tuwina’y hindi madali na manatiling nasa hustong pagkatimbang—pagsisikap na makapagtrabaho kang mabuti para sa iyong amo at gayundi’y inuuna muna ang intereses ng Kaharian sa iyong isip at puso.—Mateo 6:33.
Ako’y buong panahong naghanapbuhay sa unang dalawang taon sa Colombia, samantalang kaugnay kami sa isang maliit na kongregasyon sa Cali. Pagkatapos ay minabuti namin na lumipat sa isang maliit-liit na siyudad na karatig upang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan.
Sa finance manager ay nagmungkahi ako ng trabahong part-time o para sa isang bahagi lamang ng panahon, at sinabi ko sa kaniya na magagawa ko ang trabaho ng kalahating araw lamang. Sumang-ayon naman siya. Ganoon ako nagtrabaho nang sumunod na pitong taon hanggang dahil sa patuloy na lumalaking gastos at pangangailangan ng pamilya ay bumalik ako sa buong panahong paghahanapbuhay. Ang pitong taon na iyon ay ginugol ko sa mainam na paraan, kaya nagkapanahon ako na magpayunir at makihalubilong mabuti sa aking pamilya.
Noong nakalipas na walong taon ay nagtatrabaho ako sa ilalim ng isang kontrata na may tanging kaayusan ng iskedyul na maaaring baguhin. Kaya naman nakahingi ako ng libreng panahon kung kinakailangan ko. Sa gayon, ako’y nakapaglingkod bilang pansamantalang tagapangasiwa ng sirkito at manakanaka bilang tagapangasiwa ng distrito, bukod sa naglilingkod bilang instruktor sa mga paaralan ng Samahan para sa pagsasanay sa mga elders na Kristiyano at mga regular na payunir.
Malalaki na ang aming mga anak. Ang dalawang lalaki ay mga ministeryal na lingkod at ang dalawang nakatatanda naming anak ay parehong may asawa na. Anong laki ng aming pagpapasalamat na sila’y makitang sumusunod sa rutina ring iyon na natutuhan nila nang sila’y nasa kamusmusan pa lamang, ang kanilang mga mumunting anak ay regular na isinasama nila sa mga pulong ng kongregasyon at sa paglilingkod sa larangan! Ang‵ aming pag-asa at palaging idinadalangin ay na maging ikalimang-henerasyong mga Saksi sana ang aming mga apo.
Ngayon, pagkatapos na isaalang-alang ang lahat ng bagay, taimtim na masasabi kong hindi ko ipinariwara ang aking buhay nang magpasiya ako nang gabing iyon sa kolehiyo mahigit sa 40 taon na ngayon ang lumipas. Ang aming buhay ay naging makabuluhan at hindi kami pinabayaan kailanman ni Jehova, sapagka’t sa tuwina’y sinikap naming magpasiya na kasuwato ng kaniyang mga simulain na ‘ginagamit ang sanlibutan,’ oo, ‘nguni’t hindi nagpapakalabis.’