Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

◼ Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay tumatangging ang kanilang mga lathalaing pantulong sa pag-aaral ng Bibliya ay ipagpalit sa mga relihiyosong babasahin ng mga taong natatagpuan nila?

Ginaganap ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pangmadlang ministeryo bilang pagsunod sa kinasihang pag-uutos. Sinabi ni Jesus na sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” ang “mabuting balita ng kaharian ay [kailangang] ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:3, 14) Ang mga Saksi ay hindi nagbabahay-bahay upang maghanap ng katotohanan o kaliwanagan. Kundi, nakagugugol na sila ng di-mabilang na mga oras sa pagkatuto ng katotohanan buhat sa Salita ng _Diyos at, ngayong taglay na nila ang “mabuting balita,” kanilang ipinamamahagi ito sa iba.

Maraming taong naniniwala na ‘may mabuti sa lahat ng relihiyon’ ang marahil mag-iisip na isang kakitiran ng isip ang tumutol diyan. (Makikita ang pagkakaiba ng kaisipan ni Jesus na nahahayag sa Mateo 7:13, 14, 21-23.) Ang mga pilosopong Griego sa sinaunang Atenas ay nanghimok sa ganiyang “bukas-isip” na saloobin at natutuwa sila na “magbalita o makinig ng tungkol sa mga bagay na bago.” (Gawa 17:18-21) Humarap sa kanila si apostol Pablo hindi upang magpasok din ng mga pilosopya o kuro-kuro. Siya’y nagharap ng katotohanan, isipin man nila na yao’y kakitiran o hindi ng isip. Ang iba sa mga taga-Atenas ay nanlibak, nguni’t ang iba ay tumugon at naging mananampalataya.—Gawa 17:32-34; 2 Corinto 6:14-18

May kabatiran si Pablo sa mga ibang turo ng mga Griego at ginamit niya ang gayon sa pagbibigay ng isang mabisang patotoo. (Gawa 17:28) Tulad niya, may kaalaman ang mga Saksi ni Jehova sa mga turo ng iba. Sila’y mayroong sapat na saligang kaalaman sa mga turo ng mga relihiyon na palasak sa kanilang lugar. Tinalakay ang mga gayong turo sa aklat na Ano ang Nagawa ng Relihiyon ukol sa Sangkatauhan? pati sa maraming artikulo sa Ang Bantayan at Gumising! Ang gayong impormasyon tungkol sa sarisaring relihiyon ay binabanggit sa konteksto upang ipakita ang pagkakaiba sa katotohanang mga turo ng Bibliya.

Ang Salita ng Diyos ay nagbabala sa mga Kristiyano na “si Satanas man ay patuloy na nagkukunwaring isang anghel ng liwanag. Kaya hindi malaking bagay na ang kaniyang mga ministro man ay patuloy na magkunwari rin na mga ministro ng katuwiran. Subali’t ang kanilang kahihinatnan ay masasang-ayon sa kanilang mga gawa.” (2 Corinto 11:14, 15) Nagtagumpay si Satanas ng pagharap na animo’y “isang anghel ng liwanag” kaya niya nadaya kahit ang isang sakdal na tao, si Eva. (1 Timoteo 2:14) Kaya’t isang pangangahas at pag-aaksaya pa rin ng mahalagang panahon, kung ang nilayong mandaya ng literatura ng huwad na relihiyon ay tatanggapin ng mga Saksi ni Jehova at ihahantad doon ang sarili nila. Iniiwasan nila ang mahulog sa malungkot na nangyari sa mga Judio, na ang sabi ni Pablo’y “ipinagpalit ang katotohanan ng Diyos sa kasinungalingan.—Roma 1:25, NW; Revised Standard Version.

Isa pa, ang iba sa relihiyosong literatura na iniaalok ng mga tao sa mga Saksi ni Jehova upang basahin ay isinulat, o may mga kuru-kuro, ng mga apostata. Sa mga Kristiyano ay iniuutos na iwasan ang gayong mga apostata. (2 Juan 9-11; Tito 3:10, 11) Angkop ang payo ng Ang Bantayan ng Disyembre 15, 1983:

“Noong unang siglo, si Himeneo at si Fileto ay naging mga apostata at sinubok nila na sirain ang pananampalataya ng iba. Ang pamantayan ng Diyos ay: ‘Ilagan mo ang gayong walang-kabuluhang mga usapan na salungat sa kabanalan.’ (2 Timoteo 2:16-19) Ang mga Kristiyanong sumusunod sa pamantayang iyan ay tiyak na hindi nahilig sa pakikinig sa mga apostata, o sa pagtanggap ng nakalalasong mga kasulatan na marahil ay ipinamamahagi ng mga ito ‘alang-alang sa masakim na pakinabang.’ Bakit mo tutustusan ng salapi ang kanilang kabalakyutan sa pamamagitan ng pagbili sa kanilang literatura? (Tito 1:11) Bilang tapat na mga Kristiyano tayo’y manatiling sumusunod sa mga pamantayan ng Diyos, na ang ipinapasok sa ating mga isip ay mga bagay na totoo at matuwid, at manatiling may pagpapahalaga at katapatan sa alulod na unang tumulong sa atin upang matutuhan natin ang katotohanan ng Bibliya.—Ihambing ang 1 Timoteo 4:16.”—Pahina 15.

Sa gayon, bunga ng karunungan at paggalang sa payo ng Diyos kung kaya hindi ugali ng mga Saksi ni Jehova na ang mahalagang mga lathalaing pantulong sa pag-aaral ng Bibliya ay ipagpalit sa mga relihiyosong babasahin na nagkakalat ng kasinungalingan o mga kuru-kuro ng mga apostata.