Dating Patutot na Napamahal sa Diyos
Buhay ang Salita ng Diyos
Dating Patutot na Napamahal sa Diyos
MARAMING tao ang gumagawa ng masama nguni’t hindi nila natatalos na ang ginagawa nila ay hindi nakalulugod sa Diyos. Halimbawa, baka sila’y napasisiping sa sinuman na hindi nila asawa, na labag sa kautusan ng Diyos. (Exodo 20:14; Hebreo 13:4) Nariyan ang babaing Canaaneo na si Rahab, taga-Jerico.
Iyan ay si Rahab na tumatanggap sa kaniyang bahay ng isang Canaaneo. Ito’y galing sa ibang lunsod. Siya’y baka pinakakain ni Rahab, pinagiging maalwan sa magdamag at pinapayagang sumiping kay Rahab. Si Rahab ay isang patutot. Para sa mga Canaaneo ay isang hanapbuhay ang gayong pagpapatutot.
Isang araw ang dalawang lalaking Israelitang ito ay naparoon sa bahay ni Rahab, at kaniyang tinanggap sila. Sila’y mga tiktik buhat sa kampo ng mga Israelita doon sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan kung nasa Jerico ka. Sila’y hindi nagpunta kay Rahab dahil sa kaniyang hanapbuhay na pagpapatutot. Kundi, naisip nila na ang bahay ni Rahab ay baka isang magandang dakong gawing tuluyan nang hindi sila pinaghihinalaan.
Subali’t, nahalata ang mga tiktik nang sila’y pumapasok sa bahay ni Rahab. Ito’y ibinalita sa hari ng Jerico. Agad na isinugo niya kay Rahab ang mga lalaking ito na nakikita mo. Kanilang ipinag-utos: ‘Ilabas mo ang mga lalaking nagpunta rito sa iyong bahay.’ Nguni’t ang sabi ni Rahab: ‘Opo, may naparito ngang mga
lalaki, pero nang kumakagat na ang dilim ay nagsialis na sila. Habulin ninyo sila.’ Ang totoo, ang mga tiktik ay itinago ni Rahab sa kaniyang bubong.Ano ngayon ang ginawa ni Rahab? Siya’y nagpahayag ng pananampalataya sa Diyos na Jehova at pinapangako niya ang mga tiktik na iligtas siya pati kaniyang sambahayan pagka ang Jerico ay ibigay ni Jehova sa kamay ng mga Israelita. Nang mangako ang mga tiktik, sila’y tinulungan ni Rahab na makatakas sa pamamagitan ng paglalambitin sa lubid tungo sa kabila ng pader.
Hindi nagtagal, dumating ang hukbo ng mga Israelita at nagmartsa sa palibot ng Jerico. Nang ikapitong araw ay makapito silang nagmartsa sa palibot ng lunsod, at, parang himala, bumagsak ang mga pader niyaon. Nguni’t gaya ng ipinangako ng mga tiktik, si Rahab at ang kaniyang sambahayan ay iniligtas. Nang maglaon, si Rahab ay naging asawa ng isang Israelita na nagngangalang Salmon. At sila’y naging mga magulang ni Boaz na ninuno-sa-tuhod ni Haring David. Oo, si Rahab ay isang mainam na halimbawa ng isang taong dating masama nguni’t nagbago ng kaniyang pamumuhay at napamahal sa Diyos na Jehova.—Josue 2:1-24; 6:1-25; Ruth 4:21, 22; Mateo 1:5; Hebreo 11:31.