Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Malasin ang mga Pagpapala ng Pagkakaisa sa Kaharian

Malasin ang mga Pagpapala ng Pagkakaisa sa Kaharian

Malasin ang mga Pagpapala ng Pagkakaisa sa Kaharian

“Lahat ng nakakakita sa kanila ay makakakilala sa kanila, na sila ang supling na pinagpala ni Jehova.”—ISAIAS 61:9.

1. (a) Anong modernong paglalaan ni Jehova ang nagpapakita ng kaniyang pagkabukas-palad sa maraming mga tao na hindi pa nakakakilala sa kaniya? (b) Papaano nakikilala ang kaniyang sariling pinagpalang bayan?

 SAPOL noong 1914 isang makalangit na Hari ang nakaluklok na at binigyang-kapangyarihan na magpuno. At gumawa na ng paglalaan para sa isang makalupang organisasyon sa ilalim ng “mga prinsipe” na nagpupuno nang may katarungan. (Isaias 32:1, 2) Sa lahat na ito, si Jehova ay napatunayan na bukas-palad o mapagbiyaya sa lahat ng nagugutom at nauuhaw sa katuwiran. At ang nagugutom at nauuhaw na mga tao ay nagdadagsaan sa bayan na pinagpapala nang gayon ni Jehova. Subali’t papaano nila nakikilala ang mga ito? Sila ba’y tanyag sa lipunan, sa larangan ng politika o ng pananalapi? Hindi, hindi dahil sa alinman sa mga ito kung kaya sila napagkikilala. Ang dahilan ay sapagka’t nababanaag sa kanila ang kanilang bukas-palad na Diyos sa pamamagitan ng kanilang ginagawang pamamahagi sa iba ng mga pagpapala na kanilang tinanggap.

2. Kasuwato ng Isaias 32:8, anong katangian ang makikita sa mga lingkod ni Jehova sa lupa ngayon, at iyan ay dahil sa kanilang sinusunod ang anong ipinayo ng kanilang Lider?

2 Ang bukas-palad na Diyos ay nagturo sa kaniyang mga lingkod na maging bukas-palad o mapagbiyaya rin. Tungkol sa isang tao na mapagbiyaya ang Isaias 32:8 ay nagsasabi: “Ang isang mapagbiyaya, siya’y nagpapayo tungkol sa mga bagay na mapagbiyaya; at dahil sa mga bagay na mapagbiyaya ay magbabangon siya!” Kung paano isinaisang-tabi ni Jesus ang kaniyang sariling kalooban at pinagkaitan ang kaniyang sarili ng maraming bagay upang magampanan ang kaniyang bigay-Diyos na pagkasugo na ipamahagi sa iba ang maluwalhating mabuting balita ng Kaharian, kaya’t hangarin din ng kaniyang mga tagasunod na gawin ang ganiyan. Kanilang sinusunod ang payo ni Jesus: “Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at kayo’y bibigyan ng mga tao. Takal na mabuti, pikpik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagka’t sa panukat na inyong isinusukat ay doon din naman kayo susukatin.” (Lucas 6:38) Ang Diyos na Jehova at si Kristo Jesus ang makagaganti at ang gaganti sa gayong pagkabukas-palad ng kanilang mga lingkod sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng kasiyahan, kapayapaan ng isip at kagalakan sa pagbubunga ng kanilang tapat na paglilingkod na kinasasangkutan ng mga intereses ng Kaharian.

3. Papaanong ang saloobin ng tapat na mga lingkod ni Jehova ay ibang-iba sa saloobin ng mga nasa Sangkakristiyanuhan at ng kaniyang mga manunulsol?

3 Ang pagkamapagbiyaya at kasipagan ng bukas-palad na mga tagapangaral ng mabuting balita ay malayung-malayo kung ihahambing sa iba. Ang propeta ng Diyos ay bumanggit ng kapahamakan para sa mapagwalang-bahalang mga babae na ‘mahilig magpa-easy-easy’ sa masuwaying Jerusalem. (Isaias 32:9-14) Ang ganiyang saloobin ay nagpapaalaala sa atin tungkol sa iba na nag-aangking mga lingkod ng Diyos at ni Kristo, nguni’t hindi masisipag o masisigasig sa paglilingkod kay Jehova. Oo, naiisip natin yaong mga nasa Sangkakristiyanuhan at hindi talagang nangababahala tungkol sa karamihan ng mga tao na nagugutom at nauuhaw. Ang pagkaabala nila sa mga bagay na makasanlibutan, na hindi iniisip ang sila’y maging abala sa gawaing iniuutos ni Jehova sa mismong panahong ito sa kasaysayan, ay hahantong lamang sa kanilang pagkapariwara, gaya ng isang kapahamakan na iniuugnay sa pagpalya ng ani.

4. Anong kinabukasan ang naghihintay sa lahat ng nagpapatuloy na lumapastangan sa Salita ng Diyos?

4 Wala kundi kadalamhatian at kapahamakan ang naghihintay sa Sangkakristiyanuhan at sa kaniyang mga kasabuwat at manunulsol. Ang espirituwal na gutom at sa wakas pagkaubos ng kaniyang mga tagatangkilik ang kahihinatnan niya dahil sa hindi niya pagkabukas-palad at pagbubunga sa paglilingkod kay Jehova. Yamang lahat ng palsipikadong mga Kristiyanong ito ay hindi nagtanim at nagdilig sa wastong paraan, at hindi ginamit nang may katapatan ang Salita ng Diyos, si Jehova ay walang obligasyon na ‘patuloy na palaguin iyon.’—Ihambing ang 1 Corinto 3:6-9.

Mabuting Balita Para sa mga Tapat

5. Ano ang inihula sa Isaias 32:15, at may anong kahanga-hangang mga pangyayari hanggang sa taong ito, ng 1984?

5 Pinalalakas-loob yaong mga matiyagang naghihintay kay Jehova samantalang may katapatang gumagawa alang-alang sa mga intereses ng Kaharian na ipinagkatiwala sa kanila, at sa kanila’y may nakalaang mabuting balita. Ito’y nasusulat sa Isaias 32:15 sa mga salitang ito: “Hanggang sa mabuhos sa atin ang espiritu na mula sa itaas, at ang ilang ay maging mabungang bukid, at ang mabungang bukid ay maibilang sa isang tunay na gubat.” Ang banal na espiritu ng Diyos ay naibuhos sa kaniyang modernong-panahong mga saksi, gaya rin noon sa naghihintay na mga apostol at mga alagad noong Pentecostes ng 33 C.E. (Gawa 2:1-4, 14-18; Joel 2:28, 29) Kung paano noon, gayundin ngayon, ang resulta ay na naging abala ang tapat na mga lingkod ni Jehova sa lupa sa gawaing paggawa ng mga alagad. Lalung-lalo na noong 1919 at 1922 ibinuhos ang espiritu ni Jehova sa kaniyang bayan, at pasimula lalo na noong 1922 ay binigyan ng malaking pampasigla ang gawaing pangangaral ng Kaharian. Ang aktibidad na ito ay nagpatuloy at lumawak hanggang sa taong ito ng 1984, sa kabila ng maligalig na mga kalagayan na palasak sa buong lupa. Ang bilang ng mapagbiyayang mga tagapangaral ng mabuting balita ay umabot sa sukdulan na nagpuputok-sa-daming 2,652,323 ngayon kung ihahambing sa 7,000 o 8,000 noong 1922.

6. Nagkaroon ng ano pang kamangha-manghang mga epekto buhat sa pagbubuhos ng banal na espiritu sa makalupang organisasyon ni Jehova?

6 Ang tiyakang resulta ng ‘ibinuhos na espiritu’ ay ang pagkamabunga. Hindi na tayo dumaranas ng ilang na kalagayan ng sanlibutan ni Satanas, o ng espirituwal na taggutom sa pakikinig ng Salita ni Jehova. (Ezekiel 36:29, 30) Mula noong Pentecostes ng 33 C.E. patuloy, ang Diyos ay nagtatanim ng “malalaking punungkahoy”—mga matitibay at matatatag na Kristiyano—sa espirituwal na paraiso ng kaniyang bayan. Ang gayong mararangyang “punungkahoy,” na mabubunga, at “itinanim ni Jehova,” ay lumaki at umunlad hanggang sa maging halos isang gubat samantalang ang nakikitang organisasyon ng mga mananamba kay Jehova ay nagpapaabot sa lahat ng mga taong may ibig ng nakagiginhawang lilim at espirituwal na pagkain buhat sa kanilang Diyos.—Isaias 61:3.

7. Ano ang nagpakilos sa isang malaking pulutong ng tapat-pusong mga tao upang dumagsa sa nakikitang organisasyon ni Jehova?

7 Ang tapat-pusong mga tao na dumadagsa ngayon sa nakikitang teokratikong organisasyon ni Jehova ay naaakit sa mga kababalaghan ng isang espirituwal na paraiso. Saanman sa lupa ay hindi nila nasusumpungan ang katuwiran at katarungan kundi dito lamang. Sawa na sila sa walang pananampalatayang mga klerigo, sa mapag-imbot na mga politiko at masasakim na dambuhala sa negosyo. Ang kanilang mga mata ay nangabuksan upang makita ang isang lipunan ng may takot sa Diyos na mga lalaki at mga babae at sa gitna nila’y hindi inaaring malinis ang mga taong hangal at walang simulain at pinagtitingin na mararangal; at kung saan sinasaway ang mga taong namumuhay nang may kalikuan at labag sa pagka-Kristiyano at mabilis na pinarurusahan ang mga taong namimihasa sa mga gawang karumal-dumal at kabalakyutan.

8. Papaano natutupad ang Isaias 32:16 sa bayan ni Jehova ngayon?

8 Ang propeta ay nagpapatuloy sa kaniyang kinasihang pasabi, na: “At sa ilang ay tatahan nga ang katarungan, at sa mabungang bukid ay titira ang katuwiran.” (Isaias 32:16) Oo, ang katarungan at katuwiran ay tumatahan sa nakikitang organisasyong teokratiko ni Jehova. Mangyari pa, lahat ng tunay na mga lingkod ng Diyos ay nakababatid na lahat ng bagay na taglay nila at tinatamasa, kasali na ang kanilang kaaya-ayang katayuan sa harap ni Jehova, ay nakakamit nila dahilan sa di-sana nararapat na kagandahang-loob. Ang kanilang katuwiran ay nanggagaling sa Diyos.

9. Papaanong ang mga gawa ng tapat na mga saksi ni Jehova ay ibang-iba sa mga gawa at saloobin ng mga klerigo sa Sangkakristiyanuhan?

9 Ito’y lubhang ibang-iba sa matuwid-sa-sarili at paimbabaw na kabanalan ng mga litaw na tao sa Sangkakristiyanuhan. Ito’y isang katuwiran na pinatutunayan ng mga gawa—mga gawang nagdadala ng kapurihan kay Jehova at ng pakinabang sa kaniyang masunuring mga nilalang sa lahat ng lahi at wika. Ang isa sa mga gawang iyon ay ang pagbabalita sa Hari na naghahari ngayon ayon sa kalooban ng Diyos. Walang ibang organisasyon ng mga tao na nagbabalita ng ganiyang nakagagalak na katotohanan. At bawa’t taimtim na tagapakinig ng pabalitang iyan ay sabik naman na ihatid sa kaniyang mga kapuwa-tao ang impormasyon tungkol sa mga pagpapala na dulot ng pagkakaisa sa Kaharian.

Ang Pagpapala ng Kapayapaan

10. Ano ba ang ipinagpapatuloy ni Isaias na ilarawan sa kaniyang hula sa kabanata 32, talatang 17?

10 Ang lumalaganap na pangglobong gawaing ito, ang banal na paglilingkod na ito, ay nagaganap sa pamamagitan ng isang organisasyon na kung saan umiiral ang kapayapaan, katahimikan at katiwasayan na binabanggit ni Isaias sa kabanata 32, talatang 17, ng kaniyang hula, na nagsasabi: “At ang gawain ng tunay na katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng tunay na katuwiran ay katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda.” Itong tunay na katuwirang ito ang pinaghahanap ng may takot sa Diyos na mga tao ng lahat ng lahi at wika, at ngayon ay natagpuan nila ito sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Dito ay may kapayapaan, sapagka’t may pagtutulungan ang bawa’t isa, yamang sila’y “maraming gawain sa Panginoon.”—1 Corinto 15:58.

11. (a) Sino ang mga walang dako sa organisasyon ni Jehova? (b) Papaano sila tinitipon at inilalabas, at ano ang resulta sa tapat na mga lingkod ni Jehova?

11 Sa bayan ng Diyos ay walang dako ang walang-saysay na mga madadaldal at yaong mga ayaw na gumawa ng paglilingkod kay Jehova. Ang totoo, ang pangako na ipinahihiwatig sa ilustrasyon ni Jesus sa Mateo 13:24-30, 39, 41 ay natutupad na ngayon. Ang tagapag-aning mga anghel ang ‘nagtitipon upang ilabas sa kaniyang organisasyong pang-Kaharian ang lahat ng bagay na nakakatisod at ang mga taong gumagawa ng katampalasanan.’ Nakikilala ng mga anghel ang mga tunay na lingkod ni Jehova at pati yaong mga hindi tunay. Nagagawa nila na pangyarihin ang mga kalagayan na kung saan ang mga manggagawa ng kasamaan ay napapabilad at inihihiwalay sa pakikisama sa mga tunay na Kristiyano. At ano ang resulta? Isang malusog na organisasyon, na umaandar sa ikapupuri ni Jehova at sa ikasusulong ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo.

12. (a) Anong kasiguruhan ang ibinibigay ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ayon sa Isaias 32:18? (b) Anong darating na mga pangyayari ang may pahiwatig na ngayon pa, at papaano apektado nito ang tapat na mga lingkod ni Jehova?

12 At sinasabi pa ni Isaias (32:18): “At ang bayan ko ay tatahan sa mapayapang tahanan at sa mga matiwasay na tahanan at sa mga tahimik na dakong-pahingahan.” Tunay na ang kaniyang tapat na mga lingkod sa lupa ay pinagkalooban ni Jehova ng isang dako at isang gawain na dito’y hindi papayagan ang sinuman na paalisin sila. Sila’y narito upang mamalagi rito hanggang sa ganapin ni Jehova ang kaniyang layunin para sa kanila sa panig na ito ng Har-_Magedon (Apocalipsis 16:14, 16) Sa ganang kanila, ang Babilonyang Dakila, na pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay bumagsak na. Mabilis na umuurong ang kaniyang impluwensiya. Kahit na ngayon, ang mga sangkap na bumubuo ng mabangis na hayop na inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 17 ay mapusok na nakamasid na sa kaniya, at naghahandang kainin ang kaniyang laman at sunugin siyang lubusan sa apoy. (Apocalipsis 17:16) Nguni’t ang mga saksi ng Kaharian ay hindi naliligalig bahagya man ng ganiyang mga pangyayaring napipintong dumating. Wala sa kanila ang takot at pagkasira ng loob na gaya ng taglay ng mga taong makasanlibutan. Yamang pinagkatiwalaan tayo ni Jehova ng patiunang kaalaman sa darating na mga pangyayari, tayo’y nakaharap sa kinabukasan na taglay ang pagtitiwala sa kahihinatnan. “Saganang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig [kay Jehovang] kautusan, at sila’y walang kadahilanang ikatitisod.”—Awit 119:165.

13. Anong mahalagang pagsulong ang pinapangyari ni Jehova sa kaniyang nakikitang organisasyon, at ano ang naging epekto nito sa saloobin at gawain ng kaniyang mga lingkod?

13 Sa Isaias 60:17 inihula ng propeta na magkakaroon ng mahalagang pagsulong sa teokratikong kaayusan at mga paraan sa gitna ng makalupang mga lingkod ni Jehova. Ito’y ipinaghalimbawa niya sa paghahalili ng tanso, pilak at ginto sa nasusunog na materyales at mga metal na mababang uri. At ating mababasa: “At ilalagay ko ang kapayapaan na maging iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran na maging iyong mga tagapag-atas.” Lahat ng naririto sa pang-Kahariang organisasyong ito sa pag-aanunsiyo ay naliligayahan na maglingkod na sama-sama sa kapayapaan, sapagka’t lahat ng atas sa kanila, sa ano mang sangay ng paglilingkod sila maatasan, ay may kaugnayan sa pagbabalita sa Kaharian sa buong lupa. Lahat ay nagkakaisa ng pangmalas, at lahat ay abala tungkol sa kung paano magagampanan ang gawain. Anong laking kaibahan nito sa mapag-imbot na labanang patu-patuloy sa pagitan ng mga manggagawa at ng pangasiwaan at sanhi ng napakaraming problema sa daigdig na nakapalibot sa atin! Lahat ng nasa organisasyon ni Jehova, anuman ang okupado nilang puwesto, ay tinuturuan ni Jehova kaya sila nakapagpapatuloy sa kanilang gawain na may kapayapaan at mainam na kaayusan.—Isaias 54:13.

14. Anong ibang-ibang kinabukasan ang nakaharap (a) sa masisipag na mga lingkod ni Jehova? (b) sa Sangkakristiyanuhan at sa lahat ng kaniyang mga kalaguyong politiko?

14 Ang pinagpala at masisipag na mga taong ito ay walang-tigatig na magpapatuloy sa katahimikan kahit na biglang-biglang sumapit ang wakas ng sistema ni Satanas ng mga bagay. Ang pagsasagawa ng inihatol ni Jehova, na parang bagyo ng malakas na pag-ulan ng graniso sa Sangkakristiyanuhan at sa buong sanlibutan, ang lubusang lilipol sa kaaway. Subali’t ang bayan ng Diyos ay mananatiling ligtas sa ilalim ng kaniyang proteksiyon pagka ang malaking “gubat” ng armadong mga hukbo ni Satanas ay niwasak na, gaya ng inihula sa Isaias 32:19: “Babagsak nga ang graniso sa ikasisira ng gubat at ang lunsod ay lubusang mawawasak.” Sa gitna ng ganitong mangyayari sa sanlibutan ang mga lingkod ni Jehova ay makapagpapahingalay sa kasiguruhan na “ang anghel ni Jehova ay nakapalibot sa lahat ng natatakot sa kaniya, at kaniyang inililigtas sila.”—Awit 34:7.

Isang Malawak na Gawaing Dapat Matapos

15. Anong gawain ang kailangang magampanan hanggang sa matapos ng mga lingkod ni Jehova?

15 Samantala, mayroon pang isang malawak na gawaing dapat matapos samantalang si Jehova’y nagbibigay pa ng pagkakataon upang ang marami pang mga tao sa lahat ng bansa ay mabuksan ang mga mata at mga pandinig sa kahalagahan ng pabalita ng kaligtasan. Tunay na maliligaya yaong mga puspusang nagbibigay ng kanilang sarili sa ganiyang paglilingkuran sa Kaharian, sa masigasig na paghahasik ng mga binhi ng katotohanan ng Kaharian sa mga tao sa lahat ng bansa! Ang ganitong kaligayahan ay nakakatulad niyaong inilalarawan sa panghuling talata ng Isaias 32, na nagsasabi: “Maligaya kayong mga tao na naghahasik ng binhi sa siping ng lahat na tubig, na nagpapalakad ng mga paa ng toro at ng asno.” Ang mga hayop na ito ay ginagamit ng sinaunang bayan ng Diyos sa pag-aararo sa bukid para hasikan ng binhi. Gayundin sa ngayon, inilalaan ni Jehova ang mga gamit na kailangan ng kaniyang modernong mga saksi upang ang paghahasik ng katotohanan ng Kaharian ay mabilis at mabisang magampanan, taglay ang nagtitiwalang pag-asa na pagpapalain ito ni Jehova sa pamamagitan ng isang masaganang ani.

16. Anong ebidensiya mayroon tayo na saganang pinagpapala ni Jehova ngayon ang kaniyang mga saksi sa Kaharian sa buong lupa?

16 Samantalang ating masusing pinagmamasdan ang larangan o bukid, na ito na nga ang sanlibutan, hindi ba natin nakikita ang maliwanag na pagpapala ni Jehova sa ating pagsisikap na maipangaral ang balita ng Kaharian nang buong sigasig at palagian? Pinalalaki at pinahuhusay pa ang mga gusali ng sangay na kinatitirhan ng dumaraming kusang-loob na mga manggagawang-ministro na nag-aasikaso sa gawain sa Bethel sa maraming bansa. Modernong mga gamit sa pag-iimprenta at nagtitipid-panahong mga paraan ang ginagamit ngayon sa dumaraming mga bansa, kaya naman ang produksiyon ng mga Bibliya, mga aklat-aralan sa Bibliya at pati mga magasin ay lubhang lumaki. Patuloy na dumaraming nag-alay at bautismadong mga lingkod ng Diyos ang nagkukusang-loob na maglingkod bilang regular at auxiliary payunir, at gumugugol ng panahon sa araw-araw sa mahalagang paglilingkod sa pagtatanim ng katotohanan ng Kaharian sa puso ng maraming tao. Ang mga tagapangaral ng Kaharian sa halos lahat ng mga kongregasyon ay nagsisikap na mapalawak pa ang kanilang ministeryo, at ginagawa nila ito dahil sa malaking pagpapahalaga sa mga pagpapala na ipinaulan na sa kanila ni Jehova.

17. Ano ba ang pambihira tungkol sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang gawain sa kaarawan natin?

17 Tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang ang gumagawa ng naghahatid-buhay na gawaing ito alang-alang sa pamahalaan ng Kaharian ng Diyos. Sila lamang ang nagsisigalak sa masaganang ani na nakikita kahit na ngayon pa. Ang binhi rin naman na ibinibigay ni Jehova sa kaniyang kusang-loob na mga manggagawa sa bukid ay siyang pinakamagaling at piling-pili! Ang ating mga aklat-aralan sa Bibliya ay inihanda upang pukawin ang mga puso ng marami pang mga tao na kailangang anihin at dalhin sa mapayapang organisasyon ni Jehova, ang kongregasyong Kristiyano, na sa Mateo 13:30 ay inihahalintulad sa “bangan” ng kaniyang Anak.

18. Bakit tayo dapat na maging disididong magpatuloy ng pagsulong sa ating paglilingkod sa Kaharian na taglay ang kasiyahan at kagalakan?

18 Tutoong-totoo, tayo’y nasa araw na ni Jehova, ang araw na katuparan ng kaniyang “mahalaga at pinakadakilang mga pangako” sa kaniyang tapat na bayan. (2 Pedro 1:4) Ang kapayapaan at pagkakaisa ay nanagana sa gitna natin. Tayo’y pinagkalooban ng isang malinaw na pagkaunawa sa mga layunin ng ating Diyos. Tayo’y may kapayapaan ng isip sa gitna ng mga tao ng daigdig na ginigiyagis ng takot at pagkabalisa. Isang kinabukasan na puno ng higit pang maraming mga pagpapala ang naghihintay sa atin. Hindi ba tayo labis na nagagalak na tumanggap ng lahat ng mga pagpapalang ito na dulot ng pagkakaisa sa Kaharian? At hindi ba tayo disididong magpatuloy ng pagsulong sa ating gawaing pang-Kaharian sa walang hanggang kapurihan ni Jehova?

Ano ang Sagot Mo?

◻ Papaanong ang saloobin ng mga lingkod ni Jehova ay ibang-iba sa saloobin niyaong mga nasa Sangkakristiyanuhan?

◻ Ano ba ang naging resulta ng pagbubuhos ng espiritu ng Diyos?

◻ Kasuwato ng Isaias 32:17, 18, ano bang mga pagpapala ang tinatamasa ngayon ng bayan ni Jehova?

◻ Anong patotoo mayroon tayo na pinagpapala ni Jehova ang kaniyang mga saksi sa Kaharian?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 16]

Ang pangangailangan na ‘iyanunsiyo ang Hari at ang Kaharian’ ay idiniin noong 1922 sa kombensiyon ng bayan ni Jehova sa Cedar Point, Ohio

[Larawan sa pahina 19]

Ang kaniyang bayan ay pinagkalooban ni Jehova ng kapayapaan at pagkakaisa sa buong daigdig