Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinalakas Nang Higit Kaysa Karaniwan

Pinalakas Nang Higit Kaysa Karaniwan

Pinalakas Nang Higit Kaysa Karaniwan

“Ang kapangyarihang higit kaysa karaniwan [ay mula] sa Diyos at hindi mula sa aming sarili.”—2 CORINTO 4:7.

1. Ano ba ang patiunang alam na ni Jehova tungkol sa ating kasalukuyang panahon sa kasaysayan, at paano niya binigyan ng babala ang kaniyang mga lingkod tungkol dito?

 MAY patiunang kaalaman na noon pang una si Jehova sa mapanganib na mga panahong sasapit sa lahat ng bansa sa lupa. Patiunang alam niya na dahil sa kaimbutan at kabalakyutan ng sangkatauhan ay hahantong ito sa malagim na ani ng kabulukan at karahasan. Si apostol Pablo ay pinakilos ng espiritu ni Jehova na sabihin ang malinaw na babalang ito: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan. Sapagka’t ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagpakunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos, may anyo ng banal na debosyon nguni’t itinatakuwil ang kapangyarihan niyon.” (2 Timoteo 3:1-5) Tiyak nga na mapanganib na mga kalagayan iyan para sa mga taong naghahangad na maglingkod sa Diyos ng katotohanan!

2. Magiging madali ba para sa mga saksi ni Jehova na isagawa ang kaniyang layunin para sa kanila, at ano ang kakailanganin nila upang magtagumpay?

2 Gayunma’y sa gitna ng ganiyang mga kalagayan nilayon ni Jehova na ang kaniyang pangalan at Kaharian ay maipangaral sa buong lupa. Nino? Ng isang bayan na sa kanila niya isiniwalat ang kaniyang mahalagang pangalan at layunin—ang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10-12) Patiunang alam niya na sila’y sasalungatin ng mga pinuno na mamalasin ang Kaharian ng Diyos bilang isang hamon at karibal. (Awit 2:2, 3) Batid din niya na ang kaniyang mga saksi ay magkakaroon din ng mga problema at mga kahirapan na karaniwang dinaranas ng lahat ng tao. Kanilang kakailanganin ang lakas na higit kaysa karaniwang taglay nila. Gumawa ba ang kanilang Diyos ng paglalaan para sa ganiyang pangangailangan?

3. Ang paglalaan ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod sa mapanganib na panahong ito ay gaya ng anong paglalaan kay apostol Pablo?

3 Ang mga karanasan ni apostol Pablo ang sumasagot sa katanungang iyan. Ang ilan sa mga panganib na kinasuongan niya ay iniisa-isa sa atin sa 2 Corinto 11:23-27. Yamang si Pablo ay sinugo ni Jehova bilang isang apostol at isang tagapagturo sa mga bansa, ang pagtuturong iyon ang pangunahing pinag-ukulan niya ng pansin. (Roma 11:13) Subali’t paano niya naligtasan ang lahat ng panganib at natapos ang gawain na ipinagagawa isa kaniya? Ang kaniyang mata ay hindi inalis ni Jehova sa kaniyang tapat na lingkod at siya’y iniligtas, kadalasa’y sa huling sandali, sa mga sandaling pinakamapanganib. Upang si Pablo’y magtagumpay sa pagsasagawa ng ministeryong Kristiyano, siya’y pinagkalooban ng Diyos ng “kapangyarihang higit kaysa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) Kaya’t ang apostol ay nakapagtiis sa ilalim ng mga pagdurusa at kahirapan. Lubusang kinilala ni Pablo ang gayong makalangit na tulong nang siya’y sumulat: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagpapalakas sa akin.”—Filipos 4:13.

4. Kinilala ba ni Pablo ang makalangit na tulong na ito, at ano ang naging epekto nito sa kaniya?

4 Sa gayo’y lumilitaw na bukod sa kahima-himalang pamamagitan ng Diyos alang-alang kay Pablo, siya’y ‘pinalakas.’ Kaya naman ang apostol ay nakapagtiis nang matagumpay at natapos niya ang kaniyang ministeryo. Naisulat niya, sa gayon: “Hindi ko ikinahiya ang mabuting balita; ito, sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawa’t sumasampalataya.” (Roma 1:16) Lakip ang kahulugan at sa kung paano kumakapit ang maraming mga sinaunang hula, ang mabuting balita ay isiniwalat kay Pablo, at siya’y kumbinsido sa katotohanan niyaon. Tiyak, ang kaalaman sa katotohanan at pagpapahalaga rito ay nagbigay din ng lakas sa kaniya.

Ang Kamangha-manghang mga Paglalaan ni Jehova

5. Si Jehova ba ay may ganoon ding paglalaan para sa kaniyang mga saksi sa lupa ngayon?

5 Subali’t komusta naman ang mga lingkod ni Jehova sa lupa sa mga huling araw na ito? Ang Diyos ba ay may paglalaan para sa kanila? Oo, mayroon! Kagaya rin ni apostol Pablo, mayroon tayo ng maraming kamangha-manghang mga hula sa Banal na Kasulatan. Yamang si Jehova’y may patiunang kaalaman sa mga pangangailangan ng kaniyang bayan, may kagandahang-loob na inilaan niya ang mga isinulat na hulang ito ukol sa kanilang ikatitiwasay at ikaaaliw. Ang mga hulang ito ay nagliliwanag ang kahulugan pagsapit ng mga araw ng katuparan.

6. Papaanong ang hula na ibinigay ng Diyos kay Isaias ay nakaaliw at nakapagpalakas sa mga lingkod ni Jehova ngayon?

6 Ang isa sa mga hulang iyan ay isinulat ni Isaias na anak ni Amoz mga 700 taon bago ipinanganak si Jesu-Kristo. (Isaias 1:1) Si Isaias ay sumulat ng matinding panunuligsa hindi lamang laban sa kaniyang sariling bansang Israel kundi laban din sa maraming nakapalibot na bansa, malalaki at maliliit. Kalakip ng mga mensaheng ito ng paghatol, ang propeta ay may dala ring mabuting balita para sa mga tapat na mananamba kay Jehova—ang balita na magdadala sa kanila ng kaaliwan sa lahat ng kanilang kapighatian. At kagaya rin ng tapat na mga Judio noong panahon ni Isaias na nagkaroon ng lakas at pag-asa buhat sa mabuting balita ni Jehova, gayundin sa ngayon na ang mga tapat ay naaaliw, napalalakas at pinagpapala dahilan sa katuparan sa kanila ng mga dakilang pangako ni Jehova.

7, 8. (a) Papaanong ang mga salita ng Isaias 32:1, 2 ay nagbigay ng lakas at pampatibay-loob sa mga sumasambang Judio noong panahon ni Isaias, at lalo na dahil sa anong mga kalagayan? (b) Papaanong ang mga salita ring iyan ay kapit sa mga Saksi ni Jehova ngayon?

7 Sa Isaias kabanata 32 ay matatagpuan natin ang gayong pampatibay-loob. Ang unang dalawang talata ay naghaharap ng isang pangako na kahit na ngayo’y natutupad: “Narito! Isang hari ay maghahari ayon sa katuwiran; at tungkol sa mga prinsipe, sila’y magpupuno bilang mga prinsipe ayon sa katarungan. At bawa’t isa ay magiging gaya ng isang kublihang dako buhat sa hangin at isang dakong kanlungan buhat sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa lupaing salat sa tubig, gaya ng lilim sa isang malaking batuhan sa isang nakapapagod na lupain.” Anong gandang balita niyan para sa tapat-pusong mga sumasamba sa Diyos noong panahon ni Isaias, pagkatapos ng kanilang mahabang karanasan sa ilalim ng walang pananampalatayang mga hari at mga prinsipe!

8 Subali’t anong gandang balita rin ito para sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon! Lalung-lalo na sapol noong 1919, ang nakaluklok na Haring si Jesu-Kristo ay nakapagpairal ng isang mainam na kalagayan sa gitna ng kaniyang mga tagasunod sa lupa. Siya’y nakapaglagay sa gitna nila ng “mga prinsipe” (Hebreo, sarim) na tunay ngang nagsasagawa ng makatarungan at maibigin na pangangasiwa. Kabaligtaran ng mapaniil at mapag-imbot na mga tagapamahala na pangkaraniwang umiiral sa buong sanlibutan, ang Hari sa organisasyon ng Diyos ay nagbangon ng responsableng mga lalaki na hindi tinatrato na parang sila’y “mga prinsipe ng simbahan” ng herarkiya, o ang katulad niyan. Kundi, sila’y mapagpakumbabang mga lingkod, mga lalaking talagang nagmamalasakit sa lahat ng mga taong tulad-tupa na tinitipon ni Jehova sa isang kawan. Ang pamamanihala ng mga lalaking ito, na umaasa ring magiging “mga prinsipe” ng Bagong Kaayusan, ay nagpapatunay na talagang nakagiginhawa. a

9. Anong pagbabago ang naganap sa gitna ng mga lingkod ni Jehova?

9 Anong laking pagbabago ang nagawa nito sa organisasyon ng mga lingkod ni Jehova sa lupa! Ito’y gaya ng sinasabi sa Isaias 32:3: “At ang mga mata ng mga nakakakita ay hindi manlalabo, at ang mga tainga ng mga nakikinig ay magbibigay-pansin.” Dahilan sa kanilang matinding hangarin na magpuri at maglingkod kay Jehova, kaniyang binuksan ang mga mata ng kanilang puso at ang mga tainga ng kanilang pang-unawa. Kaniyang pinagkalooban sila ng nakapananabik na pagkaunawa sa kaniyang kalooban para sa kanila. Ang tapat na mga Saksi ay hindi doon nakahilig sa demokratikong mga saloobin at mga paraan. Sila’y gising sa katotohanan na sila’y naglilingkod sa isang teokratikong organisasyon, na dito’y tinitiyak kung ano ang kalooban ng Diyos at saka isasagawa iyon. Sa dakilang Teokrata nauukol ang kapurihan sa pagsisiwalat ng kaniyang mga layunin sa mapagpakumbabang, handang sumunod na mga lingkod sa lupa.

10. Ano ang ilan sa kamangha-manghang mga pagpapala na tinatamasa ng naliwanagang mga lingkod ni Jehova?

10 Bilangin mo, kung ibig mo, ang mga pagpapala na tinanggap ng mga alipin ni Jehova. Bukod sa iba pang mga bagay, sila’y nagtatamasa ng tumpak na kaalaman tungkol sa maharlikang pagkanaririto ni Jesu-Kristo sapol noong 1914; nariyan din ang malinaw na pagkakabukod ng nakikitang organisasyon ng Diyos at ng kay Satanas; ang malawak na gawaing pangangaral na kailangang matapos bago magwakas ang sanlibutan ni Satanas; ang kabanalan ng dugo; at ang kahalagahan ng pagbibigay sa Diyos ng mga bagay na sa Diyos. Sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay naisauli na ang pangangasiwa na tulad ng umiiral sa gitna ng mga Kristiyano noong unang siglo. Isang saganang pagpapala, rin naman, ang kasalukuyang malaparaisong kalagayan sa gitna ng mga tunay na mananamba. Lahat na ito at marami pang mga kaloob buhat kay Jehova ay nagbibigay hindi lamang ng lakas kundi rin naman ng kapayapaan, pagkakaisa at pagkakontento sa kaniyang mga lingkod, kahit na sa kasalukuyang mapanganib na panahong ito sa kasaysayan.

11. Papaano dinisiplina o tinuruan ni Jehova ang kaniyang makalupang mga kinatawan, at anong mga teksto ang nagpapakita na ito’y kinakailangan?

11 Ang mga lingkod ni Jehova ay binigyan ng sinanay-sa-Bibliyang budhi, kaya’t sila’y nakikinig at sumusunod sa kaniyang mga paalaala, at ang mga ito ay kanilang ikinakapit sa kanilang araw-araw na pamumuhay. (Awit 25:10) Sila’y pinaalalahanan laban sa marurumi at karumal-dumal na mga gawain na kinapopootan ng Diyos. Ang mapag-imbot, imoral at pailalim na mga bagay na ginagawa ng iba sa kanila noong nakaraan ay kanila nang iniwanan, sapagka’t kanilang lubusang itinakuwil. (1 Pedro 4:3) Kailangang magkagayon nga para sa lahat ng ibig magpatuloy na magkaroon ng bahagi sa mga pagpapala ng Kaharian. Lahat ay kailangang maging malinis sa kaisipan, sa asal at sa katawan upang tamasahin ang pribilehiyo ng paghahandog kay Jehova ng mga hain ng papuri, “isang kaloob na handog sa katuwiran.” (Malakias 3:3; Isaias 52:11) Isang kahanga-hangang pagkadama ng katiwasayan ang nararanasan ng lahat ng tapat na mga Saksi samantalang nakikiugnay sila sa maraming mga taong ito na talagang nagkakaisa-isa sa maligayang paglilingkod sa Maylikha!

Maka-Diyos na Edukasyon

12. Papaano natupad ang Isaias 32:4 sa gitna ng modernong-panahong mga lingkod ni Jehova?

12 Ang Isaias 32:4 ay nagsasabi pa: “At ang puso naman ng mga labis na mapagmadali ay makakaunawa ng kaalaman, at maging ang dila ng mga utal ay magiging mabilis ng pagsasalita nang malinaw.” Noong Digmaang Pandaigdig I, ang pinahirang nalabi ni Jehova ay nagkulang ng tumpak na unawa, sila’y may bahid pa ng mga turong maka-Babilonya at hindi pa nila sinusunod ang pamamaraang teokratiko. Subali’t noong 1919 ay pinalaya sila ng Diyos buhat sa maka-Babilonyang pagkaalipin at binigyan sila ng lalong malaking kaalaman sa kaniyang mga katotohanan. Sa pamamagitan ng gayong mga katotohanan ay natuto silang maging makatuwiran, hindi labis na mapagmadali. Sila ngayon ay nagsasalita na taglay ang katiyakan ng paniniwala, hindi na utal nang dahil sa takot at kawalang katiyakan. At papaano tayo sa ganang sarili nati’y magiging maygulang, na malalakas-loob na mga mangangaral ng mabuting balita? Sa pamamagitan ng lubusang pagsasamantala sa maka-Diyos na edukasyon, na ang karamihan nito ay natututuhan kung oras ng mga pulong sa Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses. Halimbawa, walang alinlangan na ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ang isa sa paraan na ginagamit ni Jehova upang pagpalain ang kaniyang mga lingkod at palakasin sila na salitain ang katotohanan nang buong tapang at buong linaw.

13. Laban sa anong pananalita dapat tayong pakaingat?

13 Gayundin naman, ang maka-Diyos na edukasyon ay nagturo sa mga lingkod ng Diyos na huwag mangangako kung wala silang intensiyon na tuparin at huwag magsasalita ng paninira o ng nakakasakit sa kaninuman. Tiyak na pinagpapala ng Diyos yaong mga tumatalima sa payong ito, na nakasulat sa Eclesiastes 5:2: “Huwag kang pakabigla ng iyong bibig; at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng ano mang bagay sa harap ng tunay na Diyos. Sapagka’t ang tunay na Diyos ay nasa langit nguni’t ikaw ay nasa lupa. Kaya’t pakauntiin mo ang iyong mga salita.” Napakahalaga na huwag kailanman magtaas ng tinig ng mapanirang pamimintas sa organisasyon ng Panginoon o sa hinirang na mga kinatawan nito. Si Jehova ang Hukom na may walang hanggang karunungan at sa harap niya magsusulit para sa walang kabuluhan at iba pa na mga salitang ito.—Mateo 12:36, 37; Levitico 19:16; Judas 8.

14. Anong babala ang ibinibigay dito para sa mga lingkod ni Jehova, at papaano ito idiniriin sa Kawikaan 29:20?

14 Sa mga humahamak sa turo ni Jehova ay kasali yaong mga tao na pumipintas at nagririklamo laban sa malinis na organisasyon ni Jehova at sa mga alituntunin nito para sa pagpapairal ng kapayapaan at mahusay na kaayusan. Mayroon lamang isang manipis na aguwat ng pagkakahiwalay ang gayong mga tao at yaong mga taong talagang mga rebelde. Napatunayan iyan ni Kore at ng kaniyang mga tagatangkilik nang mangahas sila na pakabigla ng pagsasalita laban sa lingkod ng Diyos na si Moises. (Bilang 16:1-40) Tungkol sa paksa ring ito, ang Kawikaan 29:20 ay nagsasabi: “Nakakita ka na ba ng isang taong nagmamadali sa kaniyang mga salita? May pag-asa pa sa isang hangal kaysa kaniya.”

15. Papaano kumapit ang mga salita ng Isaias 32:5, 6 sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon?

15 Pinagpala rin ni Jehova ang kaniyang bayan sa pagkakaloob sa kanila ng karunungan na makilala ang pagkakaiba ng mabuti sa masama. Sila’y nag-iingat laban sa kaninuman na lumalapit sa kanila na may pakunwaring mga salita at madudulas na dila, at marahil nagdadala pa ng regalo, upang mailigaw ang mga puso ng mga walang malay. (Ihambing ang 1 Timoteo 6:20, 21; Judas 16.) Baka sa kanila’y dalhin ng mga relihiyonista ang mabuting balita na iba kaysa tinanggap na nila kay Jesu-Kristo at sa kaniyang mga apostol. Bukod diyan, ang sino mang mga taong hangal at walang sinusunod na simulain ay hindi tinatanggap na mga lingkod sa organisasyon ni Jehova. Ito’y kasuwato ng mga salitang: “Ang taong hangal ay hindi na tatawaging bukas-palad; at para sa taong walang simulain, siya’y hindi na sasabihing dakila; sapagka’t ang hangal ay walang sasalitain kundi kahangalan, at ang kaniyang puso ay gagawa ng nakapipinsala, upang magkasala ng apostasya at magsalita laban kay Jehova ng kamalian [“kabaliwan,” Delitzsch], upang ang kaluluwa ng taong gutom ay huwag magkaroon ng pagkain, at kaniyang pinapangyayari na kahit ang nauuhaw ay walang mainom.”—Isaias 32:5, 6.

16. (a) Ano ang ilan sa mga kuru-kuro na itinataguyod ng mga apostata? (b) Sa bagay na ito, ano ang sinasabi sa Isaias 32:7?

16 Hindi baga totoo na yaong mga humiwalay sa atin noong mga taong lumipas sapagka’t “sila’y hindi natin kauri,” at nagsisikap na hikayatin ang iba na tumulad sa kanila, ay nagbukod ng kanilang sarili upang mapahiwalay sa bukal ng matigas na pagkaing espirituwal at nakarerepreskong tubig ukol sa espiritu? (1 Juan 2:19) At ang mga taong hangal na ito, na talagang hindi magandang-loob at bukas-palad sa sangkatauhan na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, ay hindi nakakakita ng dagliang pangangailangan para sa organisadong pangangaral sa panahon natin. Ang ibig nila’y bawa’t isa ay gumawa ng kaniyang sariling pagbabasa at interpretasyon ng Bibliya sa halip na mapasanib sa isang nagkakaisang bayan na sinanay na mamuhay at kumilos ayon sa mga banal na simulain at tagapagpaalaala ng Salita ng Diyos. (Awit 133:1-3; 1 Corinto 1:10) Kanilang inililigaw ang iba sa paniniwala na patuloy na patatawarin ni Jehova ang mga nagkakasala habang sila’y nagpapakita ng panlabas na anyo ng pagsisisi. Kapuna-puna sa bagay na ito ang sinasabi ng Isaias 32:7 tungkol sa mga apostata sa sinaunang Israel: “Para sa taong walang simulain, ang kaniyang mga kasangkapan [mga paraan para maisagawa niya ang kaniyang layunin] ay masasama; siya mismo ay nagbibigay ng payo para sa mga gawang kalibugan, upang ipahamak sa pamamagitan ng sinungaling na mga salita ang mga nagdadalamhati, kahit na kung ang isang dukha ay nagsasalita ng matuwid.”

17. (a) Sino na ang mga pinili ni Jesus bilang kaniyang mga tagasunod? (b) Anong mga katanungan ang bumabangon tungkol sa kanilang mga aktibidades sa hinaharap sa gitna ng lumulubhang mga kalagayan ng masamang sanlibutang ito?

17 Ang tunay na mga tagasunod ni Jesus, na kaniyang pinili dahil sa sila’y palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, ay tunay na “nagsasalita ng matuwid.” Nguni’t ang hangal na mga mananalansang ay hindi interesado sa tunay na kapakanan ng mga taong naghahanap ng katotohanan. Ang hangarin nila ay makaakit ng mga tagasunod, bagaman mapasuong sa panganib ang sarili nila at pati ang iba. Datapuwa’t, papayagan kaya ni Jehova na ang tapat-pusong mga tao ay masilo ng sinungaling na pangangatuwiran? Siya ba’y naglaan para sa ikapagpapala ng kaniyang sariling mga lingkod at sa kanilang pambuong daigdig na pangangaral?

[Talababa]

a Pakitingnan ang The Watchtower ng Disyembre 1, 1951, pahina 715-29.

Paano Mo Sasagutin?

◻ Paano ba pinalakas ni Jehova ngayon ang kaniyang mga saksi?

◻ Paano ba kumakapit sa mga Saksi ni Jehova ang mga salita ng Isaias 32:1, 2?

◻ Ano ang ilan sa mga pagpapala na tinatamasa ng naliwanagang mga lingkod ng Diyos?

◻ Papaano ba kumakapit ngayon ang Isaias 32:5, 6?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 11]

Ikaw ba’y tumatangging makinig sa mapanirang pamimintas sa organisasyon ni Jehova? Dapat nga