Isang Aklat ng Tunay na Pananampalataya
Isang Aklat ng Tunay na Pananampalataya
ANG Bibliya ay hindi isang aklat ng pag-aalinlangan kundi ng pananampalataya. Hindi ito nagbabangon ng mga tanong na tulad baga ng, Umiiral ba ang Diyos? O, Ang Bibliya ba ay Salita niya? Bagkus, ito’y nagsisimula sa pangungusap na: “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.” At tiyakang sinasabi ng Bibliya: “Ang hula’y hindi dumating kailanman dahil sa kalooban ng tao, kundi ang mga lalaki ay nagsalita mula sa Diyos habang kinakasihan sila ng banal na espiritu.”—Genesis 1:1; 2 Pedro 1:21.
Kung sa bagay, marami sa mga paglalahad ng Bibliya ang maikli. Samakatuwid marahil ay hindi laging sinasabi sa atin ng Bibliya ang lahat ng bagay na ibig nating maalaman. Subali’t nagbibigay ito ng impormasyon na inaakala ng Diyos na kailangan natin upang maunawaan ang maligalig na kalagayan ng daigdig, upang ang ating buhay ay maiayon natin sa kaniyang kalooban at tanggapin natin ang kaniyang lingap at ang kaniyang kaloob na buhay na walang hanggan. Mayroon pa bang higit na mahalaga riyan?
Sa bandang unahan ng Bibliya ay mapapag-alaman natin na noong una isang maghihimagsik na anghel ang naghamon sa Diyos tungkol sa kung matuwid baga ang kaniyang pansansinukob na pamamahala. Subali’t isiniwalat din na isang “binhi” ang darating balang araw upang wakasan ang paghihimagsik na iyon at ipagbangong-puri ang Diyos na Jehova bilang Pansansinukob na Soberano. (Genesis 3:1-15; Job 1:6-12) Ibinibigay ng Bibliya ang talaangkanan ng “binhi” na iyon—mga taong may pananampalataya, sina Abraham, Isaac, Jacob at David ang kabilang sa talaangkanang iyon.—Genesis 26:4, 5; 2 Samuel 7:12, 13; Mateo 1:1-16; Lucas 3:23-38.
Ang kamangha-manghang aklat na ito ay naglalahad ng tungkol sa kapanganakan, buhay, kamatayan at pagkabuhay-muli ng pangunahing bahagi ng “binhi,” si Jesu-Kristo. Inilalahad kung paano ipinamalita ni Jesus ang pangalan ng kaniyang makalangit na Ama, si Jehova, at naglaan ng pantubos para sa masunuring sangkatauhan.—Galacia 3:16; Juan 17:6-8, 26; Mateo 20:28.
Ibinalita rin ng Bibliya ang buhay na walang hanggan, ang pagkabuhay-muli ng mga patay at ang kagilagilalas na “mga bagong langit at isang bagong lupa” na “tatahanan ng katuwiran.” (2 Pedro 3:13; Juan 3:36; 5:28, 29) Higit pa riyan, ipinakikita nito na ang kahanga-hangang mga pagpapalang ito ay kaylapit-lapit na, na maraming taong nabubuhay ngayon ang makakatawid sa kasalukuyang mga kaabahan ng sanlibutan at makikita nila ang mga iyan!—Mateo 24:3-14, 32-34.
Ang Pinakamabuting Bunga!
Sinabi ni Jesus na “ang bawa’t mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti.” (Mateo 7 :15-20) Oo, makikilala mo ang matuwid na mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga bunga. Bueno, sa pamamagitan ng turo ng Bibliya ang mga taong natuturuan ay nagsisibol ng pinakamagaling na bunga. Ang aklat na ito ay nagbibigay ng kaalaman, nagpapatibay ng pananampalataya at nagpapalawak ng karunungan. (Juan 17:3; Kawikaan 1:1-4) Ito’y nagbibigay sa atin ng mas magagaling na pamantayan na mapagbabatayan natin ng mga desisyon na may epekto sa ating buhay.—Roma 12:2; Colosas 3:9, 10.
Isa pa, ang Bibliya ay pumupukaw ng puso. Ang motibo nito’y ganyakin ang mga tao na iayon ang kanilang buhay sa mga daan ng Diyos at maglingkod sa kaniya. Ang mga turo nito ay nagdudulot ng kasiyahan at kaligayahan sa buhay, ng lalong mainam na kalusugan, ng kalinisang-asal at mas mabubuting asawa, magulang at mga anak. Lahat ng natuto ng mga lakad na ayon sa Kasulatan at sinunod iyon ay naging bahagi ng isang nag-iibigang pagkakapatiran sa buong daigdig, kasuwato ng sinabi ni Jesus: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.
Ang pakinabang sa Bibliya ay mahahalata sa araw-araw na pamumuhay ng mga taong talagang nagkakapit ng mga simulain nito. Bakit ba mag-aalinlangan ang sinuman sa mga pangako nito? Gaya ng makikita natin sa sumusunod na artikulo, maaaring ang isang tao ay maging matatag sa pananampalataya, walang bahagya mang pag-aalinlangan.