Labing-Isang Ulila—Paano Namin Makakaya Iyon?
Labing-Isang Ulila—Paano Namin Makakaya Iyon?
Ibinida ni Maria Lucia Vinhal
“KUNG TALAGANG mapagmahal ang Diyos, disin sana’y hindi niya kinuha si Itay at si Inay nang halos magkasunod!” “Kung makapangyarihan-sa-lahat ang Diyos, bakit hindi niya napigil ang pagkamatay ni Inay, gayong makakaiwan siya ng 11 ulila?”
Paulit-ulit na ganito ang pangangatuwiran ko sa aking mga kaibigan at mga kamag-anak na Katoliko na ang iginigiit ay kalooban daw ng Diyos na si Itay ay nagpatiwakal at, makalipas ang apat na buwan, si Inay naman ay namatay dahil sa atake sa puso. Nahihintakutan ako at naguguluhan ang isip, at laging tinatanong ko sa aking sarili, “Papaano kaya
ako, na isang dalagitang 17 anyos, makapag-aasikaso sa sampung mga kapatid na ang pinakabunso’y iisang buwan lamang?”Kasaysayan ng Aming Pamilya
Noon ay isa kaming masigasig na pamilyang Katoliko. Si Itay, na isang guro sa paaralan, ay isa pa ring ingat-yaman at katekista sa isang karatig na kapilya, at ako naman ay kasali sa pangkat ng mga manganganta. Siya at ako ay kabilang sa relihiyosong orden ng San Vicente de Paulo. Ang buong pamilya namin ay nakikibahagi sa aming araw-araw na debosyon at iba pang mga aktibidades sa simbahan, yamang wala nang higit na magagawa kundi iyan sa nananahimik na munting lunsod na kinatitirhan namin sa interior ng estado ng Goiás, Brazil.
May matinding paghahangad si Itay na matutuhan at maunawaan ang Bibliya at malimit na binabasa-basa niya iyon, kadalasan hanggang sa mag-uumaga. Natatandaan ko pa minsan na narinig kong siya’y umiiyak dahil sa hindi niya maunawaan ang mga salita ni Job na, “Sino ang magkakaloob sa akin nito, na iingatan mo ako sa impierno?” (Job 14:13, Douay) “Kung si Job ay isang tapat na lingkod,” ang tanong ni Itay nang malakas, “bakit hiniling niya na siya’y dalhin sa impierno para maingatan siya roon?” Si Itay ay may iba pang mga tanong na hindi niya masumpungan ang mga sagot: Bakit nga tayo naghihirap nang ganito na lamang? Hindi ba tayo naaalaala ng Diyos? At nagpunta pa man din siya sa mga ibang relihiyong Protestante at doon hinahanap ang mga kasagutan—nguni’t hindi niya natagpuan.
Ang aming tahimik at simpleng pamumuhay ay biglang nasira noong Hunyo 24, 1974, nang dalawa sa aking mga pinsan ang maghatid ng kalunus-lunos na balita: “Maria Luisa, ang ama mo ay nagpatiwakal!” Dahil sa paghapay ng negosyo ay napabaon si Itay sa utang, at ito ang nagpahina ng kaniyang loob. Ang kabiglaan at dalamhati ay hindi nakaya ng mahinang puso ni Inay, at makalipas ang apat na buwan ay namatay din siya, at nag-iwan ng 11 ulila na abang-aba at nagdudurusa.
Kung Paano Namin Nakaya Iyon?
Noon ay nagtatrabaho ako sa isang supermarket, napakaliit ang kinikita ko. Kaya’t dahil sa naiwanan pa kami ng mga utang, ganiyan na lamang ang aming paghihikahos, kung minsan ay kapos ang aming pagkain sa mesa. Kinahabagan kami ng kamanggagawa ko kaya’t ipinanghingi niya kami ng pagkain sa bahay-bahay. Bagaman nahihiya ako, gayunma’y nagpasalamat ako sa gayong pagmamalasakit niya sa amin at sa tulong na tinanggap
namin buhat sa mga tagaroon sa amin.Ang bahay namin ay kay Inay, kaya’t sa paanuman ay mayroon kaming lugar na tinitirhan. Nang magtagal, kami ay tumanggap ng kaunting pension. Para mapunan ito, ang 12-anyos na si Paulo ay nagtrabaho sa tindahan ng isang magkakarne at si Silvio naman, 11 anyos lamang noon, ay nagrasyon ng gatas. Ang nag-asikaso ng trabahong-bahay ay si Lucia Maria, 15, at si Maria Aparecida, 9. Talagang walang paraan para lahat kami na 11 ay huwag magkahiwa-hiwalay, kaya’t pinasiya na ang 6 na pinakabunso ay pansamantalang makitira sa mga kamag-anak namin. Ang natitira pang mga iba ay agad namang nagsikap nang puspusan na harapin ang mga problema ng araw-araw na pamumuhay.
Dapat gumawa noon ng napakaraming desisyon na may epekto sa lahat sa amin at, palibhasa ako ang pinakamatanda, karaniwan nang ako ang nagpapasiya. Kung minsan ay nahihirapan ang iba na tanggapin ang aking desisyon, palibhasa’y batang-bata pa ako noon. Halimbawa, minsan ay pinatatahimik ko si Paulo sapagka’t siya’y totoong napakaingay noon at ang iba sa amin ay naiistorbo at hindi makapag-aral.
“Sino ka ba na magtutuwid sa akin?” ang kasagut-sagot niya. Pagkatapos na magsagutan kami siya’y lumisan at hindi na bumalik nang gabing iyon. Kinabukasan, samantalang ang mata ko’y namumula sa pag-iyak, lumakad ako ng paghahanap sa kaniya, at naisip ko pa na pumaroon na sa istasyon ng pulisya. Nguni’t lumuwag ang kalooban namin nang si Paulo ay umuwi rin nang umagang iyon, nakangisi at parang walang nangyari, nagpalipas pala siya ng gabi sa bahay ng mga ilang kaibigan! Gayunman, ang ganiyang mga di-pagkakaunawaan ay bihira lamang.
Nakagagambalang mga Tanong
Mayroon pa ring mga tanong sa relihiyon na nakagambala sa amin. Palibhasa’y ang sabi sa amin ng aming mga kaibigan ay kinuha raw ng Diyos ang aming mga magulang, laging iniisip namin na, kung totoo iyon, baka isa-isa rin kaming kukunin niya. Kaya’t pagka nagkasakit ang sinuman sa amin, natatakot kami na baka may kunin na naman na isa sa amin! Kaya naman lagi kaming kinikilabutan! At, ang turo sa amin, pagka raw nagpatiwakal ang isang tao ang kaniyang kaluluwa ay pupunta sa impierno, at laging sumisiksik sa aking isip, ‘Si Itay kaya ay talagang pinahihirapan sa naglalagablab na apoy?’ Nang tanungin ko tungkol diyan ang aming pari, hindi siya sumagot. Kaya naman nakadama ako ng napakalaking kalungkutan at pag-aalinlangan tungkol sa aking relihiyon.
Bilang miyembro ng orden ni San Vicente, ako’y nangungulekta pa rin ng ikapu
para sa simbahan. Nang mangungulekta ako sa isang tao ay tinanong niya ako kung saan gagamitin ang kuwartang iyon at ano raw ang saligan sa Bibliya ng gayong pangungulekta ng ikapu. Wala akong maisagot sa kaniya. Nang sumunod na buwan nang pumunta na naman ako sa kaniya ganoon din ang itinanong niya. Kaya’t minabuti kong tanungin ang pari.“Para itustos sa simbahan,” ang sagot niya.
“At ano po ang batayan sa Bibliya?” ang iginiit ko.
Hindi siya sumagot. Ako’y napaiyak na, sapagka’t alam kong hindi ko masasagot ang tanong ng tao na nagtanong sa akin. Isa pa, ang mga pangalan ng mga nag-abuloy ay binasa nang malakas sa miting ng aming Samahan, at may kasabay na papuri sa mga nagbigay nang malaki. Nguni’t gunigunihin ninyo ang nadama ko nang ang pangalan ko’y basahin nang malakas at wala akong naiabuloy na anuman—at ito’y binanggit sa harap ng lahat doon!
Lahat na ito ay lalo lamang nagpahina ng aking loob. Maalaala ko nga pala, bagaman ganiyan na lamang ang pasasalamat namin sa materyal na tulong na tinanggap namin nang dahil sa pagkamatay ni Inay, natanto ko na lahat ng rituwal na ginanap sa simbahan alang-alang sa kaniya ay walang gaanong naitulong sa akin upang gampanan ko ang aking pananagutan na pangalagaan ang moral ng aking pamilya.
Nasagot ang Aking mga Katanungan
Pagkamatay ni Inay, lumipas ang anim na buwan at nabuksan ang daan upang masagot ang aming mga katanungan: Isang babae, na nagngangalang Yolanda, ang dumalaw sa aking pinagtatrabahuhan at nag-alok ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa isang kamanggagawa ko. Kaniyang ipinakilalang siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Nakisali ako ng pakikinig sa kanila at nabighani ako sa titulo ng asul na pambulsang aklat na kaniyang iniaalok, The Truth That Leads to Eternal Life. Palibhasa’y wala akong perang maibili niyaon, isang kamanggagawa ko ang nang magtagal nagregalo sa akin ng isang kopya.
Nang nasa bahay na ako ay tuluy-tuloy na binasa ko iyon at makalipas ang mga ilang araw nang magkita na naman kami ni aling Yolanda, ipinakiusap ko sa kaniya, “Ipakibigay ninyo sa akin ang inyong direksiyon para makapunta ako sa inyong bahay at maturuan ng Bibliya gaya ng inyong ipinangako.” At anong dami ng aking tanong! Ang talagang hinangaan ko roon ay yaong pagsagot niya buhat sa aming Bibliya ng aking mga tanong—na siyang hinahanap ko sa pari nang siya’y tanungin ko noon.
Ang isang teksto sa Kasulatan na nakabagbag na totoo ng aking kalooban ay yaong nasa Juan 5:28, 29, na nagsasabi: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagka’t dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas.” Kami ni Lucia Maria ay napaiyak sa kagalakan nang matalos namin na may pag-asa pa pala kaming magkita ni Inay!
“Subali’t komusta naman si Itay? Pinahihirapan ba siya sa impierno?” ang mga tanong na humihingi ng kasagutan. Anong laking ginhawa na malamang ang impierno ay yaong pangkalahatang libingan ng sangkatauhan at na walang sinumang pinahihirapan doon! Sinagot din nito ang tungkol sa unang-unang tanong ng aking ama na kung bakit hiniling ni Job na siya’y ingatan sa impierno. Napag-alaman din namin na ang pagkakataon ni Itay na mabuhay sa hinaharap ay nakasalalay sa mga kamay ng dakilang Hukom, si Jehovang Diyos. Nguni’t ang katotohanan ay na hindi siya pinahihirapan!—Eclesiastes 9:5, 10.
Isa-isang nagsisunod ang mga iba pang miyembro ng pamilya sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga iba pang Saksi. Anong 1 Corinto 6:9, 10; Hebreo 13:17, 18; Roma 13:1, 2; Mateo 7:12.
laki ng pagpapasalamat namin dahilan sa kanilang kabaitan at pagtitiyaga ng pagtuturo sa amin ng mga katotohanan sa Bibliya! Napag-alaman namin kung bakit pinapayagan ng Diyos na umiral ang kasamaan at na hindi pala niya nakakalimutan kami. Napag-alaman din namin na ang Bibliya ay may mainam na payo sa amin sa kalinisang-asal, sa pagtatapat sa kapuwa, sa paggalang sa autoridad at sa kung paano namin pakikitunguhan ang isa’t-isa.—Kami’y disididong ikapit ang mga bagay na aming natutuhan at gumawa kami ng “kasunduan” na kung ang isa’y nagkamali, siya’y itutuwid ng iba. Halimbawa, nakita namin na si Paulo’y nahihilig sa mga barkadahan na kung saan masyado ang inuman. Nang makalipas ang ilang panahon at sa tulong ng mabuting payo, napagtagumpayan ang problemang ito at ipinakita niyang lalayuan niya iyon. Sa primero, si Silvio, na isang taon ang kabataan kay Paulo, ay hindi gaanong masigasig ng pag-aaral ng Bibliya, at siya’y sumasama sa amin sa mga pulong sa Kingdom Hall dahil lamang sa isinasama namin siya. Nang malaunan, sa pagsulong namin sa aming pag-aaral ng Bibliya, nakitaan siya ng matinding hangarin na maglingkod sa Diyos at tumanggap ng pananagutan. Ang tumulong daw sa kaniya ay yaong pampatibay-loob na kaniyang tinanggap mula sa mga iba sa kongregasyon.
Hindi Na “mga Ulila”
Bilang isang pamilya, nadama namin na ang mga sinabi ni Jesus sa Marcos 10:29, 30 ay may natatanging kahulugan para sa amin: “Walang sinumang nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o babae o ina o ama . . . alang-alang sa mabuting balita, na hindi tatanggap ng tig-iisang daan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at babae at mga ina.” Oo, ngayon ay mayroon na kaming maraming “mga kapatid na lalaki at babae at mga ina” sa espirituwal na diwa. Halimbawa, si aling Yolanda ay hindi lamang kami inaralan ng Bibliya kundi gumugol din siya ng maraming oras sa pagtuturo sa amin kung paano lalong higit na aasikasuhin ang tahanan, kung paano magluluto at maglalaba at mamamalantsa. Kung hindi sa kaniyang “makainang” payo, aywan ko kung ano na ang nangyari sa aming lahat. Ang mga kapatid na Kristiyano sa munting kongregasyon (humigit-kumulang 20 katao lahat-lahat) ay maalalahanin din sa aming mga pangangailangan. Gumawa pa man din sila ng mga kaayusan sa pagkumpuni ng aming bahay! Ang ilan sa aming mga kamag-anak, na magpahangga noon ay bahagyang interes ang ipinakita sa aming kalagayan, ay nabahala dahil sa malaking atensiyon na ibinibigay sa amin, at nang araw na itinakdang pasimulan ang pagkukumpuni sa aming bahay, sila man ay naparoon sa amin. “Kayong mga Saksi, ipaubaya na ninyo ito sa amin,” sabi nila. “Aming kukumpunihin ang bahay.” Kami’y takang-taka, at napasasalamat, sa kanilang pagtulong sa amin. Nang bandang huli ang mga kapatid ay dumating at tinapos nila ang kumpunihin sa elektrisidad, kaya’t ang tahanan namin ay naging lalong komportable.
Mangyari pa, lahat ng aktibidad na ito ng pakikiugnay namin sa mga Saksi ay napuna ng aming mga kapitbahay, na ayaw na kami’y maging mga Saksi ni Jehova. Isang araw samantalang kami’y paalis ng bahay upang pumaroon sa Kingdom Hall para dumalo sa pulong, kami’y pinigil ng isang lalaki sa kabilang panig ng kalye.
“Hindi kayo puedeng pumaroon sa miting na iyan!” ang iginiit niya.
“Bakit? ang tanong ko.
“Sapagkat iyan ay isang bagong relihiyon, na inimbento kamakailan lamang. Ang tatay ninyo ay namatay na isang Katoliko at kayong lahat ay dito sa Iglesya Katolika dapat manatili hanggang sa dito na kayo mamatay. Bumalik kayo sa inyo!”
Bagaman batid namin na mabuti ang kanilang layunin, hindi namin hinayaang masiraan kami ng loob dahilan doon.
Isa sa pinakamalaking kagalakan na idinulot sa amin ng kaalaman sa Bibliya ay ang pagkaranas namin ng pagkakaisa bilang isang pamilya. Kami’y sama-samang nag-aaral ng Bibliya, nananalanging sama-sama at, nang malaunan, kami’y nagsimulang mangaral na sama-sama sa bahay-bahay. Habang lumalakad ang panahon kami’y nagsimulang humanap ng mga paraan na kung saan kahit man lamang isa sa amin ay lalong higit na makabahagi sa pangangaral sa iba.
Magpahangga noon si Lucia Maria ang nananahi para sa aming pamilya (at tumatanggap pa rin sa labas), at siya rin ang gumagawa ng marami sa gawaing-bahay. Isinaayos namin na si Maria Aparecida ay mag-aral ng pananahi at siya rin ang gumawa ng malaking bahagi ng gawaing-bahay, upang maluwagan nang malaki si Lucia Maria. Kaya naman, noong Abril 1978, si Lucia Maria ay nakapagsimulang magpayunir, na gumugugol ng lalong malaking panahon sa pangangaral. Nang makalipas ang dalawang taon ay naatasan siya na isang espesyal payunir, na gumugugol ng 140 oras buwan-buwan sa pagtuturo sa iba ng Bibliya sa isang malayong lunsod na kung saan nagtatatag ng isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Sampung taon na ang nakalipas sapol ng kalunus-lunos na taong iyon ng 1974, na animo’y gigiba na noon ang aming buong daigdigan. Nguni’t ngayon ang mga bagay-bagay ay nagbago! Dahilan sa humusay naming kalagayan, sa materyal na paraan at lalo na sa espirituwal din, napagkaisa na namin ang karamihan sa mga miyembro ng aming pamilya. Noong 1979 si Dorinato ay bumalik at kasama na namin, makalipas ang mga ilang buwan ay pumayag ang lola ko na umuwi na sa amin si Dalva at si Lourdes. Lahat silang tatlo ay may mahusay na pagsulong,
itong dalawang huli ay nabautismuhan noong 1980. Anong laki ng aming kaligayahan at nagkakaugat sa kanilang puso ang katotohanan sa Bibliya!Turno naman ni Beatriz. Ang pamilyang umampon sa kaniya ay Katoliko, at siya’y kasa-kasama nila sa kanilang pagdalo roon sa relihiyon nila. Ang akala namin ay mahihirapan kami ng pagkuha sa kaniya upang makapisan na namin. Subali’t, sa laki ng aming pagtataka at katuwaan, siya’y umuwi sa amin noong Nobyembre 1981. Siya’y dibdibang nakipag-aral sa amin ng Bibliya at nabautismuhan noong Hulyo 1982. Ngayon ay mayroon na siyang kaniyang sariling mga inaaralan ng Bibliya. Talagang hindi maikli ang kamay ni Jehova!
At ngayon ay turno naman ni Clodoaldo. Noong Mayo 1983 ay umuwi siya sa amin at ngayon ay regular na nakikibahagi siya sa aming pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Aming idinadalangin na siya at si Dorinato ay patuloy na sumulong hanggang sa pag-aalay at bautismo. Ang pinakabunso, si Alexandre, ay nakatira pa sa aming mga kamag-anak. Bagaman wala pa siya sa amin, siya’y regular na natutulungan sa espirituwal. Sa kasalukuyan ay nasisiyahan siya ng pagbabasa ng aklat na You Can Live Forever in Paradise on Earth.
Matapos na si Paulo at si Silvio ay mabautismuhan, sila ang nanguna sa aming pampamilyang mga pag-aaral sa Bibliya at mga pananalangin. Bagaman si Silvio’y naghahanapbuhay ay mayroon siyang sapat na libreng panahon kung kaya’t noong nakalipas na siyam na buwan ay naglilingkod siya bilang auxiliary payunir. Sa kasalukuyan, si Paulo ay may pribilehiyo ng paglilingkod sa tanggapang sangay ng Watchtower Society rito sa Brazil. Ako’y narito pa rin sa aking pinapasukang trabaho at gumugugol ako ng pinakamalaking panahong maaari sa paglilingkod kay Jehova. Lahat na ito ay nagdulot ng kagalakan at kasiyahan sa akin pagkatapos ng mga pagpapakasakit noong nakalipas na mga taon.
Malimit na naiisip namin ang isinulat ng salmista sa Awit 127:1: “Maliban na si Jehova mismo ang magbantay sa lunsod, walang kabuluhan ang pamamalaging gising ng bantay.” Kung si Jehova ay hindi ‘nagbantay’ sa amin, bigo ang aking pagsisikap na maingatan ang pamilya.
Isang tunay na kagalakan at kaluguran para sa amin na mag-aral, matuto at magbalita sa iba ng tungkol sa kahanga-hangang mga layunin ni Jehova. Siya’y naging isang tunay na Ama sa amin at kami’y natutuwa na sabihin ang gaya ng sinabi ni David: “Kayo’y magsiawit sa Diyos, kayo’y magsiawit ng kapurihan sa kaniyang pangalan; magsipaglakas kayo ng awit sa Isang nangangabayo sa mga disyertong kapatagan, na ang kaniyang pangalan ay Jah; . . . ama ng mga ulila . . . ang Diyos sa kaniyang banal na tahanan.”—Awit 88:4, 5.
[Larawan sa pahina 25]
Pitong miyembro ng pamilyang Vinhal
[Larawan sa pahina 26]
Si Alexandre, na isinilang mga ilang saglit lamang bago namatay ang kaniyang ina
[Larawan sa pahina 29]
Ang aking kapatid na si Lucia Maria, na ngayo’y isang buong-panahong ministro sa Goiás, Brazil