Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang mga Bunga ng Relihiyon
Dahilan sa komersiyalismo ng relihiyon ay umiiral ang “kalikuan, imoralidad, at iba pang anyo ng kawalang disiplina sa ating mga simbahan,” ang sabi ng patriarka ng Iglesiya Metodista ng Nigeria. Ayon sa Daily Times ng Nigeria inamin niya na ang simbahan ay may bahagi sa daluyong ng krimen sa lipunang Nigerian sa pamamagitan ng “paghingi at pagtanggap ng mga regalo buhat sa mga kriminal at mga likong namiminuno sa bayan.” Sinabi rin niya na dahilan sa katiwalian ng mga pinunong relihiyoso at ng kanilang mga miyembro ang simbahan ay naging “isang dako para sa mga gumagawa ng gulo, pandaraya, at imoralidad.”
Sang-ayon pa rin kay Femi Abbas, isang komentarista sa pamamalakad Islamiko, ang dumaraming mga krimen ay kaugnay ng pagdami ng dumadagsang mga tao sa makakomersiyong mga grupong relihiyoso. Sa kaniyang isinulat sa National Concord ng Nigeria, binanggit niya na ang mga lider ng mga grupong ito ay nagkaroon ng kani-kanilang mga tagasunod sa tulong ng “matamis na dila, kakisigan at ng abilidad na mapagtusuhan ang iba,” at sinabi pa niya na sila’y “nakabalatkayo sa ilalim ng kunwa-kunwariang pananampalataya.”
Ang ganiyang masasamang bunga ay maaasahan nga pagka ang relihiyon ay nakatuon ang pansin sa materyal na mga bagay. Pinatutunayan niya ang katuparan ng hula ng Bibliya na “sa mga huling araw” ang mga tao ay magiging “maibigin sa salapi, . . . may anyo ng banal na debosyon ngunit itinatakuwil ang kapangyarihan niyaon.” “Hindi nila titiisin ang magaling na aral, kundi, ayon sa kani-kanilang sariling mga pita, magsisipagbunton sila para sa kanilang sarili ng mga guro na kikiliti sa kanilang mga pandinig.” Sa kabilang panig, ang tunay na relihiyon ay maaasahan na espirituwal ang ididiin imbes na materyal na mga bagay. Kaya ito’y manggaganyak sa mga tao na may mararangal na pamumuhay upang maging lalong mahuhusay na mamamayan at mga tapat na lingkod ng Diyos.—2 Timoteo 3:1-5; 4:3; Mateo 6:19-21, 33; 7:16-21.
Ang Paggamot sa mga Sintomas, Hindi sa Sakit
“Mga Babaing Britano ay Makabibili ng Pill Kahit Walang Pahintulot,” ang sabi ng isang paulong balita sa The New York Times. Isiniwalat ng artikulo: “Sa botong 3-to-2, ang mga kagawad ng House of Lords ay nagsabi na ang magulang ay walang lubos na autoridad sa kanilang mga anak at na ang batas ay kailangang umalinsabay sa nagbabagong mga pamantayan ng lipunan.” Kaya naman, ang mga doktor Britano ay legal na nakapaghahatol ngayon ng mga kontraseptibo sa mga babaing wala pang 16 anyos kahit walang pahintulot ng kanilang mga magulang. Ang desisyong ito ng mataas na kapulungan ng British Parliament ay pinuri ng Labor Party, ng British Medical Association, at ng iba’t-ibang samahan sa Family Planning.
Ang layunin daw ng batas na ito ay upang ‘masupil ang pagkadisgrasya ng mga tin-edyer at pati mga aborsiyon.’ Subalit hindi ba ang ganiyang patakaran sa paglunas sa isang mahirap at lumalaganap na suliranin ay paggamot lamang sa “mga sintomas”? Hindi ba isang palatandaan ng ating panahon na ang mga mambabatas, sa tangkilik ng mga doktor at mga organisasyong panlipunan sa isang bansa na may ipinagmamalaking mga tradisyong Kristiyano, ay magtitibay ng isang batas na sa di-tuwirang paraan ay nagtataguyod sa “sakit” ng imoralidad ng mga tin-edyer?
Tiyak na ang pinakamagaling na paraan upang maingatan ang mga dalagita at huwag maging biktima ng “mga sintomas” ng pagkadisgrasya at mga aborsiyon ay ang turuan sila ng kalinisang-asal na maglalayo sa kanila sa imoralidad. Napatunayan na ang mapagkukunan ng kaalaman sa gayong kalinisang-asal ay ang Bibliya, at sinasabi rin dito kung sino ang may pananagutan tungkol sa ikagagaling sa “sakit” na ito—ang mga magulang ang may pananagutan sa asal ng kanilang mga anak.—Efeso 5:5; 6:1-4.
Nagsisimula ang Buhay Bago ng Pagsilang
“Mas maaga kaysa dati nang alam natin, ang mga sintido ng ipinagbubuntis na sanggol ay nadarama na; at mas maaga kaysa dating paniwala, ang mga maseselang na kayarian at abilidad ng utak ay nagsisimulang umunlad.” Ganiyan ang isinulat ng mga autor ng pulyetong Life Before Birth, na inilathala noong 1984 sa Federal Republic of Germany ng Federal Minister of Youth, Family and Health. Tinukoy nila ang nasa sinapupunang buhay bilang buhay sa “pinakadelikadong anyo,” at binanggit na “ang mga unang buklod ng sanggol sa kaniyang mga magulang ay nabuo na sa bahay-bata.” Sinabi nila na bagaman maraming siyentipiko ang dating naniniwala na dumaraan sa ebolusyon ang sanggol na naroon, umuunlad buhat sa isang selula tungo sa pagiging isang isda at pagkatapos nagiging isang amphibian bago maging tao, ang teoryang ito ay tinanggihan na dahilan sa “ang siyensiya ay umunlad na.” Inamin nila na ‘wala na ngayong hindi taimtim na naniniwala na hindi buhay ng tao ang naroon sa bahay-bata. Hindi pagka isinilang lamang nagiging isang tao ang tao.’
Ang mga natuklasang ito ay kasuwato ng pangmalas ng Maylikha sa sanggol na nasa bahay-bata—isang buháy na indibiduwal. Ang kausap ay ang kaniyang Maylikha, sinabi ng lingkod ng Diyos na si David: “Iyo akong tinakpan sa bahay-bata ng aking ina. Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakikakilabot na paraan . . . Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang, at sa iyong aklat ay pawang nasusulat ang lahat ng bahagi.”—Awit 139:13, 14, 16.