Anong Karera ang Pipiliin Mo?
Anong Karera ang Pipiliin Mo?
IKAW ba ay kabataan pa at nag-aaral? Kung gayon, marahil ay taglay mo ang mga katangian ng kabataan—kalusugan at malaking kasiglahan at lakas. Ang buhay mo ay isang mistulang daan na wala pang dumaraan. Paano mo ba gagamitin ang buhay na iyan sa mga taon na hinaharap?
Samantalang pinag-iisipan mo ang iyong kinabukasan, tiyak na bumabangon sa iyong isip ang maraming katanungan. Dapat kaya akong mag-aral sa isang pamantasan at kumuha ng karera na gaya ng pagdudoktor, abogado o scientist? Ang pangarap ba na pumaitaas at magtagumpay at makilala sa negosyo ang nakakaakit sa akin? Ako kaya ay mapabantog sa sining bilang artista o isang pintor? O, bilang isang kabataan ay italaga ko ang sarili ko sa Diyos na Jehova, sakaling ang piliin ko ay ang buong-panahong ministeryo bilang panghabang buhay na karera, sa gayo’y ‘inaalaala ang Maylikha sa akin sa mga kaarawan ng aking kabataan’?—Eclesiastes 12:1.
Sa mga pahayagan at mga magasin ay malimit na inilalarawan ang buhay ng tanyag na mga tao bilang maligaya at makulay, subalit ano ba ang alam mo tungkol sa buhay ng isang buong-panahong ministro, ito ba ay nakaiinis o nakababagot? O ito ba ay tunay na kawili-wili at maligaya? Ang pagsasaalang-alang ng mga karanasan sa tunay na buhay ng mga taong nakaranas na ng buong-panahong ministeryo ng maraming taon ay makatutulong sa iyo na magpasiya.
Kung Bakit Nila Pinili ang Buong-Panahong Ministeryo
Samantalang may giyera sa Vietnam, si Harry ay nag-aaral sa University of Hawaii, upang maging isang guro sa history. Siya’y nakikipag-aral din noon ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Tulad ng marami sa kaniyang mga kaklase, siya’y napasangkot sa popular na radikalismo ng mga estudyante ng panahong iyon, nagsimula siyang gumamit ng mga droga, at ang higit na nakaakit sa kaniya ay ang LSD. Isang umaga nang magising siya sa kaniyang apartment ay naroon at nakasambulat ang basag-basag na mga bote ng alak, mga upos ng sigarilyo, at mga lalake at mga babaing nangakatimbuwang sa sahig. Sa isip ni Harry ay bahagya na lamang niyang maalaala ang pakikipagtalo sa pulisya tungkol sa search warrant at pagkatapos ay mga pagbabanta ng kaniyang kasera na nagpapaalis sa kaniya. Dito sa puntong ito nagpasiya siya na huminto na ng pakikipag-aral sa Bibliya o dili kaya’y maglinis ng kaniyang pamumuhay. Matalinong pinili niya itong huli.
Habang lumalaki ang kaalaman ni Harry sa Bibliya, siya’y nawalan ng gana na itaguyod pa ang pag-aaral sa pamantasan at pagtuturo pagkatapos. Siya’y huminto ng pag-aaral sa kolehiyo, kumuha ng trabaho na pansandalian, siya’y nabautismuhan, at di-nagtagal ay naging kuwalipikado na maging isang payunir—isang buong-panahong mangangaral. Sa gayo’y pinasimulan ni Harry ang isang bagong karera, na punô ng hamon at kasiya-siyang mga karanasan.
Pagkatapos na sila’y maging mga espesyal payunir, si Harry at ang kaniyang maybahay ay naatasan naman na maging mga misyonero sa magandang “batuhang mga isla” ng Belau sa Kanlurang Pasipiko, at sila’y naglilingkod doon hanggang ngayon. Ano ba ang buhay-misyonero sa mga islang ito?
Pagpapatotoo sa Pamamagitan ng Pagbibiyahe sa Bangka
Ang malaking bahagi ng pagpapatotoo sa kapuluan ng Micronesia ay ginagawa sa pamamagitan ng pagbibiyahe ng bangka at ng
paglalakad. Nagugunita pa ni Harry at ng kaniyang maybahay, si Rene, ang kanilang unang pagkakataong magpatotoo sakay ng bangka sa isang isla. “Kami’y nakituloy sa isang tahanan maraming mga milya ang layo at naroon sa tabi ng ilog na ang baybayin ay palanas na gubat na anopat isang luntiang langit-langitan ang nakapaibabaw sa aming mga ulo,” ang nagugunita pa ni Harry. “Buhat sa aming tahanang tinutuluyan, kami’y sasakay na at magbibiyahe sa ilog, pahintu-hinto kami upang mangaral sa mga tao na doon naninirahan sa tabi ng ilog. Isang gabi, bago dumilim, kami’y pauwi na galing sa paglilingkod sa larangan at nagmamadali kami upang makapagbiyahe at makarating sa tahanan sa gabing iyon. Biglang napatili si Rene. Bahagya akong nakalingon at nakita kong nabulabog ang tubig at lumitaw ang isang mahabang reptilo. Iyon pala ay isang buwaya, ang pinakamalaking buwaya sa daigdig. Salamat na lamang at kami’y nakarating sa tahanan nang ligtas at hindi naaano. Bagamat gusto kong maligo sa ilog, pagkatapos na makita ko ang napakalaking buwayang iyon, naisip namin na talian na lamang ang isang timba at sumalok doon sa ilog ng tubig na pampaligo.”Yamang maraming mga nayon at mga bahay ang hindi marating ng anomang sasakyan sa lupa o sa ilog, ang mga misyonero ay gumugugol ng maraming oras ng paglalakad sa mga landas sa gubat na sa tabi ay may magagandang punong niyog upang marating nila ang palakaibigang mga tagaroon. Ang sabi ni Harry: “Sa tuwina’y nakakasumpong kami ng mga taong nakikinig sa katotohanan. Ang mga taong ito ay malimit na makikitaan ng kagandahang-loob. Sila’y umaakyat sa isang punong niyog, pipitas ng buko, tatapyasin ang ibabaw sa tulong ng isang matsete, at ibibigay sa iyo upang inumin mo doon mismo sa gayong ‘carton.’ Ito’y totoong nakakarepresko, masarap, at masustansiya.”
Paano ba ginaganti ang pagsisikap ng mga misyonero sa Belau? Sila ngayon ay may kongregasyon na binubuo ng 42 mga tunay na Kristiyano. Sa katamtaman, 10 ang nasa buong-panahong ministeryo buwan-buwan noong nakaraang taon, at 193 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 1985.
Pagkatapos ng 17 taon sa buong-panahong paglilingkod, ano ngayon ang nadarama ni Harry tungkol sa kaniyang pasiya na gamitin ang kaniyang buhay sa paglilingkod kay Jehova? “Kung hindi ko nasumpungan ang katotohanan ng Diyos 17 taon na ngayon ang nakalipas, marahil ay nasayang lamang ang aking panahon at buhay sa makasanlibutang mga tunguhin,” ang sabi niya. “Disin sanay hindi ko nasumpungan ang katahimikan ng isip at katiwasayan na nalasap ko sa mga taóng lumipas bilang isang payunir at misyonero, kapuwa bilang isang binata nang maraming taon at nang bandang huli’y kapiling si Rene na kahati ko sa kaligayahan noong nakalipas na walong taon ng pagmimisyonero.”
Pagrerekomenda sa Buong-Panahong Paglilingkod
Si Milton ay nag-aaral noon ng high school sa Hawaii. Siya’y hinihimok ng iba na kumuha ng isang karera na may ipapanhik na maraming salapi, ngunit ang halimbawa ng kaniyang kapatid na babae at dalawa pang nakatatandang kapatid na lalake, na nasa buong-panahong paglilingkod na bilang payunir, ang nagpatibay-loob sa kaniya na pag-isipan ang buong-panahong ministeryo. Isa pa, nakarinig siya ng pahayag tungkol sa mga pagpapala ng buong-panahong paglilingkod at kung paano paglalaanan ni Jehova ang ating materyal na pangangailangan kung tayo’y nagtitiwala sa kaniya at inuuna siya sa ating buhay. Sabi pa ni Milton: “Ito ang gumanyak sa akin na piliin ang buong-panahong ministeryo bilang karera ko sa buhay. Kaya, bago ako nakatapos ng high school, ako’y nabautismuhan at pumasok ako sa buong-panahong paglilingkod.
Nang magsimula si Milton ng pagpapayunir, sampu lamang ang payunir sa kongregasyon. Ano ang ginawa niya? “Inanyayahan ko ang mga kabataan upang gumawang kasama ko sa paglilingkod sa larangan,” aniya. “Ang resulta, marami sa mga ito ang nang malaunan sumama sa akin sa buong-panahong paglilingkod.”
“Ang aking bayaw ay isang elder at isang payunir,” ang sabi ni Milton. “Kami’y nasa iisang kongregasyon at gumagawang magkasama upang himukin ang iba na magpayunir. Ipinasiya na ako ang hihimok sa mga tin-edyer, at siya naman ang hihimok sa mga ginang ng tahanan. Pagkalipas ng mga ilang buwan, mayroong 25 buong-panahong mga ministro sa kongregasyon. Nang dumalaw ang tagapangasiwa ng sirkito, kaniyang inanyayahan ang sampu sa mga ito na mag-aplay para sa espesyal payuniring at
lumipat sa karatig na mga kongregasyon. Pagkatapos ay pinag-usapan namin ang tunguhin na tulungan ang sampu pa upang pumasok sa pagpapayunir bilang kahalili niyaong mga umalis. Nang sumunod na pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, 15 pa ang umaplay para sa buong-panahong paglilingkod. Kami ngayon ay mayroong 30 payunir. At muli na namang inanyayahan ng tagapangasiwa ng sirkito na sampu sa kanila ay lumipat sa mga ibang kongregasyon. At muling nanghimok pa kami ng iba para humalili sa mga nagsialis. Bago sumapit ang susunod na dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, 20 pa ang nag-aplay para sa pagpapayunir!”Ang mga kabataan ay nahawahan ng nakahahawang espiritu ng pagpapayunir. Sa panahon na sila’y nasa high school na, ang tunguhin ng halos lahat sa kanila ay buong-panahong paglilingkod. Sa edad na 13 anyos, isang sister ang nagpasiyang magpayunir. Sinabi niya: “Para ngang ito ang natural na dapat gawin.” Siya at ang mga iba pang kabataan sa kongregasyon ay walang matamang pinag-isipan kundi ito. Nagsaayos ng panggrupong pagpapatotoo pagkatapos ng klase, at sa wakas 60 estudyante buhat sa tatlong iba’t-ibang paaralan ang sumusuporta sa aktibidad na ito kasama ang mga payunir. Kung mga buwan ng tag-araw, totoong nakapagpapalakas-loob na makita na singdami ng 130 ang nagkakatipon para sa panggrupong pagpapatotoo!
Ang Pagpapayunir ay Humantong sa Lalong Maraming Pribilehiyo
“Noong 1974,” ang naalaala pa ni Milton, “ako’y inanyayahan na tanggapin ang pagmimisyonero sa isang atas na 4,000 milya [6,400 km] ang layo sa tahanan—ang mga isla ng Belau sa Micronesia. Ang isang hamon na nangailangan ng panahon upang kasanayan ay ang paglalakad ng mahahabang distansiya sa tropikal na kagubatan at paglalakbay sakay ng bangka.
Isang araw na mainit at maalinsangan, pagkatapos na maglakad ng kung ilang oras sa maalikabok na mga landas, nagunita ni Milton, “kami ay nahahapo nang kami’y dumating sa tahanan ng isang pamilyang interesado. Ang kaniyang anak na lalake ay pinapunta ng nanay sa ilog. Ito’y bumalik na may dalang isang malaking pakwan para sa amin. Mahigit na kalahati niyaon ang nakain namin, at anong nakarerepresko nga iyon!”
Pagkatapos ng isang taon sa kaniyang atas misyonero, ibig ni Milton na makita ang katuparan ng tatlong tunguhin sa Belau, samakatuwid nga, ang lokal na mga kapatid na lalake ang sa bandang huli babalikat ng mga pananagutan sa kongregasyon, ang mga kabataan ay pumapasok sa buong-panahong paglilingkod, at ang kongregasyon ay nakapagtayo ng kaniyang sariling Kingdom Hall. Sabi niya: “Makalipas ang sampung taóng paggawa ko rito, sinagot ang aking mga ipinapanalangin na sana’y matupad ang tatlong tunguhing ito.”
Inaakala kaya ni Milton na gumawa siya ng tamang pasiya 14 na taon na ngayon ang nakalipas nang siya’y pumasok sa buong-panahong paglilingkod bilang karera niya sa buhay? “Isang bagay ang natutuhan ko buhat sa lahat ng mga taóng ito na ako’y nasa buong-panahong paglilingkod: Kung tayo ay masunurin, tayo’y gagamitin ni Jehova sa tamang panahon,” ang sagot niya. “Huwag tayong hihinto kailanman kundi patuloy na ihandog ang ating sarili sa paglilingkod sa kaniya. Hindi ninyo pagsisisihan kailanman ang pagtataguyod ng karera na paglilingkod kay Jehova bilang isang buong-panahong ministro.”
Paano Ninyo Gagamitin ang Inyong Buhay?
Mga kabataan, paano ninyo gagamitin ang inyong kinabukasan? Para ba sa inyong sarili lamang o lubusang para kay Jehova? (Roma 14:8) Pag-isipan ninyo kasabay ng panalangin ang tunguhin na buong-panahong paglilingkod ngayon na kayo’y nasa kabataan. Tularan si Jesus sa pamamagitan ng paggugol ng inyong nalalabing buhay “para sa kalooban ng Diyos.” (1 Pedro 4:2) Ito’y magsisilbing isang proteksiyon buhat sa nakapipinsalang makasanlibutang mga ambisyon, karera, at mga kasa-kasama. Suriin ang inyong kalagayan at magtakda ng isang espesipikong petsa bilang inyong tunguhin sa pagpasok sa buong-panahong paglilingkod. Gumawa kayo na ito ang tunguhin. Manalangin upang hilingin ang tulong ni Jehova para makamit ito.—Efeso 6:18.
Ang pagpapayunir bilang karera ay magdadala sa inyo ng maraming maiinam na pribilehiyo ng paglilingkuran higit pa sa inyong inaasahan. Ang inyong buhay ay mapupuspos ng kaligayahan, katiwasayan, at pag-ibig. Ito’y nagiging masaya, kawili-wili, at kasiya-siya. Higit sa lahat, ito’y magiging isang buhay na nakalulugod kay Jehova.—Kawikaan 27:11.