Kung Ano ang Kahulugan ng mga Panahon at mga Kapanahunan ni Jehova sa Ating Kaarawan
Kung Ano ang Kahulugan ng mga Panahon at mga Kapanahunan ni Jehova sa Ating Kaarawan
“Bawat punongkahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy.”—MATEO 7:19.
1. Ano ang matututuhan natin buhat sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa mga ilang pinuno noong nakaraan?
ANG kasaysayan ay nagpapatunay na maaaring baguhin ni Jehova ang “mga panahon at mga kapanahunan, inaalis ang mga hari at inilalagay ang mga hari.” (Daniel 2:21) Noong nakalipas na mga siglo, katugma ng kaniyang layunin, kaniyang inalis si Paraon, Nabukodonosor, Belsasar, Herodes Agrippa I, at mga iba pa. ‘Subalit,’ baka sabihin ng iba, ‘ang mga pangyayaring iyan ay pawang noong sinaunang panahon pa. Ano ang kinalaman niyan sa atin?’ Malaki ang kinalaman sa atin sapagkat ito’y pawang mayroong mahalagang mga aral. Ang natututuhan natin buhat sa mga pangyayaring iyon ay na pagsapit ng itinakdang panahon ni Jehova, wawakasan niya ang pamamahala ng mga pinuno ng daigdig. At ayon sa kaniyang marapatin, kaniyang inilalagay sa kapangyarihan ang tagapamahala na ibig niya.
2. Ukol sa ano sumapit na ang panahon ni Jehova sa ating kaarawan?
2 Sa ating kaarawan, ang panahon ni Jehova ay muling sumapit ukol sa ‘pag-aalis sa mga hari at paglalagay sa mga hari.’ Subulit, bago ‘ilagay’ ang Hari na ibig niya, aalisin ni Jehova ang lahat ng mga tagapamahala ng sanlibutang ito, pati na ang buong sistema ng mga bagay na kanilang pinaghaharian. Bakit? Sapagkat sila, tulad ni Belsasar ng sinaunang Babilonya, ay “tinimbang sa timbangan at nasumpungang kulang.” Ang kalagayan ngayon ay kagayang-kagaya ng sinabi kay Belsasar ng lingkod ng Diyos na si Daniel: “Tinakdaan ng Diyos ng bilang ang mga araw ng iyong kaharian at niwakasan ito.” (Daniel 5:26, 27) Kung gayon, sa panahon natin si Jehova ang “tiyak na dudurog sa mga hari sa araw ng kaniyang galit. Kaniyang tutuparin ang inihatol sa mga bansa.”—Awit 110:5, 6.
“Nasumpungang Kulang”
3, 4. Tungkol sa kapayapaan, paanong ang mga pinuno ng daigdig ay “nasumpungang kulang” sa siglong ito?
3 Sa paano “nasumpungang kulang” ang mga pinuno sa lupa tungkol sa pangyayari sa daigdig? Sila ang masisisi sa mga nangyayari sa sangkatauhan sa panahon natin, na puno ng mga kalamidad di tulad noong mga iba pang panahon. Halimbawa, kahit na lamang sapol noong 1914 mga isang daang milyong katao ang nangamatay sa iba’t-ibang digmaan! Sa ngayon, ang mga armas nuklear ang nagsasapanganib sa pag-iral ng buhay sa lupa. Sa mismong sandaling ito, libu-libong mga nuklear missiles, na nangakahanda ang mga taong magpapaandar nito, ang nakaasinta sa mga sentro ng populasyon.
4 Tungkol sa digmaang nuklear, ang Science magazine ay nag-ulat ng ganitong nakapangingilabot na pagsusuri: ‘Sa anomang malawakang digmaang nuklear, malamang na malipol ang kalakhang bahagi ng mga halaman at mga hayop sa lupa. Hindi maaaring ipuwera ang pagkalipol ng tao.’ Isang opisyal ng gobyerno sa Europa ang nagsabi: “Ang mga mapapahamak ay hindi maaaring bilangin ayon sa kalakhan ng mga siyudad kundi ayon sa mga buong kontinente.” Ang pangulo ng isang bansa sa Latin Amerika ay nagsabi tungkol sa gastos ng pagdedepensa: “Ang sangkatauhan ay nasa marupok na barko na maaaring lumubog . . . kung sakaling ito’y lumubog, lahat ng sakay nito ay kasamang lulubog.” At ganito naman ang sabi ng isang pahayagang Hapones: “Ang daigdig ay waring malayo sa [kapayapaan] kaysa kailanman sa kasaysayan.”
5, 6. Ano ang kalagayan ng kabuhayan sa maraming bansa at mga bayan?
5 Sa kabila nito, ang mga bansa ay patuloy na gumagastos ng higit at higit sa mga armas. Ang gastos ngayon ay umabot na sa humigit-kumulang isang trilyong dolyar (U.S.) isang taon! May isang nagsabi na ang daigdig ay gumugugol ng humigit-kumulang 50 beses na karaming salapi sa bawat sundalo kung ihahambing sa nagagastos sa bawat batang nag-aaral. Nariyan din ang isang report ng United Nations na nagpapakita na di-kukulangin sa 450 milyon na mga tao sa buong daigdig ang nagugutom, at sila’y parami nang parami. Isa pang report ang nagsasabi na “bawat taon 30 hanggang 40 milyong katao ang namamatay dahil sa gutom” sa atrasadong mga bansa. Sinasabi rin na humigit-kumulang kalahati ng mga batang nangamamatay ay wala pang singko anyos.
6 Isang opisyal ng gobyerno ng isang malaking bansa sa Timog Amerika ang nagsabi na “40 porsiyento ng mga manggagawa ang namumuhay sa ganap na karalitaan.” Sa isa pang bansa doon, ang kawalan ng trabaho sa kabiserang lunsod nito ay may epekto sa 51 porsiyento ng mga manggagawa. Ang report ay nagtatapos: “Isang kontinente ng 260 milyong katao ang nasa pinakamatinding karalitaan noong nakalipas na kalahating siglo.” Ngayon, pansinin ang tatlong mga paulong balita buhat sa iba’t-ibang bansa. “Ang Katumbasan ng Karalitaan ay Sinasabing ‘Totoong Nakakabahala.’” “Mataas ang Katumbasan ng Karalitaan.” “Karalitaan, Masaklap na Karanasan.” Ito ba’y mga pag-uulat buhat sa atrasadong mga bansa? Hindi, galing ito sa mga opisyales ng gobyerno sa Canada, sa Estados Unidos, at sa Federal Republic of Germany. Oo, kahit na umano’y mayayamang bansa ay nakabaon sa kahirapan.
7. Anong pagpuna ang ginawa tungkol sa krimen at karahasan na napakapalasak sa panahon natin?
7 Sa maraming bansa ang mga suliraning ito ay mahahalata dahil sa malaganap na krimen, karahasan, at terorismo. Halimbawa, sa Estados Unidos binanggit ng Federal Centers for Disease Control na taun-taon mahigit na 50,000 mga Amerikano ang pinapatay o nagpapakamatay taun-taon! Kaya naman isang editoryal sa The New York Times ang nagtatapos: “Ang mga bagay ay hindi na makontrol.” Isa pang editoryal ang may puna: “Ito’y isang panahon ng anarkiya sa buong daigdig.” Samakatuwid, sa kabila ng daan-daang taon ng pagsisikap, karanasan, at ng pagsulong sa teknolohiya, ang mga pinuno ng daigdig ay hindi makapagbigay sa marami sa kanilang mga mamamayan ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.
8. Ano ang pinatutunayan ng kasaysayan?
8 Tiyak iyan, ang kasaysayan, kapuwa noong una at ngayon, ay nagpapatunay na ang tao, sa ganang sarili niya, ay walang taglay na lunas. Ang mga namumuno sa pamahalaan, sa kabuhayan, at sa relihiyon ng sanlibutang ito ay hindi makapagdadala ng kapayapaan, katiwasayan, kaligayahan, kalusugan, at buhay na ibig natin at kailangan natin. Kung gayon, kailangang mawala na ang sanlibutang ito! At tiyak na aalisin ito sapagkat iyan ang nilayon ni Jehova para dito. Natutupad ang gaya ng sinasabi ng Bibliya: “At ngayon pa’y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punongkahoy nga na di nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy.”—Lucas 3:9.
Isa Pang Dahilan sa Paghuhukom
9. Paano pinakikitunguhan ng karamihan ng mga pinuno ng daigdig ang mga layunin ni Jehova?
9 Ang masamang bunga ng sanlibutang ito at ng mga pinuno nito ang isang dahilan kung bakit pagkatapos na timbangin ang sanlibutan sa mga timbangan ay nasumpungan ni Jehova na ito’y kulang kaya kaniyang wawakasan ito. Subalit may isa pang dahilan: Si Jehova—ang Maylikha at Soberano ng Sansinukob—ay kinaligtaan ng mga pinuno ng daigdig. Sila’y tunay na hindi interesado sa kaniyang mga layunin o mga panahon at mga kapanahunan. Kaya tama ang pagkasabi ng 1 Corinto 2:8 tungkol sa kanila: “Ang karunungang ito [buhat sa langit] ay hindi napagkilala ng sinomang pinuno ng sistemang ito ng mga bagay.” Kaya ang Awit 146:3 ay nagpapayo sa atin: “Huwag ninyong ilagak ang iyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.”
10, 11. (a) Ano ang dapat gawin niyaong mga ibig makakilala kay Jehova? (b) Paano nalalaman ng mga lingkod ni Jehova ang hindi nalalaman ng mga iba?
10 Sa halip, ang Kawikaan 3:5, 6 ay nagpapayo: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Ang mga taong gumagawa nito ay hindi mananatili sa kadiliman at kawalang pag-asa ng sanlibutang ito. Sila’y pagpapalain ni Jehova sa tulong ng kaniyang espiritu kung kayat kanilang malalaman ang kaniyang mga layunin at ang kaniyang mga panahon at mga kapanahunan para sa kanila. Sa Gawa 5:32 ay sinasabi, si Jehova ay nagbibigay ng kaniyang banal na espiritu “sa nagsisitalima sa kaniya bilang pinuno.”
11 Kaya naman alam ng mga lingkod ng Diyos ang hindi nalalaman ng mga pinuno ng sanlibutang ito. Kanilang nalalaman ang mga layunin ni Jehova at ang kaniyang mga kapanahunan. Ang 1 Pedro 1:11 ay nagsasabi na, noong nakalipas, ang mga lingkod ng Diyos ay “patuloy na nagsisiyasat kung anong tiyak na panahon o anong uri ng panahon ang itinuturo ng espiritu nila.” Yamang itinuturo ito ng espiritu ng Diyos, sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya: “Nakikilala ninyo ang kapanahunan.” (Roma 13:11) Yamang ang mga lingkod ni Jehova ngayon ay tumatalima sa kaniya bilang pinuno, ang banal na espiritu rin ng Diyos ang nagsisiwalat sa kanila kung anong kapanahunan na ngayon ayon sa kaniyang pangmalas. Ang Amos 3:7 ay nagsasabi: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng isang bagay kung ang kaniyang lihim ay hindi pa niya naihahayag sa kaniyang mga lingkod na propeta.”
May Isa Pang Dahilan
12, 13. Ano ang isa pang matibay na dahilan kung bakit nasumpungan ni Jehova na kulang ang sanlibutang ito at ang mga pinuno nito?
12 Narito ang isa pang dahilan kung bakit nasumpungan ni Jehova na ang sanlibutang ito at ang mga pinuno nito ay may pagkukulang at sila’y kaniyang wawakasan. Alalahanin ang ginawa noong nakaraan sa mga lingkod ni Jehova ni Paraon, Belsasar, Herodes, at iba pang mga pinuno. Kanilang sinalansang, pinag-usig, at pinatay pa man din ang mga ito. Dahil diyan ay pinapananagot ng Diyos ang mga pinunong iyan.
13 Ganiyan din sa ating kaarawan. Maraming mga pinuno ng daigdig ang sumalansang, nang-usig, at pinatay pa ang mapayapang mga lingkod ni Jehova. Ang gayong mga pinuno ay “nagsalita pa laban sa Kataas-taasan, at . . . patuloy na pinagbabantaan nila ang mga banal ng Kataas-taasan.” (Daniel 7:25; 11:36) Subalit ang kinasihang ulat sa Isaias 54:17 ay nagsasabi: “Anomang almas na gagawin laban sa iyo ay hindi magtatagumpay . . . Ito ang mana ng mga lingkod ni Jehova.” Samakatuwid, lahat ng mananalansang ay malilipol, gaya ng nangyari sa mga iba noong nakaraan. Sa kabilang dako, ipinapangako ni Jehova ang pagkaligtas at kasaganaan ng kaniyang bayan.
Malapit Na ang Panahon ng Katapusan
14, 15. (a) Sa anong yugto ng panahon tayo nabubuhay, at anong mga babala ang dapat nating pakinggan? (b) Sa kabila ng anomang mga pagsisikap ng mga pinuno ng daigdig, ano ang mabilis na dumarating?
14 Kung gayon, anong panahon ito kung ayon sa pangmalas ng Diyos? Ito ang panahon ng katapusan para sa daigdig na ito. Ang araw nito ay palubog na. Mabilis na dumaratal ang gabi. Halos narito na ang taglamig nito. Lahat ng ebidensiya bilang katuparan ng hula ng Bibliya at ng talaorasan ng panahon ni Jehova ay nagpapakita na tayo’y nabubuhay sa “mga huling araw,” sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:3-14) Kaya naman kailangang isapuso natin ang babala ni Jesus: “Patuloy na manalangin kayo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong tagginaw.” (Mateo 24:20) Pagka sumapit na ang gabi, o taglamig, ng sanlibutang ito, huling-huli na para hanapin ang paglingap ni Jehova.
15 Ang panahon para wakasan ang lumalapastangan sa Diyos na sanlibutang ito ay mabilis na dumarating. Pagdating nito, lahat ng mga pinuno ng daigdig ay pilit na aalisin ni Jehova sa panunungkulan. Gaano mang kataimtim ang mga ito, ang kanilang walang kabuluhan at walang pag-asang mga plano ay matatapos. Totoo, baka sikapin ng mga pinuno na kanilang mga mamamayan ay bigyan ng pampalubag-loob sa pamamagitan ng kasunduan sa mga armas at iba’t-ibang plano ukol sa kapayapaan at katiwasayan, at kahit na ng ‘mga banal na taon’; subalit palapit nang palapit ang katapusang pagsusukatan ng lakas sa digmaan ng Diyos ng Armagedon.—Apocalipsis 16:13-16.
16. Kanino ibinigay ni Jehova ang kapangyarihang magpuno sa daigdig?
16 Gayundin, alalahanin na hindi lamang ‘inaalis [ni Jehova] ang mga hari’ kundi rin naman kaniyang “inilalagay ang mga hari.” (Daniel 2:21) Ang makalangit na mga hukbo na gagamitin ni Jehova upang ipatupad ang kaniyang mga hatol sa Armagedon ay pangungunahan ng Hari na kaniyang ‘inilagay’ para sa buong lupa. Ang isang iyan ay ang kaniyang tapat na Anak, si Kristo Jesus, na ngayo’y nasa makalangit na kapangyarihan at kaluwalhatian. Sa Apocalipsis 19:16 siya’y tinatawag na “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” Sa Daniel 7:14 ay sinasabi: “Binigyan siya ng kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian, upang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya. Ang kaniyang pagpupuno ay walang hanggang pagpupuno na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.”—Tingnan din ang Daniel 2:44.
17, 18. (a) Ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa mangyayari sa mga hindi kumikilala sa kaniya at sa kaniyang hinirang na Hari para sa lupang ito? (b) Sino pa ang nakakaalam na wala nang gaanong panahong natitira?
17 Sa payak na pangungusap ang makahulang salita ng Diyos ay nagsasabi kung ano ang mangyayari sa mga hindi kumikilala kay Jehova at sa kaniyang hinirang na Hari para sa buong lupa. Sinasabi nito: “Nakita kong nakatayo sa ilalim ng araw ang isang anghel, at siya’y sumigaw nang malakas na tinig at sinabi sa lahat ng ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid: ‘Halikayo at magkatipon sa dakilang hapunan ng Diyos, upang kayo ay makakain ng laman ng mga hari at ng laman ng mga pangulong kapitan at ng laman ng mga taong makapangyarihan at ng laman ng mga kabayo at ng kanilang mga mangangabayo, at ng laman ng lahat, ng mga taong laya at gayundin ng mga alipin at ng maliliit at ng malalaki.’”—Apocalipsis 19:17, 18.
18 Ganito ang pagkalahad doon ng Jeremias 25:33: “Ang mapapatay ni Jehova sa araw na yao’y magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa. Sila’y hindi tataghuyan, o dadamputin man, o ililibing man. Sila’y magiging parang dumi sa ibabaw ng lupa.” Oo, yao’y panahon ng katapusan para sa buong balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. At kahit na siya ay nakakaalam nito! Ang Apocalipsis 12:12 ay nagsasabi na kaniyang nalalaman na siya’y mayroong “kaunting panahon na lamang” na natitira.
Hanapin si Jehova Ngayon
19. Anong nakagagalak na araw at kapanahunan ang magsisimula pagkatapos na wakasan ang sistemang ito?
19 Pagka natapos na ang gabi, o taglamig, ng sistema ni Satanas, ano ngayon? Kung magkagayon ay panahon na iyon ni Jehova na pasimulan ang isang maaliwalas na bagong araw, isang kapana-panabik na bagong kapanahunan ng tagsibol. Panahon na iyon na pasisimulan ni Jehova ang matuwid na bagong sistema sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang makalangit na Hari, si Kristo Jesus. Sa bagong sistemang iyon, wala na ang karahasan, pang-aapi, paghihirap, sakit, at kamatayan. Ang mga tao ay dadalhin sa kasakdalan, na ang tunguhi’y buhay na walang hanggan. Anong nakapagpapasiglang pag-asa!—Awit 37:10, 11, 29; Apocalipsis 21:4.
20, 21. Paanong ang napakaraming tao buhat sa lahat ng bansa ngayon ay humahanap kay Jehova?
20 Subalit, bago matapos ang sistemang ito at magpasimula ang bagong sistema, panahon ito ni Jehova na gumawa ng isang bagay na mahalaga para sa mga maaamo sa lupa. Panahon niya ito na tipuning sama-sama yaong mga ibig matuto tungkol sa kaniya, na ibig pailalim sa kaniyang kalooban, at tatalima sa kaniyang piniling Hari. Sa paggawa nito, sila’y sasailalim ng proteksiyon na ibinibigay ni Jehova: “Ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog. Tumatakbo rito ang matuwid at naliligtas.”—Kawikaan 18:10.
21 Sa ngayon, napakaraming tao ang gumagawa nito—sa katunayan, milyung-milyon sila. Sila’y nanggagaling sa bawat bansa sa lupa. Ang mga ito ay inilalarawan sa Zacarias kabanata 8, talatang 20 at 21: “Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Mangyayari pa na darating ang mga bayan at ang mga naninirahan sa maraming lunsod; at ang mga naninirahan sa isang lunsod ay paroroon sa mga nasa isa pa, na nagsasabi: “Magsiparoon tayong madali upang kamtin ang lingap ni Jehova at hanapin si Jehova ng mga hukbo.”’” Isinususog ng Zac 8 talatang 23: “Mangyayari sa mga araw na yaon [oo, sa ating panahon] na sampung lalake sa lahat ng wika ng mga bansa ang magtatanganan, oo, sila’y aktuwal na magsisitangan sa laylayan ng damit ng isang lalaking Judio [pinahirang mga tagapuri kay Jehova], na mangagsasabi: ‘Kami ay sasama sa inyo na mga tao, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay kasama ninyo na mga tao.’”
22. Ano ang kailangang maunawaan natin at gawin kung ibig nating makaligtas sa araw ng galit ni Jehova?
22 Kung gayon, sumamba kayo kay Jehova kasama ng kaniyang bayan at mapasa kaniyang dako ng katiwasayan. Magkaroon kayo ng bahagi sa pinakamahalagang gawain na ginagawa sa lupa ngayon—ang pagtitipong sama-sama at pagsasanay sa mga makakaligtas sa Armagedon at magkakaroon ng kahanga-hangang pag-asa na linangin ang isang paraiso sa lupa at mamuhay dito magpakailanman. Unawain kung anong panahon at kapanahunan na ngayon at gawin ang ipinapayo ng Isaias 55:6: “Hanapin ninyo, ninyong mga tao, si Jehova samantalang siya’y masusumpungan. Magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit.” Oo, “hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa Kaniyang sariling ipinasiyang kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaipala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”—Zefanias 2:3.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Sa paano ang mga pinuno ng daigdig ay “nasumpungang kulang” sa paningin ng Diyos?
◻ Bakit ang mga lingkod ni Jehova ay nakakaalam ng Kaniyang mga panahon at mga kapanahunan samantalang ang mga pinuno ng daigdig ay walang alam dito?
◻ Bakit ang mga pinuno ay karapatdapat sa hatol ng Diyos na paglipol?
◻ Anong panahon at kapanahunan ang sumapit na ayon sa pangmalas ni Jehova?
◻ Bakit at paano dapat nating hanapin si Jehova ngayon?
[Mga Tanong sa Pag-aaral]
[Larawan sa pahina 18]
Marami ngayon na nagsasagawa ng pananampalataya ang makakaligtas sa pagwawakas ng sanlibutang ito