Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Mga Legal na Isyu sa Medisina Tungkol sa Pagsasalin”

“Mga Legal na Isyu sa Medisina Tungkol sa Pagsasalin”

“Mga Legal na Isyu sa Medisina Tungkol sa Pagsasalin”

“ANG pinakabago, at pinakamapanganib, na sakit sa ikadalawampung siglo ay ang AIDS.” Ganiyan tinukoy ni Dr. L. A. Laskey (Senior Scientist, Genentech Corp.) ang isang problema na dahilan ng isang komperensiya noong Setyembre 19-20, 1985, sa Washington, D.C., E.U.A.

Marahil ay alam ninyo na ang AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) ay iniugnay sa mga produktong may kinalaman sa dugo at sa pagsasalin ng dugo. Ganito ang sabi ng nakalimbag na programa tungkol doon:

“Ito ang kaisa-isang suliranin sa kalusugan ayon sa ating natatandaan na lumikha ng napakaraming diskusyon at takot sa gitna ng publiko. Ang mga biktima ng AIDS ay baka madoble sa susunod na taon, at mga isang milyong Amerikano [at di-mabilang pang mga iba sa mga ibang bansa] ang maaaring maapektuhan. Kung gayon, ang legal na panganib na dulot ng AIDS ay totoong malaki.”

Humigit-kumulang 200 doktor, abogado, at mga taong may kinalaman sa blood bank ang nagkomperensiya tungkol sa “Mga Legal na Isyu sa Medisina Tungkol sa Pagsasalin.” Kung para sa karamihan sa kanila, ang kanilang mga trabaho o karera ay kaugnay ng pagsasalin ng dugo. Subalit mayroon din namang mga ilang Saksi ni Jehova na dumalo. Pakinggan natin ang mga ilang bahagi ng mga ipinahayag ng mga tagapagsalita roon.

Ang higit na pinag-ukulan ng pansin ay ang panganib na kumalat ang AIDS sa pamamagitan ng dugo at ang legal na panganib para sa mga taong ang trabaho’y magtipon, maghanda, o magbili ng dugo. Ang huling binanggit na ito ay nagliwanag buhat sa unang pahayag, tungkol sa ‘organisasyon, economics, at regulasyon ng mga bangko ng dugo.’ Ang gayong regulasyon, ang sabi ni Dr. P. J. Schmidt ay umiiral na noong 1600’s. Ang manggagamot Frances na si Denis ay kasangkot “sa unang usapin tungkol sa maling panggaggamot may kaugnayan sa pagsasalin,” dahil sa pagsasalin ng “dugo ng kordero sa isang kabataang lalake, na namatay din.” Kailangan pa ba ang regulasyon? Inamin ni Schmidt: “Sa palagay ko’y marami pang di-nalalaman tungkol dito. Gayundin, ang mismong pagsasalin ay isang napakalaking hamon sa araw-araw. Sa bansang ito ito’y isang milyong beses isang buwan na pag-eeksperimento sa immunology, sa epidemiology, malimit na walang batayang legal.”

Nang maglaon, si Dr. Paul Ness (The Johns Hopkins Hospital) ay nagpahayag tungkol sa “Kung Ano ang Kamalian ng Pagsasalin.” Inaakala niya na kung dito lamang sa “kalahating oras na pagpapahayag ay napakahirap na talakayin ang lahat na maaaring maging kamalian kung tungkol sa pagsasalin ng dugo.” Sa katunayan, ang nais niya’y magpakita ng slide na nagsasabing, “Babala,” na para bagang iyon ay isang etiketa, “ang sumusunod ay maaaring pagkakamali sa pagsasalin ng dugo,” at itinatala ang “mga 50 iba’t-ibang mga bagay . . . [Ngunit] batid ko na ang talaang iyan ay hindi pa kompleto sa ano mang paraan.”

Si Dr. Johanna Pindyck (Greater New York Blood Program) ay nagsabi na ‘non-A non-B hepatitis ang pinakamalubhang sakit na likha ng pagsasalin na nakaharap sa atin sa larangan ng pagsasalin.’ Ang uring ito ng hepatitis “ay inaakalang ang sanhi’y di-kukulangin sa dalawang viral agents, subalit hindi pa nakikilala ang talagang naturalesa nito. Nagpapatuloy ang pag-aaral ng may marami nang mga taon​—mga 10 hanggang 15​—subalit hindi pa namin natutuklasan ang sanhi.” Tungkol sa pinakamagaling na testing na magagawa upang mapili ang dugo na kailangan para sa hepatitis na ito, ganito ang sabi niya: “Ang masasabi ko, marahil 10 porsiyento ng suplay ng dugo ang kasalukuyang sinusubok, o baka medyo mas mababa pa kaysa riyan.”

Sa pagtalakay tungkol sa AIDS, si Dr. Pindyck at ang mga iba pa ay nagpahayag ng kanilang pag-asa na dahil sa kasalukuyang mga pagsubok ngayon ay baka magawa ng mga blood bank na halos alisin na ang “isinasaling dugo na maaaring sanhi ng pagkahawa sa AIDS.” Magagawa kaya nila iyan? Sang-ayon kay Dr. Laskey sinabi niya nang malaunan na ang kasalukuyang mga pagsubok ‘ay totoong magastos, mapanganib na isagawa, at hindi lubusang tumatama.’ Kumusta naman ang isang bagong pinauunlad na paraan na inaakala niyang mas magaling? Binanggit niya ang tungkol sa mga eksperimento sa mga pasyenteng may sakit ng AIDS o ng AIDS Related Complex. Sa marami sa kanila, hindi napalabas ng mga pagsubok na iyon ang koneksiyon sa AIDS. Wala [ibig sabihin, wala sa mga pagsubok] ang nakalusot’ [nakatiktik] sa AIDS, ang sabi niya.

Kaya mauunawaan mo kung bakit marami ang nag-iisip na imbakin ang kanilang sariling dugo o pasalin ng dugo na galing lamang sa isang kaibigan o kamag-anak. Subalit si Dr. Joseph Bove (Yale-New Haven Hospital) ay tutol dito, ito raw ay magastos at ang magiging resulta’y kakapusan. Isinusog niya: “Isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng pasyente dahil sa pagsasalin ng dugo ay ang pagkakamali sa pagsasalin​—ang pagsasalin ng maling dugo sa di-dapat salinan niyaon. Ako’y nahihiyang . . . sabihin na noong 1985, sa kabila ng maunlad na teknolohiya natin, ng mga computer at lahat ng ano pa man, hindi natin magawa na ang tamang unit ng dugo ay maisalin sa tamang pasyente. Subalit ang katotohanan ay, hindi natin ginagawa ito sa tuwina, at ganiyan natin pinapatay ang mga tao.”

Kaya naman, marami ang napag-usapan sa komperensiyang iyon tungkol sa mga legal na isyu. Paano nga makakamit ng isang blood bank ang proteksiyon laban sa mga usapin na naghahabla sa kaniya? Ngayon na maaari nang gumawa ng mga test o pagsubok, kung ang blood test ng donor ay positibo para sa AIDS antibodies dapat bang patalastasan ng blood bank yaong sinalinan ng kaniyang dugo noong nakalipas na mga ilang taon? Si Dr. Schmidt (direktor ng isang blood bank) ay nagsabi: “Sa kasalukuyan ako ay laban sa pagpapatalastas. Ginagawa lamang natin ang kailangan nating gawin, at hindi na hihigit pa riyan.” Dapat bang humingi ng utos sa hukuman upang puwersahang masalinan ng dugo yaong mga ayaw pasalin, tulad baga ng mga Saksi ni Jehova na tumatanggi dahil sa kanilang relihiyon?

Ang totoo, ang mga Saksi ni Jehova ay nabanggit sa pahayag ni Dr. William Dornette, “Mga Isyu May Kaugnayan sa Pagpapabaya at Panganib.” Kaniyang ipinaliwanag na ang isang saligan ng pagtanggi ng mga Saksi sa dugo “ay ang kabanatang ito mula sa Genesis [9:3, 4]. At ito’y tiyakang nagsasabi na ‘lahat ay ibinibigay ko sa inyo. Ngunit ang laman na may buhay​—na siya niyang dugo​—ay huwag ninyong kakainin.’” Makatuwiran baga ang ganiyang paniwala nila, at ano ang legal na karapatan ng mga Saksi na tanggihan ang dugo?

Si Dornette, isang doktor kapuwa ng medisina at ng batas, ay nagpayo: “Maraming, maraming mga taon na ang mga miyembro ng relihiyong mga Saksi ni Jehova ay itinuturing na mga taong kakatuwa na hindi alam ang kanilang ginagawa, sapagkat ‘ako na nasa propesyon ng medisina​—ang doktor​—ay nakakaalam ng lahat ng bagay.’ Dapat nating matanto na, unang-una, sila’y lubhang relihiyoso. Ikalawa, sila’y mga mamamayang Amerikano . . . Ikatlo, mayroon silang karapatan na sumunod sa kanilang relihiyon, at sila’y interesado na gumaling sa sakit . . . sila’y may pananalig sa pangangalaga ng manggagamot. At sa palagay ko ay kailangang igalang natin ang kanilang mga karapatan bilang mga indibiduwal na makasunod nang malaya sa kanilang relihiyon.” Isinusog pa niya: “Ang hindi mo pagkakamit ng pagsang-ayon ay isang panggugulpe. Ang hindi mo pagkakamit ng pagsasang-ayon sa pagsasalin ay isang panggugulpe. . . . Kung nakamit mo ang pagtanggi ng isang may kaalamang pasyente, nailibre mo ang iyong sarili sa pagkasangkot sa isang usapin sa hukuman.”

Isa pang nagpahayag, ang abogadang si Susan Lentz, ay nagdiin nito, na ang sabi: “Mahalaga na maunawaan na ang pagsang-ayon ay may kabuluhan tangi lamang kung kinikilala mo na kasali rito hindi lamang ang karapatan sa sumang-ayon kundi pati ang karapatan na huwag sumang-ayon. Isinusog pa niya na “sa mismong taóng ito ay nagkaroon ng tatlo o apat na desisyon [ang hukuman] na nagpapatibay sa mga karapatan ng mga Saksi ni Jehova bilang mga pasyente na tumanggi sa pagsasalin.” Ang kaniyang konklusyon: “Gaya ng inyong napakinggan noong nakalipas na isang araw at kalahati tungkol sa AIDS at kaugnay na mga suliranin, kahit na lamang sa kaisipan ng publiko, ang mga suliranin na may kaugnayan sa pagtanggi ay maaari ring dumami.”

(Karagdagang impormasyon tungkol sa AIDS ang ilalathala sa Awake! ng Abril 22, 1986.)

[Kahon sa pahina 26]

Makapagtitiwala ba ang mga pasyente na mapapansin ng isang blood bank na ang dugo ay kontaminado ng AIDS? Si Dr. Myron Essex, pangulo ng departamento ng cancer biology sa Harvard School of Public Health, ay nagsabi kamakailan: “Lubhang imposible na ang pagsubok ay bumibilis nang higit kaysa 90 porsiyento, at ang pinakamahusay na hula ay na ito’y 75 hanggang 80 porsiyento. Mabibigla ako kung sakaling ang bilis ay mas pa sa binanggit ko.”​—The New York Times, Oktubre 4, 1985.

[Kahon sa pahina 27]

“Ang bagong blood test na aprobado noong nakalipas na Abril at ginagamit ng lahat ng mga blood bank, ay walang natitiktikan kundi yaon lamang antibodies AIDS virus, HTLV-III. Malungkot sabihin, hindi natitiktikan nito yaong mga tao na may impeksiyon ng AIDS virus at samantalang pinasukan na nito ay hindi pa nagkakaroon ng antibody sa AIDS virus . . . Samakatuwid, ang maliit na bilang ngunit mahalagang dami ng humigit-kumulang isang milyong katao na mayroon sa katawan nila ng AIDS virus ay hindi pa nagkakaroon ng mga antibodies para lumaban sa virus sa panahon na ginaganap ang karaniwang blood test sa mga blood bank.”​—Sanford F. Kuvin, M.D. Jerusalem, Nobyembre 17, 1985.