Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nasa Maligayang Tugatog ang 80 Taóng Pagtitipon

Nasa Maligayang Tugatog ang 80 Taóng Pagtitipon

Nasa Maligayang Tugatog ang 80 Taóng Pagtitipon

INDIA! Isang lupain ng maraming mga pagkakaiba​—sa kultura, sa relihiyon, sa kustumbre, at sa klima. Ito ay isang bansang naiiba at mahiwaga sa marami, gayunma’y nakakatawag-pansin sa kaninuman na dumadalaw sa kaniyang kabigha-bighaning lupain.

Sa buong malawak na sub-kontinenting ito na tinitirahan ng 775 milyong katao, ang mga mangingibig kay Jehovang Diyos ay nagbubulay-bulay tungkol sa isang natatanging pangyayari sa munting bayan ng Lonavla, naroon sa kabundukan sa Kanlurang Ghats ng Maharashtra State. Noon ay Linggo, Enero 20, 1985.

Bakit, sa natatanging araw na iyan, ang napakaraming kaisipan ay nakapako sa kaisa-isang magandang kaburulang himpilang ito 70 milya (110 km) ang layo sa mataong siyudad ng Bombay? Ang sagot ay may kaugnayan sa 80 taon ng pagtitipon sa mahalagang mga bagay ni Jehova​—ang kaniyang bayan​—sa India. Isang dahilan ito ng kagalakan hindi lamang sa mahigit na 7,000 mga Saksi ni Jehova rito kundi sa buong samahan ng bayan ng Diyos sa buong daigdig.

Subalit upang higit pang maunawaan ang kahulugan ng tanging pangyayaring ito, ating sandaling pagbalikan at alamin kung paanong ang saligan ng katotohanan ay pinaging matatag noong nakalipas na walong dekada.

Ang Liwanag ng Katotohanan ay Dumating sa India

Noong 1905, isang taga-India na estudyante sa siyensiya, si S. P. Davey, ang dumalaw sa Estados Unidos ng Amerika. Samantalang siya’y naroroon, siya’y nakinig sa isang pahayag sa Bibliya ni C. T. Russell, na noo’y pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society. Si Davey ay naging totoong interesado sa katotohanan, bumalik siya sa kaniyang bayang Madras sa silangang baybayin ng India, at sa wakas ay nagtatag ng 40 grupo sa pag-aaral ng Bibliya.

Halos kasabay nito, isang kabataang lalaking taga-India ang naghahanap ng kasagutan sa mga tanong tungkol sa doktrina ng Trinidad at bautismo ng sanggol. Si A. J. Joseph ay isang miyembro noon ng Church of England, subalit sa pamamagitan ng koreo ay tumanggap siya ng isang kopya ng aklat ni Russell na At-One-Ment Between God and Men. Sa tulong ng aklat ay nakita ni Joseph ang katotohanan tungkol sa pagiging Kataas-taasan ni Jehova. Hindi nagtagal at si Joseph, ang kaniyang ama, at isang pinsan ay nagkakalat na ng katotohanan ng Bibliya sa mga nayon na palayan at sa mga niyugan na ngayo’y siyang estado ng Kerala. Pagkatapos na dumalaw sa India noong 1912 si Brother Rutherford si Joseph ay naging isang buong-panahong mangangaral ng Kaharian. Noong 1924 nag-iisa siyang naglakbay ng 3,600 milya (5,800 km) sa India upang magdaos ng mga pahayag, kayat maraming tao ang nakarinig ng katotohanan. Si Brother Joseph ay isang masugid na manggagawa hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1964.

Ang ikalawang pangulo ng Watch Tower Society, si J. F. Rutherford, ay dumalaw sa England noong 1926. Nang naroroon siya, kaniyang tinanong si Edwin Skinner, isang colporteur (buong-panahong mangangaral): “Ibig mo bang pumaroon sa India?” Walang atubili, si Brother Skinner ay tumugon: “Kailan ba ibig ninyong pumaroon ako?” Hindi nakalipas ang tatlong linggo at siya at ang kaniyang kasama ay patungo na sa India!

Nang sumunod na 50 taon, si Edwin Skinner ay naglingkod bilang lingkod ng sangay, noong una ay nangangasiwa siya sa India, Ceylon, Persia, Afghanistan, at Burma. Siya’y naglakbay sa kalakhan ng India sakay ng tren, hali-halili sila ng kaniyang kasama sa mga trabaho sa opisina at sa paglalakbay at pangangaral. Nang malaunan ay nakabili sila ng isang “house car” at pinalawak nila ang kanilang pagpapatotoo hanggang sa mga lugar na hindi nararating ng tren. Sa edad na 91, si Brother Skinner ay isa pa ring masiglang manggagawa sa tanggapang sangay sa India at isang pangunahing tagapangaral ng mabuting balita.

Mga nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead ang nagsimula nang pagdadatingan noong 1947. Ang British na si Richard Cotterill ay isa sa mga una nito, at siya ay aktibo pa rin pagkaraan ng 38 mga taon. May ilang panahon na ngayon, dahilan sa patakaran ng gobyerno ibinawal ang pagpasok ng mga bagong banyagang misyonero sa India. Subalit 17 mga kapatid na lalake at babae, na may 30 taon ang katamtamang ipinaglingkod ng bawat isa bilang misyonero, ang may katapatang naglilingkod sa bansa.

Ang lehitimong mga kapatid sa India ay may malaking pagsulong sa espirituwalidad, at marami ngayon ang kuwalipikado bilang mga espesyal payunir at mga naglalakbay na tagapangasiwa. Noong 1983 dalawang sampung-linggong mga klase ng Watchtower Bible School of Gilead ang ginanap sa tanggapang sangay. Ang 46 na mga espesyal payunir na nag-aral ay pinatibay-loob at higit pang pinaghanda upang matugunan ang malaking pangangailangan na hinihingi ng gawaing pagtitipon sa India. Sila’y may malaking nagawa sa pagpapalawak ng gawain sa mga iba pang lugar.

Pagbubunga sa Kabila ng mga Balakid

Sa kabila ng iba’t-ibang mga balakid dahil sa malawak na teritoryo sa India​—malalaki at siksikang mga siyudad, buu-buong mga pamayanan ng mga tao na halos nag-aagaw-buhay dahil sa karalitaan, napakalalalim ang pagkakaugat na mga tradisyong relihiyoso sa araw-araw na pamumuhay mula sa kapanganakan hanggang kamatayan​—patuloy pa rin ang pagtitipon. Sa gitna ng angaw-angaw na mga mamamayan ng India, ang iba ay humahanap ng lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan at naghahangad sila ng isang lalong malawak na pagkaunawa sa Diyos.

Isa na roon si Dadu. Bilang isang binata, si Dadu ay nalilito dahilan sa nakikita niyang napakaraming mga tao ang sumasamba sa napakaraming diyos. Siya’y nagsimulang magbasa ng Bibliya, subalit karamihan nito ay hindi niya maintindihan. Pagkatapos ay naparoon siya sa mga templong Hindu at nagbasa ng mga aklat ng relihiyon niya.

“Sinabi sa akin na ang Panginoong si Krishna ang sumusupil sa lahat ng relihiyon at na ang bawat relihiyon ay kinakatawan ng isang bato ng kuwintas na kaniyang suut-suot sa kaniyang leeg,” ang nagunita pa ni Dadu. “Naisip ko na kung ganoon, bakit nga nagkakapootan ang iba’t-ibang relihiyon, na malimit na humahantong sa pagdanak ng dugo?” Nang malaunan at magsuri si Dadu ng relihiyong Muslim siya’y naakay na maniwala na may pakikipag-ugnayan pa siya sa ilang nangamatay niyang ninuno. Subalit nang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, napag-alaman ni Dadu at ng kaniyang maybahay ang pinanggalingan ng maraming relihiyon ng daigdig at na ang umano’y mabubuting espiritu na kanilang pinakikipagtalastasan ay mga nagkukunwaring mga demonyo. “Kami’y napapasalamat sa Diyos na Jehova dahilan sa kaalaman na nagpalaya sa amin buhat sa kanilang impluwensiya,” ang sabi ni Dadu. Ngayon silang mag-asawa ay mga buong-panahong ministro.

Pitong taon na ngayon ang nakalipas, isang ina ang kumuha ng Bibliya at mga babasahín sa Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman siya at ang kaniyang pamilya ay lumipat sa lugar na kung saan walang mga Saksi, siya’y nagpatuloy na mag-aral ng kaniyang sarili. Kamakailan siya’y natagpuan na naman ng mga Saksi, at ganito ang sabi niya: “Noong nakalipas na mga taon, hindi ko makalimutan ang mga katotohanan na natutuhan ko sa Bibliya. Hindi nga maaaring ako’y bumalik sa aking dating mga paraan ng pagsamba.”

Mga Babasahin sa Maraming Wika

Labinlimang mga pangunahing wika ang ginagamit sa buong India, at siyam na bukud-bukod na mga character scripts ang ginagamit. Ang paglalaan ng espirituwal na pagkain sa lahat ng mga wikang ito ay naging isang hamon. Kahit na sing-aga ng 1912, si Brother Russell ay nagsaayos ng mga pulyeto sa Bibliya na isasalin sa Hindustani, Gujarati, Malayalam, Marathi, Telugu, at Tamil. Nakasali rito ang iba pang mga dialekto nang malaunan at ang marami sa mga babasahíng ito ay nililimbag sa mga ibang bansa at ipinadadala uli roon. Noong may pasimula ng 1960’s dahil sa isang patakaran ng gobyerno ibinawal ang importasyon ng anumang publikasyong dialekto sa India.

Yamang hindi kaya ng sangay na gumawa ng kaniyang sariling paglimbag, ang Samahan ay kumuntrata ng komersiyal na mga tagapaglimbag. Pumili ng mga payunir na tinuruang mangasiwa sa mga publikasyon sa kanilang sariling lugar. Sa kasalukuyan ay mayroong 11 iba’t-ibang lugar na kinuntrata sa paglimbag, at lumilimbag ng babasahín sa Bibliya sa 16 na mga wika, kasali na ang 9 na edisyon ng magasing Bantayan. Malapit na, dahil sa instilasyon ng MEPS (Multilanguage Electronic Phototypesetting System ng Samahan), ang komposisyon at lay-out ng mga publikasyon ay doon na gagawin sa tanggapang sangay, kaya maraming payunir ang makagugugol ng higit pang panahon sa gawaing pagtitipon.

Ang Ibinunga ng 80 Taon

Bilang isang bansa na may pangalawang-pinakamalaking populasyon sa mundo, sa India ay mayroon pa ring natitirang malaking gawain. Wala kundi mga 6.6 porsiyento ng populasyon ang nadadalhan ng mabuting balita. Kung ihahambing sa karamihan ng bansa, ang paglago ng mga lingkod ni Jehova sa India ay mabagal. Kinailangan ng 53 taon upang marating ang dami na 1,000 mamamahayag. Subalit ang mga misyonero at ang lokal na mga kapatid ay nagpatuloy sa walang-lubay na matiyagang pagsasagawa ng kalooban ng kanilang Ama. (Isaias 60:22) Ngayon ay ating ikinagagalak na makita ang 10 porsiyentong pagsulong noong nakaraang taon, at isang bagong sukdulang bilang na 7,410 mamamahayag sa 340 kongregasyon at nakabukod na mga grupo sa bansa.

Dahil sa patuloy na paglagong ito ay nangailangan na lakihan ang mga pasilidad ng sangay. Gayunman, ang pagpapalaki ng sangay sa India sa Bombay ay naging imposible. Ang lupa sa siyudad na iyon ay kapos at mahal. Dahilan daw sa hangin sa Bombay ang buhay ng tao ay umiikli nang may sampung taon. Kaya noong 1978 nakabili ng isang lote sa burol ng Lonavla, ang unang lokasyon sa gawing timog ng siyudad ng Bombay na kung saan nagsasalubong ang kalye at ang riles. Palibhasa’y nasa taas na 2,000 piye (610 m), ang hangin ay walang gaanong polusyon.

Anim na Taon ng Paggawa

Noo’y kailangan munang paderan ang lote, na may taas na 15 piye (4.6 m) sa mga ibang lugar, upang maingatan ang lupa at huwag maagnas ang lupa ng karatig na mga lote sa tagiliran ng burol. Malalalim na hukay ang kailangang tabunan, at kailangang linisin ang buong loobang iyon na punô ng makamandag na mga ahas, gaya baga ng mga cobra at ulupong. Ang mga ilang bahay at iba pang mga gusaling naroroon ay kinailangan na baguhin para matirahan at magsilbing pansamantalang opisina.

Kumuha ng komersiyal na mga kontratista, subalit kuwalipikadong mga kapatid ang namanihala sa lahat ng bahagi ng konstruksiyon, at marami pang iba ang tumulong kailanma’t magagawa nila. Isang kontratista, na kinuha upang mag-espalto ng kalye sa loob ng lote, ang nagpasiya na ang trabaho ay dapat na antalahin anim na buwan sapagkat ang kinakailangang pagdidilig sa baku-bakong ibabaw ng daan ay hindi maisaayos. Anong pambihirang tanawin iyon nang ang buong pamilya sa sangay ay maghakot ng timba-timbang tubig sa daan gabi-gabi upang ang gawain ay maisagawa sa takdang panahon!

Ang ingay ng mga buldoser ay hindi kailanman naririnig, sapagkat karamihan ng trabaho sa India ay ginagawa ng manu-mano. Kaya naman ang trabaho ay maayos na nagpatuloy hanggang sa matapos ang unang palapag ng malaking gusali. Nagkataon na nang panahong iyon ay nagkaroon ng matinding kakapusan sa semento. Subalit nakatutuwa naman, ang sangay ng Watch Tower Society sa Korea ay nagsaayos na magkarga para ipadala doon ang 10,000 supot ng semento, kaya lahat ng dapat na itayo ay natapos ayon sa plano. Sa gayon, noong 1984, ang magandang bagong gusali ng sangay ay natapos​—sa kapurihan ni Jehova.

Ang Katapusang mga Resulta

Walong gusali ang nakatayo ngayon sa loob ng 4.6-acre (1.9-ha) na looban ng Samahan, na pinaganda ng tanim na mga punong saging, mangga, igos, at papaya, at mayroon pa ring maraming mga bulaklaking halaman at pananim.

Ang pangunahing gusali sa sangay ay may dalawang palapag at isang pinaka-silong, na doon naroroon ang isang garahe at isang laundry. Sa pabrika sa ilalim na palapag ay may lugar para sa tatlong maliliit na palimbagan, at pati na rin sa mga makina para sa pagtabas, pagtitiklop, at paglalagay ng staples. Narito rin sa palapag na ito ang mga kuwarto para sa MEPS computer at ang lugar para sa kargada, at dito ang mga literaturang lokal na produkto ay inihahanda upang ipadala sa koreo sa 56 iba pang mga bansa. Ang nasa ikalawang palapag ay mga opisina, library, at mga silid-tulugan.

Ang bagong Kingdom Hall ay nasa harapang-gilid ng lote. Ang pangsulok na plataporma, na may panel na nililok ng kamay, ay nasa harap ng auditorium na may upuan para sa 250 katao. Karatig nito ang mga gusaling binago ang yari at nagsisilbing tirahan, ang kusina, at ang silid-kainan para sa pamilya sa sangay na may 31 katao. Mayroon pa ring natitirang bakanteng lupa kung kailangan ang higit pang pagpapalawak.

Isang Espesyal na Okasyon

Kaya ngayon, makalipas ang 80 taon ng pagtitipon sa mahalagang mga bagay na ukol kay Jehova, ang pansin ay itinuon sa kaaya-ayang araw na iyon ng Enero para sa pag-aalay sa mga bagong pasilidad ng sangay sa India.

Ang 80 taóng ito ng pangangaral ay sinariwa sa palatuntunan ng pag-aalay. Nagbigay ng mga tampok na pangyayari tungkol sa konstruksiyon. Ang tagapangasiwa sa zona na si Günter Künz, galing sa sangay sa Germany, ay bumanggit sa kaniyang pahayag sa dedikasyon na mayroong 30-porsiyentong pagsulong ang bayan ni Jehova sa buong daigdig noong nakalipas na limang taon. Subalit siya’y nagagalak na ireport na ang India ay nakalampas pa riyan at nagkaroon ng 34-porsiyentong pagsulong, kaya ipinagunita niya sa mga tagapakinig na kung magpapatuloy ang gayong masipag na paggawa ang India ay magpapatuloy na sumulong.

Lahat ng mga naroon ay galak na galak sa katunayang ito ng pagpapala ni Jehova. Ang mga kapatid sa India ay desidido na gumawa nang buong sikap upang marami pa ang matulungan na tumugon sa mabuting balita ng Kaharian.

[Larawan sa pahina 23]

Si Edwin Skinner (ikalawa sa kanan) at ang “house car”

[Larawan sa pahina 25]

Bagong punong-tanggapan ng sangay sa gawing timog ng Bombay