Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ka Pipili ng Aklat Para sa Lahat ng Tao?

Paano Ka Pipili ng Aklat Para sa Lahat ng Tao?

Paano Ka Pipili ng Aklat Para sa Lahat ng Tao?

KUNG, sa kabila ng lahat ng iyong gawain sa araw-araw, magagawa mo pa rin na bumasa ng isang aklat sa isang linggo, ikaw ay makakabasa ng mahigit na 3,000 mga aklat sa buong buhay mo. Bagaman pambihira iyan kung wawariin, halos isang patak lamang iyan kung iyong iisipin na taun-taon mahigit na sampung beses na karami na mga aklat ang nililimbag sa Estados Unidos lamang. At hindi pa kasali riyan ang libu-libong mga aklat klasika na dapat sanang mabasa ng bawat taong edukado.

Maliwanag, kung tungkol sa mga aklat, angkop pa rin ngayon ang pagmamasid na ginawa may mga 3,000 taon na ang nakalipas: “Tungkol sa paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang maraming pag-aaral ay kapaguran ng katawan.”​—Eclesiastes 12:12.

Ngunit sa dinami-daming ito ng mga aklat, mayroon bang isa na napakahalaga at importante kung kayat namumukod-tangi ito bilang isang aklat na dapat basahin ng lahat? Mayroon bang aklat na nagtatagumpay sa lahat ng balakid ng bansa, kultura, at wika at masasabing isang aklat para sa lahat ng tao?

Ang bagay na kung ano ang dapat nating basahin ay hindi lamang para alam natin ang anopaman sapagkat ito’y may impluwensiya sa ating kaisipan, sa ating mga minamahalaga, at sa ating pasiya. Ito’y nakatawag-pansin sa mga edukador, mga magulang, at mga iba pa​—noong nakalipas at sa kasalukuyan. Nagsagawa ng maraming mga survey tungkol sa ano nga ang kailangang basahin, at ang mga resulta ang nagbunyag dito.

Ang Pinili ng mga Dalubhasa

Noong 1890 isang tagalathala ng aklat ang nakipag-usap sa paksang iyan sa marami sa pangunahing manunulat noon. Kaniyang hiniling sa kanila na banggitin nila ang pangalan ng mga aklat na inaakala nilang pinakamahalaga. Ang resulta? “Ang Bibliya, ang mga isinulat ni Shakespeare, at ni Homer ang nangingibabaw na mga paborito ng mga bantog na manunulat noong ikalabinsiyam na siglo,” ayon sa pag-uulat ng isang reperensiya. “At,” isinusog pa, “nananatili pang walang pagbabago hanggang sa ngayon ang talang iyan ng karangalan.”

Dito ngayon sumasang-ayon ang pagsusuring ginawa kamakailan. Halimbawa, noong Setyembre 1982, ang Time magasin ay naglathala ng tugon ng walong tanyag na mga propesor, historyador, at librarian sa tanong na, “Anong limang aklat ang dapat sanang nabasa na ng bawat taong edukado?” Bagamat hindi lubusang nangagkaisa ang mga dalubhasa, lima sa walo​—na maliwanag na karamihan sa kanila​—ang nagrekomenda sa Bibliya. Sa isang nahahawig na survey, ang Psychology Today ay nag-uulat na “sa 165 mga aklat na binanggit ang Bibliya ang nagtamo ng pinakamaraming boto: 15. Walang ibang aklat ang nakapanaig dito kahit bahagya.”

Lalong higit na kapana-panabik ang natuklasan sa isang survey na ginawa ng The Korea Times upang alamin ang pangmalas ng mga di-Kristiyano sa bansa sa mga relihiyong Kristiyano. “Ipinakikita ng ulat ng survey na ang mga Kristiyano, kung ihahambing sa mga di-Kristiyano, ay higit na mapagpahalaga-sa-sarili, higit na mahilig mangamkam ng salapi at di-gaanong tapat sa pagtupad ng kanilang gawain,” ang sabi ng pahayagan. Gayunman, ang sabi pa ng report, “Bagamat sila’y mga di-kapananampalataya, 70 porsiyento ng mga sinurvey ang lubhang nagpapahalaga sa kadakilaan ng Bibliya.”

Ang Talagang Pinakamahalaga

Maaaring banggitin ang maraming nakakatulad na mga pagsusuri at survey upang ipakita na, ulit at ulit, ang Bibliya ang piniling pinakamahalagang aklat na nakahihigit sa lahat ng aklat. Sa sarisaring kadahilanan, napatunayan na ito ang talagang pinakamahalagang aklat, noong nakalipas man at sa kasalukuyan, sa silangan at sa kanluran.

Datapuwat, lalong mahalaga, ano ba ang iyong sariling pangmalas dito? Kung ikaw ay tagaroon sa isang bansang Kanluran, ikaw ba kaya’y naniniwala na ang Bibliya ay hindi na napapanahon sa ating modernong, siyentipikong daigdig at na ito’y walang gaanong halaga sa pakikitungo sa mga problema ngayon? Kung ikaw ay naninirahan sa isang bansang Silangan, minamalas mo ba ang Bibliya na isang aklat Kanluran at sa gayo’y hindi tunay na mahalaga sa iyo? O ang Bibliya ba ay may pasabi na kailangang marinig ng lahat ng tao ngayon? Narito ba ang iminumungkahing lunas sa mga problema na nakaharap sa mga tao saanman ngayon? Talaga bang ito’y isang aklat para sa lahat ng tao?