Ang mga Kristiyano at ang Lipunan ng Tao Ngayon
Ang mga Kristiyano at ang Lipunan ng Tao Ngayon
“Kayo’y kapopootan ng lahat ng bansa dahil sa aking pangalan.”—MATEO 24:9.
1. Ano ang pagkakakilanlang tanda ng Kristiyanismo?
ANG pagiging hiwalay sa sanlibutan ay isang pagkakakilanlang tanda ng sinaunang mga Kristiyano. Sa pananalangin sa kaniyang makalangit na Ama, si Jehova, sinabi ni Kristo sa kaniyang mga alagad: “Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita, ngunit kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Nang nasa harap ni Poncio Pilato, sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Ang pagiging hiwalay ng sinaunang Kristiyanismo sa sanlibutan ay pinatutunayan ng Kasulatang Griegong Kristiyano at ng mga historyador.
2. (a) Itinakda bang magkaroon ng pagbabago sa ugnayan sa pagitan ng mga tagasunod ni Jesus at ng sanlibutan habang lumalakad ang panahon? (b) Ang Kaharian ba ni Jesus ay itinakdang dumating sa pamamagitan ng pagkakumberte ng mga bansa?
2 Nang maglaon ba’y isiniwalat ni Jesus na magkakaroon ng pagbabago sa ugnayan ng kaniyang mga tagasunod at ng sanlibutan at na ang kaniyang Kaharian ay darating sa pamamagitan ng pagkakumberte ng sanlibutan sa Kristiyanismo? Hindi. Wala sa mga kinasihan ang kaniyang mga tagasunod na isulat pagkamatay ni Jesus ang nagpahiwatig man lamang ng gayong bagay. (Santiago 4:4 [isinulat hindi natatagalan bago sumapit ang 62 C.E.]; 1 Juan 2:15-17; 5:19 [isinulat mga 98 C.E.]) Palibhasa ang kabaligtaran ang totoo, ang “pagkanaririto” ni Jesus at ang kasunod na “pagparito” taglay ang kapangyarihan ng Kaharian ay iniuugnay ng Bibliya sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” na natatapos sa “wakas,” o pagkapuksa nito. (Mateo 24:3, 14, 29, 30; Daniel 2:44; 7:13, 14) Sa tanda na ibinigay ni Jesus tungkol sa kaniyang pa·rou·siʹa, o pagkanaririto, sinabi niya tungkol sa kaniyang tunay na mga tagasunod: “Kung magkagayo’y ibibigay kayo ng mga tao sa kapighatian at kayo’y papatayin, at kayo’y kapopootan ng lahat ng bansa dahil sa aking pangalan.”—Mateo 24:9.
Ang Tunay na mga Kristiyano Ngayon
3, 4. (a) Papaano inilalarawan ng isang ensayklopidiyang Katoliko ang sinaunang mga Kristiyano? (b) Sa anong nahahawig na pananalita inilalarawan ng isang ensayklopidiya ang mga Saksi ni Jehova at ang sinaunang mga Kristiyano?
3 Anong grupong relihiyoso ngayon ang nagkamit para sa ganang sarili ng katanyagan ng pagiging tapat sa mga simulaing Kristiyano at pagiging hiwalay sa sanlibutang ito, na ang kaniyang mga miyembro ay kinapopootan at pinag-uusig? Buweno, anong pambuong-daigdig na organisasyong Kristiyano ang sa bawat detalye ay nakatutugon sa makasaysayang paglalarawan sa sinaunang mga Kristiyano? Tungkol dito, sinasabi ng New Catholic Encyclopedia: “Ang sinaunang pamayanang Kristiyano, bagaman itinuring sa simula na isa lamang sekta sa kapaligirang Judio, ay napatunayang naiiba kung tungkol sa kaniyang teolohikong turo, at lalong higit sa sigasig ng mga miyembro nito, na nagsisilbing mga saksi kay Kristo ‘sa buong Judea at Samaria at maging sa kadulu-duluhan ng lupa’ (Gawa 1.8).”—Tomo 3, pahina 694.
4 Pansinin ang pananalitang “itinuring . . . na isa lamang sekta,” “naiiba kung tungkol sa kaniyang . . . turo,” ‘sigasig . . . bilang mga saksi.’ At ngayon pansinin kung papaano ang ensayklopidiya ring iyan ay naglalarawan sa mga Saksi ni Jehova: “Ang sekta . . . ng mga Saksi ay totoong kumbinsido na ang wakas ng sanlibutan ay darating pagkalipas lamang ng ilang mga taon. Ang malinaw na paniniwalang ito ang waring pinakamatibay na puwersang nasa likod ng kanilang buong ningas na sigasig. . . . Ang mahalagang obligasyon ng bawat miyembro ng sekta ay magpatotoo kay Jehova sa pamamagitan ng pagbabalita ng Kaniyang dumarating na Kaharian. . . . Kanilang itinuturing na ang Bibliya ang tanging pinagmumulan ng kanilang paniniwala at tuntunin ng asal . . . Upang maging isang tunay na Saksi, ang isa ay kailangang mangaral nang mabisa sa iba’t ibang paraan.”—Tomo 7, mga pahina 864-5.
5. (a) Sa papaano naiiba ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova? (b) Magbigay ng mga halimbawa na nagpapakitang ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova ay naaayon sa Kasulatan.
5 Sa anong mga paraan naiiba ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova? Ang New Catholic Encyclopedia ay bumabanggit ng ilan: “Sila [ang mga Saksi ni Jehova] ay humahatol sa Trinidad bilang paganong idolatriya . . . Kanilang itinuturing na si Jesus ang pinakadakila sa mga Saksi ni Jehova, ‘isang diyos’ (ayon sa pagkasalin nila sa Juan 1.1), hindi nakabababa sa kaninuman kundi kay Jehova lamang. . . . Siya ay namatay bilang isang tao at binuhay bilang isang walang-kamatayang espiritung Anak. Ang kaniyang Paghihirap at kamatayan ang halagang ibinayad niya upang kamtin muli para sa sangkatauhan ang karapatan na mabuhay nang walang-hanggan sa lupa. Oo, ang ‘lubhang karamihan’ (Ap 7.9) ng tunay na mga Saksi ay umaasa sa isang makalupang Paraiso; tanging 144,000 tapat (Ap 7.4; 14.1, 4) ang maaaring magtamasa ng kaluwalhatian sa langit kasama ni Kristo. Ang mga balakyot ay lubusang lilipulin. . . . Ang bautismo—na isinasagawa ng mga Saksi sa pamamagitan ng paglulubog . . . [ay] siyang panlabas na sagisag ng kanilang pag-aalay sa paglilingkuran sa Diyos na Jehova. . . . Ang mga Saksi ni Jehova ay nakaakit ng pansin ng madla dahilan sa pagtangging pasalin ng dugo . . . Ang kanilang moralidad sa pag-aasawa at sa sekso ay lubhang mahigpit.” Ang mga Saksi ni Jehova ay maaaring naiiba sa mga paraang ito, subalit ang kanilang paninindigan sa lahat ng puntong ito ay matatag na nakasalig sa Bibliya.—Awit 37:29; Mateo 3:16; 6:10; Gawa 15:28, 29; Roma 6:23; 1 Corinto 6:9, 10; 8:6; Apocalipsis 1:5.
6. Anong paninindigan ang hindi binabago ng mga Saksi ni Jehova? Bakit?
6 Isinususog ng Romano Katolikong ensayklopidiyang ito na noong 1965 (maaaring ang taon nang isulat ang artikulo) “hindi pa itinuturing ng mga Saksi na sila’y bahagi ng lipunan na kanilang kinalalagyan.” Waring naiisip ng awtor na habang lumalakad ang panahon at lalong dumarami ang mga Saksi ni Jehova at “patuloy na nagkakaroon ng mga katangian ng isang iglesya bilang naiiba sa isang sekta,” sila’y magiging isang bahagi ng sanlibutang ito. Subalit ang gayon ay hindi napatunayang totoo. Sa ngayon, na may mahigit na makaapat na beses ang dami ng mga Saksi kaysa noong 1965, walang pagbabago ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang paninindigan kung tungkol sa sanlibutang ito. “Hindi sila bahagi ng sanlibutan,” gaya ni Jesus na “hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:16.
Hiwalay Ngunit Hindi Kaaway
7, 8. Gaya ng totoo sa sinaunang mga Kristiyano, ano ang totoo sa mga Saksi ni Jehova ngayon?
7 Sa pagbanggit ng pagtatanggol sa sinaunang mga Kristiyano ng apologist noong ikalawang siglo na si Justin Martyr, si Robert M. Grant ay sumulat sa kaniyang aklat na Early Christianity and Society: “Kung ang mga Kristiyano ay mga rebolusyonista mananatili silang nagtatago upang maabot ang kanilang tunguhin. . . . Sila ang pinakamagagaling na kaalyado ng emperador sa kapakanan ng kapayapaan at mahusay na kaayusan.” Gayundin, ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay kilala sa buong daigdig bilang maibigin sa kapayapaan at maayos na mga mamamayan. Ang mga pamahalaan, anumang uri, ay nakababatid na wala silang anumang dapat ikatakot sa mga Saksi ni Jehova.
8 Isang manunulat ng editoryal sa Hilagang Amerika ang sumulat: “Isang panatiko at mapaghinalang kaisipan ang maniniwala na ang mga Saksi ni Jehova ay isang panganib sa anumang rehimeng makapulitika; hindi sila subersibo at maibigin sila sa kapayapaan na gaya ng anumang relihiyon.” Sa kaniyang aklat na L’objection de conscience (Tumututol ang Budhi), si Jean-Pierre Cattelain ay sumulat: “Ang mga Saksi ay lubusang mapagpasakop sa mga awtoridad at pangkaraniwan nang sumusunod sa mga batas; nagbabayad sila ng kanilang buwis at hindi sinisikap na salungatin, baguhin, o wasakin ang mga pamahalaan, sapagkat hindi nila pinakikialaman ang mga pamamalakad ng sanlibutang ito.” Isinusog ni Cattelain na tangi lamang kung inaangkin ng Estado ang kanilang buhay, na kanilang lubos na inialay sa Diyos, tumatangging sumunod ang mga Saksi ni Jehova. Dito ay katulad na katulad sila ng sinaunang mga Kristiyano.—Marcos 12:17; Gawa 5:29.
Maling Pagkaunawa ng mga Namiminuno
9. Tungkol sa pagiging hiwalay sa sanlibutan, ano ang isang malaking pagkakaiba sa pagitan ng sinaunang mga Kristiyano at ng modernong mga Katoliko?
9 Karamihan ng mga emperador na Romano ay may maling pagkaunawa sa unang mga Kristiyano at kanilang pinag-usig ang mga ito. Upang ipakita kung bakit, ang The Epistle to Diognetus, na inaakala ng ilan na ang petsa’y mula pa noong ikalawang siglo C.E., ay nagsasabi: “Ang mga Kristiyano’y nananahan sa sanlibutan, subalit hindi bahagi at kasangkot ng sanlibutan.” Sa kabilang panig, ang Ikalawang Konsilyo ng Vaticano, sa kaniyang Dogmatikong Konstitusyon sa Iglesya, ay nagsabi na dapat “hanapin [ng mga Katoliko] ang kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng paglahok sa pansamantalang mga bagay” at “gumawa ukol sa ikababanal ng sanlibutan buhat sa loob.”
10. (a) Ano ang pagkakilala sa sinaunang mga Kristiyano ng mga namiminuno? (b) Ano ang malimit na pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova, at ano ang kanilang reaksiyon?
10 Sinasabi ng historyador na si E. G. Hardy na itinuring ng mga emperador Romano ang sinaunang mga Kristiyano bilang “halos hamak na masisigasig.” Tinutukoy ng historyador na taga-Pransya na si Étienne Trocmé “ang paghamak ng may kulturang mga Griego at mga opisyal na Romano sa kanilang itinuturing na isang napakakakatwang sektang Silanganin [ang mga Kristiyano].” Ang pagsusulatan sa pagitan nina Pliny na Nakababata, na Romanong gobernador ng Bitinya, at ni Emperador Trajan ay nagpapakita na ang mga namiminuno’y karaniwan nang walang alam sa tunay na kalikasan ng Kristiyanismo. Gayundin sa ngayon, malimit na mali ang pagkakilala sa mgaGawa 4:13; 1 Pedro 4:12, 13.
Saksi ni Jehova at hinahamak pa sila ng mga namiminuno sa sanlibutan. Gayunman, hindi ito ipinagtataka ni ikinababalisa man ng mga Saksi.—“Sa Lahat ng Dako ay Laban Dito ang mga Salitaan”
11. (a) Anong mga bagay ang sinabi tungkol sa sinaunang mga Kristiyano, at ano ang sinabi tungkol sa mga Saksi ni Jehova? (b) Bakit hindi sumasali sa pulitika ang mga Saksi ni Jehova?
11 Tungkol sa sinaunang mga Kristiyano ay sinabi: “Kung tungkol sa sektang ito ay talastas namin na sa lahat ng dako ay laban dito ang mga salitaan.” (Gawa 28:22) Noong ikalawang siglo C.E., binanggit ng paganong si Celsus na ang naaakit sa Kristiyanismo ay tanging ang mga yagit ng lipunan ng tao. Gayundin, sinabi tungkol sa mga Saksi ni Jehova na “sa kalakhang bahagi, sila’y nanggagaling sa mga pinagkaitan sa ating lipunan.” Ang historyador ng Iglesya na si Augustus Neander ay nag-ulat na “ang mga Kristiyano ay inilarawan bilang mga taong tulog na tulog sa sanlibutan, at walang-silbi sa lahat ng bagay sa buhay; . . . at itinanong, ano ang mangyayari sa kalakaran ng buhay kung ang lahat ay katulad nila?” Dahilan sa ang mga Saksi ni Jehova ay hindi sumasali sa pulitika, sila rin ay kadalasang inaakusahan ng pagiging walang silbi sa lipunan ng tao. Subalit papaano sila magiging makapulitikang mga aktibista at kasabay nito ay maging mga tagapagtaguyod din ng Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan? Isinasapuso ng mga Saksi ni Jehova ang mga salita ni apostol Pablo: “Makibahagi sa kahirapan bilang isang mabuting kawal ni Kristo Jesus. Walang kawal na naglilingkuran ang sumasangkot sa mga tunguhing sibilyan, yamang ang kaniyang pakay ay palugdan ang nagtala sa kaniya sa pagkakawal.”—2 Timoteo 2:3, 4, Revised Standard Version, an Ecumenical Edition.
12. Sa anong mahalagang pitak ng pagiging hiwalay nakakatulad ng mga Saksi ni Jehova ang sinaunang mga Kristiyano?
12 Sa kaniyang aklat na A History of Christianity, isinulat ni Propesor K. S. Latourette: “Isa sa mga isyu na ipinagkakaiba ng sinaunang mga Kristiyano at ng Græco-Romanong sanlibutan ay ang pagsali sa digmaan. Sa unang tatlong siglo ay walang kasulatang Kristiyano na umabot hanggang sa panahon natin ang nagpatawad sa pagsali ng Kristiyano sa digmaan.” Ang isinulat ni Edward Gibbon na The History of the Decline and Fall of the Roman Empire ay nagsasabi: “Imposible na ang mga Kristiyano, bagaman hindi tinatalikuran ang isang lalong sagradong tungkulin, ay makapagtataglay ng karakter ng mga kawal, ng mga mahistrado, o ng mga prinsipe.” Ang mga Saksi ni Jehova sa katulad na paraan ay sumusunod sa isang paninindigan na mahigpit na pagkaneutral at sumusunod sa mga simulain ng Bibliya na nasa Isaias 2:2-4 at Mateo 26:52.
13. Ang mga Saksi ni Jehova ay inaakusahan ng ano, ngunit ano ang ipinakikita ng mga ebidensiya?
13 Ang mga Saksi ni Jehova ay inaakusahan ng kanilang mga kaaway ng pagwawatak-watak sa mga pamilya. Totoo, may mga kaso ng mga pamilya na nagkakabaha-bahagi pagka isa o higit pang mga miyembro ay nagiging mga Saksi ni Jehova. Ito’y inihula ni Jesus na mangyayari. (Lucas 12:51-53) Gayunman, ipinakikita ng mga estadistika na ang mga pag-aasawa na nagkakawatak-watak nang dahil dito ang kataliwasán. Halimbawa, sa mga Saksi ni Jehova sa Pransya, sa 1 sa bawat 3 mag-asawa ay may isang asawa na hindi Saksi. Gayunman, ang bilang ng diborsiyo sa haluang mga pag-aasawang ito ay hindi mas mataas kaysa pambansang promedyo. Bakit? Ang mga apostol na sina Pablo at Pedro ay nagbigay ng matalino, kinasihang payo sa mga Kristiyanong asawa ng mga di-kapananampalataya, at sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na sundin ang kanilang payo. (1 Corinto 7:12-16; 1 Pedro 3:1-4) Kung sakaling ang isang haluang pag-aasawa ay nagkawatak-watak, ang nagpasimuno ay halos laging ang asawang di-Saksi. Sa kabilang panig, libu-libong pag-aasawa ang nailigtas dahilan sa ang mga mag-asawa ay naging mga Saksi ni Jehova at nagsimulang ikapit sa kanilang buhay ang mga simulain ng Bibliya.
Mga Kristiyano, Hindi mga Trinitaryo
14. Ang sinaunang mga Kristiyano ay inakusahan ng ano, at bakit ito balintuna?
14 Balintuna na sa Imperyong Romano, isa sa mga akusasyon laban sa sinaunang mga KristiyanoIsaias 37:19.
ay na sila’y mga ateista. Si Dr. Augustus Neander ay sumulat: “Ang mga nagtatatwâ sa mga diyos, ang mga ateista, . . . ang karaniwang pangalan na ikinakapit sa mga Kristiyano sa gitna ng mga mamamayan.” Lubhang kataka-taka na ang mga Kristiyano, na sumamba sa buháy na Maylikha at hindi ang maraming diyos, ay tinawag na mga ateista ng mga pagano na walang “mga diyos [na sinasamba], kundi mga gawa ng mga kamay ng tao, kahoy at bato.”—15, 16. (a) Ano ang sinabi ng ilang relihiyonista tungkol sa mga Saksi ni Jehova, subalit anong tanong ang ibinabangon nito? (b) Ano ang nagpapakita na ang mga Saksi ni Jehova ay tunay na mga Kristiyano?
15 Balintuna rin ang bagay na sa ngayon ang ilang awtoridad sa Sangkakristiyanuhan ay nagtatatwâ na ang mga Saksi ni Jehova ay mga Kristiyano. Bakit? Sapagkat ang mga Saksi ay tumatanggi sa Trinidad. Sang-ayon sa may-kinikilingang katuturan na ibinibigay ng Sangkakristiyanuhan, “ang mga Kristiyano ay yaong mga tumatanggap kay Kristo bilang Diyos.” Kabaligtaran nito, isang modernong diksiyunaryo ang nagbibigay ng katuturan sa pangngalang “Kristiyano” bilang “isang tao na naniniwala kay Jesu-Kristo at sumusunod sa kaniyang mga turo” at ang “Kristiyanismo” bilang “isang relihiyon na nakasalig sa mga turo ni Jesu-Kristo at sa paniniwala na siya ang anak ng Diyos.” Ano bang grupo ang higit na nababagay sa katuturang ito?
16 Tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova ang sariling patotoo ni Jesus tungkol sa kung sino siya. Sinabi niya: “Ako ang Anak ng Diyos,” hindi, “Ako ang Diyos na Anak.” (Juan 10:36; ihambing ang Juan 20:31.) Kanilang tinatanggap ang kinasihang pangungusap ni apostol Pablo tungkol kay Kristo: “Na, palibhasa nasa anyong Diyos, hindi inisip na ang pagkapantay sa Diyos ay isang bagay na dapat sunggaban.” * (Filipos 2:6, The New Jerusalem Bible) Ang aklat na The Paganism in Our Christianity ay nagsasabi: “Hindi kailanman binanggit ni Jesu-Kristo ang gayong bagay [isang Trinidad ng magkakapantay], at saanman sa Bagong Tipan ay hindi makikita ang salitang ‘Trinidad’. Ang idea ay inangkin lamang ng Iglesya tatlong daang taon pagkamatay ng ating Panginoon; at ang pinagmulan ng idea ay lubusang pagano.” Tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova ang turo ng Bibliya tungkol kay Kristo. Sila’y mga Kristiyano, hindi mga Trinitaryo.
Walang Ecumenismo
17. Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikisali sa kilusang ecumeniko, o interfaith?
17 Dalawa pang reklamo laban sa mga Saksi ni Jehova ay ang kanilang pagtangging sumali sa kilusang pagsanib sa ibang pananampalataya at ang pagsasagawa nila ng tinatawag na “mapusok na pangungumberte.” Ang sinaunang mga Kristiyano ay dumanas ng kapuwa mga pag-upasalang ito. Ang Sangkakristiyanuhan, at ang kaniyang mga bahaging Katoliko, Ortodokso, at Protestante, ay hindi maitatatwâ na isang bahagi ng sanlibutang ito. Tulad ni Jesus, ang mga Saksi ni Jehova “ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Papaano nga sila makikianib sa pamamagitan ng mga kilusang interfaith sa mga organisasyong relihiyoso na nagtataguyod ng di-Kristiyanong asal at mga paniniwala?
18. (a) Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay hindi matutuligsa sa paniniwalang sila lamang ang may taglay ng tunay na relihiyon? (b) Samantalang naniniwala na taglay nila ang tunay na relihiyon, ano ang hindi taglay ng mga Romano Katoliko?
18 Sino ang makatuwirang makatutuligsa sa mga Saksi ni Jehova sa paniniwala, gaya ng sinaunang mga Kristiyano, na sila lamang ang may taglay ng tunay na relihiyon? Maging ang Iglesya Katolika, samantalang paimbabaw na nag-aangking nakikipagtulungan sa kilusang ecumeniko, ay nagpapahayag: “Kami ay naniniwala na ang nag-iisang tunay na relihiyong ito ay nagpapatuloy na umiral sa Iglesya Katolika at Apostolika, na pinagkatiwalaan ng Panginoong Jesus ng gawaing pagpapalaganap nito sa lahat ng tao nang kaniyang sabihin sa mga apostol: ‘Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa lahat ng bansa.’ ” (Konsilyo ng Vaticano II, “Deklarasyon Tungkol sa Kalayaang Relihiyoso”) Datapuwat, lumilitaw na ang gayong paniniwala ay hindi sapat upang ang mga Katoliko ay magkaroon ng di-nagbabagong sigasig sa paghayo upang gumawa ng mga alagad.
19. (a) Ang mga Saksi ni Jehova ay desidido na gawin ang ano, at taglay ang anong motibo? (b) Ano ang susuriin sa susunod na artikulo?
19 Ang mga Saksi ni Jehova ay mayroon ng gayong sigasig. Sila ay desididong magpatuloy ng pagpapatotoo habang nais ng Diyos na gawin nila ito. (Mateo 24:14) Ang kanilang pagpapatotoo ay masigasig ngunit hindi mapusok. Ang kanilang motibo ay ang pag-ibig sa kapuwa, hindi ang pagkapoot sa sangkatauhan. Sila’y umaasang pinakamaraming tao hangga’t maaari ang maligtas. (1 Timoteo 4:16) Tulad ng sinaunang mga Kristiyano, kanilang sinisikap na “makipagpayapaan sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Tatalakayin sa sumusunod na artikulo kung papaano nila ginagawa ito.
[Talababa]
^ par. 16 Para sa pagtalakay ng talatang ito may kaugnayan sa turo ng Trinidad, tingnan Ang Bantayan, Disyembre 15, 1971, mga pahina 739-41.
Bilang Repaso
◻ Ano ang katangian ng sinaunang mga Kristiyano, at papaano nahahawig sa kanila ang mga Saksi ni Jehova?
◻ Sa papaano ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova na sila’y mabubuting mamamayan?
◻ Ano ang pagkakilala sa sinaunang mga Kristiyano ng mga namiminuno, at may pagkakaiba ba iyon sa ngayon?
◻ Ang matibay na paniniwala ng mga Saksi na taglay nila ang katotohanan ay nagpapakilos sa kanila na gawin ang ano?
[Mga Tanong]
[Larawan sa pahina 12]
Ang mga Saksi ni Jehova ay desididong patuloy na magpatotoo habang nais ng Diyos na gawin nila ito
[Larawan sa pahina 17]
Sinabi ni Pilato: “Narito! Ang tao”—ang Isa na hindi bahagi ng sanlibutan.—Juan 19:5
[Credit Line]
“Ecce Homo” by A. Ciseri: Florence, Galleria d’Arte Moderna / Alinari/Art Resource, N.Y.