Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Beer-sheba—Kung Saan Buhay ang Kahulugan ng Isang Balon

Beer-sheba—Kung Saan Buhay ang Kahulugan ng Isang Balon

Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako

Beer-sheba​—Kung Saan Buhay ang Kahulugan ng Isang Balon

“MULA sa Dan hanggang sa Beer-sheba.” Iyan ay isang pamilyar na parirala sa mga mambabasa ng Bibliya. Inilalarawan niyan ang buong Israel, mula sa Dan, malapit sa hilagang hangganan, hanggang sa Beer-sheba, sa timog. Ang kapayapaan ng paghahari ni Solomon ay inilarawan na ganito: “Ang Juda at ang Israel ay patuloy na nagsitahang tiwasay, bawat tao’y sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, lahat ng mga araw ni Solomon.”​—1 Hari 4:25; Hukom 20:1.

Subalit, ang mga pagkakaiba ng Dan at ng Beer-sheba ay hindi lamang ang kanilang distansiya sa isa’t isa. Halimbawa, sa Dan ay sagana ang ulan; ang tubig ay umaagos buhat sa lupa upang maging isa sa mga bukál ng Ilog Jordan, gaya ng makikita sa larawan sa gawing kanan. Anong laking kaibahan ng Beer-sheba, sapagkat ito ay nasa isang tigang na dako, sa pagitan ng baybay-dagat at ng timugang dulo ng Dagat na Patay.

Sa lugar ng Beer-sheba, ang taunang ulan na bumabagsak ay mayroon lamang 15 hanggang 20 sentimetro. Sa ganiyang pagkaalam, bigyang pansin ang nasa itaas na larawan ng punso, o bunton, ng Beer-sheba. * Ang mga halaman na nakikita mo ay nagpapatunay na kinunan ang larawan pagkatapos ng limitadong pag-ulan kung taglamig, nang sa loob ng maikling panahon ang mga bukirin sa palibot ng Beer-sheba ay luntian. Ang karatig na kapatagan ay​—at ganoon pa rin​—mainam na pagtamnan ng mga pananim na butil.

Dahilan sa ang lugar na iyon ay tigang, ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa Beer-sheba ay nagdiriin ng mga balon at mga karapatan sa tubig. Ang lunsod ay malapit sa mga daan o mga ruta ng caravan na tumatawid ng iláng na disyerto sa malayu-layong timog. Gaya ng iyong maguguniguni, ang mga manlalakbay na dumaraan o humihinto rito ay mangangailangan ng tubig para sa kanilang sarili at para sa kanilang mga hayop. Ang gayong tubig ay hindi bumubulubok sa lupa, gaya sa Dan, kundi iyon ay makukuha sa mga balon. Sa katunayan, ang salitang Hebreo na be’erʹ ay tinutukoy na isang hukay o isang butas na hinukay upang pagsalukan ng suplay ng tubig sa ilalim ng lupa. Ang ibig sabihin ng Beer-sheba ay “Balon ng Sumpa” o, “Balon ng Pitó.”

Si Abraham at ang kaniyang pamilya ay matagal ding nanirahan doon sa Beer-sheba at sa palibot, at batid nila ang kahalagahan ng mga balon. Nang ang babaing utusan ni Sara na si Hagar ay tumakas sa iláng, marahil siya ay nagplano na kukuha ng tubig buhat sa mga balon o sa Beduino na gumagamit nito​—tulad baga ng babaing Beduino na nasa larawan sa susunod na pahina, sa itaas, na sumasalok ng tubig sa isang balon sa Sinai Peninsula. Nang sa bandang huli ay kinailangang palayasin ni Abraham si Hagar kasama ng kaniyang mapag-abusong anak na lalaki, siya ay may kabaitang naglaan ng maiinom na tubig. Ano ang nangyari nang maubos na iyon? “Nang magkagayo’y binuksan ng Diyos ang kaniyang mga mata kung kaya may namataan siyang isang balon ng tubig; at siya’y lumapit doon at sinimulang punuin ng tubig ang bangang-balat at pinainom ang bata.”​—Genesis 21:19.

Saan kinuha ni Abraham ang tubig upang punuin ang bangang-balat ni Hagar? Marahil ay sa balon na kaniyang hinukay, na malapit doon ay tinamnan niya ng punong tamarisk. (Genesis 21:25-33) Masasabi na nakikita na ngayon ng mga siyentipiko ang pagiging angkop ng pagpili ni Abraham sa tamarisk, sapagkat ang punong ito ay may maliliit na dahon na hindi nawawalan ng halumigmig, kaya maaari itong mabuhay bagaman tuyo ang lugar na ito.​—Tingnan ang larawan sa ibaba.

Ang paghukay ni Abraham ng isang balon ay binanggit may kaugnayan sa isang alitan niya at ng isang haring Filisteo. Ang balon ay isang mahalagang pag-aari dahilan sa malaganap na kasalatan sa tubig at sa pagtatrabahong kailangan upang makahukay ng isang malalim na balon. Sa katunayan, noon ay isang panghihimasok sa karapatan sa pag-aari ng isang tao kung gagamit ka ng isang balon nang walang pahintulot.​—Ihambing ang Bilang 20:17, 19.

Kung dadalaw ka sa Punso ng Beer-sheba, makakatanaw ka sa ibaba ng isang malalim na balon sa timog-silangang dalisdis. Walang nakakaalam kung kailan ito hinukay mula sa matigas na batuhan at ang gawing itaas nito (nakikita sa ibaba) ay pinatibay sa pamamagitan ng mga bato. Inalis ng modernong mga arkeologo ang mga nakabara rito sa lalim na 30 metro pababa nang hindi naaabot ang ilalim. Isa sa kanila ang may ganitong napansin: “Nakatutuksong sabihin na ang balong ito ay . . . ang ‘Balon ng Sumpa’ na kung saan ginawa nina Abraham at Abimelech ang kanilang tipan.”​—Biblical Archaeology Review.

Maliwanag na ang Beer-sheba ay lumawak nang bandang huli na noong panahon ng Bibliya, naging isang nakukutaang lunsod na may malaking pintuang-bayan. Subalit ang isang susi sa pag-iral at tagumpay nito ay ang mahalagang tubig sa malalim na balon nito.

[Talababa]

^ par. 5 Para sa isang malaki-laking tanawin ng Punso ng Beer-sheba, tingnan ang 1993 Calendar of Jehovah’s Witnesses.

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.