Kung Papaano Naging Bahagi ng Sanlibutang Ito ang Sangkakristiyanuhan
Kung Papaano Naging Bahagi ng Sanlibutang Ito ang Sangkakristiyanuhan
HINDI nagtagal, ang Imperyong Romano, na pinagsimulan ng sinaunang Kristiyanismo, ay bumagsak. Sang-ayon sa maraming historyador, ang pagbagsak na iyon ang siya ring panahon ng katapusang pagtatagumpay ng Kristiyanismo sa paganismo. Sa pagpapahayag ng isang naiibang punto de vista, ang obispong Anglicano na si E. W. Barnes ay sumulat: “Sa pagbagsak ng klasikong sibilisasyon, ang Kristiyanismo ay hindi na naging ang dakilang pananampalataya ni Jesus na [ang] Kristo: ito’y naging isang relihiyon na nagagamit bilang ang nagpapatibay sa lipunan ng isang sanlibutan na watak-watak.”—The Rise of Christianity.
Bago maganap ang pagbagsak na iyan, noong ikalawa, ikatlo, at ikaapat na siglo C.E., iniuulat ng kasaysayan na sa maraming paraan yaong nag-aangking mga sumusunod kay Jesus ay nanatiling hiwalay sa daigdig ng mga Romano. Subalit isinisiwalat din nito ang pag-unlad ng apostasya sa doktrina, asal, at organisasyon, gaya ng inihula ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. (Mateo 13:36-43; Gawa 20:29, 30; 2 Tesalonica 2:3-12; 2 Timoteo 2:16-18; 2 Pedro 2:1-3, 10-22) Sa wakas nagkaroon ng mga pakikipagkompromiso sa Greco-Romanong daigdig, at ang ilan na nag-angking Kristiyano ay sumunod sa mga gawain ng daigdig sa paganismo (tulad ng mga kapistahan nito at ng pagsamba nito sa isang inang-diyosa at isang tatluhang-personang diyos), sa pilosopiya nito (tulad ng paniniwala sa isang walang-kamatayang kaluluwa), at sa namamanihalang organisasyon nito (nakita sa paglitaw ng isang uring klero). Ang tiwaling bersiyong ito ng pagka-Kristiyano ang nakaakit sa maraming karaniwang tao at naging isang puwersa na sinikap ng mga Romanong emperador na lipulin subalit nang dakong huli ay tinanggap nila ito at nagsikap na gamitin sa kanilang sariling kapakanan.
Nadaig ng Sanlibutan
Ang historyador ng iglesya na si Augustus Neander ay nagpakita ng mga panganib na kasangkot sa bagong relasyong ito na namamagitan sa “Kristiyanismo” at sa sanlibutan. Kung isasakripisyo ng mga Kristiyano ang kanilang pagiging hiwalay sa sanlibutan, “ang resulta ay isang kalituhan ng iglesya sa pakikitungo sa sanlibutan . . . na sa pamamagitan nito ay iwawala ng iglesya ang kaniyang kalinisan, at, samantalang nag-aanyong nananaig, ay siya sa kaniyang sarili ang madadaig,” isinulat niya.—General History of the Christian Religion and Church, Tomo 2, pahina 161.
Ganito ang nangyari. Maaga noong ikaapat na siglo, ang Romanong emperador na si Constantino ay nagsikap na gamitin ang relihiyong “Kristiyano” ng kaniyang kaarawan upang patibayin ang kaniyang nagkakawatak-watak na imperyo. Sa layuning ito, ang nag-aangking Kristiyano ay pinagkalooban niya ng kalayaan ng relihiyon at ang ilan sa mga pribilehiyo ng paganong mga saserdote ay inilipat sa kanilang uring klero. Sinasabi ng The New Encyclopœdia Britannica: “Ang iglesya na lumabas sa sanlibutan ay muling ipinasok ni Constantino upang tanggapin ang panlipunang pananagutan at tulungan ang paganong lipunan upang mabawi para sa iglesya.”
Relihiyon ng Estado
Pagkatapos ni Constantino, tinangka ni Emperador Julian (361-363 C.E.) na salungatin ang Kristiyanismo at ibalik ang paganismo. Subalit siya’y nabigo, at pagkalipas ng mga 20 taon, ang paganismo ay ibinawal ni Emperador Theodosius I at iniutos na ang Trinitaryong “Kristiyanismo” ang maging relihiyon ng Estado ng Imperyong Romano. Eksaktong-eksakto, sumulat ang Pranses na historyador na si Henri Marrou: “Sa may dulo ng paghahari ni Theodosius, ang Kristiyanismo, o upang lalong maging eksakto, ang tatag na Katolisismo, ay naging opisyal na relihiyon ng buong sanlibutang Romano.” Ang tatag na Katolisismo ang humalili sa tunay na Kristiyanismo at naging isang “bahagi ng sanlibutan.” Ang relihiyong ito ng Estado ay ibang-iba sa relihiyon ng sinaunang mga tagasunod ni Jesus, na kaniyang pinagsabihan: “Kayo ay hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 15:19.
Ang Pranses na historyador at pilosopong si Louis Rougier ay sumulat: “Sa paglaganap nito, ang Kristiyanismo ay dumaan sa kakatwang mga pagbabago hanggang sa hindi na makilala. . . . Ang sinaunang relihiyon ng dukha, na nabubuhay sa kawanggawa, ay naging isang mananakop na relihiyon na nakipagkasundo sa umiiral na mga sekular na mga awtoridad nang sila’y hindi madominahan nito.”
Maaga noong ikalimang siglo C.E., ang Romano Katolikong si “San” Augustine ay sumulat ng kaniyang pangunahing katha na The City of God [Ang Lunsod ng Diyos]. Dito ay inilarawan niya ang dalawang lunsod, “yaong sa Diyos at yaong sa sanlibutan.” Idiniin ba ng kathang ito ang pagiging magkahiwalay ng mga Katoliko at ng sanlibutan? Hindi talaga. Si Propesor Latourette ay nagsasabi: “Tahasang kinilala ni Augustine [na] ang dalawang lunsod, ang makalupa at ang makalangit, ay magkaugnay.” Itinuro ni Augustine na “ang Kaharian ng Diyos ay nagsimula na sa sanlibutang ito sa pagkatatag ng iglesya [Katolika].” (The New Encyclopœdia Britannica, Macropœdia, Tomo 4, pahina 506) Sa gayon, anuman marahil ang orihinal na layunin ni Augustine, ang epekto ng kaniyang mga teoriya ay lalong higit na isangkot ang Iglesya Katolika sa makapulitikang pamamalakad ng sanlibutang ito.
Isang Nababahaging Imperyo
Noong 395 C.E., nang mamatay si Theodosius I, ang Imperyong Romano ay opisyal na hinati sa dalawa. Ang Imperyong Silanganin, o Byzantine, ay may kaniyang kabisera sa Constantinople (dating Byzantium, ngayon ay Istanbul), at ang Imperyong Kanluranin na may kaniyang kabisera (pagkatapos ng 402 C.E.) sa Ravenna, Italya. Ang resulta, ang Sangkakristiyanuhan ay naging baha-bahagi sa pulitika at gayundin sa relihiyon. Kung tungkol sa ugnayan ng Iglesya at ng Estado, ang iglesya sa Imperyong Silanganin ay sumunod sa teoriya ni Eusebius ng Cesaria (isang kapanahon ni Constantinong Dakila). Sa pagwawalang-bahala sa Kristiyanong simulain ng pagkahiwalay sa sanlibutan, nangatuwiran si Eusebius na
kung ang emperador at ang imperyo ay maging Kristiyano, ang Iglesya at ang Estado ay magiging iisang lipunang Kristiyano, na ang emperador ang nagsisilbing kinatawan ng Diyos sa lupa. Pangkaraniwan na, ang ugnayang ito sa pagitan ng Iglesya at ng Estado ay sinunod sa paglakad ng daan-daang taon ng mga iglesyang Silanganing Ortodokso. Sa kaniyang aklat na The Orthodox Church, si Timothy Ware, isang obispong Ortodokso, ang nagpakita ng resulta: “Ang nasyonalismo ang ikinalulungkot ng Orthodoxia noong nakalipas na sampung siglo.”Sa Kanluran ang huling Romanong emperador ay ibinagsak noong 476 C.E. ng lumulusob na mga tribong Aleman. Ito ang tumapos sa Kanluraning Imperyong Romano. Tungkol sa pulitikal na kalagayang naging resulta, sinasabi ng The New Encyclopœdia Britannica: “Isang bagong kapangyarihan ang nabuo: ang Iglesya Romana, ang iglesya ng obispo ng Roma. Ang iglesyang ito ay naniniwala na siya ang humalili sa nawalang Imperyong Romano.” Ang ensayklopidiyang ito ay nagpatuloy na nagsasabi: “Ang Romanong mga papa . . . ay nagpalawak sa sekular na pag-aangkin ng pamahalaan ng iglesya lampas pa sa mga hangganan ng iglesya-estado at pinaunlad ang tinatawag na teoriya ng dalawang tabak, binanggit na binigyan ni Kristo ang papa hindi lamang ng espirituwal na kapangyarihan sa iglesya kundi pati sekular na kapangyarihan sa makasanlibutang mga kaharian.”
Pambansang mga Iglesyang Protestante
Sa buong panahon ng Edad Medya, kapuwa ang mga relihiyong Ortodokso at Romano Katoliko ay nagpatuloy na lubusang mapasangkot sa pulitika, makasanlibutang mga intriga, at mga digmaan. Ang Repormasyong Protestante ba noong ika-16 siglo ay nagsilbing pagbabalik sa tunay na Kristiyanismo, hiwalay sa sanlibutan?
Hindi. Ating mababasa sa The New Encyclopœdia Britannica: “Ang mga Repormistang Protestante ng Lutherano, Calvinista, at Anglicanong mga tradisyon . . . ay nanatiling mahigpit na nakakapit sa mga paniwala ni Augustine, na may teolohiya na inaakala nilang may natatanging kaugnayan sa kanila. . . . Bawat isa sa tatlong pangunahing tradisyong Protestante sa Europa noong ika-16 siglo . . . ay sinuportahan ng sekular na mga awtoridad sa Saxony [gitnang Alemanya], Switzerland, at Inglatera at nanatili sa ganoon ding posisyon kung ihahambing sa ugnayan ng estado at ng iglesya noong edad medya.”
Sa halip na bumalik sa tunay na Kristiyanismo, ang Repormasyon ay nagluwal ng maraming pambansa o teritoryal na iglesya na umaasa ng pabor sa pulitikal na mga estado at aktibong sumuporta sa kanilang mga digmaan. Ang totoo, kapuwa ang Katoliko at ang Protestanteng mga iglesya ang mga nagpasimuno sa relihiyosong mga digmaan. Sa kaniyang aklat na An Historian’s Approach to Religion, si Arnold Toynbee ay sumulat tungkol sa gayong mga digmaan: “Ang mga ito ang nagtanghal sa mga Katoliko at mga Protestante sa Pransya, sa Netherlands, Alemanya, at Irlandya, at sa magkakaribal na sekta ng mga Protestante sa Inglatera at Scotland, sa makahayop na gawang pagsisikap na sugpuin ang isa’t isa sa pamamagitan ng lakas ng mga armas.” Ang kasalukuyang mga alitan na sanhi ng pagkakabaha-bahagi ng Irlandya at ng dating Yugoslavia ay nagpapakita na ang mga iglesyang Romano Katoliko, Ortodokso, at Protestante ay may matinding pagkakasangkot pa rin sa pamamalakad ng sanlibutang ito.
Lahat ba nito ay nangangahulugan na ang tunay na Kristiyanismo, na hiwalay sa sanlibutan, ay hindi na umiiral sa lupa? Ang sumusunod na artikulo ang sasagot sa tanong na iyan.
[Kahon/Larawan sa pahina 10, 11]
KUNG PAPAANO ANG “KRISTIYANISMO” AY NAGING ISANG RELIHIYON NG ESTADO
KAILANMAN ang Kristiyanismo ay hindi nilayon na maging bahagi ng sanlibutang ito. (Mateo 24:3, 9; Juan 17:16) Gayunman, ang mga aklat ng kasaysayan ay nagsasabi sa atin na noong ikaapat na siglo C.E., ang “Kristiyanismo” ay naging opisyal na relihiyon ng Estado ng Imperyong Romano. Papaano nga nangyari ang ganito?
Mula kay Nero (54-68 C.E.) hanggang noong ikatlong siglo C.E., lahat ng Romanong emperador ay aktibong nang-usig sa mga Kristiyano o dili kaya ay pinayagan na sila’y usigin. Si Gallienus (253-268 C.E.) ang unang Romanong emperador na nagpalabas ng isang deklarasyon ng pagpaparaya sa kanila. Magkagayon man, ang Kristiyanismo ay isang ibinawal na relihiyon sa buong imperyo. Pagkaraan ni Gallienus, nagpatuloy ang pag-uusig, at sa ilalim ni Diocletian (284-305 C.E.) at ng kaniyang mga kahalili, lalo pa itong tumindi.
Ang malaking pagbabago ay dumating noong may pasimula ng ikaapat na siglo sa may tinatawag na kombersiyon sa pagka-Kristiyano ni Emperador Constantino I. Tungkol sa “kombersiyon” na ito, ang ensayklopidiyang Pranses na Théo—Nouvelle encyclopédie catholique (Théo—New Catholic Encyclopedia) ay nagsasabi: “Si Constantino ay nag-angkin na isang emperador na Kristiyano. Ang totoo, siya’y nabautismuhan noon lamang nasa bingit na ng kaniyang kamatayan.” Gayunpaman, noong 313 C.E., si Constantino at ang kaniyang kasamang emperador, si Licinius, ay nagpalabas ng utos na nagbigay ng kalayaan ng relihiyon sa mga Kristiyano at sa mga pagano. Ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang pagbibigay ni Constantino ng kalayaan ng pagsamba sa mga Kristiyano, na nangangahulugang ang Kristiyanismo ay opisyal na kinilalang religio licita [legal na relihiyon] bukod sa paganismo, ay isang napakalaking pagbabago.”
Gayunman, sinasabi ng The New Encyclopœdia Britannica: “Hindi ginawa [ni Constantino] na relihiyon ng imperyo ang Kristiyanismo.” Ang Pranses na historyador na si Jean-Rémy Palanque, miyembro ng Institute of France, ay sumulat: “Gayunman, ang Estadong Romano . . . ay nanatiling opisyal na pagano. At si Constantino, bagaman sumang-ayon sa relihiyon ni Kristo, ay hindi niwakasan ang situwasyong iyan.” Sa kathang The Legacy of Rome, si Propesor Ernest Barker ay nagsabi: “[Ang tagumpay ni Constantino] ay hindi nagbunga ng karaka-rakang pagkatatag ng Kristiyanismo bilang relihiyon ng Estado. Si Constantino ay kontento na kilalanin ang Kristiyanismo bilang isa sa pangmadlang mga pagsamba ng imperyo. Sa sumunod na pitumpung taon ang dating paganong mga rituwal ay opisyal na ginanap sa Roma.”
Kaya sa puntong ito ang “Kristiyanismo” ay isang legal na relihiyon sa Imperyong Romano. Kailan ito, sa lubos na kahulugan ng pananalita, naging opisyal na relihiyon ng Estado? Ating mababasa sa New Catholic Encyclopedia: “Ang patakaran [ni Constantino] ay ipinagpatuloy ng kaniyang mga kahalili maliban kay Julian [361-363 C.E.], na ang pag-uusig sa Kristiyanismo ay biglang nagwakas sa kaniyang kamatayan. Sa wakas, sa huling kaapat na bahagi ng ika-4 na siglo, si Theodosius na Dakila [379-395 C.E.] ay nag-utos na ang Kristiyanismo ang maging opisyal na relihiyon ng Imperyo at sinupil ang pangmadlang paganong pagsamba.”
Bilang pagpapatunay rito at sa pagsisiwalat kung ano ang bagong relihiyong ito ng Estado, ang iskolar ng Bibliya at historyador na si F. J. Foakes Jackson ay sumulat: “Sa ilalim ni Constantino ang Kristiyanismo at ang imperyong Romano ay magkasama. Sa ilalim ni Theodosius sila ay nagkakaisa. . . . Mula noon ang titulong Katoliko ay inilaan na para lamang sa mga sumasamba sa Ama, Anak at Espiritu Santo kasabay ng kaukulang paggalang. Ang buong patakaran sa relihiyon ng emperador na ito ay nakadirekta sa ganitong layunin, at bilang resulta ang Pananampalatayang Katoliko ang naging kaisa-isang legal na relihiyon ng mga Romano.”
Si Jean-Rémy Palanque ay sumulat: “Si Theodosius, samantalang lumalaban sa paganismo, ay nahayag din naman na pabor sa tatag na Iglesya [Katolika]; ang kaniyang utos noong 380 C.E. ay nagtakda sa lahat ng kaniyang sakop na taglayin ang pananampalataya ni Papa Damasus at ng [Trinitaryong] obispo ng Alexandria at nagkait ng kalayaan ng pagsamba sa mga di-kapanalig. Lahat ng erehes ay muli na namang kinondena ng Konsilyo ng Constantinople (381), at tiniyak ng emperador na walang obispo na susuporta sa mga ito. Ang [Trinitaryong] Kristiyanismo ng Nicene ang naging lubusan at tunay na relihiyon ng Estado . . . Ang Iglesya ay may mahigpit na pakikipagkaisa sa Estado at nagkamit ng bukod-tanging suporta nito.”
Samakatuwid, hindi ang walang-halong Kristiyanismo noong kaarawan ng mga apostol ang naging pang-Estadong relihiyon ng Imperyong Romano. Iyon ay ang Trinitaryong Katolisismo noong ikaapat na siglo, na puwersahang ipinatupad ni Emperador Theodosius I at siyang sinunod ng Iglesya Katolika Romana, na noon gaya pa rin sa ngayon, ay tunay na isang bahagi ng sanlibutang ito.
[Credit Line]
Si Emperador Theodosius I: Real Academia de la Historia, Madrid, (Foto Oronoz)
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Scala/Art Resource, N.Y.