Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paglilimbag ng Literatura sa Bibliya Habang Ipinagbabawal

Paglilimbag ng Literatura sa Bibliya Habang Ipinagbabawal

Paglilimbag ng Literatura sa Bibliya Habang Ipinagbabawal

INILAHAD NI MALCOLM G. VALE

“Maglimbag ng aklat na Children.” Tinanggap ko ang nakapagtatakang direktibang ito buhat sa tagapangasiwa ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, hindi pa natatagalan pagkatapos na ilabas ang aklat na iyan sa kombensiyon sa St. Louis, Missouri, E.U.A., noong Agosto 10, 1941. Bakit nakapagtataka ang direktiba?

BUWENO, ang ating gawaing pangangaral ay ibinawal noong Enero 1941, kaya ang patuloy na paglilimbag kahit sa limitadong paraan ay magiging isang hamon. Bukod dito, ang Children ay isang 384-pahinang aklat na ang mga larawan ay may hustong-kulay. Ang aming gamit sa paglilimbag ay nangangailangan na pahusayin, di-sapat ang papel, at ang mga tauhan ay hindi sanay sa paggawa ng pinabalatang mga aklat.

Bago ilarawan kung papaano kami nagtagumpay sa paglilimbag samantalang ipinagbabawal iyon, hayaan ninyong ilahad ko sa inyo kung papaano nangyaring ako’y maglingkod may kaugnayan sa tanggapang sangay sa Australia bilang tagapangasiwa sa gawaing paglilimbag.

Maagang Kasaysayan

Ang aking ama ay may-ari ng isang negosyo sa paglilimbag sa maunlad na lunsod ng Ballarat, Victoria, na kung saan isinilang ako noong 1914. Kaya natuto ako ng trabahong paglilimbag sa palimbagan ni Itay. Ako’y kasali rin sa mga gawain ng Iglesya ng Inglatera, umaawit sa koro ng simbahan at nagpapatunog ng mga kampana sa simbahan. Nagkaroon pa rin ako ng pag-asang magturo sa Sunday school, subalit ako’y hindi mapakali tungkol dito.

Ang dahilan ay sapagkat mayroon akong seryosong mga katanungan tungkol sa ilang turo ng simbahan. Kasali na rito ang trinidad, apoy sa impiyerno, at ang pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, at walang nagbigay sa akin ng kasiya-siyang mga kasagutan. Naging palaisipan din sa akin na paminsan-minsan, ang aming ministro ay galít na nangungusap tungkol sa isang munting grupong relihiyoso na ang tawag sa kanilang sarili ay mga Saksi ni Jehova. Nagtaka ako kung bakit ang gayong hindi naman mahalagang grupo ay totoong makababahala sa isang lunsod na may 40,000 mamamayan.

Isang araw ng Linggo, nakatayo ako sa labas ng simbahan pagkatapos ng panggabing serbisyo nang isang grupo ng mga kababaihan buhat sa karatig na Iglesya Methodista ay dumaan. Ako’y nagsimulang makipagkaibigan sa isa sa kanila. Ang pangalan niya ay Lucy, at sa wakas inanyayahan niya ako sa kaniyang tahanan upang makilala ang kaniyang mga magulang. Akalain ninyo ang aking pagkamangha nang maalaman ko na ang kaniyang ina, si Vera Clogan, ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Nagkaroon kami ng maraming masisiglang talakayan sa Bibliya, at ang kaniyang sinabi ay makatuwiran naman kung pakikinggan.

Hindi nagtagal, kami ni Lucy ay napakasal, at pagsapit ng 1939 kami ay nakatira na sa Melbourne, ang kabisera ng Victoria. Bagaman si Lucy ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova, ako ay hindi pa rin nakapagpapasiya. Gayunman, nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong Setyembre ng taóng iyon, ako’y taimtim na nag-isip tungkol sa aking natutuhan buhat sa Kasulatan. Ang pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova noong Enero 1941 ay tunay na nakatulong sa akin na makapagpasiya. Inialay ko ang aking buhay kay Jehova at nabautismuhan hindi nagtagal pagkatapos.

Malalaking Pagbabago sa Aming Buhay

Noon, kami ay nangungupahan sa isang komportableng apartment sa Melbourne. Gayunman, hindi nagtagal at kami ay inanyayahan na lumipat sa isang bahay kasama ang iba pang mga Saksi. Aming ipinagbili ang lahat ng muwebles namin maliban sa mga muwebles sa silid-tulugan at lumipat kami sa tinatawag na tahanan ng mga payunir. Ako’y nagpatuloy na nagtrabaho bilang isang manlilimbag at sa ganoo’y nakapag-abuloy sa mga gastusin sa pagpapaandar ng tahanan. Ganoon din ang ginawa ng ibang mga asawang lalaki. Kaya naman, ang aming kani-kaniyang asawang babae ay maaaring makibahagi sa pangangaral nang buong-panahon, at kaming mga lalaki ay sumasama sa kanila sa gawaing pag-eebanghelyo at sa mga pulong Kristiyano kung gabi at sa mga dulong-sanlinggo.

Hindi nagtagal, tumanggap ako at ang aking asawa ng isang liham mula sa tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower na nag-aanyaya sa amin na pumaroon sa Sydney. Ipinagbili namin ang aming mga gamit na nasa silid-tulugan at binayaran ang ilang pagkakautang, subalit upang magkaroon kami ng pamasahe sa tren patungo sa Sydney, kinailangan na aming ipagbili ang engagement ring ni Lucy!

Dahilan sa mga paghihigpit kung panahon ng digmaan at sa kamakailang isinabatas na pagbabawal, walang mga Bibliya o literatura sa Bibliya na maaaring angkatin sa ibayong dagat. Kaya naman ang tanggapang sangay sa Australia ay nagpasiyang magtatag ng isang lihim na operasyon sa paglilimbag upang mapanatiling umaagos ang espirituwal na pagkain, at inanyayahan ako na mangasiwa sa gawain. Ako’y nagkapribilehiyong gumawang kasama ng isang taga-Scotland, si George Gibb, na naglingkod sa imprenta ng sangay sa Australia nang mga 60 taon na. * Iyon ang panahon nang tanggapin ko ang direktibang: “Maglimbag ng aklat na Children.”

Ang Pagbawi sa mga Gamit sa Paglilimbag

Marami ang nakatutuwa, kung minsa’y nakatatakot, na mga karanasan noong pambihirang mga taóng iyon ng digmaan. Halimbawa, upang makapagpasimula ng aming paglilimbag, kinailangan namin ang mga kagamitan. Ang dati naming ginagamit sa limitadong paglilimbag noong mga taon bago magkadigma ay sinamsam ng mga awtoridad sa pamahalaan, at ngayon ang maliit na palimbagan ng Samahan ay ikinandado at binabantayan. Papaano namin madadala ang mga gamit na iyon sa mga lugar na angkop para sa patagong paglilimbag?

Armadong mga guwardiya na may kani-kaniyang rilyebo, ang nagbantay sa pag-aari ng Samahan 24 na oras sa isang araw. Gayunman, isa sa mga pader sa may likod ang nasa tagiliran ng isang hindi na gaanong ginagamit na lugar na may riles. Kaya sa gabi, sa paggamit ng mga pamamaraan na nagpapagunita ng Ezekiel 12:5-7, ang ilang masigasig na manggagawa sa Bethel ay pumasok sa pamamagitan ng pagbutas sa pader upang may malusutan. Pagka sila’y nasa loob na, ang butas ay tinatapalan uli ng mga tinastas na ladrilyo sa pader upang sila’y huwag mahalata. Sa pamamagitan ng ganitong mga pamamaraan sa loob ng mga dalawang linggo, maingat na napagtanggal-tanggal nila ang isang munting palimbagan, isang Linotipya, at ilan pang makina. Pagkatapos ay tahimik na nailabas nila ang mga piyesa, bagaman doon mismo sa harap ng mga guwardiya sila dumaraan!

Hindi naglaon kami’y nakakuha ng karagdagang gamit buhat sa ibang mapagkukunan, at di-nagtagal kami ay puspusang nakapagsagawa ng patagong paglilimbag sa iba’t ibang lokasyon sa buong Sydney. Sa gayon, aming nailimbag at napabalatàn hindi lamang ang Children kundi pati na rin ang buong mga aklat na The New World, “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo,” at The Kingdom Is At Hand, gayundin ang mga Yearbook of Jehovah’s Witnesses para sa 1942, 1943, 1944, at 1945. Karagdagan pa, sa panahon ng pagbabawal noong mga taóng iyon ng digmaan, ang mga Saksi ni Jehova sa buong Australia ay hindi nagkulang ng kahit isang labas ng Ang Bantayan. Ito’y nagbigay sa amin ng katiyakan sa mismong personal na paraan na ang kamay ni Jehova ay hindi kailanman umikli.​—Isaias 59:1.

Pagharap sa Di-inaasahang mga Dalaw

Sa panahon ng puspusang sensura kung panahon ng digmaan, ang komersiyal na mga palimbagan ay kalimitan dinadalaw nang di-inaasahan ng mga opisyales ng gobyerno na nag-iinspeksiyon upang alamin kung ano ang nililimbag. Kaya, sa isa sa aming mga palimbagan na nakatago ay may kakabit na isang kagamitan na nagbibigay ng babala, isang buton sa suwelo na madaling maabot ng receptionist. Kailanma’t may hindi niya kilala o pinaghihinalaan na isang inspektor na umakyat sa hagdan, kaniyang idinidiin ang buton.

Pagka idiniin ang buton, ang mga kapatid ay dumaraan sa mga bintana para tumakas patungo sa lahat ng direksiyon! Ang mga manggagawang nakarehistro bilang mga empleyado ay naiiwan upang dagling takpan ang anumang naimprentang mga pilyego ng mga magasing Bantayan o iba pang literatura sa Bibliya na ginagawa. Upang magawa ito, sila’y gumagamit ng nilimbag na mga pilyego ng ibang publikasyon na may gayunding sukat na inihanda para sa komersiyal na mga parokyano.

Sa panahon ng isa sa gayong pagdalaw, dalawang inspektor ang naupo sa komiks, na naroon pa rin sa mga pilyegong malalaki, subalit sa ilalim ay naroon ang mga pilyego ng mga magasing Bantayan na nilimbag noong nakaraang gabi. Sa isang palimbagan sa isa pang panig ng lunsod, gumagawa kami ng komersiyal na paglilimbag kung araw at nag-iimprenta naman ng mga publikasyon ng Watchtower kung gabi at kung mga dulong-sanlinggo.

Tinutustusan ang Aming Pangangailangan na mga Papel

Ang pagkuha ng papel para gamitin sa paglilimbag ay isang malaking suliranin. Gayunman, ang ilang malalaking palimbagan na hindi nakagagamit ng buong kota nila ng papel dahil sa kaunti lamang ang kanilang kailangan noong panahon ng digmaan ay handang ipagbili ang kanilang labis na papel​—laging sa mataas na halaga kaysa kanilang ipinuhunan, mangyari pa. Subalit, minsan kami’y tumanggap ng papel buhat sa ibang mapagkukunan.

Isang barkong pangkargada na paparating sa Australia ang may dalang brown paper, subalit ang barko ay nasiraan sa dagat at nabasâ ang maraming papel. Ang buong kargada ay isinubasta, at sa laki ng aming pagtataka kami pala ang tanging sumali sa subasta. Ito ang dahilan kung bakit nabili namin iyon sa napakababang halaga. Ang papel ay pinatuyo namin sa araw, sa gayo’y naisalba ang karamihan niyaon, at pagkatapos ay pinagputul-putol sa mga pilyego na angkop para sa aming palimbagan.

Papaano namin gagamitin ang brown paper? Naisip namin, at tama naman, na ang mga mambabasa ng komiks ay masisiyahan pa ring bumasa ng kanilang komiks sa papel na de kolor. Sa gayon, ang puting papel na inirarasyon sa amin para gamitin sa komiks ay ginamit namin sa paglilimbag ng Ang Bantayan at iba pang materyal ng Samahan.

Ang Mahalagang Papel ng mga Babae

Noong panahon ng digmaan, maraming babaing Kristiyano sa Australia ang natuto ng pagtahi at pagpapabalat ng aklat. Isang hapon na sukdulan ang init sa tag-araw, ang ilan sa kanila ay gumagawa nang sila lamang sa isang munting garahe na aming inuupahan sa isang iskinita sa labas ng Sydney. Para sa seguridad, kanilang isinara ang bawat bintana at pinto. Sa lutuan ng kola ay nanggagaling ang mainit, mabahong usok, at ang init ay halos hindi mo matagalan. Kaya sila’y nakasuot ng panloob lamang na mga kasuutan.

Biglang-bigla, may kumatok sa pinto. Ang mga sister na Kristiyano ay nagtanong kung sino baga iyon, at ang sumagot ay isang opisyal sa paggawa na kumakatawan sa gobyerno. Siya’y buhat sa isang kagawaran na may kapangyarihan kung panahon ng digmaan na mag-atas ng mga indibiduwal sa anumang lugar na kinakailangan ang mga manggagawa. Ang mga sister ay sumagot nang malakas na hindi nila matatanggap siya ngayon sapagkat sila’y gumagawa na ang suot lamang ay ang kanilang panloob na mga kasuutan dahilan sa init.

Ang opisyal ay saglit na hindi nakakibo; pagkatapos ay malakas na sinabi niya na may isa pa siyang pupuntahan sa lugar na iyon. Siya raw ay babalik kinabukasan upang mag-inspeksiyon. Kaagad namang tumilepono sa amin ang mga babaing Kristiyanong ito, at nagpadala kami ng isang trak nang gabing iyon upang hakutin ang lahat ng ginagawa roon sa patahian ng aklat, anupat inilipat iyon sa ibang lugar.

Karamihan ng manggagawa sa aming patagong palimbagan ay walang dating karanasan sa trabahong paglilimbag, kaya ang mga naisakatuparan ay tumiyak sa amin na ang espiritu ni Jehova ang nagbigay ng kinakailangang tulong at direksiyon. Isang malaking pribilehiyo para sa akin at sa aking asawa, si Lucy, na gumawa sa patahian ng aklat, na maging bahagi ng lahat na ito.

Papaano ba pinamahalaan ang aming gawain nang mahihirap na panahong iyon? Ang pansamantalang gumaganap ng tungkulin bilang tagapangasiwa ng sangay ng mga Saksi ni Jehova ay tumanggap ng isang utos mula sa gobyerno, na humihiling sa kaniya na manirahan sa isang bayan mga 100 kilometro ang layo sa Sydney. Ang utos ay nagbawal sa kaniya na lumabas sa loob ng 8 kilometro paikot buhat sa sentro ng bayan. Ang gasolina ay inirarasyon ng 4 litro bawat kotse sa bawat buwan. Subalit umimbento ang mga kapatid ng napakahusay na yunit na kilala sa tawag na gas producer​—isang hugis-tubong sheet-metal na sisidlang tumitimbang ng kalahating tonelada na inilalagay sa hulihan ng kotse. Ang uling ay dito pinag-aapoy, anupat lumilikha ng carbon monoxide bilang gatong. Kung ilang gabi bawat sanlinggo, ako at ang ibang responsableng mga kapatid na lalaki ay naglalakbay sa ganitong paraan upang makausap ang tagapangasiwa sa isang natuyong lunas ng sapa malapit sa bayan na pinagtapunan sa kaniya. Sa gayon, natatalakay namin ang maraming bagay bago paandarin muli ang gas-producer at makabalik sa Sydney nang maaga.

Sa wakas, ang pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova ay napaharap sa Korte Suprema ng Australia. Ipinahayag ng hukom na ang pagbabawal na iyon ay “hindi alinsunod sa batas, kapritso lamang, at mapang-api” at lubusang pinawalang-sala ang mga Saksi ni Jehova sa anumang paratang na sedisyon. Ang buong Korte Suprema ay sumuporta sa desisyong ito, kaya nagawa naming lumantad upang ipagpatuloy ang aming legal na mga gawaing pang-Kaharian.

Higit Pang mga Atas at Pagpapala

Pagkatapos ng digmaan marami sa aming patagong mga manggagawa sa palimbagan ang pumasok sa ministeryong pagpapayunir. Ang ilan sa kanila nang malaunan ay nag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead sa New York. Kami ni Lucy ay mayroon ding ganiyang tunguhin, subalit naging mga magulang kami ng isang sanggol na babae at ipinasiya ko na bumalik sa hanapbuhay na paglilimbag. Ipinanalangin namin na tulungan kaming lagi ni Jehova na unahin ang mga kapakanang pang-Kaharian, at ganoon nga ang nangyari. Ako’y nabigyan ng isa pang atas sa ministeryo sa sumusunod na paraan.

Tumanggap ako ng tawag sa telepono mula kay Lloyd Barry, na ngayo’y isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Noon ay isa siyang naglalakbay na tagapangasiwa sa Sydney. Itinanong niya sa akin kung alam ko ang petsa ng aming susunod na asamblea. Nang sumagot ako ng oo, sinabi niya: “Ibig namin na ikaw ang mangasiwa sa mga kaayusan sa pagkain.”

Sandaling nabigla ako, pagkatapos ay sinabi ko nang mahina: “Pero hindi pa ako nakagagawa ng ganiyan sa tanang buhay ko.”

“Buweno, Kapatid,” ang tugon niya nang may kapilyuhan, “panahon na upang matuto ka!” Natuto naman ako, at nagpatuloy ako sa pribilehiyong pangangasiwa sa pagkain, kahit na sa malalaking kombensiyon, sa loob ng mahigit na 40 taon.

Sa lumipas na mga taon, ang aming kompanya sa komersiyal na pag-iimprenta ay lumaki, at nangailangan ito ng ilang pagbibiyahe para sa negosyo sa ibayong dagat. Sa tuwina’y isinasaayos ko ito upang makasabay ng internasyonal na mga kombensiyon na ginaganap sa New York City at saanman sa Estados Unidos. Ito’y nagbigay sa akin ng pagkakataon na gumugol ng panahon kasama ng mga nangangasiwa sa sari-saring departamento ng kombensiyon, lalung-lalo na sa kaayusan sa pagkain. Sa gayon, pagbalik ko sa Australia, lalo nang napasulong ang kakayahan ko na magsilbi sa mga pangangailangan ng aming mga kombensiyon.

Samantalang kami’y nagkakaedad, kung minsan ay naitatanong namin ni Lucy kung makagagawa kaya kami nang higit pa kung kami’y isinilang nang mas huli. Sa kabilang dako, palibhasa’y isinilang ako noong 1914 at si Lucy naman ay noong 1916, itinuturing naming isang kahanga-hangang pribilehiyo na masaksihan ang katuparan ng mga hula sa Bibliya. At kami’y napasasalamat kay Jehova ukol sa pagpapala na tinaglay namin sa pakikipag-aral sa maraming tao at pagtulong sa kanila na matuto ng katotohanan at makitang sila ngayon ay naglilingkod sa kaniya bilang bautisadong mga ministro. Aming idinadalangin na kami’y makapagpatuloy ng paglilingkod sa kaniya magpakailanman, na kinikilala siya bilang ang walang-hanggang dakilang Soberanong Hari ng sansinukob.

[Talababa]

^ par. 14 Tingnan ang Bantayan, Setyembre 15, 1978 (sa Ingles), pahina 24-7.

[Mga larawan sa pahina 29]

Ang palimbagan sa Bethel sa Strathfield, 1929-73

Si George Gibb na nakatayo sa tabi ng isa sa mga makinang panlimbag na inilabas mula sa palimbagan sa pamamagitan ng pagdaan sa pader sa likod