“Easter” o Memoryal—Alin ang Dapat Mong Ipagdiwang?
“Easter” o Memoryal—Alin ang Dapat Mong Ipagdiwang?
HABANG ang liwanag ng bukang-liwayway ay lumalaganap sa abot-tanaw sa Abril 7, milyun-milyon ang sasalubong sa kanilang pinakabanal na araw ng taon—ang Easter. May panahon na ang katawagang iyan ay kapit sa isang yugto ng 120 araw na pagpipista at pag-aayuno na nagsisimula sa isang kapistahang tinatawag na Septuagesima at natatapos sa tinatawag na Araw ng Trinidad. Sa ngayon ang katawagan ay ikinakapit sa iisang araw ng pag-alaala sa pagkabuhay-muli ni Jesus—Linggo ng Easter.
Subalit sa isang naunang gabi ng linggo ring iyon, milyun-milyong iba pa ang magtitipon upang ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo, kilala rin bilang ang Hapunan ng Panginoon. Ito ay isang pagdiriwang na itinatag ni Jesus mismo noong kaniyang huling gabi sa lupa. Sinabi niya noon sa kaniyang mga alagad: “Patuloy ninyong gawin ito sa pag-alaala sa akin.”—Lucas 22:19.
Alin ang dapat mong ipagdiwang?
Ang Pinagmulan ng Easter
Ang katawagang Easter, na ginagamit sa maraming lupain,
ay hindi masusumpungan sa Bibliya. Ang aklat na Medieval Holidays and Festivals ay nagsasabi sa atin na “isinunod ang pangalan ng kapistahan sa paganong Diyosa ng Bukang-Liwayway at ng Tagsibol, si Eostre.” At sino ang diyosang ito? “Ayon sa alamat, si Eostre ang siyang nagbukas ng mga pintuan ng Valhalla upang papasukin si Baldur, tinatawag na ang Puting Diyos, dahil sa kaniyang kadalisayan at gayundin ang Diyos ng Araw, dahil ang kaniyang noo ay nagbibigay ng liwanag sa sangkatauhan,” ang sagot ng The American Book of Days. Idinagdag pa nito: “Walang alinlangan na ang Simbahan noong mga unang araw nito ay gumamit ng matatandang kaugaliang pagano at binigyan ang mga ito ng Kristiyanong kahulugan. Yamang ang kapistahan ng Eostre ay tungkol sa pagdiriwang ng pagpapanibagong buhay sa tagsibol madali itong gawing isang pagdiriwang ng pagkabuhay-muli ni Jesus mula sa mga patay, na ang ebanghelyo ay kanilang ipinangaral.”Ipinaliliwanag ng ganitong paggamit kung papaano nagsimula ang mga kaugalian sa Easter, gaya ng mga itlog ng Easter, kuneho ng Easter, at mainit na mga tinapay na may krus, sa ilang lupain. Hinggil sa kaugaliang paggawa ng mainit na mga tinapay na may krus, “na ang ibabaw ng mga ito ay nangingintab sa pagkatusta at minarkahan ng . . . krus,” ang aklat na Easter and Its Customs ay nagsasabi: “Ang krus ay matagal nang paganong sagisag bago pa man ito nagtamo ng walang-hanggang kahulugan mula sa mga pangyayari sa unang Biyernes Santo, at ang tinapay at mga cake ay minamarkahan kung minsan ng ganito bago ang panahong Kristiyano.”
Saanman sa Kasulatan ay wala tayong masusumpungang pagbanggit sa mga bagay na ito, ni mayroon mang katibayan na ang unang mga alagad ni Jesus ay naniwala sa mga ito. Sa katunayan, sinasabihan tayo ni apostol Pedro na ‘magkaroon tayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita, upang sa pamamagitan nito ay lumaki tayo tungo sa kaligtasan.’ (1 Pedro 2:2) Kaya bakit ginamit ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang gayong maliwanag na paganong mga sagisag sa kanilang mga paniniwala at kaugalian?
Ang aklat na Curiosities of Popular Customs ay sumasagot: “Hindi nagbabagong patakaran ng unang Simbahan na magbigay ng Kristiyanong kahulugan sa gayong mga natitirang paganong seremonya na hindi maaaring mapawi. Sa kaso ng Easter ang pagbabago ay napakadali. Ang kagalakan sa pagsikat ng literal na araw, at sa paggising ng kalikasan buhat sa kamatayan ng taglamig, ay naging kagalakan sa pagsikat ng Araw ng katuwiran, sa pagkabuhay-muli ni Kristo buhat sa libingan. Ang ilan sa paganong pagdiriwang na ginaganap tuwing ika-1 ng Mayo ay binago rin upang makatugma ng pagdiriwang ng Easter.” Sa halip na iwasan ang popular na mga kaugaliang pagano at mahihiwagang seremonya, ang mga ito ay hinayaan ng mga relihiyosong lider at binigyan ng “Kristiyanong kahulugan.”
‘Subalit mayroon bang masama roon?’ marahil ay itatanong mo. Para sa ilan ay wala. “Kapag ang isang relihiyon gaya ng Kristiyanismo ay ipinakikilala sa ibang mga tao, tumatanggap ito at ‘bumabautismo’ ng ilan sa mga kinagisnang kaugalian na nanggaling sa mas matatandang relihiyon,” ang sabi ni Alan W. Watts, isang paring Episkopal, sa kaniyang aklat na Easter—Its Story and Meaning. “Pinipili at isinasama nito sa tradisyunal na seremonya ang mga pagdiriwang na waring nagpapahiwatig ng walang-hanggang mga simulain na kagaya ng itinuro ng Simbahan.” Para sa marami, ang bagay na sinang-ayunan ng simbahan ang ganitong mga pagdiriwang at itinuring na banal ang mga ito ay sapat nang dahilan upang tanggapin ang mga ito. Subalit nakakaligtaan ang mahahalagang katanungan. Ano ang nadarama ng Diyos sa ganitong mga kaugalian? Binigyan ba niya tayo ng anumang tuntunin na susundin sa bagay na ito?
Pag-unawa sa Pangmalas ng Diyos
“Ang Araw ng Easter, ang Kapistahan ng Pagkabuhay-Muli ng Ating Panginoon, ang siyang pinakadakila sa lahat ng mga kapistahan ng Kristiyanong Simbahan,” ang sabi ni Christina Hole sa kaniyang aklat na Easter and Its Customs. Ang ibang manunulat ay sumasang-ayon. “Walang banal na araw o kapistahan sa taon ng Kristiyano ang maihahambing sa kahalagahan ng Linggo ng Easter,” ang sabi ni Robert J. Myers sa aklat na Celebrations. Subalit iyan ay nagbabangon ng ilang katanungan. Kung ang pagdiriwang ng Easter ay napakahalaga, bakit walang tiyakang utos sa Bibliya na gawin ang gayon?
Mayroon bang anumang ulat na nagdiwang ng Linggo ng Easter ang unang mga alagad ni Jesus?Hindi sa nagkulang ang Bibliya na magbigay ng mga tuntunin sa kung ano ang dapat o di-dapat na ipagdiwang. Ang Diyos ay naging tiyakan dito sa sinaunang bansang Israel, at gaya ng nabanggit na, maliwanag na mga tagubilin ang ibinigay para sa mga Kristiyano upang patuloy na ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. (1 Corinto 11:23-26; Colosas 2:16, 17) Isang maagang edisyon ng The Encyclopædia Britannica ang nagsasabi sa atin: “Walang ipinahihiwatig sa Bagong Tipan hinggil sa pagdiriwang ng kapistahan ng Pasko-ng-Pagkabuhay, ni sa mga sulat man ng mga apostolikong Ama. Ang pagbibigay-dangal sa pantanging mga araw ay isang idea na hindi umiral sa isipan ng unang mga Kristiyano. . . . Hindi iniutos kahit ng Panginoon ni ng kaniyang mga apostol ang pagdiriwang nito o ng alinmang ibang kapistahan.”
Nadarama ng ilan na ang kasiyahan sa gayong mga kapistahan at ang kaligayahan na naidudulot ng mga ito ay sapat nang dahilan para sa kanilang pagdiriwang. Gayunman, maaari tayong matuto mula sa okasyon nang ang mga Israelita ay gumamit ng isang relihiyosong kaugalian ng mga Ehipsiyo at pinanganlan itong “isang kapistahan para kay Jehova.” Sila man ay “naupo upang kumain at uminom” at “bumangon upang magsaya.” Subalit ang kanilang ginawa ay lubhang nagpagalit sa Diyos na Jehova, at pinarusahan niya sila nang ubod-tindi.—Exodo 32:1-10, 25-28, 35.
Napakaliwanag ng Salita ng Diyos. Hindi maaaring magsama ang “liwanag” ng tunay na mga paniniwala at ang “kadiliman” ng sanlibutan ni Satanas; hindi magkakaroon ng “pagkakasuwato” sa pagitan ni Kristo at ng paganong pagsamba. Tayo ay sinabihan: “ ‘Kaya nga lumabas kayo mula sa gitna nila, at ihiwalay ninyo ang inyong mga sarili,’ sabi ni Jehova, ‘at tumigil kayo sa paghipo sa di-malinis na bagay’; ‘at tatanggapin ko kayo.’ ”—2 Corinto 6:14-18.
Yamang tanging ang pagdiriwang ng Memoryal—hindi ang Easter—ang iniuutos sa Bibliya para sa mga Kristiyano, dapat itong ipagdiwang. Kaya papaano natin ito ipagdiriwang nang nararapat?
[Larawan sa pahina 5]
Ang “kapistahan para kay Jehova” ng mga Israelita ay lubhang nagpagalit sa Diyos
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover: M. Thonig/H. Armstrong Roberts