“Gumawa Kayo, Hindi Para sa Pagkain na Nasisira”
“Gumawa Kayo, Hindi Para sa Pagkain na Nasisira”
AYON SA PAGKALAHAD NI DAVID LUNSTRUM
Kami ng kapatid kong si Elwood ay nakatayo sa andamyo na ang taas ay 9 na metro, habang ipinipinta ang bagong karatula sa gusali ng pagawaan ng Watchtower. Mahigit na 40 taon na ang nakaraan, naroroon pa rin iyon, na humihimok: “BASAHIN ANG SALITA NG DIYOS ANG BANAL NA BIBLIYA SA ARAW-ARAW.” Bawat linggo, libu-libong tao ang nakakakita sa karatulang ito habang tumatawid sila sa bantog na Brooklyn Bridge.
SA AKING pinakamaagang alaala ay kasali ang araw ng paglalaba ng mga damit ng pamilya. Ikalima pa lamang ng umaga, nakabangon na si Inay, anupat naglalaba ng damit para sa aming malaking pamilya, at si Itay naman ay naghahanda na upang pumasok sa trabaho. Magkakaroon na naman sila ng mainit na pagtatalo, anupat iginigiit ni Itay na ang tao ay bunga ng ebolusyon sa loob ng milyun-milyong taon, at sumisipi naman si Inay mula sa Bibliya upang patunayan na ang mga tao ay tuwirang nilalang ng Diyos.
Kahit na noong pitong taóng gulang pa lamang ako, batid ko na taglay ni Inay ang katotohanan. Bagaman mahal ko si Itay, nakikita ko na ang kaniyang paniniwala ay walang maiaalok na pag-asa tungkol sa hinaharap. Anong ligaya sana ni Inay na malamang pagkaraan ng maraming taon, dalawa sa kaniyang mga anak na lalaki ang nagpinta ng isang karatula na nagpasigla sa mga tao upang basahin ang Bibliya, ang aklat na totoong minamahal niya!
Pero hindi tama ang pagkakasunud-sunod ng aking kuwento. Papaano ako nagkaroon ng gayong pribilehiyo? Kailangang balikan ko ang taóng 1906, tatlong taon bago ako isilang.
Ang Tapat na Halimbawa ni Inay
Nang panahong iyon ay bagong kasal sina Inay at Itay at nakatira sila sa isang tolda sa Arizona. Isang Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ang dumalaw at nag-alok kay Inay ng serye ng mga aklat na isinulat ni Charles Taze Russell, na pinamagatang Studies in the Scriptures. Binasa niya ang mga ito nang buong magdamag at agad natanto na ito ang katotohanan na kaniyang hinahanap. Hindi na niya mahintay pa si Itay mula sa paghahanap ng trabaho.
Si Itay man ay hindi nasisiyahan sa itinuturo ng mga simbahan, kaya tinanggap niya noon ang mga katotohanang ito sa Bibliya. Subalit, nang maglaon, sinunod niya ang gusto niya kung tungkol sa relihiyon at ginawa pang mahirap para kay Inay na itaguyod ang tunay na pagsamba. Gayunma’y hindi tumigil si Inay sa pag-aasikaso sa pisikal gayundin sa espirituwal na pangangailangan ng kaniyang mga anak.
Hindi ko malilimutan kailanman na nananaog si Inay tuwing gabi, pagkatapos magtrabaho nang puspusan sa maghapon, upang basahin ang isang bahagi ng Bibliya para sa amin o ibahagi sa amin ang ilang napakahalagang espirituwal na bagay. Masipag din si Itay, at habang lumalaki ako, tinuruan niya ako ng trabahong pagpipinta. Oo, tinuruan ako ni Itay na magtrabaho, subalit si Inay ang nagturo sa akin na gumawa, gaya ng tagubilin ni Jesus, ‘para sa pagkain na hindi nasisira.’—Juan 6:27.
Nang dakong huli ay nanirahan ang aming pamilya sa munting bayan ng Ellensburg sa estado ng Washington, mga 180 kilometro sa gawing kanluran ng Seattle. Nang kaming mga bata ay nagsimulang dumalo sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya kasama ni Inay, nagpupulong kami sa mga pribadong tahanan. Lahat ng lalaki ay umalis sa aming grupo sa pag-aaral nang bigyang-diin ang pangangailangan na makibahagi sa ministeryo
sa bahay-bahay. Pero hindi nag-atubili si Inay. Naikintal nito sa akin ang laging pagtitiwala sa pag-akay ng organisasyon ni Jehova.Nang maglaon ay nagkaroon sina Itay at Inay ng siyam na anak. Isinilang ako noong Oktubre 1, 1909, ang kanilang ikatlong anak. Lahat-lahat, anim sa amin ang tumulad sa mainam na halimbawa ni Inay at naging masisigasig na Saksi ni Jehova.
Pag-aalay at Bautismo
Nang ako’y nasa mga huling taon ng pagkatin-edyer, nag-alay ako kay Jehova, at sinagisagan ko ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig noong 1927. Ang bautismo ay ginanap sa Seattle sa isang lumang gusali na dati ay simbahang Baptist. Natutuwa ako na inalis nila ang dating tulis ng tore. Sinamahan kami pababa sa pool na nasa silong kung saan binigyan kami ng mahahabang itim na kasuutan. Para bang kami’y pupunta sa isang libing.
Bumalik ako sa Seattle pagkaraan ng ilang buwan, at ngayon ay naranasan ko ang aking unang pinto-sa-pinto na pagpapatotoo. Ang isa na nangunguna ay nagsabi sa akin, “Gumawa ka sa direksiyong ito paikot sa bloke, at gagawa ako sa kabila nang pasalubóng sa iyo.” Sa kabila ng aking nerbiyos, nakapagpasakamay ako ng dalawang set ng mga buklet sa isang napakabait na babae. Nagpatuloy ako sa pinto-sa-pinto na ministeryo nang bumalik ako sa Ellensburg, at ngayon, halos 70 taon na ang nakalipas, ang gayong paglilingkuran ay isa pa ring malaking kagalakan para sa akin.
Paglilingkuran sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan
Di-nagtagal pagkaraan, isang lalaking naglilingkod sa Brooklyn Bethel, ang pandaigdig na punung-tanggapan ng Samahang Watch Tower, ang nagpasigla sa akin na magboluntaryo roon. Di-nagtagal pagkatapos naming mag-usap, isang patalastas ang lumabas sa magasing Bantayan na ipinababatid na kailangan ang mga manggagawa sa Bethel. Kaya nag-aplay ako. Hindi ko malilimutan kailanman ang aking kagalakan nang makatanggap ako ng abiso na magreport sa Bethel sa Brooklyn, New York, noong Marso 10, 1930. Sa gayon nagsimula ang aking pambuong-panahong karera sa paggawa ukol sa ‘pagkain na hindi nasisira.’
Maaaring isipin ng isa na dahil sa aking karanasan bilang pintor, marahil ako’y naatasan na magpinta. Sa halip, ang aking unang trabaho ay sa stitching machine sa pagawaan. Bagaman ito ay totoong iyon at iyon ding trabaho, nasiyahan ako sa trabahong ito sa loob ng mahigit na anim na
taon. Ang malaking rotary press na may pagmamahal naming tinatawag na ang lumang barkong pandigma ay nakabubuo ng mga buklet na inihahatid sa ibabang palapag sa pamamagitan ng conveyer belt. Natutuwa kaming subukan kung matatahi namin ang mga buklet nang kasimbilis ng pagtanggap namin sa mga iyon mula sa barkong pandigma.Pagkaraan ay nagtrabaho ako sa ilang departamento kasali na yaong may kinalaman sa paggawa ng mga ponograpo. Ginamit namin ang mga makinang ito upang patugtugin ang mga isinaplakang mensahe ng Bibliya sa mga pintuan ng mga maybahay. Isang patindig na ponograpo ang dinisenyo at ginawa ng mga boluntaryo sa aming departamento. Sa ponograpong ito ay hindi lamang pinatutugtog ang isinaplakang mga mensahe kundi mayroon din itong pantanging lalagyan para sa mga buklet at marahil para sa isang sandwich. Nagkaroon ako ng pribilehiyo na ipakita ang paggamit sa bagong kasangkapang ito sa isang kombensiyon sa Detroit, Michigan, noong 1940.
Gayunman, gumagawa kami noon hindi lamang ng mas mahuhusay na makina. Gumagawa rin kami ng mahahalagang espirituwal na pagbabago. Halimbawa, ang mga Saksi ni Jehova ay dating nagsusuot ng alpiler na may krus at korona. Subalit nang maglaon ay naunawaan namin na si Jesus ay pinatay sa isang patindig na tulos, hindi sa isang krus. (Gawa 5:30) Kaya itinigil na ang pagsusuot ng mga alpiler na ito. Pribilehiyo ko ang mag-alis ng mga kawit buhat sa mga alpiler. Pagkaraan ay tinunaw at ipinagbili ang ginto.
Bagaman kami ay abala sa isang iskedyul na lima at kalahating araw na trabaho sa isang linggo, nakikibahagi kami sa Kristiyanong ministeryo sa mga dulo ng sanlinggo. Isang araw, 16 sa amin ang inaresto at ikinulong sa Brooklyn. Bakit? Buweno, nang mga araw na iyon ay itinuturing namin na ang relihiyon ay singkahulugan ng huwad na relihiyon. Kaya nagdala kami ng mga karatula na kababasahan sa isang panig ng “Religion Is a Snare and a Racket” at sa kabila naman ay “Serve God and Christ the King.” Dahil sa pagdadala ng mga karatulang ito, kami ay ibinilanggo, subalit ang nagpiyansa para sa amin ay si Hayden Covington, ang abogado ng Samahang Watch Tower. Nang panahong iyon ang maraming kaso tungkol sa kalayaan ng pagsamba ay ipinaglalaban sa Korte Suprema ng Estados Unidos, at kapana-panabik na mapunta sa Bethel at tuwirang mapakinggan ang mga ulat tungkol sa ating mga tagumpay.
Nang bandang huli ay naatasan ako sa mga trabaho na doo’y nagamit ko ang aking karanasan sa pagpipinta. Sa Staten Island, isa sa limang bayan sa New York City, ay naroroon ang ating istasyon ng radyo na WBBR. Ang taas ng mga tore ng radyo sa istasyon ay umaabot sa 60 metro, at ang mga ito ay may tatlong set ng mga suhay na alambre. Nakaupo ako sa isang tablang may habang tatlong talampakan at lapad na walong pulgada samantalang iniaangat ako ng isang kamanggagawa. Habang nakaupo sa nakataas na maliit na upuang iyon, pinintahan ko ang mga suhay ng alambre at ang mga tore. Ang ilan ay nagtanong sa akin kung hindi kami madalas na nananalangin habang nagtatrabaho roon!
Ang isang trabaho sa tag-araw na hindi ko kailanman malilimutan ay ang paglilinis ng mga bintana at pagpipinta ng pasamano ng mga bintana sa gusali ng pagawaan. Bakasyon sa tag-araw ang tawag namin doon. Ginagamit namin ang aming mga kahoy na andamyo at sa pamamagitan ng kalô, naiaangat at naibababa namin ang aming sarili sa walong-palapag na gusali.
Isang Matulunging Pamilya
Namatay ang aking ama noong 1932, at nag-isip-isip ako kung dapat kaya akong umuwi at tumulong sa pag-aalaga kay Inay. Kaya isang araw bago ang tanghalian, naglagay ako ng maikling sulat sa dakong kabisera ng mesa na doo’y umuupo
si Brother Rutherford, ang presidente ng Samahan. Sa liham ay hiniling ko na makausap siya. Nang malaman ang aking álalahanín at matuklasan na ako ay may mga kapatid na nakatira pa sa aming tahanan, nagtanong siya, “Gusto mo bang manatili sa Bethel at ganapin ang gawain ng Panginoon?”“Siyempre gusto ko po,” ang sagot ko.
Kaya iminungkahi niya na sulatan ko si Inay upang malaman kung sumasang-ayon siya sa aking pasiya na manatili roon. Gayon nga ang ginawa ko, at siya naman ay sumulat na nagpapahayag ng lubusang pagsang-ayon sa aking pasiya. Talaga namang pinahalagahan ko ang kabaitan at payo ni Brother Rutherford.
Sa maraming taon ko sa Bethel, regular akong sumusulat sa aking pamilya at pinatitibay sila na maglingkod kay Jehova, gaya ng pagpapatibay sa akin ni Inay. Namatay si Inay noong Hulyo 1937. Tunay ngang siya’y isang inspirasyon sa aming pamilya! Tanging ang aking nakatatandang mga kapatid na sina Paul at Esther, at ang aking nakababatang kapatid na si Lois ang hindi naging Saksi. Gayunpaman, si Paul ay sumasang-ayon sa ating gawain at naglaan siya ng mga lote na pinagtayuan namin ng aming unang Kingdom Hall.
Noong 1936 ay naging isang payunir, o pambuong-panahong mangangaral, ang aking kapatid na si Eva. Nang taon ding iyon siya ay nagpakasal kay Ralph Thomas, at noong 1939 ay naatasan sila sa gawaing paglalakbay upang maglingkod sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon ay lumipat sila sa Mexico, kung saan gumugol sila ng 25 taon sa pagtulong sa gawaing pang-Kaharian.
Noong 1939 ay nagpayunir din ang aking mga kapatid na sina Alice at Frances. Isa ngang malaking kagalakan na makita si Alice sa isang despatso sa kombensiyon sa St. Louis noong 1941 habang ipinakikita ang paggamit ng ponograpo na nakatulong sa paggawa! Bagaman kinailangang ihinto ni Alice ang kaniyang pagpapayunir dahil sa mga pananagutan sa pamilya, sa kabuuan ay gumugol siya ng mahigit sa 40 taon sa buong-panahong ministeryo. Si Frances ay nag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead noong 1944 at naglingkod bilang misyonera sa Puerto Rico sa isang yugto ng panahon.
Sina Joel at Elwood, ang dalawang pinakabata sa pamilya, ay nagpayunir sa Montana nang mga unang taon ng dekada ng 1940. Si Joel ay nanatiling isang tapat na Saksi at ngayon ay naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod. Si Elwood ay nakasama ko sa Bethel noong 1944, anupat nagdulot ng kagalakan sa aking puso. Wala pa siyang limang taóng gulang nang umalis ako sa amin. Gaya nang nabanggit na, magkasama kaming nagpinta ng karatula sa gusali ng factory, “Basahin ang Salita ng Diyos ang Banal na Bibliya sa Araw-Araw.” Madalas kong maisip kung gaano karaming tao na nakakita ng karatulang iyan sa
loob ng maraming taon ang napasigla na basahin ang kanilang Bibliya.Naglingkod si Elwood sa Bethel hanggang pakasalan niya noong 1956 si Emma Flyte. Sa loob ng maraming taon ay nasa buong-panahong ministeryo sina Elwood at Emma, na sa isang panahon ay naglingkod sa Kenya, Aprika, gayundin sa Espanya. Si Elwood ay nagkasakit ng kanser at namatay sa Espanya noong 1978. Si Emma ay nagpapayunir pa rin sa Espanya hanggang sa kasalukuyan.
Pag-aasawa at Pamilya
Noong Setyembre 1953, lumisan ako sa Bethel upang magpakasal kay Alice Rivera, isang payunir sa Brooklyn Center Congregation na dinadaluhan ko. Ipinaalam ko kay Alice na ako ay may makalangit na pag-asa, ngunit interesado pa rin siyang magpakasal sa akin.—Filipos 3:14.
Pagkatapos ng 23 taóng paninirahan sa Bethel, isang malaking pagbabago ang magtrabaho nang sekular bilang isang pintor upang matustusan ang pagpapayunir namin ni Alice. Si Alice ay laging matulungin, kahit na noong kinailangan siyang huminto sa pagpapayunir dahil sa pagkakasakit. Noong 1954 ay isinilang ang aming panganay na anak. Naging mahirap ang panganganak, bagaman mahusay naman ang kalagayan ng aming anak na si John. Maraming dugo ang nawala kay Alice sa operasyong cesarean anupat hindi na umaasa pa ang mga doktor na siya ay mabubuhay. May pagkakataon na hindi nila madama ang kaniyang pulso. Gayunma’y nakaligtas siya sa magdamag na iyon at nang dakong huli ay nanumbalik ang kaniyang kalusugan.
Pagkaraan ng ilang taon, nang mamatay ang ama ni Alice, lumipat kami sa banda pa roon ng Long Island upang makasama ang kaniyang ina. Yamang wala kaming kotse, ako’y naglalakad o sumasakay sa bus at subway. Sa gayon ay nakapagpatuloy ako sa pagpapayunir at sa pagtustos sa aking pamilya. Ang anumang mga sakripisyo ay nahigitan ng kagalakan sa buong-panahong ministeryo. Ang pagtulong sa mga tao—kagaya ni Joe Natale, na tumalikod sa isang magandang karera sa baseball upang maging isang Saksi—ay isa lamang sa aking maraming pagpapala.
Noong 1967, dahil sa lumulubhang mga kalagayan sa New York, ako’y nagpasiyang dalhin sina Alice at John sa aking bayan sa Ellensburg upang doon na kami manirahan. Ngayon ay nasisiyahan akong makita ang napakaraming apo at mga apo sa tuhod ng aking ina na nakikibahagi sa buong-panahong ministeryo. Ang ilan ay naglilingkod pa nga sa Bethel. Si John at ang kaniyang kabiyak at mga anak ay buong katapatan ding naglilingkod kay Jehova.
Nakalulungkot, namatay ang aking pinakamamahal na kabiyak, si Alice, noong 1989. Ang pananatiling abala sa buong-panahong ministeryo ang siyang nakatulong sa akin na mabata ang pangungulila. Kami ngayon ng kapatid kong si Alice ay magkasamang nasisiyahan sa pagpapayunir. Ano ngang inam na magkasamang muli sa ilalim ng iisang bubong at maging abala sa napakahalagang gawaing ito!
Noong tagsibol ng 1994, dumalaw ako sa Bethel sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng mga 25 taon. Anong laking kagalakan na makita ang marami sa mga nakasama ko roon mga 40 taon na ang nakaraan! Nang magpunta ako sa Bethel noong 1930, ang pamilya ay binubuo lamang ng 250, ngunit ngayon ang mga kabilang sa pamilyang Bethel sa Brooklyn ay umaabot na sa 3,500!
Tinustusan ng Espirituwal na Pagkain
Kadalasan tuwing umaga ay naglalakad ako sa gilid ng Yakima River malapit sa aming tahanan. Mula roon ay nakikita ko ang maringal, balot-ng-niyebeng taluktok ng Mount Rainier na ang taas ay mahigit sa 4,300 metro. Sagana ang buhay-iláng. Kung minsan ay nakakakita ako ng usa, at minsan ay nakakita pa nga ako ng isang elk.
Ang tahimik na mga sandaling ito ng pag-iisa ang nagbibigay sa akin ng pagkakataon upang bulay-bulayin ang kahanga-hangang mga pagpapala ni Jehova. Nananalangin ako ukol sa lakas na makapagpatuloy sa tapat na paglilingkod sa ating Diyos, si Jehova. Gustung-gusto ko ring umawit habang naglalakad, lalo na ang awit na “Pinagagalak ang Puso ni Jehova,” na ang mga salita niyaon ay nagsasabi: “O Diyos, ikaw ay susundin; gawain mo’y gaganapin. Magiging bahagi namin, puso mo ay pagalakin.”
Maligaya ako sa pagpili sa gawaing nagpapagalak sa puso ni Jehova. Nananalangin ako na sana’y maipagpatuloy ko ang gawaing ito hanggang sa matamo ko ang ipinangakong gantimpala sa langit. Hangad ko na sa pamamagitan ng salaysay na ito ay mapakilos ang iba na gamitin din ang kanilang buhay sa ‘paggawa para sa pagkain na hindi nasisira.’—Juan 6:27.
[Mga larawan sa pahina 23]
Si Elwood habang ipinipinta ang karatulang “BASAHIN ANG SALITA NG DIYOS ANG BANAL NA BIBLIYA SA ARAW-ARAW”
[Larawan sa pahina 24]
Kasama sina Grant Suiter at John Kurzen, na ipinakikita ang bagong ponograpo sa kombensiyon noong 1940
[Larawan sa pahina 25]
Yaong mga nasa katotohanan sa amin ay nasa buong-panahong ministeryo noong 1944: David, Alice, Joel, Eva, Elwood, at Frances
[Larawan sa pahina 25]
Mga anak na buháy pa mula sa kaliwa: Alice, Eva, Joel, David, at Frances