Purihin ang Haring Walang-hanggan!
Purihin ang Haring Walang-hanggan!
“Si Jehova ay Hari sa panahong walang-takda, maging magpakailanman.”—AWIT 10:16.
1. Anong mga tanong ang bumabangon hinggil sa pagiging walang-hanggan?
WALANG-HANGGAN—ano ang masasabi mo tungkol dito? Sa palagay mo kaya’y talagang magpapatuloy ang panahon magpakailanman? Buweno, walang alinlangan na di-matutunton ang pasimula ng panahon. Kaya bakit hindi ito magpapatuloy magpakailanman sa hinaharap? Sa katunayan, tinutukoy ng Bagong Sanlibutang Salin na ang Diyos ay pinupuri “mula sa panahong walang-takda hanggang sa panahong walang-takda.” (Awit 41:13) Ano ang ibig sabihin ng pananalitang ito? Matutulungan tayong maunawaan ito kung isasaalang-alang natin ang isang kaugnay na paksa—ang kalawakan.
2, 3. (a) Anu-anong tanong may kinalaman sa kalawakan ang tumutulong sa atin na maunawaan ang pagiging walang-hanggan? (b) Bakit nararapat lamang na naisin nating sambahin ang Haring walang-hanggan?
2 Gaano kalaki ang kalawakan? May hangganan ba ito? Mahigit sa 400 taon ang nakalipas, inaakala na ang ating lupa ang siyang sentro ng sansinukob. Pagkatapos ay naimbento ni Galileo ang teleskopyo, anupat naglaan ng lubhang napalawak na pagtanaw sa mga langit. Ngayon ay makikita na ni Galileo ang mas marami pang bituin at maipakikita na ang lupa at ang ibang planeta ang siyang umiikot sa araw. Ang Milky Way ay hindi na tulad sa isang malabong kimpal. Napatunayang iyon ay isang galaksi ng mga bituin, na mga isang daang bilyon ang bilang. Hindi natin aktuwal na mabibilang ang gayong karaming bituin, kahit na sa buong buhay natin. Nang maglaon, patuloy na natutuklasan ng mga astronomo ang bilyun-bilyon pang galaksi. Nakakalat ang mga ito sa walang-hanggang kalawakan, hanggang sa maaabot ng pinakamalalakas na teleskopyo. Waring walang takda ang kalawakan. Gayundin ang pagiging walang-hanggan—ito’y walang takda.
3 Ang idea ng pagiging walang-hanggan ay waring lampas pa sa maaaring maunawaan ng ating limitadong utak bilang mga tao. Gayunman, may Isa na lubusang nakauunawa rito. Nabibilang niya, oo, at napapangalanan pa nga ang walang-takdang kuwadrilyon ng mga bituin sa bilyun-bilyong galaksi ng mga ito! Sinasabi ng Isang ito: “Itaas ninyo ang inyong mga mata at tingnan ninyo. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ay ang Isa na naglalabas ng hukbo ng mga ito ayon sa bilang, na ang lahat ay tinatawag niya sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong enerhiya, siya rin naman dahil sa puspos ng sigla sa kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala. Hindi mo ba nalalaman o hindi mo ba naririnig? Si Jehova, ang Maylalang ng mga dulo ng lupa, ay Diyos hanggang sa panahong walang-takda. Hindi siya napapagod o nanghihimagod. Hindi maaarok ang kaniyang unawa.” (Isaias 40:26, 28) Ano ngang kamangha-manghang Diyos! Tiyak, siya ang Diyos na gusto nating sambahin!
“Hari sa Panahong Walang-Takda”
4. (a) Papaano ipinahayag ni David ang pagpapahalaga sa Haring walang-hanggan? (b) Ano ang sinabi ng isa sa mga pinakadakilang siyentipiko sa kasaysayan tungkol sa pinagmulan ng sansinukob?
4 Sa Awit 10:16, ganito ang sabi ni David tungkol sa Maylalang, ang Diyos: “Si Jehova ay hari sa panahong walang-takda, maging magpakailanman.” At sa Awit 29:10, inulit niya: “Si Jehova ay umuupo bilang hari sa panahong walang-takda.” Oo, si Jehova ang Haring walang-hanggan! Karagdagan pa, nagpatotoo si David na ang dakilang Haring ito ang Disenyador at Maylikha ng lahat ng nakikita natin sa kalawakan, anupat sinabi sa Awit 19:1: “Ang mga langit ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang kalawakan ay nagsasabi ng tungkol sa gawa ng kaniyang mga kamay.” Mga 2,700 taon pagkaraan nito, sumang-ayon kay David ang bantog na siyentipikong si Sir Isaac Newton, na sumulat: “Ang totoong maringal na sistemang ito ng mga araw, planeta at mga bulalakaw ay maaari lamang magmula sa layunin at soberanya ng isang may unawa at makapangyarihang persona.”
5. Ano ang isinulat nina Isaias at Pablo tungkol sa Bukal ng karunungan?
5 Dapat ngang magpakumbaba tayo sa pagkaalam na ang Soberanong Panginoong Jehova, na kahit sa malawak na “mga langit, oo, ang langit ng mga langit, . . . ay hindi magkasiya,” ay nabubuhay nang walang-hanggan! (1 Hari 8:27) Si Jehova, na inilarawan sa Isaias 45:18 bilang “ang Maylalang ng mga langit, . . . ang Tagapag-anyo ng lupa at ang Maylikha nito,” ang siyang Bukal ng karunungan na makapupong higit ang lawak kaysa sa kayang malirip ng utak ng mortal na mga tao. Ganito ang sabi ni Jehova, na itinampok sa 1 Corinto 1:19: “Gagawin kong maglaho ang karunungan ng mga taong marurunong, at ang katalinuhan ng mga taong intelektuwal ay itatakwil ko.” Ito’y dinagdagan ni apostol Pablo sa 1Cor 1 talata 20: “Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang debatista ng sistemang ito ng mga bagay? Hindi ba ginawa ng Diyos na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan?” Oo, gaya ng sinabi pa ni Pablo, sa 1Cor kabanata 3, talata 19, “ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.”
6. Ano ang ipinahihiwatig ng Eclesiastes 3:11 tungkol sa “panahong walang-takda”?
6 Ang mga bagay sa sangkalangitan ay bahagi ng paglalang na tinukoy ni Haring Solomon: “Ginawa [ng Diyos] ang lahat ng bagay na marikit sa kapanahunan nito. Maging ang panahong walang-takda ay inilagay niya sa kanilang puso, upang hindi malaman ng sangkatauhan ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.” (Eclesiastes 3:11) Totoo, naitanim sa puso ng tao na sikaping alamin ang kahulugan ng “panahong walang-takda,” samakatuwid nga, ang walang-hanggan. Subalit makakamit kaya niya ang gayong kaalaman?
Isang Kamangha-manghang Pag-asa ng Buhay
7, 8. (a) Anong kamangha-manghang pag-asa ng buhay ang nakalaan sa sangkatauhan, at papaano ito makakamit? (b) Bakit dapat tayong magalak na ang banal na edukasyon ay magpapatuloy nang walang-hanggan?
7 Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang panalangin kay Jehova: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Papaano natin matatamo ang gayong kaalaman? Kailangan nating pag-aralan ang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya. Sa ganito ay makakamit natin ang tumpak na kaalaman sa mga dakilang layunin ng Diyos, kasali na ang paglalaan sa pamamagitan ng kaniyang Anak para sa walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. Iyon ang “tunay na buhay” na binanggit sa 1 Timoteo 6:19. Iyon ay kaayon ng inilalarawan sa Efeso 3:11 bilang ang “walang-hanggang layunin na binuo [ng Diyos] may kaugnayan sa Kristo, si Jesus na ating Panginoon.”
8 Oo, tayong makasalanang mga tao ay maaaring magkamit ng buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ng banal na edukasyon at pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Gaano katagal magpapatuloy ang edukasyong ito? Magpapatuloy ito nang walang-hanggan habang pasulong na tinuturuan ang sangkatauhan sa karunungan ng ating Maylalang. Ang karunungan ni Jehova ay walang limitasyon. Bilang pagkilala rito, ganito ang ibinulalas si apostol Pablo: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Anong di-masaliksik ng kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!” (Roma 11:33) Angkop na angkop nga, kung gayon, na sa 1 Timoteo 1:17 si Jehova ay tinatawag na “Haring walang-hanggan”!
Ang Malikhaing Karunungan ni Jehova
9, 10. (a) Anong dakilang mga bagay ang ginawa ni Jehova sa paghahanda sa lupa bilang kaniyang kaloob sa sangkatauhan? (b) Papaanong ang nakahihigit na karunungan ni Jehova ay naitatanghal sa kaniyang mga paglalang? (Tingnan ang kahon.)
9 Isip-isipin ang kamangha-manghang pamana na inilaan para sa atin ng Haring walang-hanggan. Sinasabi sa atin ng Awit 115:16: “Kung tungkol sa mga langit, ang mga langit ay pag-aari ni Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.” Hindi ba ito isang kamangha-manghang bagay na ipinagkatiwala sa tao? Walang-alinlangan! At tunay na pinahahalagahan natin ang napakahalagang patiunang paghahanda ng ating Maylalang upang ang lupang ito’y maging ating tahanan!—Awit 107:8.
10 Kamangha-manghang mga bagay ang naganap sa lupa sa panahon ng anim na “araw” ng paglalang sa Genesis kabanata 1, na ang bawat araw ay sumasaklaw ng libu-libong taon. Sa kalaunan ay babalutan ng mga paglalang na ito ng Diyos ang buong lupa ng luntiang damuhan, makakapal na kagubatan, at makukulay na bulaklak. Doon ay mamumutiktik ang pulutong ng mga kakaibang kinapal sa dagat, langkay-langkay na mga ibong may magagandang pakpak, at pagkasari-saring maaamo at maiilap na hayop, na ang bawat isa’y nagluluwal “ayon sa kani-kaniyang uri.” Kasunod ng paglalarawan sa paglalang ng lalaki at babae, ganito ang inilalahad ng Genesis 1:31: “Nakita ng Diyos ang lahat ng bagay na kaniyang ginawa at, narito! iyon ay napakabuti.” Ano ngang kalugud-lugod na kapaligiran ang tinamasa niyaong unang mga tao! Hindi ba natin natatanto sa lahat ng paglalang na ito ang karunungan, malayong pananaw, at pagmamalasakit ng isang maibiging Maylalang?—Isaias 45:11, 12, 18.
11. Papaano dinakila ni Solomon ang malikhaing karunungan ni Jehova?
11 Ang isa na namangha sa karunungan ng Haring walang-hanggan ay si Solomon. Paulit-ulit niyang itinawag-pansin ang karunungan ng Maylalang. (Kawikaan 1:1, 2; 2:1, 6; 3:13-18) Tinitiyak sa atin ni Solomon na “ang lupa ay nakatayo maging hanggang sa panahong walang-takda.” Pinahalagahan niya ang napakaraming kababalaghan ng sangnilalang, kasali na ang papel na ginagampanan ng mga ulap sa pagpapanariwa sa ating lupa. Kaya, siya ay sumulat: “Lahat ng hugusang taglamig ay humahayo sa dagat, gayunma’y hindi napupuno ang dagat. Sa dako na doo’y humahayo ang mga hugusang taglamig, doon bumabalik ang mga ito upang humayo.” (Eclesiastes 1:4, 7) Kaya nangyayari na pagkatapos na ang lupa’y mapanariwa ng ulan at ng mga ilog, ang tubig ng mga ito ay kinukuha muli sa mga karagatan pabalik sa mga ulap. Ano kaya ang magiging kalagayan ng lupang ito, at nasaan kaya tayo kung wala ang dumadalisay at umiikot na siklong ito ng tubig?
12, 13. Papaano natin maipakikita ang pagpapahalaga sa paglalang ng Diyos?
12 Ang ating pagpapahalaga sa pagkatimbang ng sangnilalang ay dapat na lakipan ng pagkilos, gaya ng sinabi ni Haring Solomon sa pansarang pananalita ng Eclesiastes: “Ang katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at sundin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong obligasyon ng tao. Sapagkat dadalhin ng tunay na Diyos mismo ang bawat uri ng gawa sa kahatulan may kaugnayan sa bawat nakatagong bagay, kung ito nga ay mabuti o masama.” (Eclesiastes 12:13, 14) Dapat tayong matakot na gumawa ng anumang di-nakalulugod sa Diyos. Sa halip, dapat nating sikaping tumalima sa kaniya na may mapagpitagang pagkasindak.
13 Tiyak, nararapat lamang na naisin nating purihin ang Haring walang-hanggan dahil sa kaniyang kagila-gilalas na mga gawa ng paglalang! Ganito ang ipinahahayag sa Awit 104:24: “Pagkarami-rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat. Ang lupa ay punô ng iyong mga produksiyon.” Buong kagalakan tayong sumang-ayon sa huling talata ng awit Aw 104:35 na ito sa pamamagitan ng pagsasabi sa ating sarili at sa iba: “Pagpalain si Jehova, O aking kaluluwa. Purihin si Jah, ninyong mga tao!”
Ang Natatanging Nilalang sa Lupa
14. Sa anu-anong paraan na ang paglalang ng Diyos sa tao ay lubhang nakahihigit sa mga hayop?
14 Napakahusay ng lahat ng nilalang ni Jehova. Subalit ang pinakapambihirang nilalang sa lupa ay tayo—ang sangkatauhan. Sina Adan at Eva ay nilalang bilang kasukdulan ng ikaanim na araw ni Jehova sa paglalang—isang paglalang na lubhang nakahihigit sa mga isda, ibon, at mga hayop! Samantalang marami sa mga ito ang may likas na kapantasan, ang sangkatauhan ay pinagkalooban ng kakayahang mangatuwiran, ng isang budhi na nakakakilala ng mabuti at masama, ng kakayahang magplano para sa hinaharap, at ng likas na hangaring sumamba. Papaano nangyari ang lahat ng ito? Sa halip na manggaling sa mababangis na hayop sa pamamagitan ng ebolusyon, ang tao ay nilalang sa larawan ng Diyos. Dahil dito, ang tao lamang ang makapagpapaaninaw ng mga katangian ng ating Maylalang, na nagpakilala sa kaniyang sarili bilang “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.”—Exodo 34:6.
15. Bakit dapat na mapagpakumbabang purihin natin si Jehova?
15 Ating purihin at pasalamatan si Jehova dahil sa pambihirang disenyo ng ating katawan. Ang daloy ng ating dugo, na napakahalaga sa buhay, ay umiikot sa ating katawan tuwing 60 segundo. Gaya ng sinasabi sa Deuteronomio 12:23, “ang dugo ang siyang buhay”—ang ating buhay—napakahalaga sa paningin ng Diyos. Ang matitibay na buto, malalambot na kalamnan, at isang mahusay na sistema sa nerbiyo ay tinatampukan ng isang utak na makapupong nakahihigit kaysa anumang utak ng hayop at may kakayahan na hindi kayang pantayan ng isang computer na kasinlaki ng isang napakataas na gusali. Hindi ka ba nanliliit kapag isinasaalang-alang ito? Dapat naman. (Kawikaan 22:4) At isip-isipin din ito: Ang ating baga, gulung-gulungan, dila, ngipin, at bibig ay pawang gumagawang sama-sama upang tayo ay makapagsalita ng isa sa libu-libong wika. Si David ay kumatha ng isang angkop na himig kay Jehova, anupat sinasabi: “Ako’y magbibigay-papuri sa iyo sapagkat ako’y ginawa sa kamangha-manghang paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya nang lubos na nababatid ng aking kaluluwa.” (Awit 139:14) Makisali tayo kay David sa pasasalamat at pagpuri kay Jehova, ang ating kahanga-hangang Tagadisenyo at Diyos!
16. Anong himig ang kinatha ng isang bantog na musikero bilang papuri kay Jehova, at maaari tayong tumugon sa anong nakapupukaw na paanyaya?
16 Ang mga pangungusap sa isang ika-18-siglong oratoryo ni Joseph Haydn ay nagsasabi ng ganito bilang papuri kay Jehova: “Pasalamatan Siya, kayong lahat na Kaniyang kamangha-manghang gawa! Awitin ang Kaniyang karangalan, awitin ang Kaniyang kaluwalhatian, pagpalain at dakilain ang Kaniyang Pangalan! Ang papuri kay Jehova ay namamalagi magpakailan-kailanman, Amen, Amen!” Lalo pang pagkaganda-ganda ang malimit uliting kinasihang pananalita sa Mga Awit, gaya ng paanyayang apat na beses na binanggit sa ika-107 Awit 107:8, 15, 21, 31: “O hayaang magpasalamat ang mga tao kay Jehova dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan at dahil sa kaniyang kamangha-manghang mga gawa sa mga anak ng tao.” Nakikisali ba kayo sa papuring iyan? Dapat na kasali kayo, sapagkat lahat ng bagay na tunay ngang maganda ay nagmula kay Jehova, ang Haring walang-hanggan.
Higit Pang Makapangyarihang mga Gawa
17. Papaanong ‘ang awit ni Moises at ng Kordero’ ay pumupuri kay Jehova?
17 Sa nakalipas na anim na libong taon, sinimulan ng Haring walang-hanggan ang higit pang makapangyarihang mga gawa. Sa huling aklat ng Bibliya, sa Apocalipsis 15:3, 4, mababasa natin ang tungkol sa mga nasa langit na nagtagumpay laban sa mga makademonyong kaaway: “Inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos at ang awit ng Kordero, na sinasabi: ‘Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang-hanggan. Sino talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat? Sapagkat ang lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo, sapagkat ang iyong matutuwid na dekreto ay naihayag na.’ ” Bakit ito tinawag na ‘ang awit ni Moises at ng Kordero’? Tingnan natin.
18. Anong makapangyarihang gawa ang inalaala sa awit sa Exodo kabanata 15?
18 Mga 3,500 taon na ang nakalipas, nang malipol sa Dagat na Pula ang makapangyarihang hukbo ni Faraon, pinasalamatan at pinuri ng mga Israelita si Jehova sa pamamagitan ng awit. Mababasa natin sa Exodo 15:1, 18: “Nang panahong iyon si Moises at ang mga anak ni Israel ay nagsimulang umawit ng awit na ito kay Jehova at nagsabi ng sumusunod: ‘Aawit ako kay Jehova, sapagkat siya ay lubhang naitaas. Ang kabayo at ang sakay nito ay ibinulid niya sa dagat. Si Jehova ay mamamahala bilang hari sa panahong walang-takda, maging magpakailanman.’ ” Ang matuwid na mga dekreto ng walang-hanggang Haring ito ay naihayag sa kaniyang paghatol at paglipol sa mga kaaway na humamon sa kaniyang soberanya.
19, 20. (a) Bakit itinatag ni Jehova ang bansang Israel? (b) Papaano tinugon ng Kordero at ng iba pa ang hamon ni Satanas?
19 Bakit kinailangang gawin ito? Doon pa sa halamanan ng Eden ay inakay ng tusong Serpiyente ang una nating mga magulang tungo sa kasalanan. Bunga nito ay namana ng buong sangkatauhan ang kasalanan at di-kasakdalan. Gayunman, agad na kumilos ang Haring walang-hanggan kasuwato ng kaniyang orihinal na layunin, na hahantong sa lubos na pagkalipol ng kaniyang mga kaaway mula sa lupa at sa pagpapanumbalik ng malaparaisong mga kalagayan. Itinatag ng Haring walang-hanggan ang bansang Israel at ibinigay ang kaniyang Batas upang ilarawan kung papaano niya isasagawa ito.—Galacia 3:24.
20 Subalit nang dakong huli, ang Israel mismo ay nahulog sa pagsuway, at ang malungkot na kalagayang ito ay umabot sa sukdulan nang isuko ng mga lider nito ang bugtong na Anak ng Diyos sa kamay ng mga Romano upang malupit na pahirapan at patayin. (Gawa 10:39; Filipos 2:8) Gayunpaman, ang katapatan ni Jesus hanggang kamatayan, bilang ang inihaing “Kordero ng Diyos,” ay namumukod-tanging nagpabulaan sa hamon ng sinaunang Kaaway ng Diyos, si Satanas—na walang tao sa lupa ang makapananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng matinding pagsubok. (Juan 1:29, 36; Job 1:9-12; 27:5) Bagaman nagmana ng di-kasakdalan mula kay Adan, milyun-milyong tao na may takot sa Diyos ang sumunod sa mga yapak ni Jesus sa pamamagitan ng pag-iingat ng katapatan sa harap ng mga pag-atake ni Satanas.—1 Pedro 1:18, 19; 2:19, 21.
21. Kasuwato ng Gawa 17:29-31, ano ang susunod na tatalakayin?
21 Ngayon ay sumapit na ang araw upang gantimpalaan ni Jehova yaong mga tapat at hatulan ang lahat ng kaaway ng katotohanan at katuwiran. (Gawa 17:29-31) Papaano mangyayari ito? Sasabihin ng ating susunod na artikulo.
Kahon sa Pagrerepaso
◻ Bakit karapat-dapat na tawagin si Jehova bilang “ang Haring walang-hanggan”?
◻ Papaano naitatanghal ang karunungan ni Jehova sa kaniyang mga paglalang?
◻ Sa anu-anong paraan na ang sangkatauhan ay isang obra maestra ng paglalang?
◻ Anong mga gawa ang pumukaw ng ‘awit ni Moises at ng Kordero’?
[Mga Tanong]
[Kahon sa pahina 12]
Ang Nakahihigit na Karunungan ni Jehova
Ang karunungan ng Haring walang-hanggan ay masasalamin sa napakaraming paraan sa kaniyang mga ginawa sa lupa. Pansinin ang mga salita ni Agur: “Bawat kasabihan ng Diyos ay dalisay. Siya ay isang kalasag sa mga nanganganlong sa kaniya.” (Kawikaan 30:5) Sumunod ay binanggit ni Agur ang maraming nabubuhay na nilalang ng Diyos, ang malalaki at ang maliliit. Halimbawa, sa talata 24 hanggang 28, inilarawan niya ang “apat na bagay na pinakamaliliit sa lupa, subalit sila ay may likas na kapantasan.” Ang mga ito ay ang langgam, ang daman, ang balang, at ang tuko.
“May likas na kapantasan”—oo, ganiyan ang pagkagawa sa mga hayop. Hindi sila nangangatuwiran na gaya ng mga tao kundi umaasa sa likas na karunungan. Nanggilalas ka na ba rito? Tunay ngang napakaorganisado ng mga nilalang na ito! Halimbawa, ang mga langgam ay organisado sa mga kolonya, na doo’y kasali ang reyna, mga manggagawa, at mga lalaki. Sa ilang uri, ang mga manggagawang langgam ay nagtitipon pa nga ng mga apid sa mga kulungan sa parang na kanilang itinayo. Doon nila ginagatasan ang mga apid samantalang itinataboy ng mga sundalong langgam ang anumang sumasalakay na mga kaaway. Ganito ang payo na ibinigay sa Kawikaan 6:6: “Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; tingnan mo ang mga daan nito at maging pantas ka.” Hindi ba nararapat na ang gayong mga halimbawa ay mag-udyok sa atin na maging laging “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon”?—1 Corinto 15:58.
Ang tao ay nakagawa ng malalaking eroplano. Subalit lalong higit na mahusay ang mga ibon, kasali na ang hummingbird, na tumitimbang nang mas magaan pa sa 30 gramo! Ang isang Boeing 747 ay kailangang maglulan ng 180,000 litro ng gasolina, paandarin ng isang pangkat ng sinanay na mga tauhan, at gumamit ng masalimuot na mga sistema sa nabigasyon upang makalipad patawid sa mga karagatan. Gayunman, ang munting hummingbird ay umaasa lamang sa isang gramo ng tabâ upang makalipad ito buhat sa Hilagang Amerika, patawid sa Gulpo ng Mexico, at patungo sa Timog Amerika. Walang mabigat na kargada ng gasolina, walang pagsasanay sa nabigasyon, walang masalimuot na mga tsart o mga computer! Ang kakayahan kayang ito ay bunga lamang ng di-sinasadyang proseso ng ebolusyon? Tiyak na hindi! Ang munting ibong ito ay may likas na kapantasan, palibhasa’y ginawang gayon ng Maylalang nito, ang Diyos na Jehova.
[Larawan sa pahina 10]
Ang sari-saring paglalang ng “Haring walang-hanggan” ay pumupuri sa kaniyang kaluwalhatian
[Larawan sa pahina 15]
Kung papaanong ipinagdiwang ni Moises at ng buong Israel ang tagumpay ni Jehova sa Dagat na Pula, magkakaroon ng malaking pagsasaya pagkaraan ng Armagedon