“Purihin si Jah, Ninyong mga Tao!”
“Purihin si Jah, Ninyong mga Tao!”
“Bawat bagay na humihinga—hayaang purihin nito si Jah.”—AWIT 150:6.
1, 2. (a) Hanggang saan lumago noong unang siglo ang tunay na Kristiyanismo? (b) Anong patiunang babala ang ibinigay ng mga apostol? (c) Papaano nagsimula ang apostasya?
INORGANISA ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa isang Kristiyanong kongregasyon, na lumago noong unang siglo. Sa kabila ng mahigpit na relihiyosong pagsalansang, ang “mabuting balita . . . [ay] ipinangaral sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” (Colosas 1:23) Subalit pagkamatay ng mga apostol ni Jesu-Kristo, buong katusuhang pinaalab ni Satanas ang apostasya.
2 Ang mga apostol ay nagbigay ng babala bago mangyari ito. Halimbawa, ganito ang sabi ni Pablo sa matatanda sa Efeso: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong mga sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak. Alam ko na pagkatapos ng aking pag-alis ay papasok ang mapaniil na mga lobo sa gitna ninyo at hindi pakikitunguhan ang kawan nang magiliw, at mula sa inyo mismo ay babangon ang mga tao at magsasalita ng pilipit na mga bagay upang ilayo ang mga alagad kasunod nila.” (Gawa 20:28-30; tingnan din ang 2 Pedro 2:1-3; 1 Juan 2:18, 19.) Kaya naman, noong ikaapat na siglo, ang apostatang Kristiyanismo ay nagsimulang makipagsanib ng puwersa sa Imperyong Romano. Pagkaraan ng ilang siglo ang Banal na Imperyong Romano, na may kaugnayan sa papa sa Roma, ay namahala sa isang malaking bahagi ng sangkatauhan. Nang maglaon, nagrebelde ang Protestanteng Repormasyon laban sa balakyot na pagmamalabis ng Simbahang Katoliko, subalit nabigo ito sa pagsasauli ng tunay na Kristiyanismo.
3. (a) Kailan at papaano ipinangaral ang mabuting balita sa lahat ng nilalang? (b) Anong salig-Bibliyang mga inaasahan ang natupad noong 1914?
3 Gayunpaman, habang papalapit ang katapusan ng ika-19 na siglo, isang taimtim na grupo ng mga estudyante ng Bibliya ang muling naging abala sa pangangaral at pagpapaabot ng ‘pag-asa ng mabuting balita sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.’ Batay sa kanilang pag-aaral ng hula sa Bibliya, tinukoy ng grupong ito, mahigit na 30 taon patiuna, ang taóng 1914 bilang siyang katapusan ng “itinakdang mga panahon ng mga bansa,” isang yugto ng “pitong panahon,” o 2,520 taon, na nagsimula sa pagkatiwangwang ng Jerusalem noong 607 B.C.E. (Lucas 21:24; Daniel 4:16) Bilang katuparan ng inaasahan, ang 1914 ay napatunayang isang panahon ng malaking pagbabago sa mga lakad ng tao sa lupa. Naganap din sa langit ang makasaysayang mga pangyayari. Noon ay iniluklok ng Haring walang-hanggan ang kaniyang kasamang hari, si Jesu-Kristo, sa isang makalangit na trono, bilang paghahanda sa pagpawi sa lahat ng kabalakyutan sa balat ng lupa at sa pagsasauli ng Paraiso.—Awit 2:6, 8, 9; 110:1, 2, 5.
Masdan ang Mesianikong Hari!
4. Papaano tinupad ni Jesus ang kahulugan ng kaniyang pangalang Miguel?
4 Noong 1914, ang Mesianikong Haring ito, si Jesus, ay nagsimula nang kumilos. Sa Bibliya ay tinatawag din siyang Miguel, na ang kahulugan ay “Sino ang Kagaya ng Diyos?,” sapagkat layunin niyang ipagbangong-puri ang soberanya ni Jehova. Gaya ng nakaulat sa Apocalipsis 12:7-12, inilarawan ni apostol Juan sa isang pangitain kung ano ang mangyayari: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon, at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka ngunit hindi ito nanaig, ni wala rin namang nasumpungan pang dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.” Isa ngang kahindik-hindik na pagbulusok!
5, 6. (a) Kasunod ng 1914, anong kapana-panabik na kapahayagan ang nagmula sa langit? (b) Papaano nauugnay rito ang Mateo 24:3-13?
5 Isang dumadagundong na tinig sa langit ang sumunod na nagpahayag: “Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo, sapagkat ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid ay naihagis na, na siyang umaakusa sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos! At dinaig nila [ng tapat na mga Kristiyano] siya dahil sa dugo ng Kordero [si Kristo Jesus] at dahil sa salita ng kanilang pagpapatotoo, at hindi nila inibig ang kanilang mga kaluluwa maging sa harap ng kamatayan.” Nangangahulugan ito ng kaligtasan para sa mga tagapag-ingat ng katapatan, na nanampalataya sa napakahalagang haing pantubos ni Jesus.—Kawikaan 10:2; 2 Pedro 2:9.
6 Ang malakas na tinig sa langit ay patuloy na nagpahayag: “Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan sa mga iyon! Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” Ang “kaabahan” kung gayon na inihula para sa lupang ito ay nahayag sa mga digmaang pandaigdig, taggutom, salot, lindol, at katampalasanan na sumalot sa lupa sa siglong ito. Gaya ng inilalahad sa Mateo 24:3-13, inihula ni Jesus na ang mga bagay na ito ay magiging bahagi ng ‘tanda ng katapusan ng sistema ng mga bagay.’ Bilang katuparan ng hula, sapol noong 1914 ang sangkatauhan ay nakararanas sa lupa ng kaabahan na di pa naranasan sa buong nagdaang kasaysayan ng tao.
7. Bakit nangangaral nang may pagkaapurahan ang mga Saksi ni Jehova?
7 Sa panahong ito ng satanikong kaabahan, makasusumpong kaya ang sangkatauhan ng pag-asa sa hinaharap? Aba, oo, sapagkat ganito ang sinasabi ng Mateo 12:21 tungkol kay Jesus: “Tunay nga, sa kaniyang pangalan ang mga bansa ay aasa”! Ang kalunus-lunos na mga kalagayan sa mga bansa ay nagpapakita hindi lamang ng ‘tanda ng katapusan ng sistema ng mga bagay’ kundi gayundin ng ‘tanda ng pagkanaririto ni Jesus’ bilang makalangit na Hari ng Mesianikong Kaharian. Hinggil sa Kahariang iyan, sinasabi pa ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Anong bayan sa lupa ngayon ang nangangaral ng dakilang pag-asa ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos? Ang mga Saksi ni Jehova! May pagkaapurahan nilang ipinahahayag sa madla at sa bahay-bahay na ang Kaharian ng Diyos ng katuwiran at kapayapaan ay malapit nang mangasiwa sa mga bagay-bagay sa lupa. Nakikibahagi ba kayo sa ministeryong ito? Wala nang hihigit pang pribilehiyo ang makakamtan ninyo!—2 Timoteo 4:2, 5.
Papaano Darating “ang Wakas”?
8, 9. (a) Papaano nagsimula ang paghuhukom sa “bahay ng Diyos”? (b) Papaano nilabag ng Sangkakristiyanuhan ang Salita ng Diyos?
8 Ang sangkatauhan ay sumapit na sa isang yugto ng paghuhukom. Ipinaalam sa atin sa 1 Pedro 4:17 na ang paghuhukom ay nagpapasimula sa “bahay ng Diyos”—isang paghuhukom sa mga nag-aangking organisasyong Kristiyano na kitang-kita sapol nang ang “mga huling araw” ay magsimula sa naganap na pagpapatayan noong Digmaang Pandaigdig I ng 1914-18. Kumusta naman ang Sangkakristiyanuhan sa paghuhukom na ito? Buweno, isaalang-alang ang paninindigan ng mga simbahan sa pagsuporta ng mga digmaan sapol noong 1914. Hindi ba ang klero ay nabahiran ng “dugo ng mga kaluluwa ng mga inosenteng dukha” na kanilang hinimok na pumaroon sa labanan?—Jeremias 2:34.
9 Ayon sa Mateo 26:52, sinabi ni Jesus: “Ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” Totoo nga ito sa mga digmaan ng siglong ito! Pinasigla ng klero ang mga kabataang lalaki na paslangin ang ibang kabataang lalaki, kahit na yaong karelihiyon nila—ang Katoliko ay pumapatay ng Katoliko at ang Protestante ay pumapatay ng Protestante. Ang nasyonalismo ay higit na itinampok kaysa sa Diyos at kay Kristo. Kamakailan, sa ilang bansang Aprikano, ang ugnayan ng mga tribo ang inuna sa halip na ang mga simulain sa Bibliya. Sa Rwanda, na kung saan karamihan ng mga tao ay Katoliko, di-kukulangin sa kalahating milyon ang pinaslang sa karahasan sa pagitan ng mga tribo. Ganito ang inamin ng papa sa Batikanong pahayagan na L’Osservatore Romano: “Ito’y lansakang pamamaslang ng buong mga lipi, na kahit ang mga Katoliko ay may pananagutan dito.”—Ihambing ang Isaias 59:2, 3; Mikas 4:3, 5.
10. Anong kahatulan ang isasagawa ni Jehova sa huwad na relihiyon?
10 Papaano minamalas ng Haring walang-hanggan ang mga relihiyon na humihimok sa mga tao na magpatayan sa isa’t isa o nagsasawalang-kibo lamang habang ang mga miyembro ng kanilang kawan ay pumapatay ng ibang mga miyembro? Tungkol sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na sistema ng huwad na relihiyon, ganito ang sinasabi sa atin ng Apocalipsis 18:21, 24: “Binuhat ng isang malakas na anghel ang isang bato na tulad ng isang malaking gilingang-bato at inihagis ito sa dagat, na sinasabi: ‘Gayon sa isang matulin na paghagis ibubulid ang Babilonya na dakilang lunsod, at hindi na siya masusumpungan pang muli. Oo, nasumpungan sa kaniya ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.’ ”
11. Anong kakila-kilabot na mga bagay ang nagaganap sa Sangkakristiyanuhan?
11 Bilang katuparan ng hula sa Bibliya, kakila-kilabot na mga bagay ang nagaganap sa Sangkakristiyanuhan. (Ihambing ang Jeremias 5:30, 31; 23:14.) Pangunahin na dahil sa pangungunsinti ng klero, ang kanilang mga kawan ay sinasalot ng imoralidad. Sa Estados Unidos, na itinuturing na isang Kristiyanong bansa, mga kalahati ng bilang ng lahat ng pag-aasawa ay humahantong sa diborsiyo. Ang pagdadalang-tao ng mga tin-edyer at ang homoseksuwalidad ay palasak sa mga miyembro ng simbahan. Ang mga pari ay seksuwal na nang-aabuso ng mga bata—at hindi sa iilang kaso lamang. Sinasabi na ang mga hudisyal na pag-aayos ng mga kasong ito ay maaaring humantong sa pagbabayad ng Simbahang Katoliko sa Estados Unidos ng isang bilyong dolyar sa loob ng isang dekada. Ipinagwalang-bahala ng Sangkakristiyanuhan ang babala ni apostol Pablo na masusumpungan sa 1 Corinto 6:9, 10: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos.”
12. (a) Papaano kikilos ang Haring walang-hanggan laban sa Babilonyang Dakila? (b) Ibang-iba sa Sangkakristiyanuhan, sa anong dahilan aawitin ng bayan ng Diyos ang mga korong “Aleluya”?
12 Di na magtatagal, ang Haring walang-hanggan, si Jehova, na kumikilos sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Mariskal de Kampo, si Kristo Jesus, ay magpapasiklab ng malaking kapighatian. Una, ang Sangkakristiyanuhan at lahat ng iba pang bahagi ng Babilonyang Dakila ay daranas ng paglalapat ng hatol ni Jehova. (Apocalipsis 17:16, 17) Ipinakita nilang sila’y hindi karapat-dapat sa kaligtasang inilaan ni Jehova sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus. Hinamak nila ang banal na pangalan ng Diyos. (Ihambing ang Ezekiel 39:7.) Kay laking pagpapaimbabaw ang pag-awit nila ng mga korong “Aleluya” sa kanilang mararangyang relihiyosong gusali! Inaalis nila ang napakahalagang pangalan ni Jehova sa kanilang mga salin ng Bibliya ngunit waring hindi nila alintana ang bagay na ang “Aleluya” ay nangangahulugang “Purihin ninyo si Jah”—ang “Jah” bilang pinaikling anyo ng “Jehova.” Angkop lamang, iniuulat ng Apocalipsis 19:1-6 ang mga korong “Purihin ninyo si Jah” na malapit nang awitin sa pagdiriwang ng pagsasagawa ng kahatulan ng Diyos sa Babilonyang Dakila.
13, 14. (a) Anong mahahalagang pangyayari ang susunod na magaganap? (b) Ano ang maligayang kahihinatnan ng mga taong may takot sa Diyos?
13 Ang kasunod ay ang ‘pagdating’ ni Jesus upang ipahayag at isagawa ang hatol sa mga bansa at sa mga tao. Siya mismo ang humula: “Kapag ang Anak ng tao [si Kristo Jesus] ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon siya ay uupo sa kaniyang maluwalhating trono [ng paghatol]. At ang lahat ng mga bansa [sa lupa] ay titipunin sa harap niya, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao mula sa isa’t isa, kung paanong pinagbubukud-bukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanang kamay, ngunit ang mga kambing sa kaniyang kaliwa. Kung magkagayon ay sasabihin ng hari doon sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.’ ” (Mateo 25:31-34) Ang Mat 25 talata 46 ay nagpatuloy sa paglalahad na ang uring kambing “ay magtutungo sa walang-hanggang pagkaputol, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang-hanggan.”
14 Inilalarawan ng aklat sa Bibliya na Apocalipsis kung papaanong ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” ang ating makalangit na Panginoon, si Jesu-Kristo, sa panahong iyon ay lulusob sa digmaan sa Armagedon, anupat lilipulin ang pulitikal at komersiyal na mga elemento ng sistema ni Satanas. Sa gayon ay ibubuhos na ni Kristo ang “galit ng poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa buong makalupang sakop ni Satanas. Yamang ang ‘mga dating bagay na ito ay lumipas na,’ ang mga taong may takot sa Diyos ay dadalhin sa maluwalhating bagong sanlibutan kung saan “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata.”—Apocalipsis 19:11-16; 21:3-5.
Isang Panahon Upang Purihin si Jah
15, 16. (a) Bakit mahalaga na pakinggan natin ang makahulang salita ni Jehova? (b) Ano ang ipinakikita ng mga propeta at mga apostol na dapat nating gawin upang maligtas, at ano ang kahulugan nito ngayon para sa karamihan?
15 Ang araw na iyon ng paghatol ay malapit na! Makabubuti, kung gayon, na pakinggan natin ang makahulang salita ng Haring walang-hanggan. Doon sa mga napaaalipin pa rin sa mga turo at tradisyon ng huwad na relihiyon, isang makalangit na tinig ang nagpapahayag: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” Ngunit saan dapat pumunta ang mga tatakas? Mayroon lamang isang katotohanan, kaya iisa lamang ang tunay na relihiyon. (Apocalipsis 18:4; Juan 8:31, 32; 14:6; 17:3) Ang pagkakamit natin ng walang-hanggang buhay ay nakasalalay sa pagkasumpong sa relihiyong iyan at pagtalima sa Diyos nito. Inaakay tayo ng Bibliya patungo sa kaniya sa Awit 83:18, na kababasahan: “Ikaw, na ang tanging pangalan ay JEHOVA, ang kataas-taasan sa buong lupa.”—King James Version.
16 Gayunman, higit pa ang dapat nating gawin kaysa sa alamin lamang ang pangalan ng Haring walang-hanggan. Kailangan nating pag-aralan ang Bibliya at matutuhan ang tungkol sa kaniyang dakilang mga katangian at layunin. Pagkatapos ay kailangang gawin natin ang kaniyang kalooban sa kasalukuyang panahon, gaya ng ipinakikita sa Roma 10:9-13. Sinipi ni apostol Pablo ang kinasihang mga propeta at nagtapos: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Joel 2:32; Zefanias 3:9) Maliligtas? Oo, sapagkat karamihan sa ngayon na sumasampalataya sa pantubos na inilaan ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo ay maliligtas buhat sa dumarating na malaking kapighatian, kapag isinagawa na ang hatol sa bulok na sanlibutan ni Satanas.—Apocalipsis 7:9, 10, 14.
17. Anong dakilang pag-asa ang dapat gumanyak sa atin na makisali ngayon sa pag-awit ng awit ni Moises at ng Kordero?
17 Ano ba ang kalooban ng Diyos para sa mga umaasang makaligtas? Iyon ay ang pagsali natin kahit ngayon sa pag-awit ng awit ni Moises at ng Kordero, anupat pinupuri ang Haring walang-hanggan bilang pananabik sa kaniyang tagumpay. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba tungkol sa kaniyang maluwalhating mga layunin. Habang sumusulong ang pagkaunawa natin sa Bibliya, iniaalay natin ang ating buhay sa Haring walang-hanggan. Iyan ay aakay sa pamumuhay natin magpakailanman sa ilalim ng kaayusang inilalarawan ng makapangyarihang Haring ito, gaya ng masusumpungan sa Isaias 65:17, 18: “Narito ako na lumilikha ng mga bagong langit [Mesianikong Kaharian ni Jesus] at isang bagong lupa [isang matuwid na lipunan ng sangkatauhan]; at ang mga dating bagay ay hindi na maaalaala pa, ni ang mga ito man ay papasok sa puso. Subalit magbunyi, kayong mga tao, at magalak magpakailanman sa bagay na aking nililikha.”
18, 19. (a) Ang mga salita ni David sa Awit 145 ay dapat na mag-udyok sa atin na gawin ang ano? (b) Ano ang tiyak na maaasahan natin sa kamay ni Jehova?
18 Inilarawan ng salmistang si David ang Haring walang-hanggan sa mga salitang ito: “Si Jehova ay dakila at lubhang nararapat na purihin, at di-masaliksik ang kaniyang kadakilaan.” (Awit 145:3) Tunay ngang di-masaliksik ang kaniyang kadakilaan gaya ng mga hangganan ng kalawakan at pagkawalang-hanggan! (Roma 11:33) Habang patuloy tayong kumukuha ng kaalaman sa ating Maylalang at sa kaniyang inilaang pantubos sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus, nanaisin nating purihin ang ating walang-hanggang Hari nang higit at higit pa. Nanaisin nating gawin ang gaya ng binabalangkas sa Awit 145:11-13: “Sasalitain nila ang tungkol sa kaluwalhatian ng iyong paghahari, sasabihin nila ang tungkol sa iyong kalakasan, upang ipaalam sa mga anak ng tao ang kaniyang makapangyarihang mga gawa at ang kaluwalhatian ng karilagan ng kaniyang paghahari. Ang iyong paghahari ay paghahari hanggang sa panahong walang-takda, at ang iyong pamamahala ay sa lahat ng sunud-sunod na mga salinlahi.”
19 Maaasahan natin na ang ating Diyos ay tapat sa kaniyang pangako: “Binubuksan mo ang iyong kamay at binibigyang-kasiyahan ang pagnanasa ng lahat ng bagay na buháy.” Magiliw tayong aakayin ng Haring walang-hanggan hanggang sa katapusan ng mga huling araw na ito, sapagkat tiniyak sa atin ni David: “Binabantayan ni Jehova ang lahat ng mga umiibig sa kaniya, ngunit lilipulin niya ang mga balakyot.”—Awit 145:16, 20.
20. Papaano kayo tumutugon sa paanyaya ng Haring walang-hanggan, gaya ng ipinahayag sa huling limang awit?
20 Ang bawat isa sa huling limang awit sa Bibliya ay nagsisimula at nagtatapos na may paanyayang “Aleluya.” Kaya, inaanyayahan tayo ng Awit 146: “Purihin si Jah, ninyong mga tao! Purihin si Jehova, O aking kaluluwa. Pupurihin ko si Jehova sa buong buhay ko. Ako’y hihimig sa aking Diyos hangga’t ako’y buháy.” Tutugon ba kayo sa panawagang ito? Tiyak ngang nanaisin ninyong purihin siya! Harinawang mapabilang kayo sa mga inilarawan sa Awit 148:12, 13: “Kayong mga kabataang lalaki at kayo rin na mga birhen, kayong matatandang lalaki kasama ng mga batang lalaki. Hayaang purihin nila ang pangalan ni Jehova, sapagkat tanging ang kaniyang pangalan ang di-maabot sa kataasan. Ang kaniyang dignidad ay mas mataas sa lupa at sa langit.” Harinawang buong-puso tayong tumugon sa paanyaya: “Purihin si Jah, ninyong mga tao!” Sabay-sabay, purihin natin ang Haring walang-hanggan!
Ano ang Iyong Komento?
◻ Tungkol sa ano patiunang nagbabala ang mga apostol ni Jesus?
◻ Pasimula noong 1914, anong tiyakang mga pagkilos ang naganap?
◻ Anong mga kahatulan ang malapit nang isagawa ni Jehova?
◻ Bakit ito ang pinakamahalagang panahon upang purihin ang Haring walang-hanggan?
[Mga Tanong]
[Kahon sa pahina 19]
Ang Kapaha-pahamak na Panahong Ito ng Kaligaligan
Na isang panahon ng kaligaligan ang nagsimula maaga noong ika-20 siglo ay tinatanggap ng marami. Halimbawa, sa paunang salita ng aklat na Pandaemonium, ni Senador Daniel Patrick Moynihan ng E.U., na inilathala noong 1993, isang komento sa “kapahamakan ng 1914” ang kababasahan ng ganito: “Sumapit ang digmaan at nagbago ang daigdig—nang lubusan. Sa ngayon ay mayroon na lamang walong estado sa lupa na kapuwa umiiral noong 1914 at sapol noon ay hindi nagbago ang uri ng pamahalaan ng mga ito sa pamamagitan ng karahasan. . . . Sa nalalabing 170 o higit pa na mga kapanahong estado, ang ilan ay kamakailan lamang naitatag upang makaranas ng pinakahuling kaligaligan.” Tunay, sa panahon mula noong 1914 ay masasaksihan ang sunud-sunod na kapahamakan!
Inilathala rin noong 1993 ang aklat na Out of Control—Global Turmoil on the Eve of the Twenty-First Century. Ang awtor ay si Zbigniew Brzezinski, dating pinuno ng U.S. National Security Council. Sumulat siya: “Ang pasimula ng ikadalawampung siglo ay tinawag sa maraming komentaryo bilang ang totoong pasimula ng Panahon ng Pangangatuwiran. . . . Taliwas sa pangako nito, ang ikadalawampung siglo ang naging pinakamadugo at kasindak-sindak na siglo ng sangkatauhan, isang siglo ng guniguning pulitika at kakila-kilabot na pamamaslang. Ang kalupitan ay isinagawa sa isang walang-kaparis na antas, anupat ang pagpatay ay inorganisa sa paraang malawakan. Ang pagkakaiba sa pagitan ng siyentipikong potensiyal sa ikabubuti at ang pulitikal na kasamaan na aktuwal na pinakawalan ay totoong nakagigimbal. Noon pa lamang naganap sa kasaysayan ang gayong pambuong-daigdig na lawak ng pamamaslang, noon pa lamang nakapagbuwis ng gayon karaming buhay, ang paglipol sa tao ay noon pa lamang naging gayong katindi dahil sa palalo at di-makatuwirang mga hangarin.” Totoong-totoo nga iyan!
[Larawan sa pahina 17]
Inihagis ni Miguel sa lupa si Satanas at ang kaniyang mga kampon pagkatapos na maitatag ang Kaharian noong 1914