Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Basahin ang Salita ng Diyos at Paglingkuran Siya sa Katotohanan

Basahin ang Salita ng Diyos at Paglingkuran Siya sa Katotohanan

Basahin ang Salita ng Diyos at Paglingkuran Siya sa Katotohanan

“Turuan mo ako, O Jehova, ng tungkol sa iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan.”​—AWIT 86:11.

1. Sa diwa, ano ang sinabi ng unang isyu ng magasing ito

 IBINIBIGAY ni Jehova ang liwanag at katotohanan. (Awit 43:3) Binibigyan din niya tayo ng kakayahang mabasa ang kaniyang Salita, ang Bibliya, at matutuhan ang katotohanan. Ang unang isyu ng magasing ito​—Hulyo 1879​—ay nagsabi: “Ang katotohanan, tulad ng isang mahinhing bulaklak sa kaparangan ng buhay, ay napalilibutan at halos nasasakal ng malagong pagtubo ng damo ng kamalian. Kung ibig mong masumpungan ito ay kailangang lagi kang mapagbantay. Kung nais mong makita ang kagandahan nito ay kailangan mong hawiin ang damo ng kamalian at ang mga kambron ng pagkapanatiko. Kung ibig mong makuha ito ay kailangan kang yumuko upang abutin ito. Huwag makontento sa isang bulaklak ng katotohanan. Kung sapat na ang isa ay wala na sanang iba pa. Patuloy na magtipon, humanap ng higit pa.” Ang pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos ay nagpapangyari sa atin na makamit ang tumpak na kaalaman at makalakad sa kaniyang katotohanan.​—Awit 86:11.

2. Ano ang resulta nang basahin ni Ezra at ng iba pa ang Kautusan ng Diyos sa mga Judio sa sinaunang Jerusalem?

2 Pagkatapos na itayong muli ang mga pader ng Jerusalem noong 455 B.C.E., binasa ni Ezra at ng iba pa ang Kautusan ng Diyos sa mga Judio. Ito ay sinundan ng masayang Kapistahan ng mga Kubol, paghahayag ng mga kasalanan, at paggawa ng “isang mapagkakatiwalaang kaayusan.” (Nehemias 8:1–9:38) Mababasa natin: “Sila’y patuloy na bumasa nang malakas buhat sa aklat, mula sa kautusan ng tunay na Diyos, ito’y ipinaliwanag at binigyan ng kahulugan; at patuloy nilang naunawaan ang binabasa.” (Nehemias 8:8) Ipinahihiwatig ng ilan na hindi gaanong nauunawaan ng mga Judio ang Hebreo at na ginawa ang pagpapakahulugan sa Aramaiko. Subalit ang teksto ay hindi nagpapakita ng basta paglilinaw lamang ng mga termino ng wika. Ipinaliwanag ni Ezra at ng iba pa ang Kautusan upang maunawaan at maikapit ng bayan ang mga simulain nito. Ang layunin din ng Kristiyanong mga publikasyon at mga pulong ay upang ‘bigyan ng kahulugan’ ang Salita ng Diyos. Gayon nga ang ginagawa ng hinirang na matatanda, na “kuwalipikado na magturo.”​—1 Timoteo 3:1, 2; 2 Timoteo 2:24.

Namamalaging Pakinabang

3. Ano ang ilang kapakinabangan na natatamo sa pagbabasa ng Bibliya?

3 Kapag binabasa ng mga pamilyang Kristiyano ang Bibliya nang sama-sama, sila ay malamang na makaranas ng namamalaging pakinabang. Nakikilala nila ang mga kautusan ng Diyos at natututuhan ang katotohanan tungkol sa mga doktrina, hula, at iba pang paksa. Pagkatapos basahin ang isang bahagi ng Bibliya, maaaring itanong ng ulo ng sambahayan: Paano ito dapat na makaapekto sa atin? Sa anong paraan nauugnay ito sa iba pang turo ng Bibliya? Paano natin magagamit ang mga puntong ito sa pangangaral ng mabuting balita? Ang isang pamilya ay nagtatamo ng mas malalim na unawa kapag nagbabasa ng Bibliya kung nagsasaliksik sila sa pamamagitan ng paggamit sa Watch Tower Publications Index o iba pang indise. Kapaki-pakinabang din na sumangguni sa dalawang tomo ng Insight on the Scriptures.

4. Paano ikakapit ni Josue ang tagubilin na nakaulat sa Josue 1:8?

4 Ang mga simulain buhat sa Kasulatan ay maaaring pumatnubay sa atin sa buhay. Isa pa, ang pagbabasa at pag-aaral ng banal na ‘mga kasulatan ay makapagpaparunong sa atin ukol sa kaligtasan.’ (2 Timoteo 3:15) Kung hahayaan nating akayin tayo ng Salita ng Diyos, patuloy tayong lalakad sa kaniyang katotohanan at matutupad ang ating matuwid na mga hangarin. (Awit 26:3; 119:130) Gayunpaman, kailangan nating hanapin ang kaunawaan, gaya ng ginawa ni Josue na kahalili ni Moises. Ang “aklat ng kautusan” ay hindi dapat mahiwalay sa kaniyang bibig, at dapat niyang basahin iyon araw at gabi. (Josue 1:8) Ang hindi paghiwalay mula sa kaniyang bibig ng “aklat ng kautusan” ay nangangahulugan na hindi dapat huminto si Josue ng pagsasabi sa iba ng nakapagtuturong mga bagay na sinasabi nito. Ang pagbabasa ng Kautusan araw at gabi ay nangangahulugan na iyon ay dapat na bulay-bulayin ni Josue, anupat pag-aralan iyon. Hinimok din naman ni apostol Pablo si Timoteo na “magmuni-muni”​—magbulay-bulay​—ng kaniyang paggawi, ministeryo, at pagtuturo. Bilang isang Kristiyanong matanda, lalo nang kailangan ni Timoteo na ingatang huwaran ang kaniyang pamumuhay at na ang itinuturo niya ay maka-Kasulatang katotohanan.​—1 Timoteo 4:15.

5. Ano ang kailangan kung ibig nating masumpungan ang katotohanan ng Diyos?

5 Ang katotohanan ng Diyos ay isang kayamanang walang kasing-halaga. Upang masumpungan ito ay nangangailangan ng paghuhukay, anupat matiyagang nagsasaliksik sa Kasulatan. Kung tayo’y tulad-anak na mga mag-aaral ng Dakilang Instruktor ay saka lamang natin matatamo ang karunungan at mauunawaan ang may pagpipitagang takot kay Jehova. (Kawikaan 1:7; Isaias 30:20, 21) Mangyari pa, dapat nating patunayan ang mga bagay ayon sa Kasulatan. (1 Pedro 2:1, 2) Ang mga Judio sa Berea “ay higit na mararangal ang pag-iisip kaysa doon sa mga nasa Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita nang may buong pananabik ng isip, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung gayon nga ang mga bagay na ito [na sinabi ni Pablo].” Pinapurihan sa halip na sinaway ang mga taga-Berea sa paggawa nito.​—Gawa 17:10, 11.

6. Bakit masasabi ni Jesus na walang mabuting naidulot sa ilang Judio ang pagsasaliksik sa Kasulatan?

6 Sinabi ni Jesus sa ilang Judio: “Sinasaliksik ninyo ang Kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa pamamagitan ng mga iyon ay magkakaroon kayo ng buhay na walang-hanggan; at ang mga ito mismo ang nagpapatotoo tungkol sa akin. At gayunma’y hindi ninyo nais na pumarito sa akin upang magkaroon kayo ng buhay.” (Juan 5:39, 40) Sinasaliksik nila ang Kasulatan taglay ang tamang idea​—na maakay sila ng mga ito sa buhay. Sa katunayan, nasa Kasulatan ang Mesianikong mga hula na siyang nagtuturo kay Jesus bilang ang daan tungo sa buhay. Ngunit tinanggihan siya ng mga Judio. Kaya naman, walang mabuting naidulot sa kanila ang pagsasaliksik sa Kasulatan.

7. Ano ang kailangan upang lumawak ang pagkaunawa sa Bibliya, at bakit?

7 Upang lumawak ang ating pagkaunawa sa Bibliya, kailangan natin ang patnubay ng espiritu, o ng aktibong puwersa ng Diyos. “Sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos” upang maunawaan ang kahulugan ng mga ito. (1 Corinto 2:10) Kailangang ‘tiyakin ng mga Kristiyano sa Tesalonica ang lahat ng mga bagay’ sa anumang hula na narinig nila. (1 Tesalonica 5:20, 21) Nang sumulat si Pablo sa mga taga-Tesalonica (mga 50 C.E.), ang tanging bahagi ng Griegong Kasulatan na naisulat na ay ang Ebanghelyo ni Mateo. Kaya maaaring tiyakin ng mga taga-Tesalonica at taga-Berea ang lahat ng bagay, malamang na sa pamamagitan ng pagsusuri ng Griegong Septuagint na bersiyon ng Hebreong Kasulatan. Kailangan nilang basahin at pag-aralan ang Kasulatan, gayundin naman tayo.

Mahalaga Para sa Lahat

8. Bakit dapat na maging mahusay ang kaalaman sa Bibliya ng hinirang na matatanda?

8 Ang hinirang na matatanda ay dapat na maging mahusay sa kaalaman sa Bibliya. Sila’y dapat na maging “kuwalipikado na magturo” at ‘manghawakang matatag sa tapat na salita.’ Ang tagapangasiwang si Timoteo ay kailangang ‘gumamit nang wasto sa salita ng katotohanan.’ (1 Timoteo 3:2; Tito 1:9; 2 Timoteo 2:15) Tinuruan siya ng kaniyang ina, si Eunice, at ng kaniyang lolang si Loida ng banal na mga kasulatan mula sa pagkasanggol, anupat ikinintal sa kaniya ang ‘pananampalatayang walang pagpapaimbabaw,’ bagaman ang kaniyang ama ay di-nananampalataya. (2 Timoteo 1:5; 3:15) Dapat na palakihin ng sumasampalatayang mga ama ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova,” at ang matatanda na mga ama ay lalo nang dapat na magkaroon ng ‘nananampalatayang mga anak na nasusupil at wala sa ilalim ng paratang ng kabuktutan.’ (Efeso 6:4; Tito 1:6) Kung gayon, anuman ang ating kalagayan, dapat nating dibdibin ang pangangailangang basahin, pag-aralan, at ikapit ang Salita ng Diyos.

9. Bakit dapat na pag-aralan ang Bibliya na kasama ang mga kapuwa Kristiyano?

9 Dapat din nating pag-aralan ang Bibliya na kasama ang mga kapananampalataya. Nais ni Pablo na pag-usapan ng mga Kristiyanong taga-Tesalonica ang kaniyang payo. (1 Tesalonica 4:18) Upang mapatalas ang ating pagkaunawa sa katotohanan, wala nang hihigit pa sa pakikisama sa iba pang taimtim na mga estudyante sa pagsusuri ng Kasulatan. Totoo ang kawikaan: “Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal mismo ay napatatalas. Gayon napatatalas ng isang tao ang mukha ng isa pa.” (Kawikaan 27:17) Ang isang kasangkapang yari sa bakal ay kakalawangin kung hindi gagamitin at patatalasin. Gayundin naman, kailangan nating magtipon nang palagian at patalasin ang isa’t isa sa pamamagitan ng pamamahagi ng kaalaman na natamo natin sa pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay-bulay ng katotohanan ng Salita ng Diyos. (Hebreo 10:24, 25) Bukod dito, ito ang isang paraan upang tiyakin na nakikinabang tayo buhat sa mga sinag ng espirituwal na liwanag.​—Awit 97:11; Kawikaan 4:18.

10. Ano ang kahulugan ng paglakad sa katotohanan?

10 Sa ating pag-aaral ng Kasulatan, angkop na makapananalangin tayo sa Diyos gaya ng ginawa ng salmista: “Isugo mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan. Ang mga ito mismo ang umakay nawa sa akin.” (Awit 43:3) Kung hangad natin ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat tayong lumakad sa kaniyang katotohanan. (3 Juan 3, 4) Kasali rito ang pagsunod sa kaniyang mga kahilingan at paglilingkod sa kaniya nang may katapatan at kataimtiman. (Awit 25:4, 5; Juan 4:23, 24) Dapat nating paglingkuran si Jehova sa katotohanan, gaya ng isinisiwalat sa kaniyang Salita at nililiwanag sa mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Kailangan dito ang tumpak na kaalaman sa Kasulatan. Paano natin, kung gayon, babasahin at pag-aaralan ang Salita ng Diyos? Dapat ba nating simulang basahin iyon mula sa Genesis kabanata 1, talata 1, sunud-sunod hanggang sa 66 na aklat? Oo, bawat Kristiyano na may kumpletong Bibliya sa kaniyang wika ay dapat na bumasa nito mula Genesis hanggang Apocalipsis. At dapat na ang layunin natin sa pagbabasa ng Bibliya at ng Kristiyanong mga publikasyon ay ang palawakin ang ating pagkaunawa sa malaking kalipunan ng maka-Kasulatang katotohanan na inilaan ng Diyos sa pamamagitan ng ‘tapat na alipin.’

Basahin Nang Malakas ang Salita ng Diyos

11, 12. Bakit kapaki-pakinabang na basahin nang malakas ang Bibliya sa mga pulong?

11 Maaari tayong bumasa nang tahimik kapag nag-iisa. Gayunpaman, noong sinaunang panahon, ang sarilinang pagbabasa ay ginagawa nang malakas. Kaya naman habang nakasakay sa kaniyang karo ang Etiopeng bating, narinig ng ebanghelisador na si Felipe na siya’y bumabasa buhat sa hula ni Isaias. (Gawa 8:27-30) Ang Hebreong salita na isinaling “bumasa” ay may saligang kahulugan na “tumawag.” Kaya yaong sa simula’y di-makapagbasa nang tahimik at makakuha ng diwa ng binabasa ay dapat na hindi masiraan ng loob sa pagbigkas nang malakas sa bawat salita. Ang pinakamahalaga ay ang matutuhan ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng nasusulat na Salita ng Diyos.

12 Kapaki-pakinabang na basahin nang malakas ang Bibliya sa Kristiyanong mga pulong. Hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang kamanggagawang si Timoteo: “Patuloy na ituon mo ang iyong sarili sa pangmadlang pagbabasa, sa masidhing pagpapayo, sa pagtuturo.” (1 Timoteo 4:13) Sinabi ni Pablo sa mga taga-Colosas: “Kapag ang liham na ito ay nabasa na sa inyo, isaayos ninyo na mabasa rin ito sa kongregasyon ng mga taga-Laodicea at na mabasa rin ninyo yaong mula sa Laodicea.” (Colosas 4:16) At sinasabi sa Apocalipsis 1:3: “Maligaya siya na bumabasa nang malakas at yaong mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito, at tumutupad sa mga bagay na nasusulat dito; sapagkat ang itinakdang panahon ay malapit na.” Samakatuwid, ang isang pangmadlang tagapagsalita ay nararapat na bumasa ng mga teksto mula sa Bibliya upang suhayan ang sinasabi niya sa isang kongregasyon.

Paraan ng Pag-aaral Ayon sa Tema

13. Ano ang pinakamabisang paraan ng pag-aaral ng mga katotohanan sa Bibliya, at ano ang makatutulong sa atin sa paghanap ng mga kasulatan?

13 Ang pag-aaral ayon sa tema ang siyang pinakamabisang paraan ng pag-aaral ng mga katotohanan sa Kasulatan. Nagiging madali ang paghahanap ng teksto na kaugnay sa isang tema sa pamamagitan ng konkordansiya, na doon ang mga salita sa Bibliya ay nakatala ayon sa alpabeto sa konteksto ng mga ito alinsunod sa aklat, kabanata, at talata. At ang gayong mga kasulatan ay magkakasuwato sa isa’t isa sapagkat hindi sinasalungat ng Awtor ng Bibliya ang kaniyang sarili. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, kinasihan niya ang 40 lalaki upang isulat ang Bibliya sa loob ng 16 na siglo, at ang pag-aaral nito ayon sa tema ay napatunayang isang mabisang paraan ng pagkatuto sa katotohanan.

14. Bakit dapat na pag-aralan kapuwa ang Hebreo at Griegong Kasulatan?

14 Ang ating pagpapahalaga sa katotohanan ng Bibliya ay dapat na gumanyak sa atin na basahin at pag-aralan ang Kristiyanong Griegong Kasulatan lakip na ang Hebreong Kasulatan. Ipakikita nito kung paano nauugnay sa layunin ng Diyos ang Griegong Kasulatan at magbibigay liwanag sa mga hula sa Hebreong Kasulatan. (Roma 16:25-27; Efeso 3:4-6; Colosas 1:26) Makatutulong nang malaki hinggil dito ang New World Translation of the Holy Scriptures. Ito ay inihanda ng mga nakaalay na lingkod ng Diyos na gumamit sa mas malawak na kaalaman na makukuha hinggil sa orihinal na teksto sa Bibliya gayundin sa senaryo at sa idyoma nito. Mahalaga rin ang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na inilaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.”

15. Paano ninyo patutunayan na angkop na sumipi buhat sa iba’t ibang bahagi ng Bibliya?

15 Baka sabihin ng ilan, ‘Sa mga publikasyon ninyo ay may napakaraming tekstong sinipi sa Bibliya, pero bakit kinukuha ninyo ang mga ito sa iba’t ibang bahagi nito?’ Sa pamamagitan ng pagsipi sa iba’t ibang bahagi ng 66 na aklat sa Bibliya, ginagamit ng mga publikasyon ang maraming kinasihang saksi upang patunayan ang pagiging totoo ng isang turo. Ginamit ni Jesus mismo ang ganitong paraan ng pagtuturo. Nang bigkasin niya ang kaniyang Sermon sa Bundok, gumawa siya ng 21 pag-ulit mula sa Hebreong Kasulatan. Ang diskursong iyan ay naglalaman ng tatlong pagsipi mula sa Exodo, dalawa mula sa Levitico, isa mula sa Bilang, anim mula sa Deuteronomio, isa mula sa Ikalawang Hari, apat mula sa mga Awit, tatlo mula sa Isaias, at isa mula sa Jeremias. Sa paggawa nito, ‘basta na lamang ba nagpapatotoo’ si Jesus? Hindi, sapagkat ‘siya ay nagtuturo na gaya ng isang taong nagtataglay ng awtoridad, at hindi gaya ng mga eskriba.’ Gayon nga sapagkat sinuhayan ni Jesus ang kaniyang turo sa pamamagitan ng awtoridad ng nasusulat na Salita ng Diyos. (Mateo 7:29) Gayundin ang ginawa ni apostol Pablo.

16. Anong maka-Kasulatang mga pagsipi ang ginawa ni Pablo sa Roma 15:7-13?

16 Sa teksto sa kasulatan na matatagpuan sa Roma 15:7-13, sumipi si Pablo mula sa tatlong bahagi ng Hebreong Kasulatan​—ang Kautusan, ang mga Propeta, at ang mga Awit. Ipinakita niya na luluwalhatiin ng mga Judio at mga Gentil ang Diyos, at sa gayo’y dapat tanggapin ng mga Kristiyano ang mga tao ng lahat ng bansa. Sinabi ni Pablo: “Tanggapin ninyo ang isa’t isa, kung paanong tinanggap din tayo ng Kristo, na ukol sa kaluwalhatian ng Diyos. Sapagkat sinasabi ko na si Kristo ay talagang naging ministro niyaong mga tuli alang-alang sa pagkamatapat ng Diyos, upang tiyakin ang mga pangako na Kaniyang ginawa sa kanilang mga ninuno, at upang luwalhatiin ng mga bansa ang Diyos dahil sa kaniyang awa. Gaya ng nasusulat [sa Awit 18:49]: ‘Iyan ang dahilan kung bakit hayagang kikilalanin kita sa gitna ng mga bansa at sa iyong pangalan ay hihimig ako.’ At muli ay sinasabi niya [sa Deuteronomio 32:43]: ‘Matuwa kayo, kayong mga bansa, kasama ng kaniyang bayan.’ At muli [sa Awit 117:1]: ‘Purihin si Jehova, ninyong lahat na mga bansa, at purihin siya ng lahat ng mga bayan.’ At muli ay sinasabi ni Isaias [11:1, 10]: ‘Darating ang ugat ni Jesse, at may isang babangon upang mamahala sa mga bansa; sa kaniya ilalagak ng mga bansa ang kanilang pag-asa.’ Ang Diyos na nagbibigay ng pag-asa ay pumuspos nawa sa inyo ng buong kagalakan at kapayapaan dahil sa inyong paniniwala, upang managana kayo sa pag-asa na may kapangyarihan ng banal na espiritu.” Sa paraang ito ayon sa tema, ipinakita ni Pablo kung paano sisipi ng mga kasulatan upang iharap ang mga katotohanan sa Bibliya.

17. Kasuwato ng anong pamarisan sumisipi ang mga Kristiyano buhat sa iba’t ibang bahagi ng buong Bibliya?

17 Ang unang kinasihang liham ni apostol Pedro ay may 34 na pagsipi mula sa sampung aklat ng Kautusan, ng mga Propeta, at ng mga Awit. Sa kaniyang ikalawang liham, anim na beses sumipi si Pedro mula sa tatlong aklat. Ang Ebanghelyo ni Mateo ay may 122 pagsipi mula sa Genesis hanggang Malakias. Sa 27 aklat ng Griegong Kasulatan, may 320 tuwirang pagsipi buhat sa Genesis hanggang Malakias gayundin ang daan-daang iba pang pagtukoy sa Hebreong Kasulatan. Kasuwato ng pamarisang inilaan ni Jesus at sinunod ng kaniyang mga apostol, kapag ang modernong-panahong mga Kristiyano ay nag-aaral ng isang maka-Kasulatang paksa ayon sa tema, sumisipi sila sa iba’t ibang bahagi ng buong Bibliya. Ito ay lalo nang angkop sa “mga huling araw” na ito, na natutupad ang karamihan sa Hebreo at Griegong Kasulatan. (2 Timoteo 3:1) Ganito ang paggamit sa Bibliya ng ‘tapat na alipin’ sa mga publikasyon nito, ngunit kailanman ay hindi nito dinaragdagan o binabawasan ang Salita ng Diyos.​—Kawikaan 30:5, 6; Apocalipsis 22:18, 19.

Laging Lumakad sa Katotohanan

18. Bakit tayo dapat na ‘lumakad sa katotohanan’?

18 Hindi natin dapat alisin ang anuman mula sa Bibliya, sapagkat ang buong kalipunan ng mga turong Kristiyano sa Salita ng Diyos ay “ang katotohanan” o “ang katotohanan ng mabuting balita.” Ang pagsunod sa katotohanang ito​—‘paglakad’ ayon dito​—ay mahalaga sa kaligtasan. (Galacia 2:5; 2 Juan 4; 1 Timoteo 2:3, 4) Yamang ang Kristiyanismo ang siyang “daan ng katotohanan,” sa pagtulong sa iba na palawakin ang kapakanan nito, tayo ay nagiging “mga kamanggagawa sa katotohanan.”​—2 Pedro 2:2; 3 Juan 8.

19. Paano tayo ‘makapagpapatuloy na lumakad sa katotohanan’?

19 Upang tayo ay ‘makapagpatuloy na lumakad sa katotohanan,’ dapat nating basahin ang Bibliya at gamitin ang espirituwal na tulong na inilalaan ng Diyos sa pamamagitan ng ‘tapat na alipin.’ (3 Juan 4) Gawin sana natin ito para sa ating ikabubuti at upang mapasa kalagayan na makapagturo sa iba tungkol sa Diyos na Jehova, kay Jesu-Kristo, at sa banal na layunin. At magpasalamat tayo na tinutulungan tayo ng espiritu ni Jehova upang maunawaan ang kaniyang Salita at magtagumpay sa paglilingkod sa kaniya sa katotohanan.

Ano ang Iyong Sagot?

◻ Ano ang ilang namamalaging pakinabang sa pagbabasa ng Bibliya?

◻ Bakit dapat pag-aralan ang Bibliya na kasama ang mga kapananampalataya?

◻ Bakit angkop na sumipi buhat sa iba’t ibang bahagi ng buong Bibliya?

◻ Ano ang kahulugan ng ‘paglakad sa katotohanan,’ at paano natin magagawa ito?

[Mga Tanong]

tungkol sa katotohanan?

[Larawan sa pahina 17]

Mga magulang, ituro sa inyong mga anak ang Kasulatan

[Larawan sa pahina 18]

Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinipi ni Jesus ang iba’t ibang bahagi ng Hebreong Kasulatan