Isa Ka Bang Timbang na Payunir?
Isa Ka Bang Timbang na Payunir?
NANGINGISLAP ang mga mata ng ama habang bukás ang bisig na nakaabang sa kaniyang paslit na anak na babae na urong-sulong sa kaniyang unang mga paghakbang. Nang ito’y mabuwal, pinatibay niya ang loob nito upang sumubok muli. Alam niyang malapit na itong makapanimbang at maging matatag.
Sa gayunding paraan, ang isang baguhang ministrong payunir ay baka mangailangan ng panahon at pampatibay-loob bago niya maabot ang panimbang na kailangan upang magtagumpay bilang isang buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian. Maraming payunir ang patuloy na naglilingkod nang may kagalakan sa loob ng maraming dekada. May ilan namang nawalan ng panimbang dahil sa di-inaasahang mga pagbabago sa kanilang kalagayan. May mga nawalan pa nga ng kagalakan. Sa isang bansa, 20 porsiyento niyaong nagsimulang magpayunir ang huminto sa loob ng unang dalawang taon ng kanilang buong-panahong paglilingkod. Ano kaya ang dahilan ng pag-alis ng isang payunir sa pinakamaligayang paglilingkod na ito? May magagawa pa kaya upang maiwasan ang ganitong balakid?
Bagaman ang mahinang katawan, pinansiyal na kagipitan, at pananagutan sa pamilya ang maaaring nagiging dahilan ng pag-alis ng ilan sa buong-panahong ministeryo, ang nakahahadlang sa iba ay ang pagkabigong mapanatili ang mabuting pagkakatimbang ng iba’t ibang obligasyong Kristiyano. Ang pagiging timbang ay nagpapahiwatig ng “isang kalagayan na doo’y walang isang bahagi, elemento, salik, o impluwensiya ang mas mabigat kaysa sa iba o di-kasukat ng iba.”
Ipinakita ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad kung paano gagawin ang pangangaral at paggawa ng mga alagad. Sa kaniyang sariling pagmiministeryo, ipinamalas niya kung paano mapananatili ang pagiging timbang. Ipinakita ni Jesus na ang mga relihiyosong lider na Judio ay di-timbang, na sinasabi sa kanila: “Ibinibigay ninyo ang ikasampu ng yerbabuena at ng eneldo at ng komino, ngunit niwalang-halaga ninyo ang mas matimbang na mga bagay ng Batas, alalaong baga, katarungan at awa at katapatan. Ang mga bagay na ito ay kinakailangang gawin, gayunma’y huwag waling-halaga ang iba pang mga bagay.”—Mateo 23:23.
Kapit na kapit pa rin ngayon ang simulaing ito, lalo na sa ministeryo ng pagpapayunir. Udyok ng labis na kasiglahan at mabuting layunin, ang ilan ay nagpayunir nang walang lubusang paghahanda o pagsasaalang-alang ng lahat ng sangkot dito. Lucas 14:27, 28) Ang iba naman ay wiling-wili sa ministeryo sa larangan anupat nakaligtaan na nila ang iba pang mahalagang pitak ng Kristiyanismo. Paano nila matatamo at mapananatili ang pagiging timbang?
(Manatiling Malakas sa Espirituwal!
Hindi kailanman kinaligtaan ni Jesus ang kaniyang espirituwalidad. Bagaman kinailangan ang halos lahat ng kaniyang panahon para sa mga taong ibig makinig sa kaniya at mapagaling, tumigil muna siya upang magmuni-muni sa panalangin. (Marcos 1:35; Lucas 6:12) Ang timbang na pagpapayunir sa ngayon ay humihiling din na gamitin nang husto ang lahat ng paglalaan upang makapanatiling malakas sa espirituwal. Nangatuwiran si Pablo: “Gayunman, ikaw ba, ang isa na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili?” (Roma 2:21) Tiyak na magiging isang pagkakamali kung gugugulin ng isa ang kaniyang buong panahon sa pangangaral sa iba samantalang nawawalan naman ng panahon para sa sapat na personal na pag-aaral at palagiang pananalangin.
Dalawang dekada nang nagpapayunir si Kumiko. Bagaman siya’y may tatlong anak at di-sumasampalatayang asawa, natuklasan niya mula sa karanasan na ang pinakamabuting panahon para sa kaniya na basahin at pag-aralan ang Bibliya ay yaong bago siya matulog. Sa kaniyang pag-aaral, partikular niyang itinatala ang mga punto na magagamit niya sa ministeryo sa larangan upang mapanatili niyang bago’t bago at kapana-panabik ang kaniyang pang-araw-araw na ministeryo. Ang iba namang matagumpay na mga payunir ay bumabangon nang mas maaga sa iba niyang kapamilya upang tamasahin ang espirituwal na pagpapanibagong-lakas sa tahimik na mga oras sa umaga. Marahil ay may iba ka namang angkop na panahon na inilaan upang makapaghanda sa pulong at makialinsabay sa mga pinakabagong publikasyong Kristiyano. Kung hangad mong mapanatili ang kagalakan sa ministeryo, ang personal na pag-aaral ay isang bagay na hindi dapat madaliin o kaligtaan.
Pagtitimbang sa mga Pananagutan sa Pamilya
Kailangan ding tandaan ng nagpapayunir na mga magulang na ang isang malaking bahagi ng “kalooban ni Jehova” para sa kanila ay nagsasangkot ng pag-aasikaso sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan ng kanilang sariling pamilya. (Efeso 5:17; 6:1-4; 1 Timoteo 5:8) Kung minsan maging ang sumasampalatayang kabiyak at mga miyembro ng pamilya ay nangangambang baka hindi na nila madama ang kaaliwan at suporta mula sa asawa at ina kapag ito’y nagsimulang magpayunir. Ang gayong mga damdamin ay nagbubunga ng isang di-gaanong masiglang pagtugon sa kaniyang pagnanais na maging isang payunir. Gayunman, kung may mabuting pagsasaplano at maingat na pagsasaalang-alang sa kinabukasan, mapananatili ang pagiging timbang.
Maraming payunir ang nagsisikap na magawa ang lahat ng kanilang pangangaral kapag wala sa bahay ang mga miyembro ng pamilya. Si Kumiko, na binanggit kanina, ay kasama ng kaniyang pamilya sa kanilang pag-aalmusal, hinihintay munang makaalis ang kaniyang asawa at mga anak sa umaga, at nasa bahay na siya bago umuwi ang mga ito. Patiuna na siyang nagluluto ng maraming pagkain kung Lunes nang sa gayon ay relaks na siya at nakakasabay ng kaniyang pamilya sa pagkain sa halip na maging abala sa kusina. Ang paggawang magkasabay ng higit sa isang gawain, gaya ng iba pang gawaing-bahay habang naghahanda ng pagkain, ay nakatutulong din. Sa ganitong paraan ay nagkakapanahon pa man din si Kumiko na anyayahan ang mga kaibigan ng kaniyang mga anak at paghandaan sila ng isang sorpresa.
Habang lumalaki ang mga bata sa kanilang pagiging mga tin-edyer, karaniwan nang kailangan nila ng higit na atensiyon mula sa kanilang mga magulang sa pagharap sa mga bagong emosyon, adhikain, pag-aalinlangan, at pangambang pumupuspos sa kanila. Nangangailangan ito ng pagiging listo at pagbabago sa iskedyul ng isang magulang na payunir. Tingnan si Hisako, isang inang payunir na may tatlong anak. Ano ang ginawa niya nang ang kaniyang panganay na anak na babae ay magsimulang magpakita ng kawalan ng galak at sigla sa mga Kristiyanong pagpupulong at sa paglilingkod sa larangan dahil sa impluwensiya ng makasanlibutang mga kaibigan sa paaralan? Ang talagang kailangan ay ang dibdibin ng kaniyang anak na babae ang katotohanan Santiago 4:4.
at lubusang makumbinse na ang paghiwalay sa sanlibutan ang pinakamagaling na landasin.—Sabi ni Hisako: “Ipinasiya kong ipakipag-aral na muli sa kaniya ang mga pangunahing doktrina sa aklat na Mabuhay Magpakailanman araw-araw. Sa pasimula ay mga ilang minuto lamang kaming nag-aaral, yamang madalas na idinadaing ng aking anak ang matinding sakit ng tiyan at ulo kapag oras na ng pag-aaral. Ngunit ginawa kong regular ang pag-aaral. Pagkalipas ng ilang buwan, sumulong nang malaki ang kaniyang espiritu, na umakay sa kaniyang pag-aalay at bautismo sa loob ng maikling panahon lamang.” Ngayon ay tinatamasa ni Hisako ang buong-panahong ministeryo kasama ng kaniyang anak.
Ang mga amang nagpapayunir ay kailangan ding maging maingat na sila’y di labis na mahumaling sa pangangalaga sa mga interesado sa larangan at sa kanilang mga tungkulin sa kongregasyon anupat ang kanilang lumalaking mga anak ay hindi na nila nabibigyan ng matibay na emosyonal na pagsuporta at patnubay na nararapat sa kanila. Ito’y hindi isang bagay na maililipat ng isang asawang lalaki sa kaniyang kabiyak. Ang isang abalang Kristiyanong matanda na matagal nang payunir at nangangasiwa pa rin ng isang maliit na negosyo ay naglalaan ng panahon na makipag-aral sa bawat isa sa kaniyang apat na anak. (Efeso 6:4) Bukod dito, naghahanda siya para sa lingguhang pulong kasama ng kaniyang pamilya. Hindi kinaliligtaan ng timbang na mga payunir ang kanilang pamilya sa materyal at espirituwal na paraan.
Pagiging Timbang sa Kabuhayan
Ang angkop na pangmalas sa pang-araw-araw na pangangailangan ay isa pang bahagi na doo’y kailangang magsikap ang mga payunir na mapanatili ang mabuting pagkakatimbang. Muli, malaki ang ating matututuhan sa magandang halimbawa at payo ni Jesus. Siya’y nagbabala sa pagiging labis na nababalisa tungkol sa materyal na mga álalahanín. Sa halip, hinimok niya ang kaniyang mga alagad na unahin ang Kaharian, na nangangakong sila’y pagmamalasakitan ng Diyos na gaya ng kaniyang ginagawa sa iba pa niyang mga nilalang. (Mateo 6:25-34) Sa pagsunod sa mabuting payong ito, maraming payunir ang nakapanatili sa buong-panahong paglilingkod sa loob ng maraming taon, at pinagpala ni Jehova ang kanilang pagsisikap na makasumpong ng ‘tinapay sa araw-araw.’—Mateo 6:11.
Pinayuhan ni apostol Pablo ang kapuwa mga Kristiyano na ‘hayaang malaman ng lahat ng tao ang kanilang pagka-makatuwiran.’ (Filipos 4:5) Tiyak kung gayon, ang pagka-makatuwiran ay mangangailangan na ating wastong pangangalagaan ang ating kalusugan. Gumagawa ng lahat ng pagsisikap ang timbang na mga payunir na maipakita ang pagka-makatuwiran sa kanilang paraan ng pamumuhay at sa kanilang saloobin sa materyal na mga bagay, na nalalamang minamatyagan ng iba ang kanilang paggawi.—Ihambing ang 1 Corinto 4:9.
Ang mga kabataang naglilingkod bilang mga payunir ay dapat umiwas sa di-nararapat na pagsasamantala sa pagkabukas-palad ng kanilang mga magulang. Kung sila’y nakatira sa tahanan ng kanilang mga magulang, maipakikita nila ang mabuting pagkakatimbang at pagpapahalaga kung sila’y makikitulong sa mga gawaing-bahay at magkakaroon ng pansamantalang trabaho na magpapangyari sa kanilang makatulong sa gastusin sa tahanan.—2 Tesalonica 3:10.
Isang Tunay na Pagpapala ang Timbang na mga Payunir
Marahil ay isa kang payunir na nagsusumakit na mapanatili ang wastong pagkakatimbang. Magtiwala ka. Kung paanong ang isang paslit ay nangangailangan ng panahon upang makapanimbang at makalakad, maraming maygulang na mga payunir ang nagsasabing nangailangan sila ng panahon upang matamo ang pagiging timbang sa pag-aasikaso sa lahat ng kanilang mga tungkulin.
Ang pagsasagawa ng personal na pag-aaral, pag-aasikaso sa mga miyembro ng pamilya, at pagtustos sa kanilang sariling materyal na pangangailangan ay ilan sa mga bahagi na doo’y nagsisikap ang mga payunir na maging timbang. Ipinakikita ng mga ulat na maraming payunir ang nakagaganap ng kanilang mga pananagutan sa isang kapuri-puring paraan. Sila’y tunay na pagpapala sa pamayanan at kapurihan kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.