Isang Munting Batang Babae na Nagsalita Nang May Lakas ng Loob
Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Isang Munting Batang Babae na Nagsalita Nang May Lakas ng Loob
NOONG ikasampung siglo B.C.E., maigting ang ugnayan ng Israel at ng Siria. Ang mga pagsiklab ng labanan ay totoong karaniwan anupat nang lumipas ang tatlong taon na walang nangyaring karahasan, ito ay napaulat sa kasaysayan.—1 Hari 22:1.
Lalo nang mapanganib noong panahong iyon ang mga pangkat ng mga mandarambong na Siriano, na ang ilan ay binubuo ng daan-daang sundalo. Ang mga mandirigmang ito ay lumulusob at nandarambong sa mga Israelita, anupat inaagaw at dinadalang-bihag ang marami—maging mga bata.
Sa isang paglusob, “isang munting batang babae” ang walang-awang dinukot mula sa kaniyang pamilyang may takot sa Diyos. (2 Hari 5:2) Yamang dinala sa Siria, siya ay napilitang mamuhay kasama niyaong mga nakatatakot at kakatuwa para sa kaniya—isang bayan na sumasamba sa araw, buwan, mga bituin, punungkahoy, halaman, at maging sa mga bato. Talagang ibang-iba sila sa kaniyang pamilya at mga kaibigan, na sumasamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova! Gayunman, maging sa kakatuwang kapaligirang ito, nagpamalas ang batang babaing ito ng pambihirang lakas ng loob may kinalaman sa pagsamba kay Jehova. Bunga nito, binago niya ang buhay ng isang prominenteng opisyal na naglilingkod sa hari ng Siria. Tingnan natin kung paano.
Lakas ng Loob na Magsalita
Hindi binanggit ang pangalan ng munting batang babae sa salaysay ng Bibliya. Siya ay naging alilang babae ng asawa ni Naaman, isang magiting na hepe ng hukbo ni Haring Ben-hadad II. (2 Hari 5:1) Bagaman siya ay lubhang iginagalang, si Naaman ay may nakapandidiring sakit na ketong.
Marahil ang magalang na asal ng batang babae ang nag-udyok sa asawa ni Naaman na magtapat sa kaniya. Maaaring itinanong ng babae sa bata, ‘Ano ang ginagawa sa mga may ketong sa Israel?’ Ang kabataang Israelitang ito ay hindi nangiming nagsabi: “Kung ang aking panginoon ay nasa harap lamang ng propeta na nasa Samaria! Kung magkagayo’y pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong.”—2 Hari 5:3.
Ang mga salita ng batang babaing ito ay hindi itinuring na guni-guni ng isang bata. Sa halip, ang mga ito ay iniulat kay Haring Ben-hadad, na nagsugo kay Naaman at sa iba pa sa isang 150-kilometrong paglalakbay patungong Samaria upang hanapin ang propetang ito.—2 Hari 5:4, 5.
Ang Paggaling ni Naaman
Si Naaman at ang kaniyang mga tauhan ay nagtungo kay Haring Jehoram ng Israel, na dala-dala ang isang liham ng pagpapakilala buhat kay Ben-hadad at isang malaki-laking kaloob na salapi. Hindi kataka-taka, ang mananamba-sa-guya na si Haring Jehoram ay hindi nagpamalas ng pananampalataya sa propeta ng Diyos di-tulad ng alilang batang babae. Bagkus, inakala niya na si Naaman ay dumating upang humanap ng away. Nang mabalitaan ng propeta ng Diyos na si Eliseo ang pagkabagabag ni Jehoram, agad siyang nagpadala ng mensahe na humihiling na papuntahin si Naaman sa kaniyang bahay.—2 Hari 5:6-8.
Nang makarating si Naaman sa bahay ni Eliseo, ang propeta ay nagsugo ng mensahero na nagsabi sa kaniya: “Dapat kang maligo nang pitong ulit sa Jordan upang manumbalik sa iyo ang iyong laman; at maging malinis.” (2 Hari 5:9, 10) Nagalit si Naaman. Palibhasa’y inaasahan ang isang makahimala at maseremonyang pagpapagaling, itinanong niya: “Hindi ba ang Abana at ang Farpar, ang mga ilog ng Damasco, ay mas maigi kaysa sa lahat ng katubigan ng Israel? Hindi ba ako makapaliligo sa mga iyon at tiyak na lilinis?” Galit na galit na umalis si Naaman sa bahay ni Eliseo. Subalit nang ang lingkod ni Naaman ay nangatuwiran sa kaniya, nagpaunlak siya. Pagkatapos maligo nang pitong ulit sa Ilog ng Jordan, “ang kaniyang laman ay nanumbalik na gaya ng laman ng isang munting batang lalaki at siya ay luminis.”—2 Hari 5:11-14.
Nang magbalik kay Eliseo, sinabi ni Naaman: “Narito, ngayon, tiyak ko na walang Diyos saanman sa lupa kundi sa Israel lamang.” Ipinangako ni Naaman na siya ay “hindi na maghahandog pa ng isang handog na sinunog o isang hain sa kaninumang ibang diyos liban lamang kay Jehova.”—2 Hari 5:15-17.
Mga Aral Para sa Atin
Hindi pupunta si Naaman sa propetang si Eliseo kung hindi lakas-loob na nagsalita ang alilang batang babae. Sa ngayon, maraming kabataan ang gumagawa nang gayon. Sa paaralan, maaaring napaliligiran sila ng mga estudyante na walang interes na maglingkod sa Diyos. Gayunpaman, nagsasalita sila tungkol sa kanilang paniwala. Ang ilan sa kanila ay gumawa na ng gayon noong sila ay nasa murang gulang pa.
Kuning halimbawa si Alexandra, isang limang-taóng-gulang na batang babae sa Australia. Nang siya ay nagsimulang mag-aral, nakipagtipan ang kaniyang ina sa kaniyang guro upang ipaliwanag ang mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Subalit nagulat na lamang ang ina ni Alexandra nang siya ay makarating doon. “Marami na akong alam sa inyong mga paniniwala, gayundin sa gagawin at di-gagawin ni Alexandra sa paaralan,” ang sabi ng guro. Nagulat ang ina ni Alexandra, yamang walang ibang batang Saksi sa paaralan. “Sinabi na ni Alexandra sa amin,” paliwanag ng guro. Oo, ang munting batang babaing ito ay mataktikang nakipagtalakayan sa kaniyang guro.
Ang gayong mga kabataan ay nagsasalita nang may lakas ng loob. Sila kung gayon ay kumikilos na kasuwato ng Awit 148:12, 13: “Kayong mga kabataang lalaki at kayo ring mga birhen, kayong matatanda kasama ng mga batang lalaki. Hayaang purihin nila ang pangalan ni Jehova, sapagkat ang pangalan lamang niya ang di-maabot sa kataasan. Ang kaniyang dignidad ay mas mataas sa lupa at sa langit.”