Iukol Mo ang Iyong Sarili sa Pagbabasa
Iukol Mo ang Iyong Sarili sa Pagbabasa
“Habang ako ay papariyan, patuloy na ituon mo ang iyong sarili sa pangmadlang pagbabasa, sa masidhing pagpapayo, sa pagtuturo.”—1 TIMOTEO 4:13.
1. Paano tayo makikinabang sa pagbabasa ng Bibliya?
PINAGKALOOBAN ng Diyos na Jehova ang sangkatauhan ng kahanga-hangang kakayahan na matutong bumasa at sumulat. Inilaan din niya ang kaniyang Salita, ang Bibliya, upang tayo’y maturuang mainam. (Isaias 30:20, 21) Sa diwa, pinapangyayari ng mga pahina nito na tayo’y “makalakad” na kasama ng may-takot sa Diyos na mga patriyarkang gaya nina Abraham, Isaac, at Jacob. Ating “nakikita” ang maka-Diyos na mga babaing tulad nina Sara, Rebeka, at ang tapat na Moabitang si Ruth. Oo, at “naririnig” natin si Jesu-Kristo na bumibigkas ng kaniyang Sermon sa Bundok. Lahat ng nakalulugod at dakilang instruksiyong ito buhat sa Banal na Kasulatan ay mapapasa atin kung tayo ay mahuhusay na tagabasa.
2. Ano ang nagpapakita na si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay mahuhusay na tagabasa?
2 Walang alinlangan, ang sakdal na taong si Jesu-Kristo ay isang napakahusay na tagabasa, at tiyak na bihasa siya sa Hebreong Kasulatan. Kaya naman, nang tuksuhin ng Diyablo, paulit-ulit na tinukoy ni Jesus ang mga ito at sinabi, “Nasusulat.” (Mateo 4:4, 7, 10) Minsan sa sinagoga sa Nazaret, kaniyang hayagang binasa at ikinapit sa kaniyang sarili ang bahagi ng hula ni Isaias. (Lucas 4:16-21) Kumusta naman ang mga apostol ni Jesus? Sa kanilang mga isinulat, malimit silang sumipi sa Hebreong Kasulatan. Bagaman minalas ng mga tagapamahalang Judio sina Pedro at Juan bilang mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan sapagkat hindi sila nakapag-aral sa mga paaralang Hebreo para sa mataas na edukasyon, ang kanilang mga liham na kinasihan ng Diyos ay maliwanag na nagpapatunay na sila’y mahuhusay bumasa at sumulat. (Gawa 4:13) Subalit talaga nga bang mahalaga ang kakayahang bumasa?
“Maligaya Siya na Bumabasa Nang Malakas”
3. Bakit napakahalaga na basahin ang Kasulatan at ang mga publikasyong Kristiyano?
3 Ang pagkuha at pagkakapit ng tumpak na kaalaman sa Kasulatan ay maaaring magbunga ng buhay na walang-hanggan. (Juan 17:3) Kaya naman talos ng mga Saksi ni Jehova na napakahalagang basahin at pag-aralan ang Banal na Kasulatan at ang mga publikasyong Kristiyano na inilalaan ng Diyos sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin ng mga pinahirang Kristiyano. (Mateo 24:45-47) Sa katunayan, sa paggamit ng pantanging dinisenyong mga publikasyon ng Watch Tower, libu-libo ang naturuang bumasa at sa gayo’y nagtamo ng nagbibigay-buhay na kaalaman sa Salita ng Diyos.
4. (a) Bakit kaligayahan ang ibinubunga ng pagbabasa, pag-aaral, at pagkakapit ng Salita ng Diyos? (b) Hinggil sa pagbabasa, ano ang sinabi ni Pablo kay Timoteo?
4 Kaligayahan ang ibinubunga ng pagbabasa, pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos. Gayon nga sapagkat sa pamamagitan nito ay napalulugdan at napararangalan natin ang Diyos, nagtatamo tayo ng kaniyang pagpapala, at nakararanas tayo ng kagalakan. Ibig ni Jehova na maging maligaya ang kaniyang mga lingkod. Kaya naman, iniutos niya sa mga saserdote na basahin ang kaniyang Kautusan sa bayan ng sinaunang Israel. (Deuteronomio 31:9-12) Nang basahin ni Ezra na tagakopya at ng iba pa ang Kautusan sa buong bayan na nagkatipon sa Jerusalem, niliwanag ang kahulugan nito, at iyon ay nagbunga ng “matinding pagsasaya.” (Nehemias 8:6-8, 12) Nang maglaon ay sinabi ng Kristiyanong apostol na si Pablo sa kaniyang kamanggagawang si Timoteo: “Habang ako ay papariyan, patuloy na ituon mo ang iyong sarili sa pangmadlang pagbabasa, sa masidhing pagpapayo, sa pagtuturo.” (1 Timoteo 4:13) Ganito ang mababasa sa isa pang salin: “Iukol mo ang iyong sarili sa pangmadlang pagbabasa ng Kasulatan.”—New International Version.
5. Paano iniuugnay ng Apocalipsis 1:3 ang kaligayahan sa pagbabasa?
5 Na ang ating kaligayahan ay nakasalalay sa pagbabasa at pagkakapit ng Salita ng Diyos ay niliwanag sa Apocalipsis 1:3. Doon ay sinasabihan tayo: “Maligaya siya na bumabasa nang malakas at yaong mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito, at tumutupad sa mga bagay na nasusulat dito; sapagkat ang itinakdang panahon ay malapit na.” Oo, kailangan nating basahin nang malakas at pakinggan ang makahulang salita ng Diyos sa Apocalipsis at sa buong Kasulatan. Ang taong tunay na maligaya ay ang isa na ang “kaluguran ay nasa kautusan ni Jehova, at ang kaniyang kautusan ay binabasa niya nang pabulong araw at gabi.” Ang resulta? “Ang lahat ng bagay na ginagawa niya ay magtatagumpay.” (Awit 1:1-3) May mabuting dahilan, kung gayon, na hinihimok ng organisasyon ni Jehova ang bawat isa sa atin na basahin at pag-aralan ang kaniyang Salita nang sarilinan, bilang pamilya, at kasama ng mga kaibigan.
Ibuhos ang Iyong Isip at Magbulay-bulay Ka
6. Ano ang iniutos kay Josue upang basahin, at paano ito kapaki-pakinabang?
6 Paano ka lubusang makikinabang sa iyong pagbabasa ng Salita ng Diyos at ng mga publikasyong Kristiyano? Malamang na masusumpungan mong kapaki-pakinabang ang ginawa ni Josue, isang may-takot sa Diyos na lider ng sinaunang Israel. Siya’y inutusan: “Ang aklat na ito ng kautusan ay hindi dapat mahiwalay mula sa iyong bibig, at dapat kang bumasa nang pabulong mula rito araw at gabi, upang maingatan mong gawin ayon sa lahat ng nasusulat doon; sapagkat kung magkagayon ay gagawin mong matagumpay ang iyong daan at kung magkagayon ay kikilos ka nang may karunungan.” (Josue 1:8) Ang ‘pagbabasa nang pabulong’ ay nangangahulugan na binibigkas mo ang mga salita sa iyong sarili sa isang mahinang tinig. Ito ay isang pantulong sa memorya, sapagkat ikinikintal nito sa isip ang materyal. Kailangang basahin ni Josue ang Kautusan ng Diyos “araw at gabi,” o nang regular. Iyan ang paraan upang maging matagumpay at kumilos nang may karunungan sa pagganap sa bigay-Diyos na mga pananagutan. Ang gayong regular na pagbabasa ng Salita ng Diyos ay makatutulong sa iyo sa katulad na paraan.
7. Bakit hindi tayo dapat na magmadali kapag nagbabasa ng Salita ng Diyos?
7 Huwag magmadali kapag nagbabasa ng Salita ng Diyos. Kung isinaplano mong gumugol ng isang yugto ng panahon sa pagbabasa ng Bibliya o ng ilang publikasyong Kristiyano, baka naisin mong bumasa nang dahan-dahan. Ito ay lalo nang mahalaga kapag ang layunin mo sa pag-aaral ay ang matandaan ang mahahalagang punto. At kapag nagbabasa ka, ibuhos ang iyong isip. Suriin ang mga sinabi ng manunulat ng Bibliya. Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang kaniyang punto? Ano ang dapat kong gawin sa impormasyong ito?’
8. Bakit kapaki-pakinabang na magbulay-bulay kapag nagbabasa ng Kasulatan?
8 Gumugol ng panahon sa pagbubulay-bulay habang nagbabasa ng Banal na Kasulatan. Tutulong ito sa iyo upang matandaan ang mga salaysay sa Bibliya at maikapit ang mga simulain sa Kasulatan. Ang pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos at sa gayo’y pagkikintal ng mga punto sa iyong isip ay magpapangyari rin na makapagsalita ka mula sa puso, anupat nakapagbibigay ng maiinam na sagot sa mga taimtim na nagtatanong sa halip na magsalita ng isang bagay na pagsisisihan mo sa dakong huli. Ganito ang sabi ng isang kawikaang kinasihan ng Diyos: “Ang puso ng isa na matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.”—Kawikaan 15:28.
Iugnay ang mga Bagong Punto sa mga Dating Natutuhan
9, 10. Paanong ang iyong pagbabasa ng Bibliya ay mapasusulong ng pag-uugnay ng mga bagong punto sa Kasulatan doon sa mga dati mo nang alam?
9 Maraming Kristiyano ang tiyak na aamin na dati ay kaunti lamang ang alam nila tungkol sa Diyos, sa kaniyang Salita, at sa kaniyang mga layunin. Subalit ngayon, maipaliliwanag ng mga Kristiyanong ministrong ito, pasimula sa paglalang at pagkahulog ng tao sa pagkakasala, ang layunin ng hain ni Kristo, masasabi ang tungkol sa pagpuksa sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay, at maipakikita kung paanong ang masunuring sangkatauhan ay pagpapalain ng walang-hanggang buhay sa paraisong lupa. Ito ay posible pangunahin na dahil ang mga lingkod na ito ni Jehova ay kumuha ng “mismong kaalaman ng Diyos” sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at ng mga publikasyong Kristiyano. (Kawikaan 2:1-5) Unti-unti nilang naiugnay ang mga bagong puntong natutuhan doon sa mga dati na nilang naunawaan.
10 Kapaki-pakinabang at kasiya-siya ang pag-uugnay ng mga bagong puntong maka-Kasulatan doon sa mga dati mo nang alam. (Isaias 48:17) Kapag inihaharap ang mga batas, simulain, o maging ang mga idea sa Bibliya na medyo mahirap unawain, iugnay ang mga ito sa dati mo nang alam. Itugma ang impormasyon sa natutuhan mo tungkol sa “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita.” (2 Timoteo 1:13) Hanapin ang mga impormasyon na makatutulong sa iyo upang mapatibay ang iyong kaugnayan sa Diyos, mapasulong ang iyong Kristiyanong personalidad, o makatulong sa iyo sa pamamahagi sa iba ng mga katotohanan sa Bibliya.
11. Ano ang maaari mong gawin kapag nagbabasa ng isang bagay na sinasabi ng Bibliya tungkol sa paggawi? Ilarawan.
11 Kapag nagbabasa ng isang bagay na sinasabi ng Bibliya tungkol sa paggawi, sikaping maunawaan ang simulaing nasasangkot. Bulay-bulayin iyon, at magpasiya kung ano ang gagawin mo sa ilalim ng gayunding mga kalagayan. Mahigpit na tinanggihan ng anak ni Jacob na si Jose ang paggawa ng seksuwal na imoralidad kasama ng asawa ni Potipar, anupat nagtanong: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at aktuwal na magkasala sa Diyos?” (Genesis 39:7-9) Sa madulang salaysay na ito, masusumpungan mo ang isang saligang simulain—ang seksuwal na imoralidad ay isang kasalanan laban sa Diyos. Sa iyong isip ay maiuugnay mo ang simulaing ito sa iba pang pangungusap sa Salita ng Diyos, at makikinabang ka sa paggunita rito kung ikaw ay nakaharap sa tukso na gumawa ng gayong pagkakasala.—1 Corinto 6:9-11.
Ilarawan sa Isip ang mga Pangyayari sa Kasulatan
12. Bakit dapat na ilarawan sa isip ang mga salaysay sa Bibliya habang binabasa mo ang mga ito?
12 Upang maikintal sa iyong isip ang mga punto habang nagbabasa ka, ilarawan sa iyong isip kung ano ang nangyayari. Isip-isipin ang kapaligiran, ang mga tahanan, ang mga tao. Pakinggan ang kanilang tinig. Langhapin ang amoy ng tinapay na niluluto sa pugon. Muling-buhayin ang mga tagpo. Kung magkagayon ang iyong pagbabasa ay magiging isang nakaaantig na karanasan, sapagkat maaari mong makita ang isang sinaunang lunsod, maakyat ang isang matayog na bundok, manggilalas sa mga kababalaghan ng paglalang, o makasalamuha ang mga lalaki at babaing may malaking pananampalataya.
13. Paano mo ilalarawan ang nakaulat sa Hukom 7:19-22?
13 Ipagpalagay na binabasa mo ang Hukom 7:19-22. Ilarawan sa iyong isip kung ano ang nagaganap. Si Hukom Gideon at ang tatlong daang magigiting na lalaking Israelita ay pumuwesto sa gilid ng kampo ng mga Midianita. Noon ay mga ikasampu ng gabi, ang pasimula ng “pagbabantay sa kalagitnaan ng gabi.” Kapupuwesto pa lamang ng mga guwardiyang Midianita, at nababalutan ng kadiliman ang kampamento ng natutulog na mga kaaway ng mga Israelita. Narito! Si Gideon at ang kaniyang mga tauhan ay may hawak na mga tambuli. Mayroon silang malalaking banga ng tubig na tumatakip sa mga sulo na hawak ng kanilang kaliwang kamay. Biglang-bigla, bawat isa sa tatlong pangkat na tig-iisang daan ay humihip ng tambuli, binasag ang mga banga, itinaas ang mga sulo, at sumigaw: “Ang tabak ni Jehova at ni Gideon!” Tingnan mo ang kampo. Aba, nagtatakbuhan at nagsisigawan ang mga Midianita! Habang patuloy ng hinihipan ng tatlong daan ang kanilang mga tambuli, pinapangyari ng Diyos na ang mga Midianita ay magbangon ng tabak laban sa isa’t isa. Tumakas ang Midian, at pinagtagumpay ni Jehova ang Israel.
Matuto ng Mahahalagang Aral
14. Paano magagamit ang Hukom kabanata 9 sa pagtuturo sa isang bata ng pangangailangan na maging mapagpakumbaba?
14 Sa pagbabasa ng Salita ng Diyos, matututo tayo ng maraming aral. Halimbawa, baka ibig mong ikintal sa iyong mga anak ang pangangailangan na maging mapagpakumbaba. Buweno, madaling ilarawan sa isip at makuha ang punto ng sinabi sa hula ni Jotham na anak ni Gideon. Magsimulang magbasa sa Hukom 9:8. “Minsan noong malaon nang panahon,” sabi ni Jotham, “ang mga punungkahoy ay humayo upang pahiran ang isang hari sa ibabaw nila.” Ang puno ng olibo, ang puno ng igos, at ang puno ng ubas ay tumangging mamahala. Subalit ang mababang kambron ay nalulugod na maging tagapamahala. Pagkatapos basahin nang malakas ang salaysay sa iyong mga anak, maaari mong ipaliwanag na ang mahahalagang halaman ay lumalarawan sa mga taong karapat-dapat ngunit hindi naghahangad ng posisyon ng pagkahari sa kanilang mga kapuwa Israelita. Ang kambron, na ginagamit lamang na panggatong, ay lumalarawan sa paghahari ng hambog na si Abimelec, isang mamamatay-tao na ibig mangibabaw sa iba ngunit nasawi bilang katuparan ng hula ni Jotham. (Hukom, kabanata 9) Sinong bata ang ibig na lumaki at maging katulad ng isang kambron?
15. Paano itinampok sa aklat ng Ruth ang kahalagahan ng pagiging matapat?
15 Ang kahalagahan ng pagiging matapat ay niliwanag sa aklat ng Bibliya na Ruth. Ipagpalagay na ang mga miyembro ng iyong pamilya ay naghahali-halili sa pagbabasa nang malakas ng salaysay na iyan at nagsisikap na maunawaan ang sinasabi nito. Nakikita mo ang Moabitang si Ruth na naglalakbay patungo sa Betlehem kasama ng kaniyang biyudang biyenan, si Naomi, at naririnig mong sinasabi ni Ruth: “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” (Ruth 1:16) Ang masipag na si Ruth ay nakikitang namumulot sa likuran ng mga mang-aani sa bukid ni Boaz. Narinig mong pinapurihan niya siya, anupat sinasabi: “Lahat ng nasa pintuan ng aking bayan ay nakababatid na ikaw ay isang napakahusay na babae.” (Ruth 3:11) Di-nagtagal, pinakasalan ni Boaz si Ruth. Kasuwato ng kaayusan sa pag-aasawa ng bayaw, sa pamamagitan ni Boaz ay nagluwal siya ng anak “kay Naomi.” Si Ruth ay naging ninuno ni David at ni Jesu-Kristo nang dakong huli. Sa gayo’y natamo niya ang “isang sakdal na kabayaran.” Bukod dito, yaong nagbabasa ng maka-Kasulatang salaysay ay natututo ng isang mahalagang aral: Maging matapat kay Jehova, at ikaw ay pagpapalain nang sagana.—Ruth 2:12; 4:17-22; Kawikaan 10:22; Mateo 1:1, 5, 6.
16. Sa anong pagsubok sumailalim ang tatlong Hebreo, at paano tayo matutulungan ng salaysay na ito?
16 Ang ulat tungkol sa mga Hebreong nagngangalang Sadrac, Mesac, at Abednego ay makatutulong sa ating maging tapat sa Diyos sa mga mahihirap na sitwasyon. Ilarawan sa isip ang pangyayari habang binabasa nang malakas ang Daniel kabanata 3. Pagkataas-taas na malaking imaheng ginto ang nasa ibabaw ng kapatagan ng Dura, kung saan nagkakatipon ang mga opisyal ng Babilonya. Nang tumunog ang mga instrumentong pangmusika, nagpatirapa sila at sumamba sa imahen na itinayo ni Haring Nabucodonosor. Samakatuwid nga, lahat ay gumawa nang gayon maliban kina Sadrac, Mesac, at Abednego. Magalang ngunit matatag na sinabi nila sa hari na hindi nila paglilingkuran ang kaniyang mga diyos at sasambahin ang imaheng ginto. Ang mga kabataang Hebreong ito ay ibinulid sa isang pagkainit-init na hurno. Pero ano ang nangyari? Nang tingnan ang loob, nakita ng hari ang apat na matipunong lalaki, isa sa kanila ay “nakakahalintulad ng anak ng mga diyos.” (Daniel 3:25) Ang tatlong Hebreo ay inilabas mula sa hurno, at pinagpala ni Nabucodonosor ang kanilang Diyos. Kasiya-siyang ilarawan sa isip ang salaysay. At anong inam na aral ang inilalaan nito hinggil sa katapatan kay Jehova sa ilalim ng pagsubok!
Makinabang sa Pagbabasa ng Bibliya Bilang Isang Pamilya
17. Banggitin sa maikli ang ilan sa kapaki-pakinabang na mga bagay na matututuhan ng inyong pamilya sa pagbabasa ng Bibliya nang sama-sama.
17 Maaaring tamasahin ng iyong pamilya ang maraming kapakinabangan kung regular na gumugugol kayo ng panahon sa pagbabasa ng Bibliya nang sama-sama. Pasimula sa Genesis, masasaksihan ninyo ang paglalang at mamamasdan ninyo ang orihinal na Paraisong tahanan ng tao. Makikibahagi kayo sa mga karanasan ng tapat na mga patriyarka at ng kanilang pamilya at masusubaybayan ang mga Israelita habang tinatawid nila ang tuyong sahig ng Dagat na Pula. Makikita ninyong nilulupig ng binatilyong pastol na si David ang Filisteong higante na si Goliat. Matutunghayan ng inyong pamilya ang pagtatayo ng templo ni Jehova sa Jerusalem, makikitang ito’y itiniwangwang ng mga pangkat mula sa Babilonya, at mamamalas ang muling pagtatayo nito sa ilalim ni Gobernador Zerubabel. Kasama ng mapagpakumbabang mga pastol malapit sa Betlehem, maririnig ninyo ang pagpapatalastas ng mga anghel tungkol sa pagsilang ni Jesus. Makukuha ninyo ang mga detalye tungkol sa kaniyang bautismo at ministeryo, at makikita ninyo siyang isinusuko ang kaniyang buhay bilang pantubos, at makakabahagi sa kagalakan ng kaniyang pagkabuhay-muli. Sumunod, makapaglalakbay kayo kasama ni apostol Pablo at masasaksihan ang pagkatatag ng mga kongregasyon habang lumalaganap ang Kristiyanismo. Pagkatapos, sa aklat ng Apocalipsis ay masisiyahan ang inyong pamilya sa dakilang pangitain ni apostol Juan tungkol sa hinaharap, kasali na ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo.
18, 19. Anong mga mungkahi ang ibinigay hinggil sa pampamilyang pagbabasa ng Bibliya?
18 Kung binabasa ninyo nang malakas ang Bibliya bilang isang pamilya, basahin ito nang malinaw at may sigla. Kapag binabasa ang ilang bahagi ng Kasulatan, maaaring basahin ng isang miyembro ng pamilya—malamang na ang ama—ang mga salita ng kabuuang salaysay. Ang iba sa inyo ay maaaring gumanap ng papel ng mga tauhan sa Bibliya, anupat binabasa ang inyong mga bahagi nang may angkop na damdamin.
19 Habang nakikibahagi kayo sa pagbabasa ng Bibliya bilang isang pamilya, maaaring sumulong ang inyong kakayahang bumasa. Malamang, lalago ang inyong kaalaman tungkol sa Diyos, at ito’y dapat na lalong magpalapit sa inyo sa kaniya. Umawit si Asap: “Kung tungkol sa akin, ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin. Inilagay ko sa Soberanong Panginoong Jehova ang aking kanlungan, upang ipahayag ang lahat ng iyong gawa.” (Awit 73:28) Ito’y tutulong sa inyong pamilya na maging gaya ni Moises, na ‘nagpatuloy na matatag na gaya ng nakakakita sa Isa na di-nakikita,’ samakatuwid nga, ang Diyos na Jehova.—Hebreo 11:27.
Ang Pagbabasa at ang Kristiyanong Ministeryo
20, 21. Paanong ang ating atas na mangaral ay nauugnay sa kakayahang bumasa?
20 Ang ating hangarin na sambahin ang “Isa na di-nakikita” ay dapat na magpakilos sa atin upang magsumikap na maging mahuhusay na tagabasa. Ang kakayahang bumasa nang mahusay ay tumutulong sa atin na magpatotoo sa Salita ng Diyos. Tiyak na tumutulong ito sa atin na isagawa ang pangangaral ng Kaharian na siyang iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod nang sabihin niya: “Humayo kayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8) Ang pagpapatotoo ang siyang pangunahing gawain ng bayan ni Jehova, at ang kakayahang bumasa ay tumutulong sa atin na matupad iyon.
21 Kailangan ang pagsisikap upang maging isang mahusay na tagabasa at isang bihasang guro ng Salita ng Diyos. (Efeso 6:17) Kaya, ‘gawin ang iyong sukdulang makakaya na iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.’ (2 Timoteo 2:15) Palawakin ang iyong kaalaman sa maka-Kasulatang katotohanan at ang iyong kakayahan bilang isang Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pag-uukol ng iyong sarili sa pagbabasa.
Ano ang Iyong Sagot?
◻ Paanong ang kaligayahan ay nakasalalay sa pagbabasa ng Salita ng Diyos?
◻ Bakit dapat na bulay-bulayin ang iyong binabasa sa Bibliya?
◻ Bakit dapat gumamit ng pag-uugnay at paglalarawan sa isip kapag nagbabasa ng Kasulatan?
◻ Ano ang ilang aral na matututuhan sa pagbabasa ng Bibliya?
◻ Bakit dapat basahin nang malakas ang Bibliya bilang isang pamilya, at anong kaugnayan mayroon ang pagbabasa ng Bibliya sa Kristiyanong ministeryo?
[Mga Tanong]
[Mga larawan sa pahina 13]
Kapag binabasa ang Bibliya bilang isang pamilya, ilarawan sa isip ang mga salaysay at bulay-bulayin ang kahulugan ng mga ito