Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tunay na Katiwasayan—Isang Tunguhing Mahirap Abutin

Tunay na Katiwasayan—Isang Tunguhing Mahirap Abutin

Tunay na Katiwasayan​—Isang Tunguhing Mahirap Abutin

GUSTUNG-GUSTO ng batang si Arnold ang kaniyang stuffed toy na tigre. Saanman siya pumunta, dala-dala niya ito​—sa paglalaro, sa pagkain, sa kaniyang higaan. Para sa kaniya, ang tigre ay naglalaan ng kaaliwan at katiwasayan. Isang araw, may krisis. Nawawala ang tigre!

Habang umiiyak si Arnold, hinalughog ng kaniyang ina, ama, at tatlong kuya ang kanilang malaking bahay upang hanapin ang tigre. Isa sa kanila ang nakasumpong nito sa isang drower. Lumilitaw na inilagay iyon doon ni Arnold at pagkatapos ay nakalimutan na niya kung nasaan iyon. Ibinalik ang tigre, at pinahid ni Arnold ang kaniyang mga luha. Masaya at panatag na naman siya.

Anong inam sana kung lahat ng suliranin ay gayon kadaling malutas​—kasing-simple ng pagkasumpong ng laruang tigre sa drower! Subalit, para sa karamihan ng tao, lalong higit na seryoso at masalimuot kaysa rito ang suliranin tungkol sa katiwasayan. Halos sa lahat ng dako, nagtatanong ang mga tao, ‘Magiging biktima kaya ako ng krimen o karahasan? Nanganganib kaya akong mawalan ng trabaho? Tiyak bang magkakaroon ng sapat na pagkain ang aking pamilya? Iiwasan kaya ako ng iba dahil sa aking relihiyon o sa aking lahing pinagmulan?’

Napakalaki ng bilang ng mga taong walang katiwasayan. Ayon sa United Nations, halos tatlong bilyon ang hindi makaabot hindi lamang sa paggamot ng pangkaraniwang mga sakit kundi pati na rin sa kailangang mga gamot. Mahigit sa isang bilyon katao ang nagdurusa sa labis na karukhaan. Halos isang bilyon, bagaman may kakayahang magtrabaho, ang may maliit na kinikita.” Tumataas ang bilang ng mga refugee. Pagsapit ng dulo ng 1994, halos 1 sa bawat 115 katao sa lupa ang napilitang tumakas mula sa kanilang tahanan. Milyun-milyong buhay ang nawawasak dahil sa $500-bilyon-santaon na negosyong narkotiko na nagbubunga ng napakaraming krimen at karahasan. Sinisira ng digmaan ang milyun-milyong buhay. Noong 1993 lamang, 42 bansa ang nasangkot sa malalaking labanan, samantalang 37 iba pa ang dumanas ng pulitikal na karahasan.

Magkakaugnay ang digmaan, kahirapan, krimen, at iba pang banta sa katiwasayan ng tao, at ang mga ito ay dumarami. Ang gayong mga suliranin ay walang tulad tigre-sa-drower na mga solusyon. Sa katunayan, hindi malulutas ng mga tao ang lahat ng ito.

“Huwag mong ilagak ang iyong tiwala sa mga maharlika, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya’y walang kaligtasan,” babala ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kanino, kung gayon, tayo makapagtitiwala? Sinabi pa ng kasulatang ito: “Maligaya ang isa na ang tulong ay nasa Diyos ni Jacob, na ang pag-asa ay nasa kay Jehova na kaniyang Diyos, ang Maylikha ng langit at lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga ito.”​—Awit 146:3-6.

Bakit tayo makapagtitiwalang paiiralin ni Jehova ang katiwasayan sa lupang ito? Posible kayang magtamasa ng tiwasay at maligayang buhay sa ngayon? Paano aalisin ng Diyos ang mga sagabal sa katiwasayan ng tao?