Ang Iyong Maylalang—Alamin ang Kaniyang Mga Katangian
Ang Iyong Maylalang—Alamin ang Kaniyang Mga Katangian
“Pararaanin ko ang aking buong kabutihan sa harapan ng iyong mukha, at ipahahayag ko ang pangalan ni Jehova sa harapan mo.”—EXODO 33:19.
1. Bakit marapat lamang na parangalan ang Maylalang?
INIULAT ni apostol Juan, ang manunulat ng huling aklat sa Bibliya, ang ganitong mariing kapahayagan tungkol sa Maylalang: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.” (Apocalipsis 4:11) Gaya ng pinatunayan ng naunang artikulo, ang mga natuklasan ng makabagong siyensiya ay madalas na nagdaragdag ng mga dahilan upang maniwala sa Maylalang ng lahat ng bagay.
2, 3. (a) Ano ang kailangang malaman ng mga tao tungkol sa Maylalang? (b) Bakit hindi naman kailangang makita nang personal ang Maylalang?
2 Kasinghalaga ng pagtanggap na mayroong Maylalang ang pagkakilala sa kaniyang mga katangian—na siya’y isang tunay na persona, na may personalidad at mga daan na nakaaakit sa mga tao. Kung nagawa mo na iyan, hindi ba kapaki-pakinabang na lalo siyang makilala? Hindi naman kailangang makita siya nang personal, sa paraan na nakikita natin ang ibang tao.
3 Si Jehova ang Pinagmumulan maging ng mga bituin, ng ating araw bilang isang bituing may katamtamang laki. Pag-iisipan mo kayang makalapit sa araw? Tiyak na hindi! Karamihan sa mga tao ay nag-iingat na huwag man lamang sulyapan ito o matagal na ilantad ang kanilang balat sa matinding sikat nito. Ang temperatura nito sa pinakagitna ay mga 15,000,000 digri Celsius (27,000,000°F.). Bawat segundo, mga apat na milyong tonelada ng kimpal ang ginagawang enerhiya ng pagkainit-init na hurnong ito. Katiting na bahagi lamang nito ang nakararating sa lupa bilang init at liwanag, ngunit sapat na iyan upang matustusan ang lahat ng nabubuhay rito. Ang mga saligang katotohanang ito ay dapat magkintal sa atin ng kasindak-sindak na kapangyarihan ng Maylalang. Tamang-tama ang pagkasulat ni Isaias tungkol sa “kasaganaan ng dinamikong lakas [ng Maylalang], palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan.”—Isaias 40:26.
4. Ano ang hiniling ni Moises, at paano tumugon si Jehova?
4 Gayunman, alam mo ba na mga ilang buwan matapos lisanin ng mga Israelita ang Ehipto noong 1513 B.C.E., si Moises ay nagsumamo sa Maylalang: “Ipakita mo sa akin, pakisuyo, ang iyong kaluwalhatian.” (Exodo 33:18) Kung aalalahanin na ang Diyos ang Pinagmumulan maging ng araw, mauunawaan mo kung bakit sinabi niya kay Moises: “Hindi mo makikita ang aking mukha, sapagkat walang tao ang makakakita sa akin at mabubuhay pa.” Pinayagan ng Maylalang na magkubli si Moises sa isang dako sa Bundok Sinai hanggang sa Siya ay “makaraan.” Saka ipinakita kay Moises ang “likod” ng Diyos, wika nga, sa isang bakas ng kaluwalhatian, o presensiya ng Diyos.—Exodo 33:20-23; Juan 1:18.
5. Sa paanong paraan tinugon ng Maylalang ang kahilingan ni Moises, na nagpapatunay sa ano?
5 Natugunan ang pagnanais ni Moises na makilala nang higit ang Maylalang. Ang Diyos ay maliwanag na nagsasalita sa pamamagitan ng isang anghel nang siya’y dumaan sa harapan ni Moises at nagsabi: “Si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan.” (Exodo 34:6, 7) Ipinapakita nito na ang higit na pagkakilala sa ating Maylalang ay nasasangkot, hindi ng pagkakita ng isang pisikal na anyo, kundi ng pagkaunawa sa mas malawak na antas kung ano ang kagaya niya, ang kaniyang personalidad at mga katangian.
6. Bakit kahanga-hanga ang ating sistema ng imyunidad?
6 Ang isang paraan upang magawa natin ito ay sa pamamagitan ng pagkaunawa sa mga katangian ng Diyos mula sa mga bagay na kaniyang nilalang. Isaalang-alang ang iyong sistema ng imyunidad. Sa isang isyu tungkol sa imyunidad, ganito ang sabi ng Scientific American: “Bago pa ang pagsilang hanggang sa kamatayan, ang sistema ng imyunidad ay lagi nang alisto. Ang isang kaayusan ng sari-saring molekula at mga selula . . . ay nagsasanggalang sa atin laban sa mga parasito at mga mikrobyo. Kung wala ang mga pananggalang na ito, hindi mabubuhay ang mga tao.” Ano ang pinagmumulan ng sistemang ito? Sabi ng isang artikulo sa magasing iyon: “Ang kahanga-hangang kaayusan ng mga selulang buong-kahusayang kumikilos sa isa’t isa na nagsasanggalang sa katawan laban sa sumasalakay na mga mikrobyo at impeksiyon ay galing sa ilang naunang selula na unang lumitaw mga siyam na linggo matapos ang paglilihi.” Ipinapasa ng isang babaing nagdadalang-tao ang imyunidad sa kaniyang nabubuong sanggol sa loob ng tiyan. Pagkaraan, sa pamamagitan ng kaniyang gatas, naglalaan din siya ng mga selulang pang-imyunidad at kapaki-pakinabang na mga kemikal para sa kaniyang sanggol.
7. Ano ang maaari nating isaalang-alang hinggil sa ating sistema ng imyunidad, na umaakay sa anong konklusyon?
7 Mayroon kang mabuting dahilan upang isipin na ang iyong sistema ng imyunidad ay nakahihigit sa anumang mailalaan ng makabagong medisina. Kaya itanong sa iyong sarili, ‘Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa Pinagmulan at Tagapaglaan nito?’ Ang sistemang ito, na ‘unang lumitaw mga siyam na linggo matapos ang paglilihi’ at handang magsanggalang sa sanggol na bagong silang, ay tiyak na nagpapaaninaw ng karunungan at patiunang kaalaman. Ngunit maaari kayang higit pa ang mauunawaan natin tungkol sa Maylalang sa pamamagitan ng sistemang ito? Ano ba ang sinasabi ng karamihan sa atin tungkol kay Albert Schweitzer at sa iba pa na gumugol ng buong buhay nila upang paglaanan ng gamot ang mga taong kapos? Karaniwan ay pinupuri natin ang gayong mga tao dahil sa mabubuting katangian nila. Kahawig nito, ano ang masasabi natin hinggil sa ating Maylalang, na nagkakaloob ng sistema ng imyunidad kapuwa sa mayayaman at mahihirap? Maliwanag na siya’y maibigin, walang pagtatangi, madamayin, at makatarungan. Hindi ba katugma ito ng paglalarawan ng Maylalang na narinig ni Moises?
Isinisiwalat Niya ang Kaniyang mga Katangian
8. Isinisiwalat sa atin ni Jehova ang kaniyang sarili sa anong pantanging paraan?
8 Subalit may isa pang paraan upang higit na makilala ang ating Maylalang—sa pamamagitan ng Bibliya. Ito ay lalo nang mahalaga dahil may mga bagay tungkol sa kaniya na hindi kayang isiwalat ng siyensiya at ng sansinukob at may iba pang bagay na mas maliwanag mula sa Bibliya. Ang isang halimbawa ng unang nabanggit ay ang personal na pangalan ng Maylalang. Ang Bibliya lamang ang nagsisiwalat kapuwa ng pangalan ng Maylalang at ng kahulugan nito. Sa mga manuskritong Hebreo ng Bibliya, ang kaniyang pangalan ay lumilitaw nang mga 7,000 ulit bilang apat na katinig na maaaring literal na isaling YHWH o JHVH, na karaniwang binibigkas na Jehova sa Tagalog.—Exodo 3:15; 6:3.
9. Ano ang kahulugan ng personal na pangalan ng Maylalang, at ano ang mahihinuha natin mula rito?
9 Upang higit nating makilala ang Maylalang, kailangang maunawaan natin na siya ay hindi isa lamang mahirap-unawaing “Unang Tagapagpangyari” o isang malabong “Ako Nga.” Ipinapakita iyan ng kaniyang personal na pangalan. Iyon ay isang anyo ng Hebreong pandiwa na nangangahulugang “maging” o “magiging gayon.” * (Ihambing ang Genesis 27:29; Eclesiastes 11:3.) Ipinahihiwatig ng pangalan ng Diyos na “Pinapangyayari Niya na Maging” at idiniriin na siya’y kapuwa naglalayon at kumikilos. Sa pagkaalam at paggamit natin ng kaniyang pangalan, higit nating mapahahalagahan na tumutupad siya ng mga pangako at pinapangyayari ang kaniyang mga layunin.
10. Anong mahalagang kaunawaan ang matatamo natin mula sa ulat ng Genesis?
10 Sa Bibliya nagmumula ang kaalaman tungkol sa mga layunin at personalidad ng Diyos. Isinisiwalat ng ulat sa Genesis na may panahon na ang sangkatauhan ay may pakikipagpayapaan sa Diyos at taglay ang pag-asang mabuhay nang mahaba at makabuluhan. (Genesis 1:28; 2:7-9) Kasuwato ng kahulugan ng kaniyang pangalan, makatitiyak tayo na wawakasan ni Jehova ang pagdurusa at siphayo na matagal nang binabata ng mga tao. Ganito ang mababasa natin tungkol sa katuparan ng kaniyang layunin: “Ang pisikal na sanlibutan ay napasailalim ng siphayo, hindi sa pamamagitan ng sarili nitong hangarin, kundi sa pamamagitan ng kalooban ng Maylalang, na sa paggawa ng gayon, ay nagbigay rito ng pag-asang isang araw . . . gagawin itong kabahagi sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:20, 21, The New Testament Letters, ni J. W. C. Wand.
11. Bakit maaari nating isaalang-alang ang mga salaysay sa Bibliya, at ano ang mga detalye ng isa sa mga salaysay na ito?
11 Makatutulong din sa atin ang Bibliya upang higit na makilala ang ating Maylalang sa bagay na isinisiwalat nito ang kaniyang mga pagkilos at pagtugon kapag nakikitungo sa sinaunang Israel. Tingnan ang isang halimbawa may kinalaman kay Eliseo at kay Naaman, ang hepe ng hukbo ng kaaway na mga Siryano. Habang binabasa mo ang salaysay na ito sa 2 Hari kabanata 5, makikita mo na sinabi ng isang bihag na batang babaing Israelita na maaaring gumaling ang ketong ni Naaman sa tulong ni Eliseo na nasa Israel. Nagtungo roon si Naaman na umaasang ikakaway ni Eliseo ang kaniyang mga kamay sa isang mahiwagang seremonya sa pagpapagaling. Sa halip, sinabihan ni Eliseo ang taga-Sirya na maligo ito sa Ilog Jordan. Bagaman si Naaman ay kinailangang kumbinsihin ng kaniyang mga tauhan upang sundin ang tagubilin, gumaling siya nang gawin niya iyon. Nag-alok si Naaman ng mahahalagang regalo, na tinanggihan naman ni Eliseo. Pagkaraan, isang kasama nito ang tumalilis patungo kay Naaman at nagsinungaling upang makakuha ng ilang mahahalagang bagay. Dinapuan siya ng ketong dahil sa kaniyang panlilinlang. Ito’y isang nakawiwiling salaysay tungkol sa tao—isa na mula rito’y matututo tayo.
12. Anong mga konklusyon ang mabubuo natin tungkol sa Maylalang mula sa salaysay hinggil kina Eliseo at Naaman?
12 Sa kaakit-akit na paraan, ipinapakita ng salaysay na ang Dakilang Maylalang ng sansinukob ay hindi naman napakatayog upang bigyang pansin nang may pagsang-ayon ang isang munting batang babae, na ibang-iba sa kaugalian sa maraming kultura ngayon. Pinatutunayan din nito na ang Maylalang ay hindi lumilingap sa isa lamang lahi o bansa. (Gawa 10:34, 35) Kapansin-pansin, sa halip na asahang gagamit ang mga tao ng hokus-pokus—pangkaraniwan na sa ilang “tagapagpagaling” noon at ngayon—ang Maylalang ay nagpamalas ng kahanga-hangang karunungan. Alam niya kung paano pagagalingin ang ketong. Nagpakita rin siya ng kaunawaan at katarungan sa pamamagitan ng hindi pagpapahintulot na magtagumpay ang pandaraya. Muli, hindi ba iyan kasuwato ng personalidad ni Jehova na narinig ni Moises? Bagaman maikli ang salaysay na iyan sa Bibliya, kayrami nating mahihiwatigan dito tungkol sa mga katangian ng ating Maylalang!—Awit 33:5; 37:28.
13. Ilarawan kung paano tayo makakukuha ng mahahalagang aral mula sa mga salaysay sa Bibliya.
13 Ang iba pang ulat tungkol sa pagiging walang utang-na-loob ng Israel at kung paano ito tinugon ng Diyos ay nagpapatunay na talagang nagmamalasakit si Jehova. Sinasabi ng Bibliya na siya’y paulit-ulit na inilagay ng mga Israelita sa pagsubok, anupat siya’y pinagdaramdam at pinasasakitan. (Awit 78:40, 41) Kaya naman, ang Maylalang ay may damdamin at mahalaga sa kaniya kung ano ang ginagawa ng mga tao. Marami ring matututuhan sa mga ulat hinggil sa mga kilalang indibiduwal. Nang piliin si David upang maging hari sa Israel, sinabi ng Diyos kay Samuel: “Tumitingin ang tao sa nakikita lamang ng mata; ngunit kung para kay Jehova, siya ay tumitingin sa puso.” (1 Samuel 16:7) Oo, ang Maylalang ay tumitingin sa kung ano tayo sa loob, hindi sa panlabas na anyo lamang. Tunay na nakaliligayang isipin!
14. Habang binabasa natin ang Hebreong Kasulatan, ano ang kapaki-pakinabang na magagawa natin?
14 Ang tatlumpu’t siyam sa mga aklat sa Bibliya ay isinulat bago ang panahon ni Jesus, at marapat lamang na basahin natin ang mga ito. Ito’y hindi upang malaman lamang ang ulat o kasaysayan ng Bibliya. Kung talagang nais nating makilala ang Maylalang, dapat nating bulay-bulayin ang mga salaysay na iyon, na marahil iniisip, ‘Ano ang isinisiwalat ng kabanatang ito tungkol sa kaniyang personalidad? Alin sa kaniyang mga katangian ang kitang-kita rito?’ * Ang paggawa nito ay maaaring tumulong maging sa mga nag-aalinlangan upang maunawaan na ang Bibliya ay tiyak na galing sa Diyos, sa gayo’y naglalatag ng daan upang higit nilang makilala ang maibiging Awtor nito.
Isang Dakilang Guro ang Tumutulong sa Atin na Makilala ang Maylalang
15. Bakit nakapagtuturo ang mga ginawa at itinuro ni Jesus?
15 Totoo, ang mga nag-aalinlangan sa pag-iral ng Maylalang o ang mga may malabong ideya tungkol sa Diyos ay maaaring halos walang alam sa Bibliya. Marahil ay may nakausap ka nang mga tao na hindi masabi kung baga si Moises ay nabuhay bago o pagkatapos ni Mateo at halos walang nalalaman hinggil sa mga gawa o turo ni Jesus. Talagang nakalulungkot iyan sapagkat maraming matututuhan ang isa tungkol sa Maylalang mula sa Dakilang Guro, si Jesus. Palibhasa’y may matalik na kaugnayan sa Diyos, maaari niyang isiwalat ang personalidad ng ating Maylalang. (Juan 1:18; 2 Corinto 4:6; Hebreo 1:3) At gayon nga ang ginawa niya. Sa katunayan, minsa’y sinabi niya: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 14:9.
16. Ano ang inilalarawan ng pakikitungo ni Jesus sa isang Samaritana?
16 Isaalang-alang ang halimbawang ito. Minsan nang si Jesus ay mapagod dahil sa paglalakbay, kinausap niya ang isang Samaritana malapit sa Sychar. Ibinahagi niya rito ang malalalim na katotohanan, anupat nagtuon ng pansin sa pangangailangan na ‘sumamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.’ Ang mga Judio noon ay umiiwas sa mga Samaritano. Sa kabaligtaran, masasalamin kay Jesus ang pagiging handa ni Jehova na tanggapin ang taimtim na mga lalaki’t babae mula sa lahat ng bansa, gaya ng nakita natin sa pangyayari may kinalaman kina Eliseo at Naaman. Tinitiyak sa atin nito na si Jehova ay malayung-malayo sa makitid-ang-isip na relihiyosong pagkapanatiko na laganap sa daigdig sa ngayon. Mapapansin din natin ang bagay na si Jesus ay handang magturo sa isang babae, at sa pagkakataong ito, isang babae na nakikisama sa isang lalaki na hindi niya asawa. Sa halip na hatulan siya, pinakitunguhan siya ni Jesus nang may dignidad, sa paraan na talagang makatutulong sa kaniya. Mula noon, ang ibang Samaritano ay nakinig kay Jesus at nagsabi: “Alam namin na ang taong ito sa katunayan ang tagapagligtas ng sanlibutan.”—Juan 4:2-30, 39-42; 1 Hari 8:41-43; Mateo 9:10-13.
17. Anong konklusyon ang itinuturo ng ulat tungkol sa pagkabuhay-muli ni Lazaro?
17 Isaalang-alang natin ang isa pang ilustrasyon kung paano tayo matututo tungkol sa Maylalang sa pamamagitan ng pag-aaral na mabuti ng mga ginawa at itinuro ni Jesus. Alalahanin ang panahon nang mamatay ang kaibigan ni Jesus na si Lazaro. Nauna rito ay pinatunayan ni Jesus ang kaniyang kapangyarihang bumuhay ng mga patay. (Lucas 7:11-17; 8:40-56) Subalit, ano ba ang naging reaksiyon niya nang makitang nagdadalamhati ang kapatid ni Lazaro na si Maria? Si Jesus ay “dumaing sa espiritu at nabagabag.” Hindi siya nagwalang-bahala o nawalan ng malasakit; siya’y “lumuha.” (Juan 11:33-35) At hindi ito basta pagpapakita lamang ng damdamin. Si Jesus ay naudyukang kumilos—kaniyang binuhay-muli si Lazaro. Maguguniguni mo kung paano ito nakatulong sa mga apostol na magpahalaga sa mga damdamin at ginagawa ng Maylalang. Tutulong din ito sa atin at sa iba na maunawaan ang personalidad at mga daan ng Maylalang.
18. Ano ang dapat madama ng mga tao tungkol sa pag-aaral ng Bibliya?
18 Walang dahilan para ikahiya ang pag-aaral ng Bibliya at pagkatuto ng higit tungkol sa ating Maylalang. Ang Bibliya ay hindi isang lipas nang aklat. Ang isa sa mga nag-aral nito at naging malapit na kasama ni Jesus ay si Juan. Nang maglaon ay sumulat siya: “Alam natin na ang Anak ng Diyos ay dumating, at binigyan niya tayo ng intelektuwal na kakayahan upang tamuhin natin ang kaalaman sa isa na totoo. At tayo ay kaisa ng isa na totoo, sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Ito ang totoong Diyos at ang walang-hanggang buhay.” (1 Juan 5:20) Pansinin na ang paggamit ng “intelektuwal na kakayahan[g]” iyan upang magtamo ng kaalaman sa “isa na totoo,” ang Maylalang, ay maaaring umakay sa “walang-hanggang buhay.”
Paano Mo Matutulungan ang Iba na Makaalam Tungkol sa Kaniya?
19. Anong hakbang ang ginawa upang matulungan ang mga taong nag-aalinlangan?
19 Maraming kailangan upang maniwala ang ilan na may isang madamaying Maylalang na nagmamalasakit sa atin at mapahalagahan ang kaniyang mga katangian. Milyun-milyon pa rin ang nag-aalinlangan sa Maylalang o dili kaya ay may pangmalas tungkol sa kaniya na hindi kasuwato ng nasusumpungan sa Bibliya. Paano mo sila matutulungan? Sa pandistrito at internasyonal na mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova nitong 1998/99, isang mabisang bagong kasangkapan ang inilabas sa maraming wika—ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You?
20, 21. (a) Paano matagumpay na magagamit ang aklat na Creator? (b) Maglahad ng mga karanasan kung paano napatunayang mabisa ang aklat na Creator.
20 Ito’y isang publikasyon na magpapatibay sa iyong sariling pananampalataya sa ating Maylalang at sa iyong pagpapahalaga sa kaniyang personalidad at mga daan. Bakit masisiguro ito? Sapagkat ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You? ay pantanging dinisenyo sa ganitong layunin. Ang tema para sa buong aklat ay “Ano ang makapagbibigay ng kahulugan sa iyong buhay?” Ang nilalaman ay inihaharap sa paraang makatatawag ng pansin kahit sa mga taong may mataas na pinag-aralan. Gayunman, ito’y umaantig sa mga mithiin nating lahat. May kawili-wili at kapani-paniwalang materyal para sa mga mambabasa na nag-aalinlangan sa pag-iral ng Maylalang. Hindi patiunang ipinalalagay ng aklat na ang mambabasa ay naniniwala sa Maylalang. Yaong mga nag-aalinlangan ay maaakit sa pagtalakay nito ng pinakabagong mga tuklas at ideya ng siyensiya. Ang gayong mga katotohanan ay magpapatibay pa nga sa pananampalataya niyaong mga naniniwala sa Diyos.
21 Sa pag-aaral sa bagong aklat na ito, makikita na ang mga bahagi nito ay naghaharap ng isang sumaryo ng kasaysayan ng Bibliya sa paraan na nagtatampok sa mga aspekto ng personalidad ng Diyos, anupat tinutulungan ang mga mambabasa na makilala nang higit ang Diyos. Marami na nakabasa na nito ang nagkomento kung paano nila naranasan ito. (Tingnan ang kasunod na artikulo, sa pahina 25-6.) Maging ganiyan din sana sa iyo habang pinag-aaralan mo ang aklat at ginagamit ito upang tulungan ang iba na makilala nang higit ang kanilang Maylalang.
[Mga talababa]
^ Ikinapit ng Jesuitang iskolar na si M. J. Gruenthaner, nang siya’y punong-patnugot ng The Catholic Biblical Quarterly, sa pandiwang ito ang sinabi niya tungkol sa katulad na pandiwa nito, na ito “ay hindi kailanman nagkakaroon ng ideya ng basta pag-iral sa ganang sarili kundi laging may diwa ng pagiging isang tiyak na bagay, alalaong baga’y, makikita sa aktuwal na pagkilos nito.”
^ Habang inilalahad ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga salaysay sa Bibliya, matutulungan nila ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagbabangon ng gayong mga tanong. Sa ganito’y makikilala ng mga kabataan ang Diyos, at matututuhang bulay-bulayin ang kaniyang Salita.
Napansin Mo Ba?
◻ Paano higit na nakilala ni Moises si Jehova sa Bundok Sinai?
◻ Bakit isang tulong sa pagkilala sa mga katangian ng Diyos ang pag-aaral ng Bibliya?
◻ Habang binabasa natin ang Bibliya, ano ang magagawa natin upang lalong mapalapit sa ating Maylalang?
◻ Sa paanong paraan binabalak mong gamitin ang aklat na Creator?
[Mga Tanong]
[Larawan sa pahina 20]
Ano ang ipinahihiwatig ng ating sistema ng imyunidad kung tungkol sa ating Maylalang?
[Larawan sa pahina 21]
Isang bahagi ng Dead Sea Scrolls, na nagtatampok sa Tetragrammaton (ang pangalan ng Diyos sa Hebreo)
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Shrine of the Book, Israel Museum, Jerusalem
[Larawan sa pahina 23]
Ano ang matututuhan natin mula sa naging reaksiyon ni Jesus sa pagdadalamhati ni Maria?