Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bandalismo—Bakit?

Bandalismo—Bakit?

Bandalismo​—Bakit?

“WALA akong masabi.” Ang mga salitang ito’y isinulat nang malalaking titik sa isang bagong pinturang pader sa isang magandang pamayanan ng São Paulo. Isang gawa ng bandalismo, maiisip mo. At ang graffiti ay isa lamang uri ng bandalismo.

Gunigunihin na sinira ng iresponsableng mga taong gumagawa ng bandalismo ang iyong bagong kotse. O maaaring napansin mong ang ari-ariang pambayan​—na kapaki-pakinabang sa marami​—ay pininsala o sinira ng mga taong gumagawa ng bandalismo. Bakit? Oo, bakit nga ba? Naisip mo na ba kung bakit dumarami ang mga gawa ng bandalismo? Sa maraming dako, waring nasisiyahan ang mga taong gumagawa ng bandalismo sa pagpapapangit o pagsira sa mga booth ng telepono. Ang mga sasakyang pampubliko, gaya ng mga tren o bus, ang kadalasang puntirya. Sa wari, walang pakialam ang mga taong gumagawa ng bandalismo. Subalit ano ba ang nasa likuran ng palasak na bandalismo na nakikita o nararanasan natin?

Si Marco, * isang kabataan mula sa Rio de Janeiro, ay nasiphayo nang matalo ang kaniyang koponan sa isang laro ng soccer​—gayon na lamang ang kaniyang pagkasiphayo anupat binato niya ang isang bus na punô ng mga tagahanga ng nagwaging koponan. O kuning halimbawa si Claus. Nang makakuha siya ng mababang marka sa paaralan, galit na galit siya anupat pinagbabato niya at pinagbabasag ang mga bintana. Gayunman, naglaho ang “katuwaan” nang pagbayarin ang kaniyang ama sa mga pinsala. Isa pang kabataan, si Erwin, ay nag-aaral at nagtatrabaho. Siya at ang kaniyang mga kasamahan ay itinuturing na mababait na kabataan. Subalit, ang kanilang pampalipas-oras ay ang manira ng mga ari-arian sa pamayanan. Walang kaalam-alam ang mga magulang ni Erwin tungkol dito. Si Valter ay isang ulila na walang mapagpilian kundi ang tumira sa mga lansangan ng São Paulo. Ang kaniyang matatalik na kaibigan ay isang gang ng mga gumagawa ng bandalismo, at nakisama siya sa kanila at nag-aral din ng martial arts. Ipinapakita ng mga halimbawang ito na may mga tao sa likuran ng bandalismo, at iba’t iba ang nag-uudyok nito, o ang mga damdaming nasasangkot sa bandalismo.

“Ang bandalismo ay maaaring isang gawa ng paghihiganti o isang paraan ng pagpapahayag ng isang pulitikal na opinyon. Kung minsan, kapuwa ang mga kabataan at mga nasa hustong gulang ay gumagawa ng krimen dahil lamang sa ‘katuwaan,’ ” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. Gayunman, sa halip na basta katuwaan lamang ng mga kabataan, ang bandalismo ay maaaring maging lubhang mapanira, nakamamatay pa nga. Gusto ng isang grupo ng mga kabataan na “magkatuwaan,” at nang makita nila ang isang taong natutulog, binuhusan nila siya ng likidong madaling magliyab at sinunog ito. Nang maglaon, ang biktima, isang Indian, ay namatay sa ospital. Ayon sa ulat, “sinabi umano ng mga kabataang lalaki na inaakala nilang wala namang nababahala sapagkat ilang pulubi na rin ang sinunog sa lansangan, at wala namang ginawang aksiyon.” Wala man o mayroong biktima ang bandalismo, ang pinsala, sa pananalapi at sa damdamin, ay napakalaki. Kaya, ano ang makasusupil o magwawakas sa bandalismo?

Sino ang Makapagpapahinto sa Bandalismo?

Mahahadlangan ba ng pulisya at ng mga paaralan ang bandalismo? Isang problema ay na maaaring abala ang mga awtoridad sa mas malulubhang krimen, gaya ng ilegal na pangangalakal ng droga o mga kaso ng pagpaslang, kaysa sa mga paglabag na “walang biktima.” Ayon sa isang opisyal ng pulisya, kapag nasangkot sa gulo ang isang kabataan, kadalasang “sinisisi [ng mga magulang] ang mga bata na kasama nito, o ang paaralan, o ang pulis sa pagdakip sa kaniya.” Mababawasan ng edukasyon at ng pagpapatupad ng batas ang bandalismo; subalit, paano kung hindi nagbabago ang mga saloobin ng magulang? Ganito ang sabi ng isang opisyal sa probasyon ng mga kabataan: “Ito’y ang pagkabagot at ang pagkakataon. [Ang mga bata] ay nasa labas ng bahay nang gabing-gabi na, at wala silang magawa. At malamang na walang sumusubaybay sa kanila​—kung hindi gayon ay wala sana sila sa labas ng bahay.”

Bagaman isang malubhang problema sa maraming dako ang bandalismo, isaalang-alang kung paano maaaring baligtarin ang mga bagay-bagay. Ang mga kabataang gumawa ng bandalismo na nabanggit sa pasimula ay nagbago; ganap na iniiwasan nila ngayon ang paggawing laban sa lipunan. Ano ang nagpangyari sa dating mga delingkuwenteng ito na baguhin ang kanilang istilo ng buhay? Gayundin, magugulat ka ba kung ang bandalismo ay hindi lamang mababawasan kundi maaalis pa nga? Inaanyayahan ka naming basahin ang susunod na artikulo.

[Talababa]

^ Ang mga pangalan ay binago.