Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat Mo Bang Palawakin ang Iyong Pangmalas?

Dapat Mo Bang Palawakin ang Iyong Pangmalas?

Dapat Mo Bang Palawakin ang Iyong Pangmalas?

NAMINSALA ang isang mapangwasak na lindol sa Lunsod ng Kobe sa kanlurang Hapon, at agad-agad na dumating ang mapagsakripisyo-sa-sariling mga boluntaryo upang tumulong sa mga naapektuhang naninirahan. Gayunman, nasumpungan ng isang dumalaw na pangkat ng mga manggagamot na tinanggihan ng isang tauhan sa Kagawaran ng Kalusugan ng lunsod ang kanilang kahilingan ukol sa mga suplay ng gamot. Gusto ng opisyal na iyon, na siya ring direktor ng isang malaking ospital ng bayan, na magtungo ang mga biktima sa mga ospital sa Kobe sa halip na ang mga doktor sa mga relief center ang magbigay ng mahal na mga iniksiyon at mga suwero. Sa wakas, ipinagkaloob din ang kahilingan ng mga doktor, subalit ang dating matigas na saloobin at waring kawalang pakikiramay ng opisyal ay pumukaw ng malaganap na pagpuna.

Marahil ikaw man ay napaharap na sa gayunding katigas na kalooban ng isang nasa awtoridad. Baka pa nga ikaw mismo ay naging gayon. Makikinabang ka ba sa pagkakaroon ng isang mas malawak na punto de vista?

Kunin ang Buong Larawan

Karaniwan na sa mga indibiduwal na malasin ang mga bagay mula sa isa lamang panig, o punto de vista, sa gayo’y nililimitahan ang kanilang pananaw at unawa sa mga bagay-bagay. Kadalasan ay bunga ito ng mga salik na gaya ng edukasyon, karanasan sa buhay, at pinagmulan. Nararating ang mas matalinong mga pasiya kapag sinisikap ng isa na makuha ang buong larawan. Halimbawa, kapag tumatawid ka sa isang abalang krosing na walang mga ilaw ng trapiko, katalinuhan ba na basta tumingin lamang nang deretso? Tiyak na hindi! Gayundin naman, ang pagpapalawak sa iyong pag-iisip upang makuha ang buong larawan ay maaaring makatulong nang malaki sa paggawa ng mga pasiya at sa paggawi sa isang responsableng paraan. Maaari pa nga itong magligtas ng buhay.

Malamang, tayong lahat ay makagagawa ng pagsulong sa bagay na ito. Kaya tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang ilang larangan na doo’y maaaring makinabang ako sa pamamagitan ng pagpapalawak sa aking pag-iisip?’

Ang Iyong Pangmalas sa Iba

Ano ang iyong nakikita kapag tinitingnan mo ang iba? May hilig ka bang malasin ang kanilang sinasabi o ginagawa bilang masama o kaya’y mabuti, na waring wala nang ibang konklusyon o puntong mapagkakasunduan? Ang komento ba ng isang tao ay minamalas mo bilang isang papuri o kaya’y isang insulto? Ang isang tao ba ay lubusang tama o kaya ay maling-mali? Ang pagkakaroon ng gayong pangmalas ay makakatulad ng isang potograpo na hindi nagbibigay-pansin sa malawak na pagkasari-sari ng matitingkad na kulay at mga nahahawig na kulay sa isang tanawin sa taglagas, na para bang mga larawang itim at puti lamang ang naroroon. O may hilig ka bang magtuon ng pansin sa negatibong aspekto ng personalidad ng isang tao, na gaya ng isang manlalakbay na hinahayaang ang kaniyang kasiyahan sa isang magandang tanawin ay masira ng isang katiting na basura na iniwan ng ilang walang konsiderasyong dayuhan?​—Ihambing ang Eclesiastes 7:16.

Marami ang matututuhan sa pagsasaalang-alang sa pangmalas ni Jehova sa pagkakamali ng tao. Bagaman batid ang maraming kahinaan at kabiguan ng tao, ipinasiya niyang huwag pagtuunan ng pansin o pag-isipan ang mga ito. Ganito ang sinabi ng mapagpasalamat na salmista: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo . . . O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Handa si Jehova na alisin ang mga pagkakasala mula sa nagsisising makasalanan, oo, bukas-palad na pinapawi ang mga ito, upang hindi ito maging batik sa ating kaugnayan sa kaniya. (Awit 51:1; 103:12) Masasabi ni Jehova tungkol kay Haring David, na minsan ay nakagawa ng malulubhang pagkakasala kasama ni Bat-sheba, na siya ay isang tao na “lumakad na kasunod ko nang kaniyang buong puso sa pamamagitan ng paggawa lamang ng tama sa aking paningin.” (1 Hari 14:8) Bakit masasabi ng Diyos ang ganito kay David? Dahil nagtuon siya ng pansin sa mas mabubuting katangian ng nagsising si David. Isinaalang-alang niya ang lahat ng kaugnay na mga salik at ipinasiyang ipagpatuloy ang paglalawit ng awa sa kaniyang lingkod.

Walang kamaliang ipinaaninaw ni Kristo Jesus ang ganitong kalawak na pangmalas sa mga pagkakamali ng iba. (Juan 5:19) Nang mapaharap sa mga pagkukulang ng kaniyang mga apostol, si Jesus ay naging maawain at maunawain. Kinilala niya na sa mga di-sakdal na tao, kahit na ‘ang espiritu ay sabik, ang laman ay mahina.’ (Mateo 26:41) Taglay sa isipan ang bagay na ito, si Jesus ay maaaring makitungo sa mga kahinaan at mga pagkakamali ng kaniyang mga alagad sa isang matiisin at maunawaing paraan. Hindi siya nagtuon ng pansin sa kanilang mga pagkukulang kundi, sa halip, tiningnan niya ang kanilang mabubuting katangian.

Sa isang pagkakataon matapos ituwid ang mga apostol dahil nagtalo ang mga ito tungkol sa kung sino ang waring pinakadakila, ganito ang isinusog ni Jesus: “Gayunman, kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok; at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo ay makakain at makainom sa aking mesa sa kaharian ko, at makaupo sa mga trono upang hatulan ang labindalawang tribo ng Israel.” (Lucas 22:24-30) Oo, sa kabila ng maraming pagkukulang ng mga apostol, natandaan ni Jesus ang kanilang katapatan at ang kanilang pag-ibig sa kaniya. (Kawikaan 17:17) Nagtiwala si Jesus sa kanilang magagawa at gagawin, kaya nakipagtipan siya sa kanila ukol sa isang Kaharian. Oo, ‘inibig ni Jesus ang kaniyang mga alagad hanggang sa wakas.’​—Juan 13:1.

Kaya kung ang kakaibang personalidad at mga pagkakamali ng isa ay nakaiinis sa iyo, tularan si Jehova at si Jesus. Palawakin ang iyong pag-iisip, at sikaping isaalang-alang ang lahat ng salik. Kung mamalasin ang mga bagay-bagay sa tamang paraan, masusumpungan mo na mas madaling ibigin at pahalagahan ang iyong mga kapatid.

Sa Pagbibigay ng Materyal

Ang pribilehiyo ng pagbibigay ay isa sa mga kagalakang ipinararanas sa mga Kristiyano. Subalit tatakdaan lamang ba natin ang ating pagbibigay sa isang gawain, halimbawa, sa pakikibahagi sa ministeryo sa larangan? (Mateo 24:14; 28:19, 20) O maaari kayang palawakin ang iyong pag-iisip at ilakip ang pisikal na mga pangangailangan at kapakanan ng iba? Sabihin pa, nauunawaan ng lahat ng mga Kristiyano na ang pagbibigay sa espirituwal na paraan ay siyang pinakamahalaga. (Juan 6:26, 27; Gawa 1:8) Gayunman, kung paanong mahalaga ang pagbibigay sa espirituwal na paraan, ang pagbibigay ng materyal ay tiyak na hindi dapat kaligtaan.​—Santiago 2:15, 16.

Habang ating minumuni-muni ang dagliang pangangailangan ng ating espirituwal na mga kapatid sa ating sariling kongregasyon at sa buong daigdig, makikita natin nang lalong higit kung ano ang maaari nating gawin upang matulungan sila. Kapag yaong nasa kalagayang tumulong ay bukas-palad na namamahagi sa iba, nagaganap ang pagkakapantay-pantay. Sa ganitong paraan ay natutugunan ang mga pangangailangan ng lahat ng ating kapatid. Ganito ang pagkasabi rito ng isang Kristiyanong matanda: “Kapag may nangailangan sa isang panig ng daigdig, ang mga kapatid sa ibang panig ng daigdig ay tutulong sa kanila. Kung sila ay wala sa kalagayang tumulong, kung gayon ay gagawin ito ng mga kapatid sa ibang dako. Kaya naman ang mga pangangailangan ng ating mga kapatid sa buong daigdig ay natutugunan. Ang pambuong-daigdig na kapatiran ay talagang kamangha-mangha.”​—2 Corinto 8:13-15; 1 Pedro 2:17.

Isang Kristiyanong kapatid na babae na taimtim na nagnais na daluhan ang isa sa pang-internasyonal na mga kombensiyon na ginanap sa Silangang Europa ang wala sa kalagayang gawin ang gayon. Gayunman, nabalitaan niya na ang mga kapatid doon ay lubhang nangangailangan ng mga Bibliya, kaya nagbigay siya ng kontribusyon para sa gayong mga Bibliya sa pamamagitan ng isa na dumalo. Kaya naman naranasan niya ang kaligayahan ng pagbibigay, ng pamamahagi sa kaniyang mga kapatid sa banyagang lupain.​—Gawa 20:35.

Marahil sa pamamagitan ng pagpapalawak sa iyong pag-iisip,makapagbibigay ka ng higit pang kontribusyon sa lalong lumalawak na gawaing pagtuturo ng Bibliya sa buong daigdig, anupat magdudulot ng kagalakan sa iyong sarili at gayundin sa iba.​—Deuteronomio 15:7; Kawikaan 11:24; Filipos 4:14-19.

Kapag Nagpapayo

Kapag hinilingang magbigay ng payo o pagtutuwid, ang makonsiderasyon at timbang na pangangatuwiran ay tutulong sa atin na matamo ang paggalang ng ating espirituwal na mga kapatid at makapagbigay ng tunay na mabisang tulong. Napakadaling magtuon ng pansin sa ilang katibayan at agad na gumawa ng dali-dali at isahang panig na pasiya. Ito ay nagbibigay ng impresyon na makitid ang ating isip, o baka sarado pa nga, gaya ng mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus, na may hilig na pabigatan ang iba sa pamamagitan ng kanilang walang katapusang mga alituntunin. (Mateo 23:2-4) Sa ibang panig, kung iiwasan natin ang pagmamalabis at magbibigay ng mainam na payo na matibay na nakasalig sa maka-Kasulatang mga simulain, anupat ipinaaaninaw ang matuwid ngunit timbang at maawaing pag-iisip ni Jehova, mas magiging madali para sa iba na tanggapin at ikapit ang ating mga mungkahi.

Mga ilang taon na ang nakararaan, ang mga kabataang kapatid na lalaki mula sa iba’t ibang kongregasyon ay nagtipun-tipon upang maglaro. Nakalulungkot, nagkaroon ng espiritu ng kompetisyon sa gitna nila, na nagbunga ng magagaspang na pagpapalitan ng salita. Paano nilutas ng lokal na matatanda ang problema? Palibhasa’y kinikilala ang pangangailangan ng mga kabataan na maglibang, hindi nila inirekomenda na huminto na nang lubusan. (Efeso 5:17; 1 Timoteo 4:8) Sa halip, nagbigay sila ng matatag ngunit makatuwirang mga babala tungkol sa maaaring kahantungan ng espiritu ng kompetisyon. Nagbigay rin sila ng nakatutulong na mga mungkahi, gaya ng pagkanaroroon ng isang nakatatanda at responsableng indibiduwal. Pinahalagahan ng mga kabataan ang karunungan at ang pagiging timbang ng payo at tumugon nang mainam. Bukod dito, lumago ang kanilang paggalang at pagmamahal sa matatanda.

Magsikap na Magpalawak

Bagaman maaaring hindi mo sinasadya o batid ang pagpapakita ng pagtatangi, kailangan pa rin ang dibdibang pagsisikap upang mapalawak ang iyong pag-iisip. Habang iyong pinag-aaralan ang Salita ng Diyos, bulay-bulayin ito upang makuha at maunawaan ang paraan ng pag-iisip ni Jehova. (Awit 139:17) Sikaping maunawaan ang mga dahilan ng mga pananalitang nakasaad sa Bibliya at ang mga simulaing nasasangkot, at sikaping suriin ang mga bagay-bagay gaya ni Jehova. Ito ay magiging kasuwato ng panalangin ni David: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Palakarin mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako.”​—Awit 25:4, 5.

Habang taglay mo ang isang mas malawak na pananaw, ikaw ay pagpapalain. Ang isang pagpapala ng isang pinalawak na pangmalas ay ang pagtatamo mo ng isang reputasyon bilang isang timbang at maunawaing indibiduwal. Lalo kang makatutugon sa isang mas makatuwiran at mas maunawaing paraan kapag tumutulong sa iba’t ibang situwasyon. Ito naman ay makatutulong sa kamangha-manghang pagkakaisa at kapayapaan ng Kristiyanong kapatiran.

[Mga larawan sa pahina 12]

Ang bukas-palad na pagbibigay ay nakatutulong sa iba, nagdudulot ng kagalakan sa nagbibigay, at nakalulugod sa ating makalangit na Ama