Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Mga Apoy ng Pagkamausisa sa Puso at Isip’

‘Mga Apoy ng Pagkamausisa sa Puso at Isip’

‘Mga Apoy ng Pagkamausisa sa Puso at Isip’

“Hindi kayang ipahayag ng mga salita ang kagalakan at kasiyahan na patuloy na sumisidhi habang buong pananabik na binabasa ko ang Is There a Creator Who Cares About You? Talagang pumupukaw ito ng hangarin sa isa​—ng pangangailangan pa nga​—na makaalam pa nang higit. Salamat sa pagpapaningas ng mga apoy ng pagkamausisa sa aking puso at isip.”

GANIYAN ang nadama ng isang Saksi ni Jehova mula sa North Carolina, E.U.A., tungkol sa aklat na inilabas ng Samahang Watch Tower sa “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Pandistritong mga Kombensiyon noong 1998/99. Kahit na wala kayong kopya ng aklat, pansinin ang reaksiyon ng iba.

Mga ilang araw pagkatapos na matanggap ang kaniyang kopya sa isang kombensiyon sa San Diego, California, E.U.A., isang lalaki ang sumulat: “Natutuklasan ko na totoong nakapagpapatibay ng pananampalataya ang aklat na ito. Pinupuno nito ang aking puso ng masidhing pagpapahalaga sa mga gawang paglalang ni Jehova. Nakarating na ako sa pahina 98, at hindi ko gustong marating ang katapusan nito! Ito’y totoong kasiya-siya.”

Isang babaing taga-Silangan ang sumulat: “Ang tagapagsalita sa kombensiyon ay gumamit ng pananalitang ‘isang pambihirang aklat,’ at talagang angkop ang pananalitang iyon sa nilalaman. Ang isang namumukod na katangian ay na hindi iginigiit ng aklat sa mambabasa ang pag-iral ng Diyos, gayunman, inihaharap nito ang mga katibayan.”

Kasali sa mga katibayan ang kamangha-manghang mga tuklas sa siyensiya tungkol sa ating uniberso, sa buhay, at sa atin. Marami ang napahanga rito. “Talagang hindi ko masabi kung gaano kalalim ang epekto ng maliit na aklat na ito sa akin,” ang sulat ng isang babae mula sa California. “Hindi ko maihinto ang pagbabasa sa aklat habang inilalarawan ng bawat pahina ang marami pang mga bagong tuklas tungkol sa ating uniberso at sa buhay mismo. Talagang marami akong natutuhan! Iingatan ko ang maliit na aklat na ito at ibabahagi ito sa pinakamarami hangga’t maaari.”

Ang isang katangian na ikinatuwa ng marami ay ang paraan ng aklat sa pagbubuod sa Bibliya, anupat itinatampok ang personalidad ng Maylalang. “Ang pangkalahatang larawan ng Bibliya, na iniharap sa likod ng aklat, ay isa sa pinakamahusay na aking nabasa,” ay karaniwan nang sinasabi. Di-nagtagal pagkatapos ng isang maagang kombensiyon sa New York, E.U.A., may isa pang sumulat: “Ang bagong labas ang pinakakawili-wiling publikasyon na inilimbag ninyo. Namangha ako sa makasiyensiyang mga patotoo na may isang Maylalang. Ang malinaw ngunit maikling buod ng Bibliya mismo ay sapat na upang ipaliwanag ang mga puntong binanggit at upang pukawin ang pananabik na magbasa pa nang higit.”

Madaling Unawaing Siyensiya

Ang makasiyensiyang impormasyon sa panimulang mga kabanata ay baka waring mahirap unawain, ngunit narito ang karaniwang mga reaksiyon.

Isang lalaking taga-Canada ang sumulat: “Anong laking kaibahan nito sa teknikal na mga aklat na may mga awtor na nagsisikap na pahangain tayo sa pamamagitan ng kanilang matatayog na salita. Pambihira ang inyong kakayahan bilang iskolar sa pagpapaunawa sa amin ng mga paksa tungkol sa pisika, kimika, DNA, mga chromosome, atb. Kung kayo sana ang sumulat sa mga aklat-aralin sa pamantasan na pinag-aralan ko noong mga taóng nagdaan!”

Ganito ang isinulat ng isang propesor sa pamantasan: “Maliwanag na inihaharap [nito] ang mga isyu na nasasangkot nang hindi nahahadlangan ng mga teknikal na detalye. Ang aklat ay nakikipagkatuwiran sa mga mambabasa at sumisipi sa maraming nangungunang mga siyentipiko. Ito ay ‘dapat basahin’ ng sinumang interesado sa pinagmulan ng uniberso at buhay, siya man ay isang siyentipiko o isang karaniwang tao.”

Ganito ang komento ng isang kabataang babae na kumukuha ng kurso bilang nars: “Hindi ako makapaniwala sa aking nakita nang buksan ko ang kabanata 4 at mabasa ang isang sinipi mula sa aklat na ginagamit namin sa klase! Ibinigay ko ang aklat sa aming propesor at sinabi sa kaniya na alam kong masusumpungan niyang kasiya-siya ang mga impormasyon. Ipinakita ko sa kaniya ang pahina 54 tungkol sa utak. Binasa niya ito at sinabi, ‘Maganda ito! Babasahin ko.’ ”

Sumulat ang isang miyembro ng parlamento sa Belgium: “Ang nakapukaw sa akin at nakaakit sa akin ay ang makasiyensiyang balangkas na nagdiriin na ang makabagong siyensiya ay hindi salungat sa pahiwatig ng Bibliya hinggil sa iisang Diyos kundi, sa halip, sang-ayon ito. Ito ay isang totoong kapansin-pansing pananaw.”

Higit na Pagkakilala sa Maylalang

Nakatulong ang aklat sa mga tao sa maraming lupain na higit na makilala ang Diyos at mas mapalapit sa kaniya. Ganito ang sinabi ng isang mambabasa sa Fukuoka City, Hapon: “Para bang naituon nito nang tamang-tama ang mga lente kay Jehova sa kauna-unahang pagkakataon. Ang aklat ay totoong nakakukumbinsi. Nakilala ko si Jehova mula sa isang pangmalas na hindi ko kailanman naisip magpahanggang ngayon.” Isang taga-El Salvador ang sumulat: “Ipinaliliwanag ninyo nang buong linaw kung gaano kalubos ang pagkamaawain, kagandahang-loob, pagkamabagal sa pagkagalit, at saganang maibiging-kabaitan ng Diyos. Tunay na ito mismo ang kailangan namin upang mas mapalapit sa kaniya at sa kaniyang Anak. Ito ang kauna-unahang aklat na nagpapaliwanag sa mga saloobin ni Jehova at sa makataong damdamin ng kaniyang Anak, si Jesus.” At ganito ang tugon ng isang mambabasa sa Zambia: “Lubusang nagkaroon ng bagong kahulugan sa akin si Jehova.”

Mauunawaan naman kung bakit sabik ang mga Saksi ni Jehova na ibahagi sa iba ang Is There a Creator Who Cares About You? Ganito ang sinabi ng isa: “Nang matapos kong basahin ang kabanata 10 [“If the Creator Cares, Why So Much Suffering?”], hindi ko mapigil na bumulalas, ‘Ito mismo ang aklat na kailangan namin sa Hapon!’ Gusto kong tandaang maigi ang materyal sa kabanatang ito at gamitin ito nang higit at higit sa paglilingkod sa larangan.” Isa pang babae ang nakikipag-aral ng Bibliya sa isang kabataang babae na pinalaki sa isang templo kung saan ang kaniyang ama ay isang pari. “Nahihirapan siyang tanggapin ang ideya tungkol sa isang Maylalang. Walang anumang panggigiit sa paliwanag ng aklat na ito, subalit ang mga katibayan ay naroon, kaya sa palagay ko ay maaari itong basahin ng mga Budista nang walang pag-aatubili. Naipadarama rin nito sa atin nang higit ang pag-ibig ni Jehova.”

Ganito naman ang konklusyon na galing sa Inglatera: “Katatapos ko lamang sa aklat na Creator at sisimulan ko na namang basahin ito. Napakagandang aklat nito! Talagang mapapaibig kay Jehova ang isa kapag binasa ito. Ibinigay ko ang isa sa aking kapitbahay, na matapos mabasa ang dalawang kabanata lamang ay nagsabi, ‘Hindi ko ito mabitiwan, ito’y totoong kapana-panabik.’ Natitiyak ko na makatutulong ito sa mga tao na lalong makilala at ibigin ang ating Dakilang Maylalang.”

Isang lalaki sa Maryland, E.U.A., ang nagsabi: “Talagang nanuot ito sa aking espirituwal na mga buto at utak! Plano kong magbigay ng isang kopya sa lahat ng tao na pinagtatrabahuhan ko. Kung minsan ay nahihirapan akong pasimulan ang pagpapatotoo sa gayong abala at edukadong mga tao. Taglay ang aklat na ito, makahahanap na ako ngayon ng nakaaakit at mabisang pamamaraan.”

Maliwanag, ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You? ay magkakaroon ng positibong epekto sa mga tao sa buong daigdig.

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Larawan sa pabalat na nasa itaas, Eagle Nebula: J. Hester and P. Scowen (AZ State Univ.), NASA