Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-ibig sa mga ‘Kaugnay sa Pananampalataya’

Pag-ibig sa mga ‘Kaugnay sa Pananampalataya’

Pag-ibig sa mga ‘Kaugnay sa Pananampalataya’

MAY tulad-pamilyang buklod sa gitna ng tunay na mga Kristiyano. Sa katunayan, sapol noong unang siglo C.E., tinutukoy nila ang isa’t isa bilang “kapatid na lalaki” at “kapatid na babae.” (Marcos 3:31-35; Filemon 1, 2) Ito ay hindi lamang mga salita; inilalarawan nito kung ano ang nadarama ng mga mananamba ng Diyos sa isa’t isa. (Ihambing ang 1 Juan 4:7, 8.) Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:35.

Ang gayong pag-ibig ay kitang-kita noong Hulyo 1997 nang ang isang mahabang tagtuyot ay sinundan ng malalakas na pag-ulan at pagbaha sa Chile. Sa ilang sandali, marami ang nangailangan ng pagkain, damit, at iba pang bagay. Kapag may mga sakuna, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na sundin ang payo ni Pablo sa mga taga-Galacia: “Tunay nga, kung gayon, habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.”​—Galacia 6:10.

Kaya naman, mabilis na inorganisa ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang sarili upang makatugon. Ang mga pagkain, damit, at mga katulad nito ay tinipon, pinagbukud-bukod, binalot, at pagkatapos ay ipinadala sa pinangyarihan ng sakuna. Ang mga bata ay nagbigay pa nga ng mga laruan! Isang kapatid na babae ang nagtaka nang makita niya ang Kingdom Hall na punô ng mga tulong na panustos. “Natigilan ako sa pagkakatayo, anupat hindi ko malaman kung tatawa ako o iiyak,” ang sabi niya. “Iyon ang mismong kailangan namin.”

Pagkatapos, nang di-inaasahan, lumindol sa isang bahagi ng lugar ding iyon na apektado ng pagbaha. Maraming bahay ang nawasak. Upang matugunan ang pangangailangan, mas maraming komite sa pagtulong ang binuo. Ang mga Regional Building Committee, na karaniwang nangangasiwa sa pagtatayo ng mga pasilidad ukol sa pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova, ay nakibahagi na rin at sumuporta. Ang resulta? Nakapagbigay ng mga kainamang bahay​—dinisenyo at itinayo ng mga kapatid​—sa mga nawalan ng kanilang tahanan. Bagaman ang mga tahanang ito ay hindi mararangya, ibang-iba ang mga ito sa mga ibinigay bilang pautang ng mga sekular na nagsagawa ng pagtulong at na pawang walang mga sahig at bintana at hindi napintahan.

Ang ilang kapatid ay naglakbay nang malayo upang tumulong. Ang tsirman ng isang Regional Building Committee ay gumawa ng malawak na pagsisiyasat sa dalawang magkasunod na araw​—bagaman nasa silyang de gulong na lamang. Isang bulag na kapatid na lalaki ang puspusang nagtrabaho, anupat naging tagaabot ng mga biga sa karpintero na pumuputol naman sa mga ito ayon sa nais na sukat. Isang binging kapatid na lalaki ang nagtitipon sa mga biga at dinadala ang mga ito kung saan ito kailangan.

Maraming tagamasid ang humanga sa tulong na ibinigay ng mga kapatid. Sa isang bayan ay ipinarada ang isang sasakyan ng pulisya malapit sa kinukumpuning bahay ng isang kapatid na babae. Ang mga pulis ay nag-usisa. Ang isa ay nagtanong sa isang kapatid na lalaki: “Sinu-sino ang mga manggagawang ito na waring napakasasaya, at magkano ang ibinabayad sa kanila?” Ipinaliwanag ng kapatid na sila ay pawang mga boluntaryo. Isa sa mga pulis ang nagpaliwanag na nagbabayad siya ng buwanang ikapu sa kaniyang simbahan, subalit hindi man lamang siya dinalaw ng kaniyang pastor mula ng lumindol! Kinabukasan ay nakatanggap ng tawag sa telepono ang kapatid na babae mula sa isang pulis. Napagmasdan din nito ang mga manggagawa. Sinabi niya na labis siyang humanga sa masiglang espiritu ng mga manggagawa anupat muntik na siyang nakibahagi!

Tunay, ang ginawang pagtulong sa Chile ay isang masayang karanasan para sa mga boluntaryo at isang napakahusay na patotoo sa mga tagamasid.