Yamang ang mga Paraan ng Isterilisasyon sa Ngayon ay Sinasabing Mapawawalang-Bisa Kung Hihilingin, Puwede Bang Ituring Ito ng Isang Kristiyano Bilang Isang Mapagpipiliang Pangkontrol sa Pag-aanak?
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Yamang ang mga paraan ng isterilisasyon sa ngayon ay sinasabing mapawawalang-bisa kung hihilingin, puwede bang ituring ito ng isang Kristiyano bilang isang mapagpipiliang pangkontrol sa pag-aanak?
Ang isterilisasyon ay naging pinakapalasak na paraang ginagamit sa pagpaplano ng pamilya. Para sa marami, ang pagtanggap dito ay waring nakabatay sa panlipunan at edukasyonal na mga karanasan, gayundin sa pangmalas ng relihiyon. Ang pananaw na salig sa relihiyosong paniniwala ay isang salik para sa mga Saksi ni Jehova, na umaayon sa naisin ng salmista: “Turuan mo ako, O Jehova, sa iyong daan, at patnubayan mo ako sa landas ng katuwiran.” (Awit 27:11) Ano ba ang nasasangkot sa pamamaraan ng isterilisasyon?
Ang isterilisasyon sa mga lalaki para makontrol ang pag-aanak ay tinatawag na vasectomy. Pinuputol at binabarahan ang dalawang maliit na kurdon, o tubo, na dinaraanan ng semilya sa scrotum. Magagawa ito sa iba’t ibang paraan ng panggagamot, ngunit ang intensiyon nito ay upang pigilin ang pagdaan ng semilya mula sa mga testicle. Ang tawag naman sa isterilisasyon sa mga babae ay tubal ligation. Karaniwan nang ginagawa ito sa pamamagitan ng pagputol at pagtatali (o, pagsunog) upang magsara ang mga Fallopian tube, na nagdadala naman ng mga itlog mula sa obaryo patungo sa matris.
Matagal nang itinuturing noon na ang mga paraang ito ay permanente—na ang mga ito’y nagbubunga ng hindi na mapawawalang-bisang isterilisasyon. Ngunit ang ilan, dahil sa pinagsisisihan ang kanilang ginawa o bilang resulta ng panibagong mga kalagayan, ay humihingi ng tulong sa mga doktor upang mapawalang-bisa ang vasectomy o tubal ligation. Dahil sa natuklasang makabagong mga instrumento at microsurgery, ang mga pagsubok sa pagpapawalang-bisa ay naging mas matagumpay. Hindi na nakapaninibagong mabasa na sa mga piling pasyente, posibleng maabot ang 50 hanggang 70 porsiyento ng tagumpay sa pagpapawalang-bisa sa vasectomy sa pamamagitan ng pagdurugtong-muli sa dalawang dulo ng pagkaliliit na tubo na pinutol. Sinasabing nasa 60 hanggang 80 porsiyento ang naging tagumpay sa pagpapawalang-bisa sa tubal ligation sa mga babae. Ipinalalagay ng ilang nakabatid na nito na hindi na dapat ituring na permanente ang isterilisasyon. Maaaring isipin nila na ang vasectomy at tubal ligation ay nasa kategorya na rin ng mga iniinom na kontraseptibo, condom, at mga diaphragm—mga pamamaraang maaaring itigil kung ibig nang magdalang-tao. Ngunit, may ilang malulubhang aspekto na hindi dapat ipagkibit-balikat.
Ang isa ay na ang pag-asa sa pagpapawalang-bisa ay baka lubhang maapektuhan ng mga dahilang gaya ng naging pinsala sa mga tubo sa panahong isinasagawa ang isterilisasyon, haba ng tubong inalis o kaya’y nagkapilat, ang bilang ng taóng lumipas mula nang gawin iyon, at sa kaso naman ng vasectomy, kung nagkaroon na ng mga antibody na kontra sa semilya ng lalaki. At hindi rin dapat ipagwalang-bahala ang bagay na baka walang mga pasilidad para sa microsurgery sa maraming lugar, o kaya’y napakamahal ng magagastos. Samakatuwid, hindi ito magiging posible sa marami na gustung-gustong mapawalang-bisa ang isang isterilisasyon. Para sa kanila ito’y permanente na. * Kaya ang mga pagtaya na nabanggit sa itaas hinggil sa mga pagpapawalang-bisa ay talagang teoretikal lamang, hindi mapananaligang pamantayan.
Ang ilang katunayan ay may kaugnayan sa talagang nangyayari. Isang artikulong inilathala sa Estados Unidos tungkol sa pagpapawalang-bisa sa vasectomy ang nagsabi na pagkatapos ng $12,000 na operasyon, “63 porsiyento lamang ng mga pasyente ang makapagpapangyari na magdalang-tao ang kani-kanilang kapareha.” Isa pa, “anim na porsiyento lamang ng mga lalaking nagpa-vasectomy ang nang maglaon ay nagnais na mapawalang-bisa iyon.” Sa isang pag-aaral sa Alemanya hinggil sa gitnang Europa, mga 3 porsiyento ng mga lalaki na minabuting magpasailalim sa isterilisasyon nang maglaon ay humiling ng pagpapawalang-bisa. Kahit na kalahati sa mga pagtatangkang iyon ang maaaring nagtagumpay, mangangahulugan ito na para sa 98.5 porsiyento, ang pagpapa-vasectomy ay nangangahulugan ng permanenteng isterilisasyon. At tataas pa ang bilang sa mga bansang iilan lamang o walang mga microsurgeons.
Dahil dito, hindi makatotohanan na ipagwalang-bahala ang isterilisasyon sa lalaki o babae, na para bang ito’y pansamantalang pagkontrol lamang sa pag-aanak.
At para sa tapat na Kristiyano, may iba pang aspektong dapat isaalang-alang.Ang pangunahing punto ay na ang kakayahang mag-anak ay isang kaloob mula sa Maylalang. Kabilang sa kaniyang orihinal na layunin ang pag-aanak ng mga sakdal na tao, na siyang ‘pupuno sa lupa at susupil niyaon.’ (Genesis 1:28) Matapos na mabawasan tungo sa walo ang populasyon ng lupa dahil sa Baha, inulit ng Diyos ang pangunahing mga tagubiling iyon. (Genesis 9:1) Hindi inulit ng Diyos ang utos na iyan sa bansang Israel, subalit itinuring ng mga Israelita ang pagkakaroon ng mga supling na isang bagay na kanais-nais.—1 Samuel 1:1-11; Awit 128:3.
Ang Batas ng Diyos sa Israel ay nagpapahiwatig ng kaniyang pagpapahalaga sa pag-aanak ng tao. Halimbawa, kapag namatay ang isang may-asawang lalaki bago ito magkaanak ng lalaki na siyang magpapatuloy sa kaniyang lahi, ang kaniyang kapatid na lalaki ang magbibigay ng anak sa pamamagitan ng kaayusan ng pag-aasawa bilang bayaw. (Deuteronomio 25:5) Higit pang may kaugnayan dito ang batas hinggil sa isang asawang babae na nagtangkang tumulong sa kaniyang asawang nakikipag-away. Kapag sinunggaban niya ang pribadong bahagi ng kaaway ng kaniyang asawa, ang kaniyang kamay ay puputulin; kapansin-pansin, hindi hiniling ng Diyos ang mata-sa-matang pinsala sa kaniyang mga sangkap sa pag-aanak o yaong sa kaniyang asawa. (Deuteronomio 25:11, 12) Ang batas na ito’y maliwanag na magiging dahilan ng paggalang sa mga sangkap sa pag-aanak; ang mga ito’y hindi dapat sirain kung hindi naman kailangan. *
Batid natin na ang mga Kristiyano ay hindi sakop ng Batas ng Israel, kaya hindi sila natatalian ng tuntunin sa Deuteronomio 25:11, 12. Hindi iniutos ni Jesus ni ipinahiwatig man na ang kaniyang mga alagad ay dapat mag-asawa at magkaroon ng maraming anak hangga’t maaari, na isinasaalang-alang ng maraming mag-asawa kapag nagpapasiya sila kung gagamit ng ilang paraan ng pagkontrol sa pag-aanak. (Mateo 19:10-12) Hinimok naman ni apostol Pablo ang mapupusok na ‘mga nakababatang babaing balo na mag-asawa at magsipag-anak.’ (1 Timoteo 5:11-14) Hindi niya binanggit ang permanenteng isterilisasyon ng mga Kristiyano—ang kanilang kusang-loob na pagpapaalis sa kanilang kakayahang magkaanak.
Makabubuti para sa mga Kristiyano na timbangin ang gayong mga pahiwatig na pinahahalagahan ng Diyos ang kanilang kakayahang mag-anak. Dapat tiyakin ng bawat mag-asawa kung gagamit sila at kailan sila gagamit ng angkop na paraan ng pagpaplano ng pamilya. Totoo na magiging mahalaga ang kanilang pagpapasiya kapag tiniyak ng doktor na mapapalagay sa malubhang panganib ang ina o ang bata, anupat may posibilidad pa ngang mamatay, sa susunod na pagdadalang-tao. Ang ilan na nasa ganiyang kalagayan ay atubiling nagpasailalim sa isterilisasyon gaya ng inilarawan kanina upang tiyakin na hindi isasapanganib ng pagdadalang-tao ang buhay ng ina (na maaaring may mga anak na) o niyaong sa isang bata na maaaring ipanganak na may nakamamatay na karamdaman.
Subalit ang mga Kristiyano na hindi naman napapaharap sa gayong di-pangkaraniwan at maliwanag na panganib ay tiyak na gagamit ng ‘katinuan ng isip’ at huhubugin ang kanilang pag-iisip at paggawi ayon sa pagpapahalaga ng Diyos sa kakayahang mag-anak. (1 Timoteo 3:2; Tito 1:8; 2:2, 5-8) Ito’y magpapaaninag ng may-gulang na pagkaunawa sa mga pahiwatig ng Kasulatan. Ngunit, kumusta naman kung naging hayagan ang padalus-dalos na pagwawalang-bahala ng isang Kristiyano sa mga desisyon ng Diyos? Hindi kaya mag-alinlangan ang iba kung siya’y dapat pang ituring na isang magandang halimbawa, anupat kilalang nagpapasiya kasuwato ng Bibliya? Mangyari pa, ang gayong nakababalisang batik sa reputasyon ng isa ay nakaaapekto sa pagiging kuwalipikado ng isang ministro para sa mga pantanging pribilehiyo ng paglilingkod, bagaman hindi magkakagayon kung ang isang nagpasailalim sa pamamaraang ito ay kulang sa kabatiran.—1 Timoteo 3:7.
[Mga talababa]
^ “Ang pagtatangkang mapagdugtong-muli ang [vas deferens] sa pamamagitan ng operasyon ay may di-kukulangin sa 40 porsiyentong tagumpay, at may ilang patunay na matatamo pa ang higit na tagumpay sa pamamagitan ng pinagbuting mga pamamaraan ng microsurgery. Sa kabila nito, ang isterilisasyon sa pamamagitan ng vasectomy ay dapat ituring na permanente.” (Encyclopædia Britannica) “Ang isterilisasyon ay dapat ituring na permanenteng pamamaraan. Sa kabila ng mga naririnig na ng pasyente hinggil sa pagpapawalang-bisa, ang pagdurugtong-muli (reanastomosis) ay napakamahal, at hindi magagarantiyahan ang tagumpay. Para sa mga babaing nagpawalang-bisa sa tubal sterilization, napakataas ng posibilidad na magbuntis sa labas ng matris.”—Contemporary OB/GYN, Hunyo 1998.
^ Isa pang batas na waring may kaugnayan ay nagsasabi na walang lalaking makapapasok sa kongregasyon ng Diyos kung ang kaniyang ari ay labis na napinsala. (Deuteronomio 23:1) Gayunman, binabanggit ng Insight on the Scriptures na ito’y maliwanag na “may kinalaman sa kusang pagpapakapon para sa imoral na layunin, gaya ng homoseksuwalidad.” Samakatuwid, hindi sangkot sa batas na iyon ang pagkakapon o ang katumbas nito na pagkontrol sa pag-aanak. Sinabi rin ng Insight: “Buong-kaaliwan na inihula ni Jehova ang panahon na tatanggapin niya ang mga bating bilang kaniyang mga lingkod at, kung sila’y masunurin, magkakaroon sila ng pangalang mas mabuti kaysa sa mga anak na lalaki at mga anak na babae. Sa pag-aalis ni Jesu-Kristo sa Batas, lahat ng sumasampalataya, anuman ang kanilang dating kalagayan o kondisyon, ay maaaring maging espirituwal na mga anak ng Diyos. Inalis na ang pagtatangi salig sa laman.—Isaias 56:4, 5; Juan 1:12.”