Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang “Kapatirang Polako”—Bakit Sila Pinag-usig?

Ang “Kapatirang Polako”—Bakit Sila Pinag-usig?

Ang “Kapatirang Polako”​—Bakit Sila Pinag-usig?

Noong 1638, ang parlamentong Polako ay nagpasapit ng matinding dagok sa isang maliit na relihiyosong grupo na kilala bilang ang Kapatirang Polako (Polish Brethren). Isang simbahan at palimbagan na pag-aari ng grupo ang sinira. Ang University of Raków ay isinara, at ang mga propesor na nagtuturo ay ipinatapon.

Pagkalipas ng dalawampung taon, higit pa ang ginawa ng parlamento. Ipinag-utos nito na ang bawat miyembro ng grupo, na maaaring may bilang na 10,000 o higit pa, ay umalis ng bansa. Paanong naging lubhang mapanganib ang kalagayan sa isang bansa na, noong panahong iyon, ay itinuturing na isa sa pinakamapagparaya sa buong Europa? Ano ba ang nagawa ng Kapatirang Polako upang maging karapat-dapat sa gayong malupit na pakikitungo?

NAGSIMULA itong lahat nang magkaroon ng isang malubhang pagkakasira sa loob ng Simbahang Calvinista sa Poland. Ang mahalagang puntong pinag-awayan ay ang doktrina ng Trinidad. Tinanggihan ng mga lider ng isang makabagong kilusan sa loob ng simbahan ang doktrina bilang hindi makakasulatan. Ikinagalit ito ng liderato ng simbahan at naging dahilan ng paghiwalay ng makabagong kilusan sa grupo.

Tinawag ng mga Calvinista ang mga disidente na mga Arian, * subalit mas pinili ng bagong grupo na tawagin ang kanilang mga sarili na mga Kristiyano o ang Kapatirang Polako. Nakilala rin sila bilang mga Sociniano, isinunod sa pangalan ni Laelius Socinus, isang Italyanong naimpluwensiyahan ni Servetus at na ang pamangking si Faustus Socinus ay naglakbay patungong Poland at naging tanyag sa kilusan.

Noong panahon na iyon isang maharlikang Polako, si Jan Sienieński, ang naghangad na bigyan ang bagong simbahan ng tinawag niyang “isang tahimik at liblib na dako” upang doon lumago. Sa paggamit ng isang pantanging pribilehiyo na ipinagkaloob sa kaniya ng hari ng Poland, itinatag ni Sienieński ang bayan ng Raków, na nang maglaon ay naging sentro ng Socinianismo sa Poland. Pinagkalooban ni Sienieński ang mga mamamayan ng Raków ng maraming karapatan, pati na ang karapatang sumamba nang may kalayaan.

Ang mga artisano, doktor, parmaseutiko, taong-bayan, at maharlikang tao mula sa iba’t ibang denominasyon ay naakit sa bagong bayan. Karagdagan pa, dumagsa roon ang mga ministro mula sa Poland, Lithuania, Transylvania, Pransiya, at pati na sa Inglatera. Gayunman, hindi lahat ng mga bagong dating na ito ay sumasang-ayon sa mga paniniwala ng mga Sociniano; kaya sa sumunod na tatlong taon, mula 1569 hanggang 1572, ang Raków ay naging lugar ng walang-katapusang teolohikal na mga talakayan. Ano ang naging resulta?

Isang Nahahating Sambahayan

Ang kilusang Sociniano mismo ay nahati, yaong tumanggap sa mas radikal na mga pangmalas sa isang panig at yaon namang mayroong mas katamtamang mga ideya ay sa kabilang panig. Gayunman, sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba, katangi-tangi ang mga paniniwalang kanilang pinanghahawakan. Tinanggihan nila ang Trinidad; hindi sila nagbabautismo ng sanggol; karaniwang hindi sila nagdadala ng sandata at ayaw nilang humawak ng tungkulin sa tanggapang bayan. * Ikinaila rin nila ang pag-iral ng impiyerno bilang isang dakong pahirapan. Sa lahat ng ito, winalang-bahala nila ang popular na mga relihiyosong tradisyon.

Kapuwa ang mga klerong Calvinista at Katoliko ay nagsagawa ng matinding pagsalansang laban sa grupo, subalit sinamantala ng mga ministrong Sociniano ang relihiyosong pagpaparaya, na itinataguyod ng mga haring Polako na gaya ni Sigismund II Augustus at Stephen Báthory, upang ituro ang kanilang mga ideya.

Ang Mahalagang Gawa ni Budny

Isang Calvinistang salin ng Bibliya, na malawakang ginagamit noong panahong iyon, ang hindi nakatutugon sa pangangailangan ng maraming mambabasa. Ang pagsasalin ay ginawa, hindi mula sa orihinal na mga wika, kundi mula sa Latin Vulgate at sa kapanahong salin sa Pranses. “Ang katapatan at katumpakan ng kaisipan ay isinakripisyo alang-alang sa magandang istilo,” sabi ng isang awtoridad. Maraming pagkakamali ang naipasok. Kaya naman, isang kilalang iskolar na nagngangalang Szymon Budny ang inanyayahan upang iwasto ang pagkakasalin. Naipasiya niyang mas madaling gumawa ng isang ganap na bagong salin kaysa iwasto ang luma. Sinimulan ni Budny ang proyekto noong mga 1567.

Sa pagsasalin, lubusang sinuri ni Budny ang bawat salita at ang mga anyo nito sa paraan na hindi nagawa ng sinuman sa Poland noon. Kung mahirap isalin ang Hebreong teksto, ipinahihiwatig niya ang literal na salin sa mga nota sa gilid. Kung kinakailangan, bumubuo siya ng bagong mga salita at sinisikap niyang gumamit ng simple at pang-araw-araw na salitang Polako noong kaniyang panahon. Ang kaniyang tunguhin ay iharap sa mambabasa ang isang matapat at tumpak na salin ng Bibliya.

Ang salin ni Budny sa buong Bibliya ay nailathala noong 1572. Gayunman, binago ng mga tagapaglathala ng kaniyang akda ang kaniyang salin ng Griegong Kasulatan. Hindi nahadlangan, sinimulan ni Budny na rebisahin ang bersiyon, na natapos pagkalipas ng dalawang taon. Ang mahusay na salin ni Budny ng Griegong Kasulatan ay nakahihigit sa dating mga salin sa Polako. Karagdagan pa, sa maraming dako ay isinauli niya ang banal na pangalan, na Jehova.

Noong dakong huli ng ika-16 na siglo at noong unang tatlong dekada ng ika-17 siglo, ang Raków, ang kabisera ng kilusan, ay naging isang sentrong panrelihiyon at pang-intelektuwal. Doon naglathala ang mga lider at manunulat ng Kapatirang Polako ng kanilang mga pulyeto at mga akda.

Kanilang Itinaguyod ang Edukasyon

Ang gawaing paglalathala ng Kapatirang Polako ay sumigla noong mga 1600 nang mabuo ang isang palimbagan sa Raków. Ang palimbagan ay nakagagawa kapuwa ng maliliit na artikulo o malalaking aklat sa ilang wika. Bilang sentrong palimbagan, di-nagtagal ay nakaribal ng Raków ang pinakamahusay na palimbagan sa Europa. Pinaniniwalaang kasindami ng 200 publikasyon ang inimprenta sa palimbagang ito sa sumunod na 40 taon. Isang kalapit na pagawaan ng papel, na pag-aari ng Kapatirang Polako, ang nagtustos ng mataas-na-uring papel para sa literaturang ito.

Agad na nakita ng Kapatirang Polako ang pangangailangang turuan ang kanilang mga kapananampalataya at ang iba. Sa layuning iyan, itinatag ang University of Raków noong 1602. Nag-aral doon ang mga anak na lalaki ng Kapatirang Polako, gayundin ang mga batang lalaki na Katoliko at Protestante. Bagaman ang unibersidad ay isang teolohikal na seminaryo, hindi lamang relihiyon ang asignaturang itinuturo roon. Bahagi rin ng kurikulum ang mga wikang banyaga, etika, ekonomiks, kasaysayan, batas, lohika, natural sciences, matematika, medisina, at gymnastics. Ang unibersidad ay may malaking aklatan, na patuloy na lumalago, dahil sa lokal na palimbagan.

Sa pagpapatuloy ng ika-17 siglo, waring patuloy na uunlad ang Kapatirang Polako. Subalit, hindi gayon.

Pinagtulungan ng Simbahan at Estado

Ganito ang paliwanag ni Zbigniew Ogonowski ng Polish Academy of Sciences: “Sa pagtatapos ng ikatlong dekada ng ika-17 siglo, mabilis na humina ang kalagayan ng mga Arian sa Poland.” Ito’y dahil sa tumatapang na gawain ng klerong Katoliko. Ginamit ng klero ang lahat ng posibleng paraan, kalakip na ang paninirang-puri at libelo, upang siraan ang Kapatirang Polako. Pinadali pa ng isang pagbabago sa pulitikal na kalagayan sa Poland ang pag-atake. Ang bagong haring Polako, si Sigismund III Vasa, ay isang kaaway ng Kapatirang Polako. Itinaguyod din ng mga humalili sa kaniya, lalo na si John II Casimir Vasa, ang mga pagsisikap ng Simbahang Katoliko upang hadlangan ang Kapatirang Polako.

Ang kalagayan ay umabot sa sukdulan nang sadyang lapastanganin daw ng ilang estudyante mula sa Raków ang krus. Ang insidenteng ito ang naging dahilan ng pagkawasak ng kabisera ng Kapatirang Polako. Ang may-ari ng Raków ay pinaratangan sa hukumang pamparlamento ng ‘pagpapalaganap ng kabalakyutan’ sa pamamagitan ng pagsuporta sa University of Raków at sa palimbagan nito. Ang Kapatirang Polako ay inakusahan ng subersibong gawain, ng pagsasagawa ng magulong pagsasaya, at ng pamumuhay nang imoral. Ang parlamento ay nagpasiyang dapat isara ang Raków University at na dapat sirain ang palimbagan at simbahan na pag-aari ng Kapatirang Polako. Ang mga mananampalataya ay pinag-utusang umalis sa bayan. Ang mga propesor sa unibersidad ay pinalayas sa bansa sa ilalim ng parusang kamatayan. Ang ilan sa Kapatirang Polako ay lumipat sa mas ligtas na mga kanlungan, tulad ng Silesia at Slovakia.

Ipinag-utos ng parlamento noong 1658 na ipagbili ng Kapatirang Polako ang kanilang ari-arian at lumipat sa ibang bansa sa loob ng tatlong taon. Nang maglaon, ang itinakdang panahon ay pinaikli sa dalawang taon. Ang sinumang nagpapahayag ng kanilang paniniwala pagkaraan niyan ay papatayin.

Ang ilang Sociniano ay nanirahan sa Netherlands, kung saan kanilang ipinagpatuloy ang kanilang gawaing paglilimbag. Sa Transylvania, isang kongregasyon ang umiral pa hanggang noong pasimula ng ika-18 siglo. Sa kanilang mga pulong, na idinaraos nang tatlong beses sa isang linggo, sila’y umaawit ng mga salmo, nakikinig sa mga sermon, at nagbabasa mula sa isang inihandang katesismo upang magpaliwanag ng kanilang mga turo. Upang maingatan ang kadalisayan ng kongregasyon, ang mga kapananampalataya ay itinutuwid, pinapayuhan at, kung kinakailangan, itinitiwalag.

Ang Kapatirang Polako ay mga estudyante ng Salita ng Diyos. Natuklasan nila ang ilang mahahalagang katotohanan, at hindi nag-atubiling ibahagi ang mga ito sa iba. Gayunman, sa dakong huli ay nangalat sila sa Europa anupat higit at higit na nahirapan silang mapanatili ang kanilang pagkakaisa. Sa kalaunan, naglaho na ang Kapatirang Polako.

[Mga talababa]

^ par. 5 Si Arius (250-336 C.E.) ay isang paring taga-Alexandria na nangatuwirang si Jesus ay nakabababa sa Ama. Tinanggihan ng Konseho ng Nicaea ang kaniyang pangmalas noong 325 C.E.​—Tingnan ang Hunyo 22, 1989, na Gumising! sa pahina 27.

^ par. 9 Tingnan ang Gumising!, Nobyembre 22, 1988, pahina 19, “Mga Sociniano​—Bakit Nila Tinanggihan ang Trinidad?”

[Larawan sa pahina 23]

Isang bahay na dating pag-aari ng isang ministrong Sociniano

[Mga larawan sa pahina 23]

Itaas: Ang Raków ngayon; nasa kanan ang monasteryong itinatag noong 1650 upang pawiin ang anumang bakas ng “Arianismo”; ibaba: Sa dakong ito itinayo ng mga klerong Katoliko ang isang krus upang lumikha ng away sa Kapatirang Polako

[Picture Credit Line sa pahina 21]

Titulong kard ng Biblia nieświeska ni Szymon Budny, 1572