Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kailangan Natin ang Organisasyon ni Jehova

Kailangan Natin ang Organisasyon ni Jehova

Kailangan Natin ang Organisasyon ni Jehova

MAY narinig na ba kayong sinuman na nagsabi, “Naniniwala ako sa Diyos ngunit hindi sa isang organisadong relihiyon”? Ang katulad na mga pangmalas ay madalas na ipinahahayag ng mga indibiduwal na dating masisigasig na nagsisimba na nasiphayo sa pagkabigo ng kanilang relihiyon na matugunan ang kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Bagaman nasiraan ng loob sa relihiyosong mga organisasyon sa pangkalahatan, iginigiit ng marami na nais pa rin nilang sambahin ang Diyos. Gayunman, naniniwala sila na mas mabuti pang sambahin siya sa kanilang sariling paraan kaysa sa gawin iyon kasama ang isang relihiyon o ibang organisasyon.

Ano ba ang sinasabi ng Bibliya? Nais ba ng Diyos na mapasama ang mga Kristiyano sa isang organisasyon?

Nakinabang ang Sinaunang mga Kristiyano sa Pagiging Organisado

Noong Pentecostes 33 C.E., ibinuhos ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu, hindi sa ilang nakabukod na mga mananampalataya, kundi sa isang grupo ng mga lalaki at babae na nagtipong magkakasama “sa isang dako,” alalaong baga, sa isang silid sa itaas sa lunsod ng Jerusalem. (Gawa 2:1) Kasabay nito, ang Kristiyanong kongregasyon, na naging isang internasyonal na organisasyon, ay itinatag. Ito’y napatunayang isang tunay na pagpapala para doon sa sinaunang mga alagad. Bakit? Una, binigyan sila ng isang mahalagang atas​—yaong pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos nang dakong huli “sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14) Sa kongregasyon ay matututuhan ng bagong mga kumberte mula sa makaranasang kapuwa mga mananampalataya kung paano isasagawa ang gawaing pangangaral.

Di-nagtagal ang mensahe ng Kaharian ay lumaganap hanggang sa labas ng pader ng Jerusalem. Sa pagitan ng 62 at 64 C.E., isinulat ng apostol Pedro ang kaniyang unang liham sa mga Kristiyano na “nakapangalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia,” lahat ay nasa modernong-panahong Turkey. (1 Pedro 1:1) May mga mananampalataya rin sa Palestina, Lebanon, Siria, Ciprus, Gresya, Creta, at Italya. Gaya ng isinulat ni Pablo sa mga taga-Colosas noong 60-61 C.E., ang mabuting balita ay ‘naipangaral na sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.’​—Colosas 1:23.

Ang ikalawang pakinabang ng pakikisama sa isang organisasyon ay ang maibibigay na pampatibay ng mga Kristiyano sa isa’t isa. Sa pakikisama sa kongregasyon, makakapakinig ang mga Kristiyano ng nakapupukaw na mga pahayag, makapag-aaral ng Banal na Kasulatan nang magkakasama, makapagpapalitan ng nakapagpapatibay-pananampalatayang mga karanasan, at makakasama ang kapuwa mga mananampalataya sa panalangin. (1 Corinto, kabanata 14) At ang maygulang na mga lalaki ay ‘makapagpapastol sa kawan ng Diyos.’​—1 Pedro 5:2.

Bilang mga miyembro ng kongregasyon, nakikilala ng mga Kristiyano ang isa’t isa at napapamahal sila sa isa’t isa. Sa halip na mabigatan sa kanilang pakikisama sa kongregasyon, ang sinaunang mga Kristiyano ay napatibay at napalakas sa pamamagitan nito.​—Gawa 2:42; 14:27; 1 Corinto 14:26; Colosas 4:15, 16.

Ang isa pang dahilan kung bakit kailangan ang nagkakaisang pambuong daigdig na kongregasyon, o organisasyon, ay upang itaguyod ang pagkakaisa. Natuto ang mga Kristiyano na “magsalita nang magkakasuwato.” (1 Corinto 1:10) Ito ay mahalaga. Ang mga miyembro ng kongregasyon ay may iba’t ibang pinag-aralan at lipunang mga pinagmulan. Nagsasalita sila ng iba’t ibang wika, at mayroon silang malinaw na pagkakaiba sa personalidad. (Gawa 2:1-11) Kung minsan, may tunay na mga pagkakaiba sila ng opinyon. Gayunman, ang mga Kristiyano ay natulungan na ayusin ang gayong mga pagkakaiba sa loob ng kongregasyon.​—Gawa 15:1, 2; Filipos 4:2, 3.

Ang maseselan na katanungan na hindi kayang hawakan ng lokal na mga matatanda ay isinasangguni sa may-gulang na naglalakbay na mga tagapangasiwa, gaya ni Pablo. Ang mahahalagang bagay hinggil sa doktrina ay isinasangguni sa isang sentral na lupong tagapamahala na matatagpuan sa Jerusalem. Ang lupong tagapamahala noong una ay binubuo ng mga apostol ni Jesu-Kristo ngunit nang dakong huli ay pinalawak upang mapabilang ang matatandang lalaki ng kongregasyon sa Jerusalem. Kinikilala ng bawat kongregasyon ang bigay-Diyos na awtoridad ng lupong tagapamahala at ang mga kinatawan nito upang organisahin ang ministeryo, humirang ng mga lalaki sa mga posisyon ng paglilingkod, at gumawa ng mga desisyon sa mga bagay tungkol sa doktrina. Nang malutas ng lupong tagapamahala ang isang isyu, tinanggap ng mga kongregasyon ang pasiya at “nagsaya sa pampatibay-loob.”​—Gawa 15:1, 2, 28, 30, 31.

Oo, gumamit si Jehova ng isang organisasyon noong unang siglo. Ngunit kumusta naman ngayon?

Kailangan Natin ang Isang Organisasyon Ngayon

Kagaya ng kanilang unang-siglong mga katapat, dinidibdib ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang atas na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. Ang isang paraan na isinasagawa nila ang gawaing ito ay sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga Bibliya at mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, na nangangailangan ng organisasyon.

Ang mga publikasyong Kristiyano ay kailangang maingat na ihanda, tiyakin ang ganap na kawastuan, ilimbag, at pagkatapos ay ipadala sa mga kongregasyon. Sa kabilang panig, ang indibiduwal na mga Kristiyano ay kailangang magboluntaryo upang dalhin ang mga literatura sa mga nagnanais na bumasa nito. Narating ng mensahe ng Kaharian ang milyun-milyon sa paraang ito. Nagsisikap ang mga mamamahayag ng mabuting balita na isagawa ang kanilang gawaing pangangaral sa isang maayos na paraan, anupat tinitiyak na walang bahagi ng teritoryo ang labis na ginagawa samantalang ang ibang bahagi naman ay napapabayaan. Lahat ng ito ay nangangailangan ng organisasyon.

Yamang “ang Diyos ay hindi nagtatangi,” ang mga Bibliya at literatura sa Bibliya ay kailangang isalin. (Gawa 10:34) Sa kasalukuyan, ang magasing ito ay makukuha sa 132 wika, at ang kasama nito, ang Gumising!, ay inilalathala sa 83 wika. Iyan ay nangangailangan ng mga grupo ng tagapagsalin sa buong daigdig na mabuti ang pagkakaorganisa.

Ang mga miyembro ng kongregasyon ay tumatanggap ng pampatibay kapag dumadalo sila sa Kristiyanong mga pagpupulong at mga asamblea. Doon ay nakaririnig sila ng nakapagpapasiglang mga pahayag sa Bibliya, nakapag-aaral ng Kasulatan nang magkakasama, nagpapalitan ng nakapagpapatibay na mga karanasan, at nakakasama ang kapuwa mga mananamba sa panalangin. At tulad ng kanilang mga kapatid noong unang siglo, tinatamasa nila ang mga nakapagpapalakas-pananampalatayang mga pagdalaw mula sa maibiging naglalakbay na mga tagapangasiwa. Kung kaya, ang mga Kristiyano sa ngayon ay bumubuo ng “isang kawan, isang pastol.”​—Juan 10:16.

Siyempre pa, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi sakdal, maging ang kanilang mga sinaunang mga katapat. Gayunman, sila’y gumagawang magkakasama sa pagkakaisa. Bunga nito, ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay naisasakatuparan sa buong lupa.​—Gawa 15:36-40; Efeso 4:13.

[Larawan sa pahina 31]

Ang mga Kristiyano sa ngayon ay bumubuo ng “isang kawan, isang pastol”